Linggo, Enero 24, 2021

Kwento: Pagpapakatao



PAGPAPAKATAO
Maikling kwento ni Greg Bituin Jr.

“Iisa ang pagkatao ng lahat.” Ito ang aking nabasa sa akdang Liwanag at Dilim ng ating bayaning si Gat Emilio Jacinto. Napakaganda ng isinulat niyang ito, na halos kawangki ng isinulat niya sa Kartilya ng Katipunan. “Maitim man o maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao'y magkakapantay; mangyayaring ang isa'y hihigitan sa dunong, sa yaman, sa ganda; ngunit di mahihigitan sa pagkatao.”

Kaya naiisip ko kung marahil ang lahat ng tao ay nagpapakatao at nakikipagkapwa-tao, baka wala nang pagsasamantala ng tao sa tao, baka wala nang sistemang kapitalismo na ang pangunahing layunin ay lagi nang pagsamantalahan ang manggagawa upang magkamal ng limpak-limpak na tubo. Tinanong ko ang ilang sektor hinggil dito, at anong pakahulugan nila sa pagpapakatao.

“Kung ako ang kapitalista,” sabi ng manggagawang si Kulas, “aba’y gagawin kong regular ang aking mga manggagawa, at babayaran ko ng tama ang kanilang lakas-paggawa. Sa ganito man lang ay makita nilang kahit ako’y kapitalista, ako’y makatao at mahusay makipagkapwa.”

“Aba, kung ako naman ang manedsment sa isang kumpanya,” ang sabi naman ng regular na manggagawang si Igme, “Ipapantay ko ang minimum na sahod sa living wage o nakabubuhay na sahod na nakasaad sa Konstitusyon ng bansa.”

“Ang gaganda ng inyong panukala,” ikako naman, “kung kayo ang kapitalista o manedsment ng kumpanya, kaso hindi eh. Kaya panaginip lang ang lahat ng iyan. Kalikasan kasi ng kapitalismo na durugin at lamunin ang kanyang mga katunggali sa negosyo. Kaya nga pinatatanggap nila sa atin ang salitang kumpetisyon, imbes na kooperasyon. Hindi kasi sila kikita ng malaki o magkakamal ng limpak-limpak na tubo kung pulos kooperasyon sila sa kanilang katunggali. Aba’y pababaan nga sila ng sahod ng manggagawa. Iyan ang kumpetisyon sa kanila. Kung ganyan ang kalikasan ng isinusuka nating sistema, paano ang sinasabi nating dapat silang magpakatao o makipagkapwa?”

“Tama ka,” sabat naman ni Aling Tikya, “hangga’t bulok ang sistema, hangga’t nangingibabaw ang patriyarkal na sistema, mananatili pa ring second class citizen kaming mga babae. Itinuturing na pambahay lang at tagapag-alaga ng mga bata. Disin kasi kami’y nagbubuntis at kayong mga diyaskeng lalaki ay hindi! Aba’y dapat lang baguhin ang sistemang bulok!”

“Kung nagpapakatao ang mga taong gobyerno, dapat mas buwisan nila ang mga mayayaman, kaysa mahihirap. Sa ngayon, dahil sa VAT, pare-pareho lang ang kaltas sa mga binili ng mahirap at mayaman. Tax the rich, not the poor. Sa totoo lang, ang pulubing maghapong kumita sa panlilimos, pag bumili ng pamatid-gutom na noodles para sa kanyang pamilya, aba’y may buwis agad. May 12% VAT agad na kaltas kasi sa bawat produkto,” sabi naman ng gurong si Mang Ramon.

“Pati nga ang karapatan sa edukasyon at kalusugan ay may presyo sa ilalim ng ganitong sistema ng lipunan. Karapatan na iyon, ha?” dagdag pa ni Mang Ramon. “Kaya ano ang sinasabi nating magpakatap at makipagkapwa tao ang mga nasa educational system natin, gayong sila ang hindi kikita o sasahod kung hindi magbabayad ng mahal sa edukasyon ang mga estudyante. Lalo na ang mga ospital na nais isapribado. Ang matindi pa sa ganitong sistema, pag isinugod mo sa ospital ang misis mong maysakit, hindi kayo agad tatanggapin kung wala kayong pandeposit, iyan ba ang pagpapakatao at pakikipagkapwa?

“Kung talagang nagpapakatao at nakikipagkapwa ang kapulisan, o mismong pamahalaan natin, sana’y buhay pa ang aking anak. Sana dinaan nila sa wastong proseso ang ginawa nilang pagsupil sa mga nagdodroga, upang makita nilang hindi nagdodroga ang anak ko. Kung may kasalanan man siya, dapat siyang makulong, at bilang ina ay nais ko siyang madalaw kahit sa kulungan upang ipakita ang pagmamahal ko bilang ina, hindi ang madalaw siya upang tirikan ng kandila sa sementeryo,” may halong galit at luha ang mahabang paliwanag naman ni Aling Nanette.

Natahimik kaming lahat sa kanyang tinuran.

Matitindi ang samutsaring ideyang nagsisilabasan na talaga namang nakapupukaw ng kaisipan. Malayo pa ang ating tatahakin upang talagang matamasa natin ang tunay na pagpapakatao at pakikipagkapwa.

Nakasakay ako sa dyip minsan patungo sa isang pulong nang mapansin ko kung paano ba nagpapakatao at nakikipagkapwa ang bawat isa. Sa loob ng dyip ko iyon nakita: Sa pagbabayad ng pamasahe at pag-aabot ng sukli ng mga taong hindi magkakakilala subalit kapwa naglalakbay. Aabutin ang bayad at ibibigay sa drayber, at ibabalik naman ang sukli sa pasahero nang hindi kinukupit ang pera. May katapatan sa puso’t diwa na ibalik ang sukli. Ah, naisip ko lang, may pag-asa pa.

Kung sa bayad-sukli ay may tapat na pagdadamayan na ang mga tao, hindi malayong ang inaasam nating pagkakatao at pakikipagkapwa tao ay masilayan natin talaga. Baka hindi sa panahon ng pananalasa ng bulok na sistemang kapitalismo, kundi sa susunod na yugto nito. Sa ibang sistema.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Enero 16-31, 2021, pahina 16-17.