Miyerkules, Disyembre 29, 2021

Haka, Agos, Layag

BUKREBYU: TATLONG AKLAT NG SALIN NG MGA KWENTONG EUROPEANO

Tatlong aklat ng salin ng mga kwentong Europeano ang aking nabili nitong Disyembre. Ang una'y ang HAKA, European Speculative Fiction in Filipino na nabili ko noong Disyembre 11, 2021 sa Solidaridad Bookshop sa P. Faura St., sa Ermita, Maynila. Naisipan kong balikan ang dalawa pa upang makumpleto ang tatlong aklat ng salin. Kaya bumalik ako ng Disyembre 14, 2021 sa nasabing tindahan ng aklat upang bilhin ang AGOS, Modern European Writers in Filipino (na marahil dapat ay Modern European Writings in Filipino), at ang LAYAG, European Classics in Filipino.

Nang makita kong nasa wikang Filipino ang mga kwentong banyagang ito ay agad akong nagkainteres kaya nang magkapera'y aking binili dahil bihira lang ang mga ganitong aklat na wala sa iba pang bookstore. Kumbaga, pampanitikan na, nasa sariling wika pa. Kaya mas madali nang mauunawaan ang kwento. Magandang proyektong pangkultura ang pagsasalin.

Ang bawat aklat ay nagkakahalaga ng P250.00 bawat isa. Inilathala ng ANVIL Publishing at ng EUNIC (European Union National Institute of Culture) - Manila Cluster.

Ang HAKA, na may kabuuang 322 pahina, ay naglalaman ng labing-anim na kwento mula sa labingpitong manunulat; tiglalabing-apat na kwento naman ang AGOS, na may 232 pahina, at ang LAYAG, 216 pahina. Ang mga kwento sa HAKA ay isinalin nina Susana B. Borrero at Louise O. Lopez. Ang mga kwento sa AGOS ay isinalin ni Susana B. Borrero. Sa labing-apat na kwento sa LAYAG, labingdalawa ang isinalin ni Ellen Sicat, ang isa'y nina Ramon Guillermo at Sofia Guillermo, at ang isa pa'y ni Ramon C. Sunico.

Ang mga awtor sa HAKA ay sina Peter Schattschneider, Ian Watson, Hanus Seiner, Richard Ipsen, Joanna Sinisalo, Aliette de Bodard, Michalis Manolios, Peter Lengyel, Francesco Verso, Francesco Mantovani, Tais Teng, Stanilaw Lem, Pedro Cipriano, Zuzana Stozicka, Bojan, Ekselenski, Sofia Rhei, at Bertil Falk. Sa AGOS naman ay sina Alois Hotschnig, Veronika Santo, Eda Kriseova, Jaroslav Kaifar, Maritta Lintunen, Juli Zeh, Niviaq Korneliussen, Anthony Sheenard, Niccolo Ammaniti, Ubah Cristina Ali Farah, Wieslaw Mysliwski, Pavol Rankov at Nuria Barrios Fernandez. Habang sa LAYAG naman ay sina Stefan Sweig, Jaroslav Hasek, Emmanuel z Lesehradu, Karel Capek, Steen Steensen Blicher, Guy de Maupassant, Erich Kastner, Zsigmond Moricz, Luigi Pirandello, Henryk Sienkewicz, Janco Jessensky, Martin Kukucin, Ramon del Valle-Incian, at C.F.Ramuz.

Ang nagbigay ng Introduksyon sa HAKA ay ang Czech na si Julie Novakova, sa AGOS ay ang Pilipinong si Kristian Sendon Cordero, at sa LAYAG ay ang Czech na si Jaroslav Olsa Jr., sa salin ni Ellen Sicat. Ayon pa sa aklat, si Olsa, na siyang pumili ng mga kwento, ang kasalukuyang ambasador ng Czech Republic sa Pilipinas.

Sa LAYAG, dalawang nanalo ng Nobel Prize in Literature (hindi FOR Literature, batay sa aklat) ang nalathala ang kanilang kwento na isinalin ni Ellen Sicat. Ito'y ang Italyanong si Luigi Pirandello (1934 Nobel) at ang Polish na si Henryk Sienkewicz (1905 Nobel). Pitong beses naman naging nominado sa Nobel Prize in Literature subalit hindi nanalo kahit minsan ang Czech na si Karel Capek, na umano'y unang gumamit ng salitang robot sa literatura, ayon sa sci-fi author na si Isaac Asimov. 

Sa klase ng mga awtor na ito'y tiyak na dekalidad din ang mga akda nilang isinalin. Kaya nakakasabik basahin ang kanilang mga kwento.

Kaya minarapat kong bilhin at ibilang sa munti kong aklatan bilang mga collectors' item ang tatlong mahahalagang koleksyon ng mga kwentong ito. Upang mapayabong pa ang pagkaunawa sa ibang kultura. Upang matuto pa sa paraan ng pagkukwento nila. Upang mabigyang inspirasyon ang sariling panulat. Upang mapaunlad pa at maitaguyod ang wikang Filipino.

Kung mabibigyan ako ng pagkakataon ay nais ko ring maging bahagi sa ganitong proyektong pagsasalin at magsalin ng iba pang kwento mula sa Ingles tungo sa wikang Filipino bilang aking ambag sa pagpapayabong pa ng kultura para sa lalong pagkakaunawaan at pagkakapatiran sa daigdig. Lalo na kung may mga kwento sila tungkol sa buhay ng mga manggagawa, unyonista, at magsasaka sa kani-kanilang bansa.

HAKA, AGOS, LAYAG

sa haka ko'y naglalayag sa agos ng kawalan
yaring guniguning di madalumat ang kung saan
samutsaring kwento mula sa ibang kabihasnan
ang isinalin sa atin upang maunawaan

paano nga ba maglayag sa pag-agos ng haka
kung sakali namang walang laman yaring bituka
makakalangoy ba sakaling tumaob ang balsa
at makaahon sa mabatong alon sa umaga

nagpapatianod ang katawan sa mga agos
upang lumayo sa nakikitang kalunos-lunos
na kalagayan ng mga dalitang pawang kapos
sa pag-irog ng mahal na bayang naghihikahos

matapos ko pa kaya ang mahabang paglalayag
kung sa pagragasa ng alon ay napapapitlag
mga salita'y isinalin upang magpahayag
sa pagbubukangliwayway ay matanaw ang sinag

- gregoriovbituinjr.
12.29.2021

Huwebes, Disyembre 23, 2021

Ang bagyong Odette at ang Climate Change

ANG BAGYONG ODETTE AT ANG CLIMATE CHANGE
Saliksik, sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Katatapos lang nitong Disyembre ang COP 26 sa Glasgow, Poland kung saan pinag-usapan kung paano lulutasin ang epekto ng climate change o nagbabagong klima sa buong daigdig. Iyon ang ika-26 na pagpupulong ng Conference of Parties on Climate Change na nilalahukan ng mga pamahalaan ng iba't ibang bansa. Pinag-usapan kung paano mapapababa ang epekto sa atin ng nagbabagong klima.

At ngayon naman, rumagasa ang bagyong Odette (may international name na typhoon Rai) na ikinasalanta ng maraming lugar sa Kabisayaan. Isa ba itong epekto muli ng nagbabagong klima?

Ayon sa NDRRMC Situational Report No. 4 for Typhoon ODETTE (2021) noong Disyembre 18, 2021, ang sumusunod na lugar ang sinalanta ng nasabing bagyo:

Typhoon “ODETTE” Landfalls:
1:30 PM, 16 December 2021 in Siargao Island, Surigao del Norte
3:10 PM, 16 December 2021 in Cagdianao, Dinagat Islands
4:50 PM, 16 December 2021 in Liloan, Southern Leyte
5:40 PM, 16 December 2021 in Padre Burgos, Southern Leyte
6:30 PM, 16 December 2021 in Pres Carlos Garcia, Bohol
7:30 PM, 16 December 2021 in Bien Unido, Bohol
10:00 PM, 16 December 2021 in Carcar, Cebu
12:00 AM, 17 December 2021 in La Libertad, Negros Oriental
5:00 PM: 17 December 2021 in Roxas, Palawan.

Ayon pa sa NDRRMC, umabot sa 156 ang mga namatay dulot ng bagyong Odette.

Dahil sa nangyaring ito ay muling nabuhay ang panawagang Climate Justice, na madalas isigaw ng maraming aktibistang grupong makakalikasan subalit halos di naman pinakikinggan ng pamahalaan. Ayon kay Yeb Saño, Executive Director ng Greenpeace Southeast Asia: “We stand with our fellow filipinos in Negros, Leyte, Cebu, Bohol, Surigao, and all areas affected by Typhoon Odette. Even with warnings in place, the intensity and the damage brought by this typhoon was unprecedented."

"The disaster brought up our collective trauma from previous typhoons such as Sendong and Yolanda, and reminded us that these extreme weather events are now a norm as the climate crisis worsens every year."

"As we seek immediate recovery for our fellow citizens in the aftermath of Odette, we demand that our institutions see this as another wake-up call — and this time, they have to take it seriously. These typhoons will get worse, more unpredictable, and more destructive should they remain merely reactionary to the climate crisis. Support the call for the declaration of a national climate emergency. Demand climate justice, now.”

Ito naman ang panawagan ng grupong Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ): "Now more than ever, in solidarity with the victims of Typhoon Odette, PMCJ demands that the government immediately release the calamity  and discretionary funds for the immediate relief and recovery work specifically in severely devastated areas and not wait for loans and foreign aid to trickle in."

Maraming nagugutom. Walang tubig. Walang kuryente. Maraming nasirang bahay. Maraming tumigil sa trabaho. Apektado ang buhay ng mga nasalanta. Mayaman man o mahirap, lahat ay tinamaan ng unos. Humigit-kumulang dalawang milyong katao ang apektado. Ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), "A total of 452,307 families or 1,805,005 persons were affected by Typhoon “ODETTE” in 3,286 Barangays in Regions V, VI, VII, VIII, IX, X, XI, MIMAROPA, and Caraga."

Samutsaring grupo ang nagsasagawa ng tulong para sa milyon-milyong apektado ng bagyong Odette. Subalit hindi sapat ang ayudang pagkain kundi ang panawagang Climate Justice. Ibig sabihin, dapat matugunan ang suliranin sa nagbabagong klima, tulad ng madalas pag-usapan sa mga pulong ng COP taun-taon. Subalit sana'y hindi lang hanggang laway kundi tumugon talaga ang mga bansa sa pagbabawas ng kanilang emisyon upang matugunan at malutas ang patuloy na pag-iinit ng mundo dulot ng pagsusunog ng mga fossil fuel at mga plangtang coal.

Nag-uusap-usap ang mga pamahalaan, subalit kung hindi nila ito malutas sa itaas, dapat ay makatulong din tayong nasa ibaba upang hindi mahuli ang lahat. Tulad ng pagpapaunawa sa mga manggagawa't maralita ng kahalagahan ng usaping ito para sa kinabukasan ng higit na nakararami.

ANG BAGYONG ODETTE

tumitindi ang bawat agam-agam na dinulot
ng nanalantang unos na sumakbibi ng takot
sa mga nawalan ng bahay at buhay, kaylungkot
animo bawat sikdo niring hininga'y bantulot

di ko man nakita'y tinuran ng mga balita
ang kalunos-lunos na dulot ng unos sa bansa
ah, ilang tahanan at minamahal ang nawala
dahil sa nagbabagong klima't nanalasang sigwa

di maiwasang climate change ay muling pag-usapan
parang Ondoy na nagpalubog sa Kamaynilaan 
parang Yolandang pumaslang ng libong kababayan
ngayon, Odette na nanalasa sa Kabisayaan

ano't kaytindi ng epekto ng climate change doon
na nagdulot ng pangamba sa kabataan ngayon
ano na kayang kinabukasan sila mayroon
kung di kikilos ang kasalukuyang henerasyon

sa nangyaring bagyong Odette ay lalong pag-igihin
ang daigdigang usapan sa pangklimang usapin
upang kinabukasan ng daigdig ay ayusin
upang di maglubugan ang mga isla sa atin

tumitindi ang pag-init, lumalala ang klima
habang plantang coal at fossil fuel ay patuloy pa
halina't tulungan natin ang mga nasalanta
habang sigaw nati'y Climate Justice para sa masa

Mga Pinaghalawan:
https://reliefweb.int/report/philippines/ndrrmc-situational-report-no-4-typhoon-odette-2021-december-18-2021-0800-am
https://ourdailynewsonline.com/2021/12/19/greenpeace-odetteph-another-wake-up-call-to-address-climate-crisis/
https://www.facebook.com/ClimateJusticePH/
https://ourdailynewsonline.com/2021/12/20/gutom-na-po-surigao-city-survivors-call-for-relief-in-odette-aftermath/
https://cnnphilippines.com/news/2021/12/21/NDRRMC-death-toll-Odette-156.html
https://reliefweb.int/report/philippines/dswd-dromic-report-11-typhoon-odette-20-december-2021-6am

Bukrebyu: Ang regalong aklat ng makatang Glen Sales

BUKREBYU: ANG REGALONG AKLAT NG MAKATANG GLEN SALES

Nakasama ko nang minsan sa pagtitipon ng mga makata sa Luneta si Glen Sales, isang guro at makata mula sa lalawigan ng Quezon, sa isang aktibidad ng grupong KAUSAP, kasama ang nagtayo nitong si Joel Costa Malabanan, na guro naman sa pamantasan. Hanggang sa nila-like niya ang mga tula ko sa pesbuk at nila-like ko rin ang kanyang mga tula.

Nitong nakaraan lamang ang pinadalhan niya ako ng librong "Biodiversity in the Philippines" ni Almira Astudillo Gilles, na nasa 56 na pahina. Makulay ang mga nilalaman at hinggil sa kalikasan. Alam daw niyang interes ko ang isyung pangkalikasan kaya niya iyon ibinigay sa akin. Natanggap ko nitong Disyembre 20, araw ng Lunes. Dahil dito'y taospusong pasasalamat ang aking ipinaabot. Agad kong binuklat at binasa ang mga nilalaman.

Ang nasabing aklat ay batayang aralin hinggil sa kalikasan at kagandahan ng ating saribuhay o bayodibersidad. At sa pambungad pa lang ay nagsabi pang kung nais nating makatulong sa kalikasan ay kontakin ang labimpitong grupong kanilang inilatag. Ibig sabihin, maraming sumusuporta sa aklat na ito.

Tinalakay sa unang bahagi ang maraming datos hinggil sa simula ng daigdig batay sa pananaliksik sa kasaysayan, mula pa noong 4.65 bilyong taon na ang nakararaan, kung paano uminog ang enerhiya batay sa pagsusuri ng mga aghamanon o siyentipiko. Nariyan din ang color classification batay sa Tree of Life, pati na ang diversity at endemismo sa ating bansa.

Nariyan ang mga paksa hinggil sa mga sumusunod: Plants, Vertebrates: Birds, Mammals, Reptiles, Fish, Invertebrates: Echinoderms, Corals, Jellyfish, Anemones, Worms and Leeches, Insects, Arachnids, and Crustaceans.

Pinagtuunan ng pansin ang Birth of an Archipelago, Geology Rocks,  Habitats, Coral Reefs and Oceans, Biodiversity Hotspots, Threat to Biodiversity, Overdevelopment. Mayroon palang 110 ethnic groups o grupong katutubo sa Pilipinas, na ayon sa aklat ay nasa sampung porsyento ng populasyon.

Maraming mga payo, tulad ng sampung nakasaad sa "A drugstore in your backyard", at mga halimbawa ng Conservation Efforts. Sa nangyayari sa ating kapaligiran, matutunghayan sa paksang "What you can do" ang mga maaari nating magawa bilang indibidwal, kundi man grupo. Sa pahinang "So you want to be a scientist", nag-anyaya sila kung ano ang maaari nating pag-aralan o basahin upang higit pa nating maunawaan ang ating daigdig, nang sa gayon ay maprotektahan pa ito, tulad ng Astronomy, Biology, Chemistry, Earth Science or Geoscience, Physics, Atmospheric Science, at Material Science.

Iniiwan sa atin ng aklat ang isang quotation mula sa kilalang manunulat ng science fiction na si Isaac Asimov: The most exciting phrase to hear in science, the one that heralds the most discoveries, is not "Eureka!" (I found it!) but  "That's Funny!"

ANG AKLAT NG SARIBUHAY

pasalamat sa kaibigang makatang Glen Sales
dahil sa bigay na aklat, napukaw ang interes
upang saliksikin pang malalim at magkahugis
ang samutsaring kaalamang sa diwa'y nagkabigkis

biglang nagising ang interes sa librong binigay
hinggil sa paksang biodiversity (saribuhay)
sa mundo'y nagkaroon muli ng magandang pakay
habang mga paksa'y binabasa't napagninilay

iba't ibang katanungan ang sa diwa'y umusbong
lalo't sa nagbabagong klima'y paano susuong
na sa bahang dulot ng bagyo'y paano lulusong
sa pag-unawa sa agham ay paano susulong

sa Glasgow, katatapos ng pulong ng mga bansa
pinag-usapan ang klima't anong dapat magawa
at sa tangan kong libro'y muli kong sinasariwa
yaong mga pinagdaanang samutsaring sigwa

halina't magpatuloy sagipin ang kalikasan
ang kapaligiran at lipunan ay pag-aralan
halina't lumahok sa pagkilos at manindigan
para sa kinabukasan ng ating daigdigan

- gregoriovbituinjr.
12.22.2021

Martes, Disyembre 14, 2021

Kwento: Turok at kamatayan sa COVID-19

TUROK AT KAMATAYAN SA COVID-19
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nasa opisina ako sa Pasig nitong Agosto nang malaman ko sa pesbuk na sabay-sabay na namatay ang aking tiyahin, na ang asawa'y kapatid ni Tatay, at ang dalawa niyang pamilyadong anak, dahil sa COVID-19. Namatay sila nang minsang magsama-sama sa kasal ng pamangkin sa pinsan. Kaya kagulo ang aking mga kamag-anak sa Batangas nang malaman ito.

"Ano ba naman iyan? Ano nang nangyayari sa atin? Bakit gayon ang nangyaring biglaan ay marami pa sila?" ang himutok naman sa pesbuk ng isa ko pang pinsan sa ama. Sina Nanay Charing Bituin, at kanyang mga anak na sina Kuya Esmer Bituin at Ate Evelyn Bituin-Alipio ang nadale ng COVID. Kaya naulila si Tatay Pablo, at mga asawa't anak nina pinsang Esmer at Evelyn. Buti na lang at hindi pumunta roon ang aking kapatid na babae at asawa niya, na naimbitahan din sa kasalan.

Nitong Agosto 26, 2021 ay naturukan ako ng first dose sa Pasig. Akala ko ay dalawang linggo lang ay matuturukan na ako ng second dose. Subalit sabi sa akin ay tatlong buwan pa ang second dose dahil Aztrazeneca ang itinurok sa akin. Ganoon pala iyon.

Nitong Setyembre 3 ay sumabay ako kay bayaw sa pag-uwi sa La Trinidad, Benguet, kung saan naroon naman ang aking asawang si Liberty na nag-aalaga sa inang maysakit. Ayon kay Liberty, nagyaya ang aking biyenang babae na magtungo ako roon sa kaarawan nito sa Setyembre 5. Magkasunod lang sila ng aking ina na ang bertdey ay Setyembre 6.

Umalis kami ni bayaw, kasama ang kanyang drayber, ng madaling araw sa Cubao. Nakarating kami ng La Union, patungo sa kanyang kamag-anak roon ng bandang ikawalo ng umaga. Nagkumustahan at nagkwentuhan muna sila bago umalis bago magtanghali. Nakarating kami sa La Trinidad ng bandang ikalawa ng hapon. Pumunta muna kami sa Benguet State University dahil may pulong doon si bayaw. Ako naman ay nagtungo sa katapat nitong Benguet General Hospital pagkat naroon si misis. Katatapos lang niyang magpaturok ng second dose ng Pfizer matapos ang two weeks after first dose. Bandang gabi ng araw na iyon ay napansin ni misis na para akong may trangkaso. Setyembre 5, kaarawan ni Nanay Sofia, maayos pa ang lagay ko ng umagang tirik pa ang araw. 

Kinagabihan, hindi na ako pinayagan ni misis na sumama kina bayaw sa pagluwas sa Maynila dahil tumindi ang trangkaso ko. Setyembre 9 ay nagtungo kami ni misis sa BenguetGen upang magpatingin. Setyembre 12 ay nai-text kay misis na ako'y positibo sa COVID-19. Setyembre 11 ay nagpabakuna naman ang isa ko pang bayaw at ang kapatid nilang Bunso sa Benguet diyan nang mapadala na ang isked nila. Naturukan sila ng Sinovac.

Setyembre 14, isinugod si Bunso sa BenguetGen. Namatay ng araw na iyon si Kokway. Nagulat si Nanay Sofia na nasa ospital din ng araw na iyon, kasama ang isa kong pamangkin, dahil sa COVID. Umaga ng Setyembre 20 ay namatay na rin si Nanay Sofia.

Limang kamatayan sa loob ng dalawang buwan. Tatlo sa bahagi ng kapatid ni Tatay. Dalawa sa bahagi ng aking asawa. Nakalulungkot at nakakatakot na pangyayari sa panahong may COVID din ako at inaalagaan ng aking asawa sa bahay, pagkat puno na ng pasyente sa BenguetGen.

Sinabihan ako ni Mam Lou, na ninang namin ni misis sa sa kasal at siyang nagturo sa amin ng pageekobrik, na itigil ko muna ang pagiging vegetarian ko at kumain akong muli ng karne habang nagpapagaling. Sinunod namin ang payo kaya minsan ay nagbubulalo kami ni misis.

Oktubre 26 ay naiekedyul ako sa second dose sa Pasig. Ang sinabi nilang tatlong buwan ay dalawang buwan lang pala. Dahil nasa Benguet ako at nagpapagaling sa COVID ay hindi ako makaluwas. Kaya nagpasabi na lang ako na magpapaturok ng second dose pag may iskedyul.

Naalala ko ang Disyembre 27 na kababago pa lang kadedeklara na International Day on Epidemic Preparedness nito lang panahon ng pandemya. Marahil dapat magkaroon ng pagkilos sa araw na ito, hindi man sa kalsada, kundi kahit selfie sa pesbuk na may hawak na plakard na nagpapaalala sa araw na ito. Yayakagin ko ang mga kasama na makibahagi sa araw na ito.

Lampas na ako ng 21 days na na-COVID. Kaya nagpasya kami ni misis na lumuwas ng Maynila. Nagpa-antigen muna kami at nagpa-checkup sa BenguetGen bago lumuwas. Nang makuha na namin ang resulta ng anti-gen at general check-up, lumuwas kami ni misis ng Nobyembre 16 ng gabi at nakarating sa Cubao, sa bahay ng aking biyenan, ng madaling araw. 

Napuno ng tula hinggil sa pagkakasakit ko ang aking pesbuk at blog. Patunay ng matindi kong karanasan at alaala ng COVID.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 1-15, 2021, pahina 16-17.

Linggo, Nobyembre 14, 2021

Pagdatal ng bagyong Ulysses


PAGDATAL NG BAGYONG ULYSSES
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Matindi ang hagupit ng bagyong Ondoy noong Setyembre 26, 2009 na nagpalubog sa maraming lugar sa Metro Manila at karatig-pook. Subalit tila ba naulit ang bagyong Ondoy nang inilubog ng bagyong Ulysses ang maraming lugar sa Metro Manila at karatig pook noong Nobyembre 11-12, 2020.

Kaluluwas ko lang mula sa Benguet kung saan tagaroon ang aking napangasawa. Oktubre 31, 2020 ay lumipat na ang opisina ng paggawa mula Lungsod ng Quezon sa Lungsod ng Pasig. Nagsilbi akong tagabantay ng opisina. Halos magdadalawang linggo pa lang ako sa opisinang iyon nang manalasa si Ulysses. Mataas naman ang lugar sa may Barangay Palatiw kaya sa kasagsagan ng bagyong Ulysses ay hindi naman kami binaha. Subalit ang katotong si Benny, na isang lider-manggagawa, at naninirahan sa San Mateo, Rizal, ay matindi ang ikinwento sa akin. 

Sa kasagsagan ng bagyong Ulysses, umabot sa ikalawang palapag ng kanilang inuupahang bahay ang baha. Kaya silang mag-anak na naroroon sa unang palapag ay napilitang umakyat sa ikatlong palapag, at umakyat ng bubong dahil pataas ng pataas ang tubig.

Nang may dumating na saklolong bangka, pinasakay niya ang kanyang misis at mga anak. Nagdalawang-isip pa siya dahil mayroon pa siyang alagang aso, at maraming kagamitang maiiwan.

Mabuti't nakinig siya sa kanyang misis na sumama na siya sa dumating na bangkang sumaklolo sa kanila. Naiwan niya ang aso nila na sa kalaunan ay hindi na nila nakita. Marahil ay nalunod na sa kasagsagan ng bagyo. 

At kung hindi siya nakinig sa kanyang misis, malamang ay hindi na siya nasaklolohan pang muli, at marahil ay hindi na siya nasagip, tulad ng kanyang asong mahal na mahal niya.

Marami pang kwento akong napanood sa telebisyon. Nagbabalik ang alaala ng Ondoy, pati na ng bagyong Yolanda, na naging dahilan upang mapasama ako sa mga lakaran hinggil sa klima, tulad ng pagkakapunta ko sa Thailand, dalawang araw matapos ang Ondoy. Setyembre 21, 2009, Lunes, nang mag-aplay ako ng ikalawa kong pasaporte, nakuha iyon ng Setyembre 25, 2009, Biyernes. Sumapit ang bagyong Ondoy, biglaan, kinabukasan, Setyembre 26, 2009. 

Lumubog ang opis ng paggawa kung saan ako natutulog, at mabuti't nasa ibang opis ako natulog nang araw na iyon kaya hindi nabasa ang aking bagong pasaporte. Dahil kung hindi'y tiyak na hindi ako makakasama patungong Thailand para dumalo sa pagpupulong hinggil sa usaping climate change. Setyembre 28, 2009 ay nakalipad na kami ng tatlo pang kasama patungong Bangkok.

Nanalasa ang matinding bagyong Yolanda ng Nobyembre 8, 2013, at isang taon matapos iyon ay nangampanya kami sa pamamagitan ng Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban noong 2014. Hanggang mapasama sa French leg ng Climate Walk mula Rome hanggang Paris noong 2015, ang panahong nilagdaan ang Paris Agreement, kung saan ang usaping klima'y pinag-isipan, pinag-usapan, pinagkaisahan at nilulutas.

Nang dumating ang bagyong Ulysses, nagbabalik ang mga alalahanin. Ano nang mangyayari sa ating daigdig? Noong 2018 nga, inilabas na ng mga siyentipiko na labingdalawang taon na lang ay hindi na mababalik sa dati ang klima ng mundo kung hindi magbabawas ng emisyon ang maraming bansa. At ngayon, 2021 na. May siyam na taon pa. May climate emergency na.

Hanggang ngayon, sumisigaw pa rin kami ng Climate Justice Now! upang dinggin ng iba't ibang bansa na magbawas na ng emisyon at huwag nang gumamit ng dirty energy tulad ng coal plants. Patuloy din ang aming pagbibigay ng pag-aaral sa iba’t ibang samahan upang magpaliwanag hinggil sa usaping klima. Patuloy pa rin ang pangangalsada. Subalit hanggang kailan tayo sisigaw?

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Nobyembre 1-15, 2021, pahina 13-14.

Sabado, Nobyembre 6, 2021

Ang plant-based menu sa COP26

ANG PLANT-BASED MENU SA COP26 AT ANG KAUGNAYAN NITO SA CARBON FOOTPRINT
Saliksik, sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Upang mabawasan diumano ang carbon footprints ng mga pagkain sa COP26, inihanda ng mga organisador nito ang plant-based menu o yaong mga pagkaing mula sa halaman, tulad ng mga gulay.

Ayon sa inews.co.uk: "The winter squash lasagne, made with glazed root vegetables and vegan cheddar, has been listed as having 0.7kg CO2 equivalent emissions, while the kale pasta, made with spelt fusilli and field mushrooms, comes in at 0.3kg of CO2." Masyadong teknikal pag hindi mo nauunawaan ano ba itong carbon foot prints.

Sa theguardian.com naman: "Plant-based dishes will dominate the menu at the COP26 climate conference, where 80% of the food will be from Scotland. The low-carbon menu includes 95% British food, especially locally sourced Scottish produce, and each menu item has an estimate of its carbon foorprint, "helping attendees make climate-friendly choice."

Nakasaad naman sa greenqueen.com.hk: "Another plant-based dish on the menu is an organic spelt whole-grain penne pasta, which comes with a tomato ragu sauce, kale, and oatmeal-based crumble on top. It's the most carbon-friendly of all, requiring only 0.2 kilograms of CO2 to produce."

Subalit ano nga ba itong tinatawag na carbon footprint, at alalang-alala ang mga organisador nito? Ano ang epekto ng carboon footprint sa atin? At ano ang kaugnayan nito sa ating kinakain?

Ayon sa Oxford dictionary, ang carbon footprint ay "the amount of carbon dioxide and other carbon compounds emitted due to the consumption of fossil fuels by a particular person, groups, etc." Sa Wikipedia, "A carbon footprint is the total greenhouse gas emissions caused by an individual, event, organization, service, place or product, expressed as carbon dioxide equivalent."

Ayon naman sa World Health organization (WHO), "a carbon footprint is a measure of the impact your activities have on the amount of carbon dioxide (CO2) produced through the burning of fossil fuels and is expressed as a weight of CO2 emissions produced in tonnes.

Teka, ang carbon foorprint ay may direktang relasyon sa pagsusunog ng fossil fuel, at walang pagbanggit sa pagkain. Kaya ano ang relasyon ng carbon footprint sa ating kinakain, tulad ng gulay at karne? Ang nakalap na balita at ang kahulugan sa diksyunaryo ay hindi pa natin mapagdugtong. Kailangan pang magsaliksik.

Sa website ng Center for Sustainable Systems ay may ganitong paliwanag: "A carbon footprint is the total greenhouse gas (GHG) emissions caused directly and indirectly by an individual, organization, event of product. It is calculated by summing the emissions resulting from every stage of a product or service's lifetime (material production, manufacturing, use, and end-of-life). Throughout a product's lifetime or life cycle, different GHGs may be emitted, such as carbon dioxide (CO2), methane (CH4), and nitrous oxide (N2O), each with a greater or lesser ability to trap heat in the atmosphere. These differences are accounted for by the global warming potential (GWP) of each gas, resulting in a carbon footprint in units of mass of carbon dioxide equivalents (CO2e).

Ayon pa rin sa nasabing website, hinggil sa pagkain bilang pinagmumulan ng emisyon:
- Food accounts for 10-30% of a household's carbon footprint, typically a higher portion  in lower-income household. Production accounts for 68% of food emissions, while transportation accounts for 5%.
- Food production emissions consist mainly of CO2, N2O, and CH4, which result primarily from agricultural practices.
- Meat products have larger carbon footprints per calorie than grain or vegetable products because of the inefficient conversion of plant to animal energy and due to CH4 released from manure management and enteric fermentation in ruminants.
- Ruminants such as cattle, sheep, and goats produced 179 million metric ton (mmt) CO2e of enteric methane in the US in 2019.
- In an average US household, eliminating the transport of food for one yar could save the GHG equivalent of driving 1,000 miles, while shifting  to a vegetarian meal one day a week could save the equivalent of driving 1,160 miles.
- A vegetarian diet greatly reduces an individual's carbon footprint, but switching to less carbon intensive meats can have a major impact as well. For example, beef's GHG emissions per kilogram are 7.2 times greater than those of chicken.

Sa madaling salita, may bakas ng karbon sa ating kinakain. Ibig sabihin, may inilalabas tayong nakakapag-ambag sa emisyon sa atmospera. Sa paanong porma? Sa pagluluto na lang, may fossil fuel tayong sinusunog sa anyo ng gasul o LPG. Sa paghahatid ng mga produktong gulay mula sa lalawigan patungo sa kalunsuran, may gasolinang sinusunog sa sasakyan.

Mas malaki rin ang carbon footprint ng karne kaysa gulay. Dahil mas magastos ang patabaing baka at baboy kung ikukumpara sa gulay. Pati ang lakas-paggawa ng mangangatay ng hayop ay mas malaki kaysa pagpitas ng gulay. Kaya mas malaki ang carbon footprint ng mga karne kaysa gulay.

Ito ang simple kong pagkaunawa kaya plant-based ang inihahandang pagkain sa COP26 upang mas mababa ang carbon footprint na maiaambag ng mga delegado sa atmospera. At ito rin ang ating itinataguyod upang di lalong lumala pa ang pag-iinit ng klima.

Sa puntong ito, nais kong buodin ang munting talakay na ito sa pamamagitan ng tula:

PAGKAIN AT BAKAS NG KARBON

paano ba uunawain ang bakas ng karbon
o carbon footprint sa mga pagkain natin ngayon 
dapat talagang mabatid ang mga eksplanasyon
upang alam din natin ang gagawin at solusyon

ang carbon footprint ang sukat ng emisyon sa ere
o usok sa atmosperang di makita't masabi
dahil sa pagsunog ng fossil fuel na kayrami
dahil din sa mga coal plants na sadyang malalaki

carbon footprint yaong total ng greenhouse gas emission
dahil sa kagagawan ng tao, organisayon
dahil din sa aktibidad ng mga korporasyon
sa baytang ng paglikha ng produkto'y may emisyon

subalit may carbon footprints din sa pagkain natin
lalo pa sa mga alagang hayop at pananim
mabuting sa bakuran mo manggaling ang pakain
kaysa mula sa ibang lugar sa iyo dadalhin

kumpara sa gulay, mas malaki ang carbon footprint
ng mga karne, ng mga hayop na patabain
kaya sa COP26, gulay na ang hinahain
na malapit lang sa lugar ng pulong ang pagkain

dapat nating maunawaan, talagang masapol
fossil fuel ay sinusunog sa anyo ng gasul
o L.P.G., o natipong kahoy na pinalakol
upang gawing panggatong, makabuo ng espasol

sa munti kong pang-unawa, naibahagi nawa 
ang mga kaalamang dapat mabatid ng madla
pag-isipang mabuti ang ganitong nagagawa
na sistemang ito'y dapat palang baguhing kusa

Mga pinaghalawan:
https://www.theguardian.com/environment/2021/oct/23/cop26-menu-plant-based-dishes-scottish-food
https://www.greenqueen.com.hk/cop26-climate-change-menu/
https://www.veganfoodandliving.com/news/cop26-menu-sustainability-local-plant-based-food/
https://www.republicworld.com/world-news/uk-news/cop26-menu-to-focus-on-plant-based-dishes-to-help-attendees-make-climate-friendly-choices.html
https://inews.co.uk/inews-lifestyle/food-and-drink/cop26-low-carbon-plant-focused-menu-made-with-local-food-will-measure-emissions-of-each-dish-1265977
https://css.umich.edu/factsheets/carbon-footprint-factsheet

Biyernes, Oktubre 29, 2021

Kwento: Kahalagahan ng tubig

KAHALAGAHAN NG TUBIG
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Madalas, nag-iipon kami ng tubig sa malaking dram mula sa tubig-ulan upang may maipambuhos sa inidoro o kaya'y panglinis sa sahig at sasakyang pampasaherong dyip ng tiyo.

Isang araw, biglang nawalan ng tubig sa kahabaan ng kalsadang kinatitirikan ng aming mga bahay, kaya ang mga magkakapitbahay ay nagsipilahan sa pag-igib ng tubig sa isang posong binuksan ng barangay. Poso iyong ginagamit ng mga bumbero para maglagay ng tubig sa kanilang trak. Inaayos daw ang daluyan ng tubig sa kabilang kalsada dahil pulos kalawang ang lumalabas, sabi ng isang kapitbahay. Pag natapos na raw iyon ay saka magkakaroon ng tubig sa gripo.

Kami namang magkakapatid, naiwan naming nakabukas ang gripo kahit hindi tumutulo. Umaasang pag pumatak na ang tubig sa gripo ay may tubig na. Nakipila rin kami, at nagdala ng mga balde upang maigiban ng tubig.

Kinagabihan, nakatulugan na naming magkakapatid na hindi naisasara ang gripo sa lababo at sa banyo.

Nagising kami ng madaling araw na umawas na ang tubig sa dram sa banyo. Tulo naman ng tulo ang tubig sa lababo gayong walang anumang nakasahod na timba o palanggana. Buti na lang at nagising si Itay. Pinatay niya ang mga gripo. Nagising din kami. Nasermunan kami ni Itay. "Kayong mga bata kayo, bakit iniwan ninyong nakabukas ang gripo? Tulo tuloy ng tulo ang tubig at umawas pa sa ating sahig."

"Hala, linisin ninyo iyan," sabi ni Itay. Kaya kinuha naming magkapatid ang map. Ako ang gumamit ng map habang ang kapatid kong mas bata sa akin ang kumuha ng palanggana upang doon pigain ang tubig sa map.

Yaon namang tubig-ulan sa dram ay ginamit din namin upang tuluyang luminis ang sahig, di lang malapit sa banyo kundi sa sala. Kumuha kami ng tubig-ulan, nilagay sa timbang may sabon, at ibinuhos namin sa sala upang walisin at tuluyang linisin ang sahig.

Nakita iyon ni Itay. "Bakit kayo nagbuhos ng ganyan?"

"Tubig-ulan naman po iyan, 'Tay. Libre galing sa langit," ang sabi ko.

"Nangangatwiran ka pa. Porke ba libre ang tubig ay aaksayahin na lang ninyo?" ang sabi ni Itay. "Kung tubig dagat iyan o tubig sa ilog, libre iyan. Subalit pag nasa gripo na, libre pa ba iyan? May bayad na iyan, at dapat lagi tayong may nakahandang pambayad diyan. Baka pag nawalan tayo ng tubig, aba'y malaking perwisyo iyan! Di tayo makakaligo, di makakainom ng tubig, di makakapagsaing. Aba'y pag hindi ginagamit ang gripo, isara ninyo!"

Tinandaan namin ang sinabi ni Itay, dahil tama siya. Kung libre ang tubig ay gamitin namin ng tama. Kung may bayad ang tubig, lalo nang dapat naming gamitin ng tama. Dahil ang mahirap ay kung mawalan kami ng tubig.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Oktubre 16-21, 2021, pahina 17.

Miyerkules, Oktubre 27, 2021

Engels at Rizal sa London

ENGELS AT RIZAL SA LONDON

may tula si Rio Alma tungkol sa pagkikita
nina Friedrich Engels at Jose Rizal, sa London pa
na pag iyong nabasa'y tila ka mapapanganga
na sa pag-uusap nila'y parang naroroon ka

anong tindi ng dayalogo ng dalawang iyon
kay Rizal, dapat unahin muna ang edukasyon
kay Engels, nirespeto si Rizal sa pasyang iyon
subalit binanggit bakit dapat magrebolusyon

at sa huli, nagkamayan ang dalawang dakila
ngunit nang maghiwalay, may binulong silang sadya
na di na nadinig ng isa't isa ang salita
bagamat batid natin bilang nagbabasang madla

at ngayon, sa webinar ni Dr. Ambeth Ocampo
ay sinabing baka nagkita ang dalawang ito
nagkasabay sa London silang sikat na totoo
kung aaralin natin ang kasaysayan ng mundo

wala pang patunay na nag-usap nga ang dalawa
bagamat magkalapit ang tinutuluyan nila
nasa Primrose Hill si Rizal,  sa inupahan niya
kay Engels ang layo'y sandaan limampung metro pa

kaya iniskrin shot ko ang isang slide ni Ambeth
upang magsaliksik baka may ibang kumalabit
sabihing may katibayang nag-usap silang higit
at nang sa aking balikat, ito'y di ipagkibit

- gregoriovbituinjr.
10.27.2021

* litrato ay screenshot sa nadaluhan kong webinar na isa sa tagapagsalita ay si Dr. Ambeth Ocampo, Session 2 ng Ilustrado Historiography ng Philippine International Quincentennial Conference, October 26, 2021
* datos mula sa isang aklat ng tula ni Rio Alma (na di ko na matandaan ang pamagat)
* https://www.pna.gov.ph/articles/1072710

Linggo, Agosto 29, 2021

Kwento: Mataas na upa, sa iskwater tumira

MATAAS NA UPA, SA ISKWATER TUMIRA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Baguhan lang sa Maynila si Igme. Galing siyang lalawigan at lumuwas lang ng Maynila upang maghanap ng trabaho. Nakahanap naman ng trabaho si Igme. Hindi sa pabrika kundi bilang magbabasura. Iyon bang kumukuha ng basura sa bahay-bahay at inilalagay sa trak.

Gaano lang ang sinasahod ni Igme sa isang buwan. Sapat lang sa pagkain, na minsan ay kulang pa nga. Paano na ang pambayad sa upa sa bahay? Noong una ay nakipisan muna siya sa pamilya ng kanyang pinsan noong bagong salta pa lang siya sa lungsod. Subalit tila kinaiinisan na siya ng asawa ng kanyang pinsan kaya nagpasya siyang mangupahan na lang.

Kaytataas ng mga upa ng kwarto. Kaya nag-bed spacer muna siya. Kahit paano ay kaya pa niya ang upa. Hanggang manligaw si Igme sa isang may di gaanong kagandahang dilag na nagtitinda ng gulay sa palengke. Nagkaibigan sila hanggang sila’y ikasal. Hindi na mag-isa si Igme sa kanyang kama, at di na bed-space, kundi kwarto na ang kanyang inupahan bilang mag-asawa. Mahal na ang upa. Hanggang sa abutan sila ng pandemya. Nawalan sila ng trabaho nang mag-lockdown.

Nang lumuwag na ang lockdown, nagbalik siya sa pagtatrabaho bilang basurero, habang ang buntis niyang asawa ay hindi na makapag-tinda sa palengke. Subalit tumutulong sa asawa sa pamamagitan ng paglalabada. Hindi naman maganda ang kinikita nilang dalawa, kaya napilitan si Igme na maghanap ng mauupahang mas mura hanggang mayaya siya ng kanyang mga katrabaho na magtayo ng barungbarong na pansamantala nilang matitirahan sa malapit sa tambakan ng basura. 

Doon muna sila pansamantalang nagtirik ng tirahan kasama ang kanyang mga katrabaho. Doon sa tabi ng tapunan ng basura ay libre silang makatira dahil walang upa, walang maniningil sa kanila. Kaya doon sila nagtayo ng kanilang paraiso - isang munting barungbarong.

Libre ang paninirahan. Walang upa. Libre rin ang magkasakit dahil nasa tabi ng basurahan. Marahil ay ganyan ang kapalaran ni Igme at ng iba pang mahihirap na tulad niya. Ayaw nila ng hirap, tulad ng marami sa atin. Nais nila ng ginhawa, tulad ng marami sa atin.  Subalit dahil sa mahal na upa ng kahit maliit na kwarto na hindi kaya ng kanilang sinasahod, napilitan silang tumira sa iskwater, sa tabi pa ng tambakan ng basura.

Naalala ko tuloy ang awitin ni Gary Granada na may pamagat na “Bahay.” Tila ganuon ang nangyari kina Igme. Nagtayo ng tagpi-tagping barungbarong na pinatungan ng bato. 

Hanggang magkasarilinan ang mag-asawa at nagkausap.

“Hanggang kailan ba tayo titira rito, Igme?” tanong ni Teresa. “Dito ba natin palalakihin ang ating mga magiging anak?”

Nakatunganga sa kawalan si Igme. Hindi niya mawari ang kanyang kapalaran. Ang nasabi na lang niya sa kanyang asawa na aalis din sila doon kung makakaluwag-luwag na sila. Naisip niyang umuwi sa lalawigan, ngunit anong trabaho ang madadatnan niya roon kundi magsaka na mas mabigat na trabaho kaysa pagtatapon ng basura.

“Kailan ba tayo makakaluwag-luwag? Kakarampot lang naman ang sinasahod mo, kontraktwal ka pa. Hindi pa sigurado kung kailan ka mareregular sa trabaho mo?” ungkat muli ng kanyang asawa.

“Hindi ko alam, Teresa. Basta ang alam ko, aalis tayo rito. Ayoko rin namang itira ka rito. Basta makaluwag-luwag tayo, hahanap ako ng mas maayos-ayos na kwartong uupahan natin. Basta hindi mahal o mataas ang presyo. Baka mapunta na lang sa upa ang sahod ko at hindi na tayo makakain.” Ito na lang ang malungkot na nasabi ni Igme.

“Makakaraos din tayo.” Muling sabi ni Igme sa kanyang asawa. Tila baga pagbibigay ng pag-asa sa walang kapaga-pag-asang kinabukasan.

“Tara, mahal ko, matulog muna tayo. Mag-aalas-dose na pala ng hatinggabi,” ang nasabi na lang ni Igme habang nakatitig sa kawalan.

Umalingawngaw sa di kalayuan ang isang mahinang awitin sa radyo. Tila ba batid ni Gary Granada ang kanilang sinapit. Hanggang unti-unting nakatulugan ni Igme ang pakikinig.

“Isang araw, ako'y nadalaw sa bahay-tambakan
Labinlimang mag-anak ang doo'y nagsiksikan
Nagtitiis sa munting barong-barong na sira-sira
Habang doon sa isang mansiyon, halos walang nakatira
Sa init ng tabla't karton, sila doo'y nakakulong
Sa lilim ng yerong kalawang at mga sirang gulong
Pinagtagpi-tagping basurang pinatungan ng bato
Hindi ko maintindihan, bakit ang tawag sa ganito ay bahay?
Sinulat ko ang nakita ng aking mga mata
Ang kanilang kalagayan, ginawan ko ng kanta
Iginuhit at isinalarawan ang naramdaman
At sinangguni ko sa mga taong marami ang alam
Isang bantog na senador ang unang nilapitan ko
At dalubhasang propesor ng malaking kolehiyo
At ang pinagpala sa mundo, ang diyaryo at ang pulpito
Lahat sila'y nagkasundo na ang tawag sa ganito ay bahay.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Agosto 16-31, 2021, pahina 16-17.

Biyernes, Agosto 20, 2021

Bukrebyu: Ang Balarila ng Wikang Pambansa ni Lope K. Santos

BUKREBYU: ANG BALARILA NG WIKANG PAMBANSA NI LOPE K. SANTOS
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tuwang-tuwa akong nabili ang aklat na Balarila ng Wikang Pambansa ni Lope K. Santos. Bihira lang ang magkaroon ng mahalagang aklat na ito, na sa madalas kong paglilibot sa mga book store ay wala nang makikitang ganito. 

Buti na lamang at muli itong inilathala ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa pakikipagtulungan sa Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA) noong 2019 bilang isang proyekto sa Aklat ng Bayan. Ang Aklat ng Bayan, ayon sa aklat, "ay isang pangmatagalang proyekto ng KWF na layuning isulong ang "Aklatan ng Karunungan" (Library of Knowledge) na magtatampok sa Filipino bilang wika ng pagkatha at saliksik."

Nabili ko ang aklat na ito mula sa katas ng isa kong artikulong inilathala ng Cultural Center of the Philippines (CCP) sa kanilang publikasyong Ani, kaya sa pagdalaw ko sa makasaysayang Solidaridad Bookshop sa Ermita, Maynila ay hindi ko na pinakawalan pa ang aklat na ito. Dahil naisip kong bihira lang ang nagkakaroon ng ganitong aklat. Nabili ko ang aklat noong Hunyo 3, 2021 sa halagang animnaraang piso (P600.00).

Ang sukat ng nasabing aklat ay 7" x 10" at ang kapal nito ay 1 at 1/4". Naglalaman ito ng mga pahinang Roman numeral na 42 at Hindu Arabic numeral na 496, na sa kabuuan ay 538 pahina.

Pinasimulan ang aklat sa mahabang talakay ni Galileo S. Zafra, na pinamagatang "Si Lope K. Santos at ang kanyang Palatuntunang Pangwika" mula pahina Xi hanggang XLI. Dito'y tinalakay rin niya ang talambuhay ni LKS hanggang sa isulat nito ang Balarila ng Wikang Pambansa.

Ang Unang Bahagi ng aklat ay binubuo ng mga sumusunod na kabanata:
I. Balarila ng Wikang Pambansa, p.8
II. Ang Palatitikan, p.12
III. Ang mga Pantig, p.23
Iv. Palabuuan ng mga Salita, p.28
V. Mga Sangkap ng Pananalita, p.35
VI. Ang Palagitlingan, p. 40
VII. Ang Palatuldikan, p. 66
VIII. Ang Baybaying Pilipino, p. 95
IX. Ang mga Pang-angkop, p. 105

Ang Ikalawang Bahagi naman ay binubuo ng mga sumusunod na kabanata:
Ang Palasurian (Analogy), p. 111
X. Ang mga Pantukoy, p. 112
XI. Ang Pangngalanp. 120
XII. Ang Pang-uri, p. 167
XIII. Ang mga Panghalip, p. 234
XIV. Ang Pandiwa, p. 253
XV. Ang Pandiwari, p. 397
XVI. Ang Pang-abay, p. 402
XVII. Pang-ukol, p. 444
XVIII. Ang Pangatnig, p. 451
XIX. Ang Pandamdam, p. 470

Sa dulo ng aklat, mula p. 476 ay may kabanatang Mga Dagdag na Panutuhan, kung saan kasunod niyon ang Appendix A, B, at C.

Mapapansing mahahabang pahina ang inukol sa pagtalakay sa Kabanata XII na may 67 pahina at sa Kabanata XIV na may 144 pahina, patunay ng pinag-ukulan ng panahon at pananaliksik ang mayabong na pagtalakay hinggil sa Pang-uri at Pandiwa. Bagamat ang ibang maiikling kabanata ay kasinghalaga rin naman ng mga nabanggit.

Sa mga pagtalakay ay nagbibigay ng halimbawa si LKS upang mas magagap pa ng mambabasa o mag-aaral ng wika kung paano ba ito ginagamit.

Isa sa mga nagustuhan ko ang pagtalakay sa Titik m ng Kabanata VI hinggil sa Palagitlingan, na tumutukoy sa paggamit ng gitling sa panlaping ika (na madalas ay mali ang pagkakagamit ng ilan nating kababayan sa kasalukuyan, tulad ng ika-5 ay nilalagyan ng gitling kapag ginawang salita, ika-lima, na mali).

(m) Kung gamit sa pagbilang ng mga nagkakasunud-sunod sa hanay, at ang bilang ay di mga salita kundi mga titik-bilang o tambilang (numero-figure). Gaya ng: 

ika-8 ng umaga; ika-10 n.t.; ika-11 n.g.
ika-28 ng Pebrero; ika-13 ng Agosto; ika-25 ng Disyembre
tuntuning ika-4, kabanatang ika-12; ika-20 pangkat

Kung ang mga bilang ay salita, pinagkakabit na nang walang gitling. Gaya ng:

ikawalóng oras; ikasampú't kalahati; ikalabing-isá
ikadalawampú't walo ng Pebrero; ikalabintatló ng Agosto
tuntuning ikaapat; kabanatang ikalabindalawá

Mapapansing ginamitan pa niya ng tuldik ang mga halimbawa. Sadyang pinag-ukulan ng pansin ang paggamit ng gitling na binubuo ng dalawampú't siyam na pahina.

Sa kabuuan, ang aklat na ito ay isang kayamanang maituturing ng tulad kong makata't manunulat upang lalo pang mapahusay ang pagsusulat ng mga kwento, sanaysay at tula

Ibahagi natin ang mga kaalamang ito. Inirerekomenda ko ito sa mga mag-aaral, mga manunulat, kwentista, mandudula, kompositor, makata't mananalaysay, mga mananaliksik sa wika, at sa kapwa palaaral sa wikang pambansa. At ang munting pagtalakay na ito'y isa nang ambag at magandang pambungad ngayong Agosto bilang Buwan ng Wika.

08.20.2021

Huwebes, Hulyo 1, 2021

Bukrebyu: Ang aklat na "100 Tula ni Bela"




BUKREBYU: ANG AKLAT NA "100 TULA NI BELA"
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang talagang hinahanap kong aklat, bukod sa pelikula, ay yaong may pamagat na "100 Tula Para Kay Stella". Nakita ko na iyon sa Fully Booked sa Gateway sa Cubao, subalit hindi ko binili dahil nagkataong wala akong sapat na salapi ng araw na iyon. Ilang araw pa ang lumipas nang mapadaan muli sa Fully Booked at bigla kong naalala ang librong iyon. Kaya sinilip ko kung naroon pa ang aklat na iyon subalit wala na.

Isa iyon sa mga nais kong mabasa, at maisama sa mga koleksyon ko ng aklatula o petry book, para sa munti kong aklatan. Nag-ikot ako sa ibang book store subalit wala.

Hanggang isang araw, napadaan ako sa Book Sale sa Farmers' Plaza, at nakita ko ang aklat na "100 Tula ni Bela", na sinulat ng aktres na si Bela Padilla, na siya ring aktres na gumanap sa pelikulang "100 Tula Para Kay Stella". Binili ko agad ang aklat na "100 Tula ni Bela" sa halagang P110.00, nasa 112 pahina. Ang petsa nang binili ko iyon ay Nobyembre 24, 2020, na kadalasang isinusulat ko sa mga aklat na aking nabili. Petsa, presyo, at kung saang book store ko binili. Nakaugalian ko na iyon, upang malaman ko kung saan at kailan ko ba nabili ang isang libro at kung magkano ko iyon binili.

Laking tuwa kong mabili ang aklat na iyon, bagamat sa kalaunan ay nahimasmasan ako. Iba palang libro ito. 100 Tula ni Bela. Hindi ang hinahanap kong "100 Tula Para Kay Stella". Gayunpaman, binasa ko pa rin. Maganda ang kanyang mga isinulat na tula. Tunay na pagpapahayag ng kanyang damdamin sa simpleng pamamaraan.

Ang librong iyon ang inspirasyon ko upang gawin din ang 100 Tula Para Kay Liberty, na siyang napili kong pamagat ng aklat. O kung isasalin sa Ingles ay 100 Poems for Liberty, na pag isinalin sa wikang Filipino ay 100 Tula Para sa Kalayaan. Oo, 100 Tula Para Kay Liberty, dahil Liberty ang pangalan ni misis. Datapwat iilan lamang ang mga tula ko sa Ingles.

Hindi ko alam kung kailan ko matatagpuan ang aklat na "100 Tula Para Kay Stella" upang maisama sa aking mga collector's item, at mabasa na rin. Gayunman, patuloy kong ginagawa ang aking planong 100 tula para kay esmi.

Mapapansing maiikli ang mga tula ni Bela. Sa bawat tula sa librong "100 Tula ni Bela" ay may mga litrato kung saan nakapatong doon ang mumunting hiyas ng puso't diwa ni Bela Padilla. At paurong ang bilang, dahil sinimulan sa libro ang Tula 100, sunod ay Tula 99, at nagtapos sa Tula 1. May mga tulang nakasulat sa Ingles at karamihan ay nasa wikang Filipino. Pampakilig sa mga binata ang kanyang mga tula. Bagamat may lalim din ang pananalinghaga ng dalaga. Marami ring mga hugot na talaga mong madarama, na tila ba pinatatamaan ka ng kanyang pananalita.

Namnamin mo ang ilan sa mga tula niyang ito. Kahanga-hanga ang mga hugot at palaisipang mula sa kanyng puso'y tunay nating mararamdaman.

Tula 26:

BEATIFUL DEATH

I'm pleased to know that after my life
I still serve a purpose.
When you come home at night and you look at me,
I feel like I did something selfless.
Maybe the pain of my death was meant to be.
To take your sorrows away.
To make you happy.

Tula 42:

REBULTO

Magdamag na nakatindig,
nakikita mo ang lahat.
Ang buhay naming mga dumadaan
na iba't iba ang pamagat.
Buti nalang wala kang nararamdaman
dahil wala ka namang puso.
Kung hindi masasaktan ka sa amin,
ako'y sigurado.
Naiinggit ako sayo,
dahil wala kang kaalam-alam.
Di mo alam ang tamis ng pagmamahal
at ang kirot ng salitang paalam.

Hindi ko pupunahin ang istruktura ng kanyang pananaludtod, o pawang vers libre ang kanyang mga tula, mga malayang taludturang tumatagos sa mambabasa, dahil ika nga, ang tula ay mula sa puso, inihahayag sa pamamagitan ng mga titik, at hindi maaaring basta ikulong na lang sa tugma't sukat. Iba iyon sa aking pagtula, pagkat kadalasang bawat tula ko'y nakabartolina sa tugma't sukat.

Maganda ang pagkakabalangkas ng kanyang Tula 17 na masasabi mo talagang maaari siyang ihanay sa iba pang magagaling na makata sa Ingles. Halina't namnamin ang ganda ng kanyang pananaludtod.

Tula 17:

MYRIAD

Sometimes plenty,
mostly few.
Sometimes happy,
mostly blue.
Sometimes taunting,
mostly true.
Sometimes me,
mostly you.

Gayunpaman, marahil ay inspirasyon ni Bela ang pelikula niyang ginampanan upang mabuo ang sarili niyang bersyon ng 100 Tula. Mabuhay ka, Bela Padilla, at ang iyong mga malikhang obra.

07.01.2021

Lunes, Hunyo 14, 2021

Kwento: Bakit may kahirapan?

BAKIT MAY KAHIRAPAN?
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Bakit may kahirapan?” Isa ang tanong na iyan sa ayaw tugunan ng nasa kapangyarihan o kaya’y ayaw nilang pag-usapan. Mas nais lang nilang maglimos kaysa malaman ang ugat ng kahirapan. Natatandaan ko pa ang sinabi ni Bishop Helder Camara ng Brazil, "When I give food to the poor, they call me a saint. When I ask why the poor have no food, they call me a communist. (Kapag nagbibigay ako ng pagkain sa mahihirap, tinatawag nila akong santo. Kapag tinatanong ko kung bakit walang pagkain ang mga mahihirap, tinatawag nila akong komunista.)"

Kaya nang minsang magkaroon ng pag-aaral ng mga maralita hinggil sa ugat ng kahirapan, ibinungad agad ng tagapagpadaloy ang sinabing ito ni Obispo Camara. “Balido ang sinabi ni Obispo Camara, may tumututol ba rito?” Walang nagtaas ng kamay, pawang nag-iisip.

Hanggang sa tumayo si Mang Igme, isang lider-maralita sa Tondo, “Kayganda ng sinabi ng Obispo. Talagang mapapaisip tayo. Pag nagbigay ka ng pagkain sa dukha, banal ka, subalit pag tinanong mo ang dukha bakit sila mahirap, aba’y masama ka na! Komunista agad ang tingin sa iyo! Aba’y magaling kung komunista ka pala pagkat palatanong ka, at hindi tango nang tango na lang sa kung anong dikta sa iyo.”

“Aba’y maganda ang iyong tinuran, Manong Igme,” sabi naman ni Mang Inggo. “Natandaan ko tuloy ang kwento ng binatang si Archimedes Trajano, na biktima ng marsyalo! Alam n’yo ba ang kwento niya. Aba’y nang tinanong lang niya noon sa isang talakayan si Imee Marcos kung bakit siya ang pangulo ng Kabataang Barangay, aba’y nairita si Imee, at ang kanyang mga tao ay biglang dinaluhong si Archimedes. Itinapon pa raw sa bintana kaya namatay. Aba’y masama pala magtanong kung kaharap mo ay may kapangyarihan!”

“Kaya nga dapat baguhin ang bulok na sistema. Ito ang panawagan namin noon pa, upang maitayo natin ang isang lipunang makatao,  walang pagsasamantala ng tao sa tao, walang pang-aapi, kundi lipunang kumikilala sa dignidad ng bawat tao kahit pa siya’y maralita. Subalit bago natin iyon magawa nang sama-sama, dapat ay nauunawaan natin bakit nga ba may kahirapan. Magtanong kayo dahil diyan magiging mabunga ang ating talakayan.” Sabad ni Mang Kulas, ang tagapadaloy.

“Alam n’yo, noong ako’y bata pa, nagisnan ko nang mahirap ang buhay nina Itay at Inay. Hindi nila ako napag-aral noon, subalit kahit paano naman ay nakaabot ako ng Gred Wan.” Sabi ni Isko.

“Ang ganda pa naman po ng pangalan ninyo, Mang Isko, Parang iskolar ng bayan. Subalit iyan ba ang dahilan bakit kayo mahirap, gayong may karunungan kayong di basta nakukuha sa pag-aaral sa eskwelahan. Karunungang mula karanasan. Ang sinabi ninyo’y di ugat na kahirapan. Dii lang po kayo nabigyan ng pagkakataong makapag-aral.” Ani Kulas.

Nagtaas ng kamay si Iking, “Sabi po ng iba, katamaran daw po ang ugat ng kahirapan. Kaya lang po, hindi ko maubos-maisip na tama nga iyon, dahil si Tatang naman ay kaysipag sa bukid. Maagang gumigising upang mag-araro at magtanim, ngunit kami’y mahirap pa rin. Si Kuya Atoy naman ay kay-agang pumasok sa pabrika at hindi lumiliban sa trabaho ngunit mahirap pa rin kami.”

“Tama ka, Iking, ang katamaran ay hindi ugat ng kahirapan.”

“Populasyon po ba?” Tanong ni Aling Telay, “Pag maraming anak ay naghihirap. Pag kaunti ang anak ay kaunti lang ang pakakainin. O kaya kapalaran na talaga naming maging mahirap.”

“Pag naniwala kang ang populasyon at kapalaran ang ugat ng kahirapan, aba’y hindi na pala uunlad ang may maraming anak, kahit anong sipag pa ang kanyang gagawin.” Ani Kulas.

“Ang totoong ugat ng kahirapan ay ang pagkakaroon ng isang tao o grupo ng mga pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon tulad ng pabrika, makina at mga lupain. Tulad sa lugar natin, ang nag-aari ng lupa ay si Don Ogag, na imbes na tayo ang makinabang sa ating pinagpaguran, ibibigay pa natin ang mayorya ng pinagpawisan natin sa kanya, dahil lang sa pribilehiyo niyang siya ang may-ari. Upang mawala ang kahirapan dapat mawala ang ganyang konsepto ng pribadong pag-aari upang makinabang ang lahat sa kanilang pinagpaguran. Tanggalin sa kamay ng iilan ang pag-aaring yamang kinamkam nila upang ang lahat naman ay makinabang.”

Tatango-tango lahat ng naroon. Naunawaan na nilang ang pribadong pag-aari pala ng mga pabrika, makina’t lupain ang ugat ng kahirapan.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hunyo 1-15, 2021, pahina 18-19.

Miyerkules, Mayo 19, 2021

Sino ba si Pablo Ocampo, na may rebulto sa dating Vito Cruz St.




SINO BA SI PABLO OCAMPO, NA MAY REBULTO SA DATING VITO CRUZ ST.

Napadaan ako sa rebulto ni Pablo Ocampo, matapos kong makapanggaling sa Cultural Center of the Philippines (CCP) matapos kunin ang tseke para sa isa kong artikulong ipinasa. Pagkalabas ko roon ay dumaan muli ako sa dating Vito Cruz, na ngayon ay Pablo Ocampo na, upang sumakay muli ng LRT patungo sa aking pupuntahan.

Napahinto ako sa rebulto ni Pablo Ocampo, at nag-selfie doon. Ang rebulto, kung mula sa CCP ay bago mag-Rizal Memorial Coliseum. Ngunit kung galing sa LRT ay pagkalampas lang ng mga apat o limang metro sa kanto ng Rizal Memorial Coliseum, at nasa gitna ng kalsada, na 'yun ang babaan o dinadaanan ng biyaheng Dakota Harrison.

Huminto ako at minasdan ang rebulto. Nais kong malaman kung sino ba si Pablo Ocampo at bakit siya ang ipinalit na pangalan sa dating Vito Cruz. Gayundin naman, sino ba si Vito Cruz at bakit pinalitan ang pangalan ng kalsadang dating nakapangalan sa kanya. At maibahagi ito sa ating mga kababayan.

Hanggang ngayon nga, nakapangalan pa rin sa LRT station ay Vito Cruz, imbes na Pablo Ocampo. Isa pang pananaliksik kung sino ba si Vito Cruz. Ngunit tutukan muna natin kung sino si Pablo Ocampo. Palagay ko'y sapat na ang pagpapakilala sa kanya sa nakaukit na tala sa lapida o marker na nasa ibaba ng kanyang rebulto o bantayog, na ang nakasulat ay ang mga sumusunod:

"PABLO OCAMPO (1853-1925), Abogado, editor, estadista at makabayan. Isinilang, Enero 25, 1853, Sta. Cruz, Maynila. Hinirang na Relator, Audencia ng Maynila, 1888; Promotor Fiskal, Hukumang Unang Dulugan ng Tondo, 1889; Defensor de Oficio at Kalihim, Colegio de Abogado, 1890; Kagawad at isa sa kalihim ng Kongreso ng Malolos at kagawad ng komiteng bumalangkas sa Konstitusyon ng Malolos, Editor ng La Patria, kung saan nalathala ang mahahalagang suliranin at mga isyung pambayan. Kasama ang kanyang mga kuro-kurong makabayan. Ipinatapon sa Guam kasama ng ibang makabayang Filipino, 1901. Bumalik sa Pilipinas pagkaraang makapanumpa ng katapatan sa Estados Unidos, 1902. Nahalal na naninirahang komisyonado sa E.U. 1907 at kasama ng delegasyong Amerikano sa Interparliamentary Union Conference sa Berlin, Alemanya, 1909. Nahalal na kinatawan ng Maynila sa Ikalawang Lehislatura ng Pilipinas, 1919. Namatay, Pebrero 5, 1925.

Ang marker ay inilagay ng National Historical Institute (NHI) noong 1991. Ang NHI ay ipinangalan noong 1972 na pinalitan ang dating National Historical Commission (NHC). Noong 2010 ay pinangalanan na itong National Historical Commission of the Philippines (NHCP). 

May trivia pa. Pareho pala kami ng paaralang pinanggalingan noong hayskul. Kaya marahil naging interesado ako sa kanya at nag-selfie sa kanyang rebulto. Batay ito sa saliksik sa mga kawing na: https://history.house.gov/People/Listing/O/OCAMPO,-Pablo-(O000020)/ at https://en.wikipedia.org/wiki/Pablo_Ocampo.

Mabuhay ka, Ka Pablo Ocampo, at ang iyong mga inambag sa ating bansa!

- gregoriovbituinjr.05.19.2021

Nag-selfie sa CCP


NAG-SELFIE SA CCP

Dumaan ako kanina sa Cultural Center of the Philippines (CCP) sa Roxas Blvd. dahil kailangan kong kunin ang isang tseke para sa isa kong artikulo. Matapos kong makuha, nag-selfie na rin ako sa ilang karatula dito. Malaking tulong na rin ang munting pabuya upang makabili ng anumang pangangailangan ngayong may pandemya, tulad ng pagkain.

Tahimik ang paligid. Bagamat bukas ang mga opisina. Marahil ay konsentrado ang mga kawani sa loob ng kani-kanilang silid. Walang aktibidad, at wala kasing kakilala.

Gayunman, nag-selfie na nga lang ako sa nakita kong karatula o poster na may nakasulat na CCP.

Dalawa o tatlong taon na ang nakararaan noong huli akong magpunta rito, kasama si misis, dahil nanood kami ng isang palabas, na may tulaan. Iyon ang unang date namin ni misis sa loob ng CCP.

Dinaluhan namin ang imbitasyon. Iyon ay hinggil sa paligsahan ng makabagong sarswela kung saan maraming mga nanalo, at ang guro ko sa LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo) na si Prof. Michael Coroza ang siyang emcee. Pawang magagaling ang mga nanalo, at marami rin akong kakilalang naroon. Nakakwentuhan, at hanggang ngayon ay nagkikita-kita pa sa fb.

Padayon, CCP, at nawa'y magpatuloy pa kayo sa gawaing pangkultura, at suportahan pa ang mga manunulat at mga manggagawang pangkultura! Mabuhay kayo!

- gregoriovbituinjr.05.19.2021

Biyernes, Mayo 14, 2021

Kwento - Pagbaka sa Kontraktwalisasyon


PAGBAKA SA KONTRAKTWALISASYON
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Nakakainis talaga. Nagtatrabaho ka sa kumpanya tapos dahil kontraktwal ka, hindi ka ituturing na manggagawa ng kumpanya! Hay, naku, grabe na talaga ang pagkasalot ng salot na kontraktwalisasyon.” Gigil na sabi ni Inggo habang pigil ang kamaong nakakuyom.

“Sinabi mo pa. Problema talaga natin iyan sa kumpanya.” Pagsang-ayon ni Isko. Nag-uusap sila habang nakaupo sa karinderya ni Aling Iska.

Napamulagat naman ang nakikinig na si Aling Iska, “Ano na naman ba iyang pinag-uusapan ninyo? Buti nga, may trabaho kayo. Kahit ba kontraktwal ay may naiuuwi naman kayo sa pamilya ninyo, ah.”

“Hindi mo nauunawaan, Iska. Ang kontraktwalisasyon, kaya salot, ay iskema ng mga kapitalista upang bawasan o matanggalan ng mga benepisyo ang mga manggagawa. Imbes na dapat maregular na sa trabaho ang manggagawa ay hindi ginagawang regular.” Sagot agad ni Inggo. “Ang kontraktwal, kumbaga, ay pansamantalang trabaho, na bago sumapit ang ikaanim na buwan ay tatanggalin na lang sila sa trabaho, kahit gaano ka pa kahusay. Iniiwasan talaga ng kumpanya na maging regular ang mga manggagawa. Meron namang ilang taon na sa kumpanya, tulad ko, limang taon na subalit kontraktwal pa rin. Walang kasiguruhan sa trabaho ang mga kontraktwal.”

“Ang nais namin ay maging regular na manggagawa naman kami sa kumpanyang matagal na naming pinaglilingkuran.” Sabi naman ni Isko.

“Paano mangyayari iyan? Hihilingin ba ninyo sa kapitalista o sa manedsment n’yo na gawin kayong regular? Aba’y paano kung hindi kayo pakinggan? Pag nagprotesta kayo, baka tanggalin naman kayo sa trabaho.” Sabad muli ni Aling Iska. “Baka magandang humingi kayo ng tulong sa unyon, at baka naman makatulong ang mga regular na manggagawa sa inyong mga kontraktwal.”

“Magandang ideya iyan, Iska.” Sabi ni Inggo. “Dapat makatulong nga sa problema natin ang mga regular na kamanggagawa natin, di ba?”

“Diyan natin simulan. Kausapin natin ang pangulo ng unyon na si Ka Igme, at tanungin hinggil sa ating suliranin.” Sabi ni Isko. Kinabukasan, bago ang simula ng trabaho ay kinausap na nina Inggo at Isko si Ka Igme hinggil sa kanilang kalagayan.

“Limang taon na akong kontraktwal, habang si Isko naman ay apat na taon na. Anim na buwan lang ay dapat regular na kami, di ba? Kayong mga regular, paano ba ninyo kami matutulungan. Aba, ayaw naman naming habambuhay kaming kontraktwal at wala kaming kasiguruhan sa trabaho. Bukod sa mababa na ang sahod, wala pa kaming benepisyo, di tulad ninyong mga regular.” Ani Inggo kay Ka Igme.

“Tama ka, Inggo. Panahon na talagang mag-usap tayo. Salamat sa inisyatiba ninyo. Dapat talagang magsama ang mga regular at kontraktwal upang labanan iyang salot na kontraktwalisasyon. Ngunit dapat magsimula muna tayo sa isang pulong-pag-aaral upang suriin natin at pag-aralan kung bakit nga ba may kontraktwalisasyon, at ano ang mga dahilan niyan.” Ang agad tugon ng pangulo ng unyon.

“Aba’y talagang dapat naming malaman, mapag-aralan at maunawaan kung bakit nga ba sa tagal naming nagtatrabaho sa kumpanyang ito ay kontraktwal pa rin kami. Sige, kailan iyan upang sabihan ko ang ibang kontraktwal para sa pag-aaral nang maipaglaban namin, kung kinakailangan, na magkilos-protesta kami, o sa anumang paraan upang maparating namin sa kinauukulan na gawin kaming mga regular na manggagawa.” Sabi ni Inggo, habang tatango-tango si Isko.

Mungkahi ni Ka Igme ay sa susunod na Linggo, kung kaya ng mga kontraktwal, dahil walang pasok iyon. Isakripisyo muna ang araw ng pamilya upang mag-aral hinggil sa usaping kontraktwalisasyon. 

“O, paano, magkita-kita tayo sa Linggo.” Sabi ni Ka Igme. At agad nagtanguan ang dalawa na nangakong kakausapin nila ang kanilang mga kapwa manggagawang kontraktwal upang dumalo sa pag-aaral at talakayan.  Dama nila, iyon na ang simula ng kakaharapin nilang laban.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Mayo 1-15, 2021, pahina 18-19.