Martes, Disyembre 29, 2020

Maikling Kwento: Pangangaroling

PANGANGAROLING
Maikling kwento ni Greg Bituin Jr.

"Tay, marami na namang mangangaroling ngayon kasi malapit na po ang Pasko. Nais kong sumama sa mga kaibigan ko sa pangangaroling." Ito ang sabi ni Utoy sa kanyang ama minsang pauwi na sila galing sa pamamalengke.

"Alam mo, anak, nakikita ko nga na kahit sa mga dyip pag papasok ako sa trabaho ay marami nang nangangaroling. Tutugtog ng dala nilang tambol, kasama ang anak na nakatali ng balabal nila sa balikat, aawit ng pamasko, at hihingi ng limos. Hindi na iyon ang nakagisnan kong Pasko."

"Bakit po, Tay?"

"Kasi, sa amin noon, pupunta kami sa bahay-bahay na parang manghaharana. Barkadahan kami, nakasuot ng disente, at pagtapat sa bahay ng kakilala namin ay aawit kami ng kantang 'Sa may bahay'. Natutuwa naman ang inaawitan namin kaya nagbibigay sila ng malaki-laking halaga bilang pakikiisa sa diwa ng kapaskuhan. Ibang-iba ngayon, anak, na kaya ka lang namamasko ay dahil hirap ka sa buhay. Tulad ng nakikita ko pag papasok ako at uuwi galing sa trabaho. Hindi gayon ang nais kong pasko, bagamat para sa kanila, malimusan lang sila ay malaking bagay na dahil nagugutom ang kanilang pamilya. Kung sasama kang mngaroling, dapat hindi ka mukhang namamalimos. Anak, ang diwa ng kapaskuhan ay pagbibigayan, pagmamahalan, hindi pamamalimos. Bagamat hindi naman masamang manlimos. Masama lang tingnan."

"Ano po ba, 'Tay, ang dapat naming gawin pag mangangaroling. Baka pag maganda ang suot namin, sabihin sa amin, patawad. Baka hindi pa maniwala na namamasko kami."

"Mamasko ka, anak, sa mga ninong mo, sa mga kakilala natin. Palagay ko, anak, huwag kang basta tumapat lang sa bahay ng kung sino. Dapat, anak, ang pangangaroling ay hindi parang nanghihingi tayo ng limos. Kahit mahirap lang tayo, anak, nais kong makita pa rin nila at maramdaman din natin na may dignidad pa rin tayo bilang tao. Taong nirerespeto at hindi minamata ng ibang tao. Iyon lang naman, anak."

"Salamat po, Tay, sa payo ninyo. Sabihan ko ang mga kalaro ko na kung mangangaroling kami ay mag-ayos din po kami ng suot, para po di kami magmukhang kawawa na walang pera. Salamat po, Tay."

“Salamat din, anak, at nauunawaan mo ang nais kong sabihin. Ingat lagi kayo ng mga kalaro mo sa pangangaroling, at huwag sana kayong makikipag-away, ha. Isipin mo lagi ang diwa bakit kayo nangangaroling.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Disyembre 16-31, 2020, pahina 14.

Huwebes, Oktubre 29, 2020

Kwento: Nawalan ng trabaho dulot ng pandemya

NAWALAN NG TRABAHO DULOT NG PANDEMYA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

"Noong mag-lockdown, nahinto kami sa produksyon sa pabrika dahil hindi kami makapasok sa trabaho. Hindi ko malaman ano ang gagawin. Paano na kami ng aking pamilya? Ang kakarampot kong sahod ay di sapat lalo't nangungupahan lang kami ni misis, kasama ng apat naming anak." Ito ang sabi ni Mang Inggo nang unang linggo ng lockdown at hindi sila pinayagang magbiyahe patungo sa trabaho.

Wala na kasing pinayagang makalabas ng bahay noon, kaya pati mga nagtatrabaho, sa pabrika man iyan, sa opisina, sa pamamasada o maging tindera sa palengke, ay napatigil sa pagtatrabaho. Ayon naman sa pamahalaan, kailangan mag-lockdown upang labanan ang COVID-19. 

Ang mga maralita nga ng San Roque sa Lungsod Quezon ay nagrali na dahil sila'y nagugutom. Gutom ang dulot ng lockdown. Gutom dahil di makalabas upang makadiskarte ng pang-ulam. Di makakain si Bunso. Mabuti kung may natitira pa silang salaping pambili sa tindahan. Subalit kahit pagbili sa tindahan ay pahirapan din dahil nga hindi sila makalabas.

Si Mang Tune na drayber ng dyip ay naghihimutok dahil hindi na sila makapamasada. Ang nangyari ay tambay na lang sila sa looban. Naaabutan lang ng may malasakit. Ang ayudang bigay ng pamahalaan ay di naman sapat. Ang iba’y nabibigyan ng salapi, habang ang iba’y nabibigyan ng grocery na pang-ilang araw lang, na tulad ng ibinibigay sa mga nasunugan. Limang kilong bigas, ilang delatang sardinas, ilang noodles, kape, asukal, nadagdagan lang ng alkohol at face mask.

“Anong dapat nating gawin?” Sabi ni Mang Igme sa kanyang mga kapitbahay. “Hindi tayo makalabas. Gutom ang aabutin natin nito?” 

Kaya nagkaisa ang mga magkakapitbahay, sa pamamagitan ng HOA nila, upang pag-usapan ang mga hakbang na dapat gawin. Di makapag-patawag ng pulong ang HOA dahil lockdown. Walang makalabas. Gayunman, nagawan nila ng paraang makapagpulong, nang isa-isa silang magpuntahan sa bahay ni Mang Kanor, ang pangulo ng HOA.

Ayon kay Mang Kanor, “Dalawang dahilan lamang upang bigyan tayo ng pamahalaan ng makakain, pag panahon ng gera at pag panahon ng kalamidad. Ngayong idineklara ng pamahalaan ang lockdown, ito’y nasa linya ng kalamidad, kaya dapat bigyan nila tayo ng ayuda upang hindi magutom ang ating pamilya. “

Sa ganitong punto ay napagkaisahan nilang sumulat sa pamahalaan upang bigyang katugunan ang kanilang kalagayan.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Oktubre 16-31, 2020, pahina 16.

Sabado, Oktubre 3, 2020

Proyektong patula ng ABC of Philippine Native Trees

PROYEKTONG PATULA NG ABC OF PHILIPPINE NATIVE TREES
Munting sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Malaking karangalan sa akin na magawan ng proyekto dahil sa kaalaman ko sa pagtula. Ayon kay misis, nais ni Mam Ime sarmiento, na siyang nagproyekto ng tatlong serye ng aklat na Philippine Native Trees (PNT), na magkaroon ng ABC of Philippine Native Trees na kanilang isasaaklat. 

Nauna kong proyekto sa kanila'y pagsasalin sa wikang Filipino ng mga maiikling kwento hinggil sa mga puno, na sinulat sa Ingles ng ilang manunulat. Tatlong maikling kwento ang aking naisalin. 

Nang hinanap muli ako kay misis para sa proyektong ABC of Philippine Native Trees, aba'y nais ko agad itong simulan. Ang proyektong ito'y patula, kaya dapat kong basahin at aralin ang mga punong ito upang mas mabigyan ko ng buhay ang paglalarawan nito sa anyong patula. Ako na muna ang pipili ng mga puno. Sa ngayon, may kopya kami sa bahay ng dalawang aklat - ang Philippine Native Trees 101 at 202.

Ang PNT 101 ay nalathala noong 2012. Nagkaroon ako ng PNT 101 nang bigyan ako nito nang ako'y magsalita sa Green SONA (State of Nature Assessment) ng Green Convergence sa Miriam College noong 2012. Lumabas naman ang PNT 202 noong 2015, at ang PNT 203 noong 2018. Tinatapos pa sa kasalukuyan ang pagsasaaklat ng Philippine Native Trees 404.

Sa aklat na iyon, kapansin-pansing may dedikasyon sila para kay Leonard L. Co. Sa PNT 202 ay may apat na artikulong sinulat para sa kanya. Apat na awtor ng sanaysay sa siyam na pahina. Si Leonard L. Co ay napagkamalang rebelde ng mga militar at mag-isa lang siya nang siya'y pinaslang sa kagubatan ng Kananga, Leyte noong Nobyembre 15, 2010. Sa PNT 101 ay nakasulat, "the great Leonard Co, the country's foremost botanist ang taxonomist." Sa Wikipedia naman, si Co ang "foremost authority in ethnobotany in the Philippines." Kaya sa pagbabasa ko ng aklat na Philippine Native Trees ay makikita ko ang kanyang anino sa ilan sa mga punong ito.

Narito ang talaan ng mga napili kong punong gagawan ko ng tula, na karamihan ay mula sa aklat na Philippine Native Trees 202. Karamihan pala ng lugar sa Pilipinas ay mula sa pangalan ng puno, tulad ng Anilao sa Mabini, Batangas, ang Antipolo sa lalawigan ng Rizal, ang Betis sa Pampanga, na maraming kamag-anak na apelyidong Bituin din, ang Calumpit sa Bulacan, ang lalawigan ng Iloilo na katabi ng Antique na sinilangan ng aking ina, ang Pandakaki sa Pampanga na relokasyon ngayon ng mga tinulungan naming maralita sa grupo kong KPML, ang Tiaong sa Quezon, ang Talisay sa Batangas at Cebu.

Anilaw
Betis
Calumpit
Dita
E
F
Gatasan
Hagakhak
Iloilo
J
Kahoy Dalaga
Lamog
Marang
Nara
Otog-Otog
Pandakaki
Q
Rarang
Subiang
Tiaong
Upas
V
White Lauan
X
Yellow Lanutan
Zambales pitogo

Maaaring mabago ang talaan ng mga puno habang nagtatagal. Baka kasi mas may kilalang puno na dapat ko munang itula. Halimbawa, imbes na Anilaw ay Atis, imbes na Betis ay Bayabas, imbes na Subiang ay Santol o Sinigwelas. Di naman maaaring ang Upas ay palitan ko ng Ubas dahil hindi naman Philippine Native Tree ang Ubas. Subalit sa ngayon, naisip kong imbes na Duhat ay ang punong Dita muna dahil nagligtas ng maraming buhay ang punong Dita nang rumagasa ang bagyong Ondoy noong 2009 sa Barangay Bagong Silangan sa Lungsod Quezon. Dito nakatira ang isang kasama ko sa grupong Sanlakas, at sa unang anibersaryo ng Ondoy ay nag-alay kami ng kandila para sa mga nasawi sa Ondoy. 

Kung papansinin ang talaan sa aklat, walang nakatalang punong nagsisimula sa E, F, J, Q, V, at X. Kaya ang ABC ay baka maging Abakada ng mga Katutubong Puno sa Pilipinas. Tingnan na lang natin sa kalaunan. Ang Calumpit nga ay Kalumpit sa PNT 101. Puno rin pala ang Antipolo na nasa PNT 101. O baka mas maganda kong gawin, gawan ko pareho ng tula bawat titik. Halimbawa, sa titik A, may tula para sa Atis at sa punong Anilaw. Sa titik B ay Bayabas at Betis. Para may pambata (young) at may pangtigulang (adult) at pangmatanda (oldies). Para masaya, di ba?

Gayunman, yaon lang nakatala muna sa mga aklat na Philippine Native Trees ang aking gagawan ng tula. Kung wala sa talaan nito ay hindi ko gagawan ng tula. Kung magawan ko man ng tula ang wala sa aklat ay hindi ko isasama sa proyektong ito, kundi dagdag-koleksyon sa iba pang tula.

Sa ngayon, sisimulan ko na munang basahin ang PNT 202. Maraming salamat sa pagtitiwala na napunta sa akin ang ganitong mahalagang proyekto.

Huwebes, Hulyo 9, 2020

Kwento: Pagdaluhong sa karapatan

Pagdaluhong sa karapatan
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Hulyo 1, 2020

"Alam nyo, naulit na naman pala ang nangyari kay Winston Ragos, iyon bang sundalong sinita ng limang pulis noong Abril at binaril ng walang laban ng isang pulis," sabi ni Mang Kulas na naggugupit sa barberya.

"Oo nga, Mang Kulas. Narinig ko rin sa balita kanina," sabi ng estudyanteng si Roberto na ginugupitan ni Mang Kulas.

"Bakit? Anong nangyari? Hindi ko yata narinig sa radyo kanina..." sabat naman ni Mang Lando na isa ring barbero.

"Aba'y pinagbababaril ng mga pulis ang apat na sundalo ng walang laban. Nangyari sa Sulu. Isang major, isang kapitan, at dalawa pang sarhento ang pinaslang, ayon sa balita. Galit na galit nga ang pamunuan ng Philippine Army. Rubout daw," paliwanag ni Mang Kulas.

"Grabe na talaga ang nangyayari sa bayan natin. Sundalong walang laban pa ang pinaslang ng mga pulis. Tapos, sasabihin, nanlaban. Kung sila nga ay di nagkakakilanlanan na umabot pa sa patayan, paano pa ang simpleng mamamayang mapapagkamalan?" ang komento naman ni Mang Lando. "Lalo na ngayong nais isabatas ang Anti-Terror Bill?"

"Dapat nga po huwag maisabatas iyang Terror Bill, dahil marami na tayong batas laban sa krimen. Dadagdagan pa ng mapanggipit na batas sa ating kalayaang magpahayag at yaon bang 'dissenting opinion'." Sagot naman ni Roberto.

Dagdag pa niya, "Nabalita pang 122 kabataan pala ang napaslang ng walang proseso dahil sa War on Drugs, kabilang na sina Danica Mae Garcia, limang taon, at Althea Barbon, apat na taon."

"At ano naman ang kaugnayan niyan?" tanong ni Mang Kulas.

"Para bang polisiya na ng mga pulis ang pumaslang, dahil iyon naman ang sabi ng Pangulo. Ubusin lahat sa ngalan ng War on Drugs. Kaya paslang lang sila ng paslang, tulad ng pagpaslang sa mga sundalo. Kaya dapat huwag maisabatas ang Anti-Terror Bill, dahil baka maraming pagdudahan at mapaslang ng walang due process." Paliwanag pa ni Roberto.

"Kaisa mo ako riyan. Tama ka. Sana'y respetuhin ang karapatang pantao ng bawat mamamayan," sabi naman ni Mang Lando. "May pagkilos pala bukas laban sa Anti-Terror Bill. Nais mo bang sumama? Magkita tayo rito bukas ng alas-otso ng umaga."

"Kung wala pong gagawin, susubukan ko pong sumama. Salamat po sa paanyaya."

"Pupunta tayo sa CHR ground. Doon gagawin."

"Sige po. Salamat po, Mang Kulas, sa gupit. Ito po ang bayad."

"Salamat din sa paliwanag mo. Ingat."

Hulyo 2, 2020

Nagkita-kita sina Roberto at Mang Lando sa Bantayog ng mga Bayani. Doon sila magsisimulang magmartsa patungo sa CHR ground. Sa Commission on Human Rights nila napiling gawin ang pagkilos dahil maaaring di sila galawin pag dito nila ipinahayag ang  kanilang  damdamin  laban  sa Anti-Terror Bill, na instrumento ng rehimen, na maaaring yumurak sa kanilang karapatang magpahayag, at akusahang terorista dahil lumalaban umano sa rehimen. 

Maya-maya lang ay nagmartsa na sila patungong CHR at doon ay nagdaos sila ng maikling programa, may mga talumpati at awitan.

Hulyo 3, 2020

Nabalitaan na lang nina Roberto sa telebisyon na pinirmahan na pala ng pangulo ang Anti-Terror Act of 2020, na mas kilala ngayon bilang Terror Law.

Hulyo 4, 2020

Agad na nagsagawa ng mga pagpupulong ang iba’t ibang grupo upang kondenahin ang anila’y batas na maaaring yumurak sa karapatang pantao. Ang petsang napagkaisahan nila ay Hulyo 7, 2020, kasabay ng ika-128 anibersaryo ng pagkakatatag ng dakilang kilusan ng Katipunan. Dito’y ipapahayag nila na ang Terror Law ang huling tangka ng rehimen upang depensahan ang administrasyon nito laban sa ngitngit ng mamamayan sa mga kapalpakan nito na mas inuna pa ang pagsasabatas ng Terror Law gayong walang magawa upang lutasin ang COVID-19. 

Naghahanda na rin ang mamamayan upang depensahan ang bayan laban sa ala-martial law na karahasan sa hinaharap.

* Ang maikling kwentong ito'y unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hulyo 1-15, 2020, pahina 18-19.

Martes, Enero 28, 2020

Dapat climate resilient ang On-Site, In-City or Near-City Resettlement Bill

DAPAT CLIMATE RESILIENT ANG ON-SITE, IN-CITY OR NEAR-CITY RESETTLEMENT BILL
Munting saliksik ni Greg Bituin Jr.

May mga nakasalang na panukalang batas sa Senado at Kongreso hinggil sa relokasyon ng mga maralita na on-site (ang relokasyon ay sa mismong kinatitirikan ng kanilang tahanan), in-city (ang relokasyon ay sa loob lang ng lungsod kung saan sila naroon) or near-city (sa pook na katabi ng kinapapaloobang lungsod). May Senate Bill si Senadora Grace Poe (SBN 582) at Senadora Risa Hontiveros (SBN 167). 

Mayroong katumbas na panukalang batas sa Kongreso sina Rep. Kiko Benitez (HB00042), Kit Belmonte (HB00156), Alfred Vargas (HB00236), Yul Servo (HB03227), Francis Abaya (HB04245), at Rufus Rodriguez (HB02564).

Sa ating Saligang Batas ay nakasaad sa Seksyon 9 at 10 ng Artikulo XIII ang karapatan sa pabahay. Dahil dito'y naisabatas ang Republic Act 7279 o Urban Development and Housing Act (UDHA). Subalit makalipas ang halos tatlong dekada, hindi pa rin ganap na naisasakatuparan ang disente at abotkayang pabahay sa maralita. Tinatayang nasa 6.8 milyon ang backlog sa housing sa taon 2022.

Dahil dito, nangangailangan pa rin ng pabahay ang maraming maralita. Kaya nagsulputan ang mga planong on-site, in-city at near-city na resettlement o relokasyon ng pabahay. Subalit sa kanilang mga panukala, kailangan itong pag-aralan pang mabuti dahil hindi sapat ang on-site na pabahay kung binabaha ang lugar tulad sa Malabon o Navotas.

Dapat kahit ang mga panukalang batas sa pabahay ay maging climate resilient, batay sa adaptation, na dahil may mga senaryo nang lulubog ang maraming lugar sa taon 2030 pag hindi naagapan ang climate change na nagaganap. Ayon sa mga siyentipiko, dapat na masawata ang lalo pang pag-iinit ng mundo, na huwag itong umabot sa 1.5 degri Centigrade, dahil kung hindi maraming lugar ang lulubo sa tubig. Basahin nyo at pag-aralan ang ulat ng UNFCCC (United Nations Framework Convention on Climate Change), at ng IPCC (Intergovernmental Panel on Climate Change), na noong Oktubre 2018 ay nagsabing may labingdalawang taon na lang tayo upang masawata ang 1.5 degri C. Dahil kung hindi, lulubog ang maraming lugar.

At pag lumubog ang maraming lugar sa tubig, nang halos anim na talampakan dulot ng 1.5 degri C na lalo pang pag-iinit ng mundo, ano pang esensya ng on-site at in-city relocation? Titira ka pa ba sa on-site relocation na ibinigay sa iyo kung alam mo namang lulubog ito.

Ang dapat pag-aralan, pagdebatihan, at isabatas ay ang isang Public Housing Act, kung saan ang pabahay ay hindi pribadong pag-aari kundi babayaran lang ang gamit nito, hindi upa.

Ang mga pag-aaral na ito hinggil sa klima at pabahay ay mula sa pakikipagtalakayan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa mga grupo tulad ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ). May mga mapa pang ipinakita kung ano ang mga lugar na lulubog sa ganitong taon pag hindi binago ng mga mayayamang bansa ang kanilang paggamit ng enerhiya. Pag patuloy pa sila sa paggamit ng coal-fired power plants at mga enerhiyang mula sa fossil, lalong mag-iinit ang mundo, at pag lumampas na tayo sa limit na 1.5 degri Centigrade, hindi na tayo makakabalik pa sa panahong mababa sa 1.5.

Kaya dapat maipasok din sa mga panukalang batas sa pabahay na mabago na rin ang ating sistema ng enerhiya, at huwag nang umasa pa sa fossil fuel kundi sa renewable energy.

Kailangang maging aktibo rin tayong maralita sa usapin ng klima, climate change at climate justice, at manawagan tayo sa mga mayayamang bansa na bawasan na ang paggamit ng coal plants at gumamit na tayo ng renewable energy.

Sa madaling salita, dapat nakabatay din sa usaping pangklima ang on-site, in-city, at near-city resettlement bill. Para kung sakaling lumubog na ang mga bahaing lugar, may opsyon ang mga maralita. Hindi na uubra ang on-site relocation sa lulubog na mga lugar. Baka hindi na rin umubra ang in-city at near-city relocation sa kalaunan. Dapat ay climate resilient na batas para sa pabahay ang dapat pagtuunan ng pansin ng mga mambabatas.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Enero 16-31, 2020, pahina 9-9