Huwebes, Oktubre 29, 2020

Kwento: Nawalan ng trabaho dulot ng pandemya

NAWALAN NG TRABAHO DULOT NG PANDEMYA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

"Noong mag-lockdown, nahinto kami sa produksyon sa pabrika dahil hindi kami makapasok sa trabaho. Hindi ko malaman ano ang gagawin. Paano na kami ng aking pamilya? Ang kakarampot kong sahod ay di sapat lalo't nangungupahan lang kami ni misis, kasama ng apat naming anak." Ito ang sabi ni Mang Inggo nang unang linggo ng lockdown at hindi sila pinayagang magbiyahe patungo sa trabaho.

Wala na kasing pinayagang makalabas ng bahay noon, kaya pati mga nagtatrabaho, sa pabrika man iyan, sa opisina, sa pamamasada o maging tindera sa palengke, ay napatigil sa pagtatrabaho. Ayon naman sa pamahalaan, kailangan mag-lockdown upang labanan ang COVID-19. 

Ang mga maralita nga ng San Roque sa Lungsod Quezon ay nagrali na dahil sila'y nagugutom. Gutom ang dulot ng lockdown. Gutom dahil di makalabas upang makadiskarte ng pang-ulam. Di makakain si Bunso. Mabuti kung may natitira pa silang salaping pambili sa tindahan. Subalit kahit pagbili sa tindahan ay pahirapan din dahil nga hindi sila makalabas.

Si Mang Tune na drayber ng dyip ay naghihimutok dahil hindi na sila makapamasada. Ang nangyari ay tambay na lang sila sa looban. Naaabutan lang ng may malasakit. Ang ayudang bigay ng pamahalaan ay di naman sapat. Ang iba’y nabibigyan ng salapi, habang ang iba’y nabibigyan ng grocery na pang-ilang araw lang, na tulad ng ibinibigay sa mga nasunugan. Limang kilong bigas, ilang delatang sardinas, ilang noodles, kape, asukal, nadagdagan lang ng alkohol at face mask.

“Anong dapat nating gawin?” Sabi ni Mang Igme sa kanyang mga kapitbahay. “Hindi tayo makalabas. Gutom ang aabutin natin nito?” 

Kaya nagkaisa ang mga magkakapitbahay, sa pamamagitan ng HOA nila, upang pag-usapan ang mga hakbang na dapat gawin. Di makapag-patawag ng pulong ang HOA dahil lockdown. Walang makalabas. Gayunman, nagawan nila ng paraang makapagpulong, nang isa-isa silang magpuntahan sa bahay ni Mang Kanor, ang pangulo ng HOA.

Ayon kay Mang Kanor, “Dalawang dahilan lamang upang bigyan tayo ng pamahalaan ng makakain, pag panahon ng gera at pag panahon ng kalamidad. Ngayong idineklara ng pamahalaan ang lockdown, ito’y nasa linya ng kalamidad, kaya dapat bigyan nila tayo ng ayuda upang hindi magutom ang ating pamilya. “

Sa ganitong punto ay napagkaisahan nilang sumulat sa pamahalaan upang bigyang katugunan ang kanilang kalagayan.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Oktubre 16-31, 2020, pahina 16.

Sabado, Oktubre 3, 2020

Proyektong patula ng ABC of Philippine Native Trees

PROYEKTONG PATULA NG ABC OF PHILIPPINE NATIVE TREES
Munting sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Malaking karangalan sa akin na magawan ng proyekto dahil sa kaalaman ko sa pagtula. Ayon kay misis, nais ni Mam Ime sarmiento, na siyang nagproyekto ng tatlong serye ng aklat na Philippine Native Trees (PNT), na magkaroon ng ABC of Philippine Native Trees na kanilang isasaaklat. 

Nauna kong proyekto sa kanila'y pagsasalin sa wikang Filipino ng mga maiikling kwento hinggil sa mga puno, na sinulat sa Ingles ng ilang manunulat. Tatlong maikling kwento ang aking naisalin. 

Nang hinanap muli ako kay misis para sa proyektong ABC of Philippine Native Trees, aba'y nais ko agad itong simulan. Ang proyektong ito'y patula, kaya dapat kong basahin at aralin ang mga punong ito upang mas mabigyan ko ng buhay ang paglalarawan nito sa anyong patula. Ako na muna ang pipili ng mga puno. Sa ngayon, may kopya kami sa bahay ng dalawang aklat - ang Philippine Native Trees 101 at 202.

Ang PNT 101 ay nalathala noong 2012. Nagkaroon ako ng PNT 101 nang bigyan ako nito nang ako'y magsalita sa Green SONA (State of Nature Assessment) ng Green Convergence sa Miriam College noong 2012. Lumabas naman ang PNT 202 noong 2015, at ang PNT 203 noong 2018. Tinatapos pa sa kasalukuyan ang pagsasaaklat ng Philippine Native Trees 404.

Sa aklat na iyon, kapansin-pansing may dedikasyon sila para kay Leonard L. Co. Sa PNT 202 ay may apat na artikulong sinulat para sa kanya. Apat na awtor ng sanaysay sa siyam na pahina. Si Leonard L. Co ay napagkamalang rebelde ng mga militar at mag-isa lang siya nang siya'y pinaslang sa kagubatan ng Kananga, Leyte noong Nobyembre 15, 2010. Sa PNT 101 ay nakasulat, "the great Leonard Co, the country's foremost botanist ang taxonomist." Sa Wikipedia naman, si Co ang "foremost authority in ethnobotany in the Philippines." Kaya sa pagbabasa ko ng aklat na Philippine Native Trees ay makikita ko ang kanyang anino sa ilan sa mga punong ito.

Narito ang talaan ng mga napili kong punong gagawan ko ng tula, na karamihan ay mula sa aklat na Philippine Native Trees 202. Karamihan pala ng lugar sa Pilipinas ay mula sa pangalan ng puno, tulad ng Anilao sa Mabini, Batangas, ang Antipolo sa lalawigan ng Rizal, ang Betis sa Pampanga, na maraming kamag-anak na apelyidong Bituin din, ang Calumpit sa Bulacan, ang lalawigan ng Iloilo na katabi ng Antique na sinilangan ng aking ina, ang Pandakaki sa Pampanga na relokasyon ngayon ng mga tinulungan naming maralita sa grupo kong KPML, ang Tiaong sa Quezon, ang Talisay sa Batangas at Cebu.

Anilaw
Betis
Calumpit
Dita
E
F
Gatasan
Hagakhak
Iloilo
J
Kahoy Dalaga
Lamog
Marang
Nara
Otog-Otog
Pandakaki
Q
Rarang
Subiang
Tiaong
Upas
V
White Lauan
X
Yellow Lanutan
Zambales pitogo

Maaaring mabago ang talaan ng mga puno habang nagtatagal. Baka kasi mas may kilalang puno na dapat ko munang itula. Halimbawa, imbes na Anilaw ay Atis, imbes na Betis ay Bayabas, imbes na Subiang ay Santol o Sinigwelas. Di naman maaaring ang Upas ay palitan ko ng Ubas dahil hindi naman Philippine Native Tree ang Ubas. Subalit sa ngayon, naisip kong imbes na Duhat ay ang punong Dita muna dahil nagligtas ng maraming buhay ang punong Dita nang rumagasa ang bagyong Ondoy noong 2009 sa Barangay Bagong Silangan sa Lungsod Quezon. Dito nakatira ang isang kasama ko sa grupong Sanlakas, at sa unang anibersaryo ng Ondoy ay nag-alay kami ng kandila para sa mga nasawi sa Ondoy. 

Kung papansinin ang talaan sa aklat, walang nakatalang punong nagsisimula sa E, F, J, Q, V, at X. Kaya ang ABC ay baka maging Abakada ng mga Katutubong Puno sa Pilipinas. Tingnan na lang natin sa kalaunan. Ang Calumpit nga ay Kalumpit sa PNT 101. Puno rin pala ang Antipolo na nasa PNT 101. O baka mas maganda kong gawin, gawan ko pareho ng tula bawat titik. Halimbawa, sa titik A, may tula para sa Atis at sa punong Anilaw. Sa titik B ay Bayabas at Betis. Para may pambata (young) at may pangtigulang (adult) at pangmatanda (oldies). Para masaya, di ba?

Gayunman, yaon lang nakatala muna sa mga aklat na Philippine Native Trees ang aking gagawan ng tula. Kung wala sa talaan nito ay hindi ko gagawan ng tula. Kung magawan ko man ng tula ang wala sa aklat ay hindi ko isasama sa proyektong ito, kundi dagdag-koleksyon sa iba pang tula.

Sa ngayon, sisimulan ko na munang basahin ang PNT 202. Maraming salamat sa pagtitiwala na napunta sa akin ang ganitong mahalagang proyekto.