Miyerkules, Pebrero 18, 2026

Sa Nuclear Energy Safety Act, nukleyar nga ba'y ligtas?

SA NUCLEAR ENERGY SAFETY ACT, NUKLEYAR NGA BA'Y LIGTAS?
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nagulat ako sa dinaluhan kong Nuclear Energy 101. Sa talakayan kanina, nabatid kong naisabatas na pala ang Republic Act No. 12305 o ang Philippine National Nuclear Energy Safety Act (PhilAtom Law) na nilagdaan nitong Setyembre 2025. Nilikha nito ang Philippine Atomic Energy Regulatory Authority (PhilAtom).

Ang tanong nga, paano naging safe ang nuclear energy? Saan ilalagak ang mga nuclear waste? Bakit kaybilis maisabatas ng RA 12305? Dahil ba sinabi ni Rep. Mark Cojuangco kay BBM na proyekto ni Marcos Sr. ang nukleyar kaya dapat itong iprayoridad?

Dumating ako sa venue ng bandang alauna ng hapon, at dumalo roon ang maraming environmental advocates. Batid naman nating maraming environmentalist ang tutol sa enerhiyang nukleyar.

Lalo na kung titingnan at susuriin ang mga nangyari sa Chernobyl sa Russia, sa Three Mile Island sa US, at sa Fukushima sa Japan. Dalawang ekspertong makakalikasan ang naging tagapagsalita. Ito'y sina Dr. Toby Dayrit, Professor Emeritus mula sa Ateneo de Manila University College of Science, at si Charles Diaz, Senior Data Analyst mula sa Institute for Climate and Sustainable Cities (ICSC). Nagbigay rin ng ilang punto si Dra. Nina Galang ng Green Convergence, at ang iba pang mga dumalo.

Isa sa mga sinabi nila ang nakapukaw sa aking atensyon. May nukleyar ang ibang bansa dahil maraming wala sa kanila, na nasa bansa natin, tulad ng solar energy, wind mill, hydropower plant, geothermal plant, tidal current energy, at iba pa. Napakaraming opsyon ng Pilipinas para sa kuryente tulad ng renewable energy. Subalit nais pa rin nito ang magkaroon ng enerhiyang nukleyar sa bansa.

Bakit kailangan pang buhayin ang patay (BNPP)? Kasi naroon pa raw ang bangkay (gusaling planta) at hindi pa naaagnas.

Tila paurong ang ating bansa, imbes na pasulong, sa usaping kalikasan. Ito'y dahil na rin marahil sa kikitain ng mga nagsusulong ng enerhiyang nukleyar kaysa kabutihan ng mamamayan, lalo na ng mahihirap. Pag kapitalismo talaga ang umiral, sisirain nito ang kalikasan kahit pa mamatay ang mamamayan. Wala silang pakialam dahil wala namang puso ang kapitalismo kundi ang tutubuin.

Dagdag pa, ang mga nuclear waste ay toksiko sa loob ng mahigit 100,000 taon, ayon sa saliksik. Paano natin maiimbak ang mga nakalalasong basurang iyon sa paraang ligtas nang ganoon katagal, kasama ang pagsusulat ng mensahe na magbabala sa mga tao upang lumayo sa mga lugar na iyon ng imbakan?

Ang mga negosyante, lalo na ang mga pulitiko, ay walang pakialam sa kapakanan ng mga mahihirap. Sila'y tila walang problema sa paglalagay ng ating perang buwis sa kaban ng mga makapangyarihang kumpanya ng enerhiya upang suportahan ang mga mapanganib na nuclear power plant.

BATAS NA MAPANIRÀ

may bago na namang batas na mapanirà
sa kalikasan at kabuhayan ng madlâ
ang National Nuclear Energy Safety Act
batas bang ito'y sa kalikasan wawasak?

tila baga sa mga nangyaring sakuna
sa Chernobyl, Three Mile Island at Fukushima
sila'y pikit mata sa ngalan ng negosyo
tumubo lang, walang pakialam sa tao

sagad-sagarin ang kapitalismong manhid
na sa kapahamakan tayo binubulid
ligtas daw ang nukleyar, anang bagong batas
ngunit pag nagsakuna'y di talaga ligtas

may alternatibo, renewable energy
unahin ito kung tunay na nagsisilbi
huwag nang magpabola sa trapong hunyangò
na madalas namang pangako'y napapakò

02.18.2026

Martes, Pebrero 17, 2026

Pinuntahang dalawang burol sa loob ng tatlong araw

PINUNTAHANG DALAWANG BUROL SA LOOB NG TATLONG ARAW
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Linggo, Pebrero 15, 2026, pinuntahan ko ang burol ng aking tiyahin kaya madaling araw pa lang ay nagbiyahe na ako mula Cubao, Quezon City patungong Nasugbu, Batangas. Nakarating ako roon ng bandang ikapito ng umaga. Ikasampu ng umaga ay bumiyahe na kami patungong bayan ng Calaca.

Dumating kami pasado alas-dose ng tanghali. Matapos misahan sa simbahan ng San Raphael ng alauna ng hapon ay inilibing na ang Tiya katabi ng puntod ng aking ama, ng dalawa pang tiya, at ng aking mamay (lolo) at inang (lola). Si Tiya Oreng ang tumanggap ng tapis sa ikalawang kasal namin ni misis sa katutubong Igorot na ritwal (July 6, 2018). Kinabukasan naman ang ikatlong kasal sa simbahan (July 7, 2018, na itinaon namin sa anibersaryo ng Katipunan).

Martes, Pebrero 17, 2026, pinuntahan ko naman ang burol ng asawa ng aking pinsang buo sa Taytay, Rizal. Umalis ako ng Cubao bandang ikalawa ng hapon at dumating roon ng ikaapat ng hapon. Malaking tulong ang waze upang makarating sa bahay ng namatay na Kuya, at mula highway ay nilakad ko lang dahil ayon sa waze ay 600 meter lang. Hindi na ako nag-tricycle. Inagahan ko ang punta dahil sa maraming gawain at di na makakadalo sa libing ng Huwabes, Pebrero 19.

Walumpu't pitong taong gulang si Tiya Oreng habang pitumpung taong gulang naman si Kuya Francis.

Minsan, pag may patay na lang nagkikita-kita ang magkakamag-anak. Kwentuhan. Minsan, may tagay, pasimple. Ang mahalaga'y ang pagkikita at pagbibigay galang sa namayapang kamag-anak.

KAMATAYAN

sadyang malungkot mawalan ng minamahal
subalit paano tatanggapin ang ganyan?
tulad ni misis na sa akin nang mawalay
ay apatnapu't isang taong gulang lamang

paano tatanggapin? masasagot ko ba?
kung sugat ba nang pagkawala'y naghilom na?
marahil, di ko ito masasagot basta
anila, buhay ay mahiwagang talaga

may mga isinisilang, may namamatay
may nagsasabing ganyan talaga ang buhay
sila'y naroon na sa mapagpalayang kamay
nang sabi'y Dakilang Manggagawa ngang tunay

02.17.2026

Sabado, Pebrero 14, 2026

Pamimigay ng mga aklat sa Araw ng mga Pusò

BOOK GIVING SA ARAW NG MGA PUSÒ
Maikling sanaysay at tulâ ni Gregorio V. Bituin Jr.

Friday the 13th, madaling araw, nang mabasa ko ang ibinahaging patalastas ng Santelmo Publication sa pesbuk, hinggil sa Book Giving sa Quezon City Public Library sa Araw ng mga Pusò, ng ikasiyam ng uamaga. Para rin ang donasyong ito sa mga PDL (Persons Deprived of Liberty) na nasa Quezon City Jail.

Bago mag-ikawalo ng umaga ng Pebrero 14, 2026, ikawalong anibersaryo ng civil wedding namin ni misis sa Tanay, katatapos ko lang ng isang tulâ bilang pag-alala sa namayapa kong asawa, nang mabasa ko muli sa patalastas ng Santelmo ang oras na 9am-10am. Akala ko'y 9am-12nn, mali pala ako. Kaya pandalas akong naligo, nagbihis, kumuha ng mga aklat na ido-donate ko, at naghandâ nang umalis.

Pagkarating ko'y alas-nuwebe y medya na. Nagsimula na ang programa. Naabutan kong namimigay na ng mga aklat si Rio Alma o National Artist Virgilio Almario. Kaya pasimple ko ring ibinigay sa isang staff na naroon ang donasyon kong tiglimang aklat ng mga ginawa kong libreto - ang "Malayang Salin ng mga Tula ng mga Makatang Palestino" at ang "Tula't Tuligsa Laban sa Korapsyon."

Nang mag-selfie ako kay Rio Alma, nakangiti siyang sinabi sa akin, "O, Greg!" na ibig sabihin, natatandaan pa niya ako. Pambihirang pagkakataong muli siyang makadaupang palad.  Kaya binigyan ko rin siya ng kopya ng dalawa kong aklat. Naging guro ko siya sa LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo) noong Setyembre 2001 hanggang Marso 2002.

Dumalo rin doon ang mga kamag-anak ng mga nakakulong sa QC Jail, mga taga-BJMP (Bureau of Jail Management and Penology), at mga staff ng Santelmo Publications.

Tinawag din ang pangalan ko ng emcee bilang isa sa mga nag-ambag ng aklat. Naisip ko nga, ano bang iiwan ko sa mundo kundi mga kinatha kong kwento't tulâ. Kaya ang mag-ambag sa mga aklatan ng nagawâ kong aklat ay isang marangal na adhikà.

PAG-AMBAG NG AKLAT

kaysarap mag-ambag nitong gawa kong libro
sa tulad ng Quezon City Public Library
at Quezon City Jail, kanina lamang ito
ambag bilang makatang sa bayan nagsilbi

aking inalay ang dalawa kong nagawâ
"Malayang Salin ng mga Tulâ ng mga
Makatang Palestino" at "Tula't Tuligsâ
Laban sa Korapsyon", salamat po talaga

kaysaya kong buong puso nilang tinanggap
ang munti kong librong bunga ng pagsisikap
bagamat pulitikal, ito'y mapaglingap
sa naapi para sa lipunang pangarap

nakapag-selfie na rin sa makatang Rio
Alma, National Artist Virgilio Almario
muli, salamat po sa patalastas ninyo
kaya talagang ako'y nagpuntang totoo

02.14.2026

* mga litrato kuha sa Book Giving sa Quezon City Public Library

Huwebes, Pebrero 12, 2026

Ang aklat ng 34 na kwento ni H. G. Wells

ANG AKLAT NG 34 NA KWENTO NI H. G. WELLS
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Katulad ng manunulat na Pranses na si Jules Verne ay kilala rin ang manunulat na Ingles na si Herbert George Wells sa mundo ng science fiction. Mayroon na ako ng mga aklat ni Verne, tulad ng  Journey to the Center of the Earth, Twenty Thousand Leagues Under the Seas, at Around the World in Eighty Days. Subalit wala pa akong kalipunan ng mga maikling kwento ni Verne.

Kaya nang makita ko ang aklat na The Crystal Egg & Other Stories ni H. G. Wells ay di na ako nagdalawang isip na bilhin iyon sa Book Sale sa Farmers Plaza, kaninang hapon, Pebrero 12, 2026. Bihira ang ganitong pagkakataon. Gayunman, mayroon na ako ng ilang klasikong nobela ni H. G. Wells, tulad ng The Time Machine, at The War of the Worlds. Habang napanood ko naman sa sinehan ang kanyang nobelang The Island of Doctor Moreau, at napanood sa telebisyon ang kanyang The Invisible Man

Nabili ko ang nasabing aklat sa halagang P240. Pambili ko sana iyon ng limang kilong bigas na tig-50 ang kilos, subalit hindi ko pinalampas ang pagkakataong bilhin ang aklat. Sanay naman akong mag-fasting, huwag lang palagi.

Umabot din ang aklat ng 480 pahina (30 pahina ang naka-Roman numeral, habang 450 pahina naman ang naka-Hindu Arabic numeral. Ang aklat ay may sukat na 5" x 7.75" at kapal na 1". Naglalaman iyon ng tatlumpu't apat na kwento.

bihira ko lang makita sa mga book store
itong kalipunan ng maiikling kwento
ni H. G. Wells kaya binili ko na ngayon
bago pa mawala't maunahan pa ako

tiyak na marami akong matututunan
sa kanyang sinulat na mga science fiction,
dystopian novel, at social realism man
di dapat palampasin ang pagkakataon

pambili ng bigas, ibinili ng libro
inuna'y aklat, imbes na lamnan ang tiyan
ganyan yata talaga ang mga tulad ko
sanay nang mag-fasting, basta't utak malamnan

nawa ako'y makapagsulat pa talaga
di lang ng mga tulâ kundi ng nobela

02.12.2026

Namang at Namin, ina-autocorrect sa 'Naming"

NAMANG AT NAMIN, INA-AUTOCORRECT SA 'NAMING'
Maikling sanaysay at tulâ ni Gregorio V. Bituin Jr.

Naging maingat na akong bantayan ang biglaang pagbabago ng salitâ dahil sa auto-correct sa Microsoft Word na madalas kong gamitin.

Kayâ bukod sa aking mga kwaderno kung saan madalas akong kumathâ o nagsusulat, iyon naman ay tinitipa ko na sa Notepad, hindi na sa Word, upang hindi agad ma-auto-correct ng kompyuter. Ina-auto-correct kasi ng Word sa Ingles ang mga salita sa wikang Filipino, kayâ nasasabi ko tuloy madalas, naga-auto-wrong na naman ang kompyuter, na kung ngitian ko lang sa simulâ ay kinaiinisan ko na kalaunan.

Kayâ bago ko i-upload ang isang sanaysay, kwento o tulâ ay tinitiyak kong wasto ang pagbaybay o spelling ng mga salitâ. Dahil pag may nakita akong mali ay pinag-uukulan ko talaga ng panahon upang i-edit ang maling pagbaybay.

Isa sa mga halimbawà ng mga salitâ ay ang "namang" at ang "namin" na ina-auto-correct at nagiging "naming" o ginagawang Ingles ang salitâ. Nakakaasar, kaya dapat ka talagang maging mapagmatyag pag Word ang gamit mo.

Sa Notepad sa laptop ay di binabago ang mga salitâ kayâ iyon ang madalas kong gamitin. Subalit ang Notepad sa cellphone, dati'y hindi naga-auto-correct, subalit ngayon ay naga-auto-correct na.

Naranasan ko ito noon nang dinala ko sa printing press ang isang ilalathalang diyaryong Obrero, higit isang dekada na ang nakararaan. Nakita ko ang isang kamalian sa artikulo ko na nasa plate, nang mabasa kong "Matapos ang talumpati sa rali, agad naming niyakap ni KR..." Mukhang dalawa kaming yumakap sa nagtalumpati, gayong siya lang ang yumakap.

Gayong ang isinulat ko sa orihinal ay "Matapos ang talumpati sa rali, agad namang niyakap ni KR..." Kaya inayos agad ng stripper ang nasabing plate, ginupit ng cutter ang mali, inayos, at nilagyan ng scatch tape. Di pa uso noon ang CTP (computer to plate). Bago kasi i-layout sa pagemaker na gamit namin noon ay tinitipa mula sa Word ang mga artikulo. At pag dinala mo na sa printing press 'yung ni-layout mo, ipaplakda na iyon sa plate o sa master stencil. Buti may CTP na ngayon, kaya mas madali na ang printing.

Noon pa'y ina-autocorrect na ng Word ang mga salitâ. Kaya kung hindi ka matalas mag-edit ng sarili mong gawâ, aba'y baka malathalâ na lang ang kamalian at hindi mo na iyon maedit. Kayhirap namang iisa-isahin mong i-correct ang isang libong kopya ng dyaryo.

WIKANG FILIPINO, INA-AUTOCORRECT SA INGLES

akala ng Microsoft Windows, typo error
o maling spelling o baybay ng salitâ
gayong tinitipa ko'y nasa Filipino
ina-autocorrect, akala'y Ingles iyon

kayâ dapat maging mapagmatyag din tayo
sa kompyuter o sa cellphone man isinulat
na bago i-upload, i-edit mong totoo
baka may makalusot na mali, nalingat

mahirap nang i-edit pag nalathalà na
halimbawa, sa magasin o pahayagan
buti kung nasa pesbuk o sa blog mong sadyâ
maeedit mo pa't mali'y mapapalitan

ganyan lang naman talaga ang autocorrect
makulit, kaya dapat talasan ang edit

02.12.2026

* litrato mula sa Disksiyonaryong Adarna, pahina 616

Linggo, Pebrero 8, 2026

2 DULA, 2 TANGHAL TULA AT 2 PANGKATANG AWIT (ang nadaluhan ko sa ikalawang araw ng Pasinaya 2026)

2 DULA, 2 TANGHAL TULA AT 2 PANGKATANG AWIT 
(ang nadaluhan ko sa ikalawang araw ng Pasinaya 2026)
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tigtatatlumpung minuto ang bawat pagtatanghal. Ito ang ikalawang araw ng pagdalo ko sa Pasinaya 2026. Maaga pa lang ay pinlano ko na ang pupuntahan. Sa unang araw ay naroon ako sa Cultural Center of the Philippines (CCP), at ngayon naman ay nasa dalawang lugar sa Intramuros - sa Centro de Turismo at sa Bahay Tsinoy. Sa umaga ay pagbigkas ng mga tula ng mga babaeng makata. At sa hapon ay ang pagbigkas ng tula ng mga makata ng Tres-Siyete.

Mag-iikasampu na ng umaga nang makarating ako sa Centro de Turismo sa Intramuros, Maynila. Pagkasulat ko sa attendance sheet ay sinabihan agad ako ng nasa information na magsisimula na. Kaya dali-dali akong pumasok at umupo. Maya-maya ay nagsimula na ang pagtatanghal. Apat na babaeng makata ng LIRA (Lingangan sa Imahen, Retorika at Anyo) ang bumigkas ng kani-kanilang piyesa.

Dahil maaga pa naman upang magtungo sa Bahay Tsinoy para sa isa pang pagbigkas ng tula, di muna ako umalis at nakinig muna sa pagtugtog ng Manila Symphony Junior Orchestra. Masarap sa damdamin ang kanilang tinugtog.

Matapos iyon ay lumabas na ako't kumain muna sa katabing 7/11. At kalahating oras pa bago alauna ay naroon na ako sa Bahay Tsinoy. Umupo muna, at maya-maya lang ay nakita na ako ng isa sa mga magtatanghal - ang makatang si Glen Sales. Walo sila sa Angono Tres-Siyete Society ang nagtanghal, ang isa'y nagpaliwanag ng kasaysayan ng Tres-Siyete, at ang pito'y bumigkas ng tula.

Matapos ang kanilang pagtatanghal ay binigyan ako ni Glen ng kanyang chapbook ng mga tula, at binigyan ko rin siya ng dalawa sa libreto ko ng mga tula at salin. Nakabili rin sa akin ng libretto sina Luis Amante ng Tres-Siyete at Beverly Siy ng CCP. Maraming salamat sa suporta.

Sumunod na nagtanghal ay ang UE Drama Company ng dulang may pamagat na "Ang Daigdig, Sa Kanyang Dulang Astig".

Matapos iyon ay bumalik na ako sa Centro de Turismo, at naabutan kong umaawit ang pangkat na Koro Ilustrado, na may dalawampung mang-aawit. Sumunod doon ay ang pagtatanghal ng UE Drama Company ng dulang "Maria Sibol, Ang Natatanging Batang Diwata."

Dalawang dula ang napanood ko na kapwa mula sa UE Drama Company, dalawang pagbigkas ng mga tula ng makatang LIRA at ng Angono Tres-Siyete Society, at pagtatanghal ng musika ng Manila Symphony Junior Orchestra at ng Koro Ilustrado.

Wala nang mga sumunod na pagtatanghal sa Centro de Turismo at sa Bahay Tsinoy, kaya naglakad na ako upang sumakay ng dyip pauwi. Hindi ko na sinubukang magtungo pa sa CCP dahil bukod sa malayo ay baka di ko maabutan ang ibang pagtatanghal.

Sa ganyan ko ginugol ang araw na ito, ang pagsuporta sa mga nagtatanghal, kumikilos ng tapat, malikhain, mapagmahal at mahilig sa gawaing sining.

SALAMAT SA PASINAYA 2026

ako'y taospusong nagpupugay
sa lahat ng nagbibigay-buhay
sa pamamagitan ng kanilang
pagtatanghal sa Buwan ng Sining

ako'y lubos na sumusuporta
bilang isang makata ng masa
upang buhayin ang mga sining
sa bayang hirang, lahing magiting

sa mga kaibigang makata
sa taga-Angono't taga-LIRA
sa mga estudyanteng dumalo
sa masa at sa tulad kong balo

sa kabila ng problema't isyu
at kurakutan sa bansang ito
patuloy na itanghal ang sining
na nagbibigay-buhay sa atin

02.08.2026

Sabado, Pebrero 7, 2026

Pagdalo sa unang araw ng Pasinaya 2026

PAGDALO SA UNANG ARAW NG PASINAYÀ 2026
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dalawang mahahalagang okasyon ang aking pinuntahan ngayong araw, Pebrero 7, 2026. Una's sa 2nd Tour of Historic Pasig, na tinalakay sa naunang sanaysay. Nakaalis ako roon sa Bahay na Tisa sa ganap na 1:45 pm kung saan kami kumain.

At ang ikalawa'y itong Pasinayà 2026, na isang pambansang aktibidad dahil Buwan ng Sining. Halos 3:15 pm na ako nakarating sa Cultural Center of the Philippines (CCP). Mahal din ang pamasahe sa traysikel at nais akong singilin ng P100 patungong CCP galing sa kanto ng Vito Cruz at Taft. Mabuti't hawak ko ang P50 ko, at sinabi ng barker na hanggang Roxas Blvd. iyon at hindi na tatawid. Kaya P50 ang binayaran ko sa traysikel.

Tinawid ko na ang Roxas Blvd. patungong CCP at hinanap agad ang Tanghalang Ignacio Jimenez. Sa rehistrasyon ay dapat mag-ambag kahit magkano. P50 na papel ang inambag ko, at mabuti't pulos barya ang nasa bulsa ko.

Gayunpaman, hindi ko na naabutan ang puntirya kong daluhan ng ikalawa ng hapon - "Ang Babae Bilang Makata" ni Agatha Palencia Bagares sa lugar-palihan na Pandayan B. Ang naabutan ko'y "Anong sey/say mo? Ang Sining ng Pagsasalin" ng Kagawaran ng Filipino ng University of Asia and the Pacific ng ikatlo ng hapon. At ang sumunod na palihan ng ikaapat ng hapon na pinamagatang "Write and Draw: A Komiks Workshop" nina Bambi at Roland Amago, o tinatawag nilang Amagination.

Bagamat di ko naabutan ang pagtatanghal ng "Ang Babae Bilang Makata" ay napakapalad kong nadaluhan ang "Open Mic Session with Ricky Lee" ng ikalima ng hapon sa Tanghalang Ignacio Gimenez auditorium. Doon ay binigkas ng labintatlong katao ang mga nagustuhan nilang excerpt o maiikling sanaysay na nagustuhan at nakaantig sa kanila sa pagbasa ng mga aklat ni Ricky Lee.

Sa ganyan ko binuo ang araw ko. Dalang aktibidad, dalawang mahahalagang aral sa akin. Maraming salamat.

naglakbay-aral sa makasaysayang Pasig
ang aking dinaluhan ng buong umaga
mula roon sa Bahay na Tisa sa Pasig
ay bumiyahe agad patungong C.C.P.

upang madaluhan naman ang Pasinaya
na pawang aktibidad sa Buwan ng Sining
nais kong ipakita ang aking suporta
bilang abang makata't isang malikhain

manunulat ng kwento, sanaysay at tula
nais suportahan ang ibang manlilikha
sa sining, tula man, dula't iba pang akda
sa aking panonood ay natutong sadya

mabuhay ang Pasinaya Twenty-Twenty Six
kayraming aktibidad na talagang siksik
tunay na inspirasyon sa aking panitik
nang makalikha ng akdang nakasasabik

02.07.2026