Huwebes, Pebrero 29, 2024

Kwento - Huwag gawing 100% ang iskwater sa sariling bayan! Nukleyar, huwag payagan!


HUWAG GAWING 100% ANG ISKWATER SA SARILING BAYAN! NUKLEYAR, HUWAG PAYAGAN!
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tumitindi ang bangayan ng mga elitista hinggil sa nagaganap na ChaCha, subalit animo’y moro-moro lang ito ng naghaharing uri. Kaya dapat kumilos ang mamamayan upang tutulan ang banta sa kanilang kabuhayan at kasarinlan ng bayan. Aba’y nais kasing distrungkahin ng mga mambabatas ang Saligang Batas ng Pilipinas, lalo na ang probisyong pang-ekonomya nito na dapat 60% ang pag-aari ng Pilipino at 40% sa dayuhan sa mga pampublikong interes, tulad ng lupa, masmidya, tubig, kuryente, at iba pa. 

Kaya ito ang napag-usapan nina Igme sa kanilang komunidad. “Hindi tayo dapat tagapanood lamang, na habang niloloko na tayo ng mga nasa poder ng kapangyarihan, tayo naman ay walang malay at nakatunganga lamang sa nagaganap. Aba, tulad na lang ng ChaCha na iyan, na nagsimula sa pagpapapirma sa atin kapalit ng ayuda, iyon pala’y ibinebenta na tayo sa dayuhan.”

Napatango naman si Inggo, habang nakikinig sina Ingrid at Isay, “Oo nga, tama kayo. Kaya nga iyang ChaCha na iyan ay hindi talaga tayong mga maralita ang makikinabang, kundi ang mga nasa poder na nais magpatuloy ang kanilang kapangyarihan. Dati na ngang isyu iyang term extension, di ba? Aba’y pag binuksan nila ang Konstitusyon nang wala tayong kamalay-malay, aba’y maraming mangyayari. Tiyak, matatanggal iyang political dynasty na bawal sa ating Konstitusyon.”

Sumabad naman si Isay, “ Kami nga rin ng aking anak ay napag-usapan iyan. At sa environmental group nila, iyang nukleyar ay baka raw payagan, dahil iyan daw ang gusto ng pangulo, ang mabuksan ang Bataan Nuclear Power Plant. Aba’y wala ba silang malay sa naganap sa Fukushima disaster sa Japan? Baka kung may nukleyar pang makapasok, madamay pa ang ating bansa sa digmaang nukleyar ng US, di ba?”

“Political dynasty, nukleyar, maraming bawal ang papayagan dahil lang sa kapritso ng iilan. Baka tulad din iyan ng 4PH na para raw sa ISF, na dating tawag sa iskwater, subalit para lang pala sa may pay slip. Kaya sa panawagang magkilos-protesta laban sa ChaCha na iyan, dapat sumama tayo. Dahil kinabukasan natin, ng ating mga anak at apo ang nakasalalay diyan. Kung hindi tayo kikibo at kikilos ngayon, baka masisi pa tayo ng ating mga apo balang araw.” Mahabang paliwanag ni Igme.

Napatango rin si Ingrid at nagsalita, “Nabanggit din sa mga balita na economic provision lang daw ang gustong palitan. Gusto nilang gawing one hundred percent na mag-ari ang dayuhan, kaya magpapasukan daw ang malalaking negosyo sa atin, at uunlad tayo. Pero pambobola pa rin, di ba? Kung 100% pag-aari na ng dayuhan ang marami nating lupain, paano na tayo, 100% iskwater na rin ba sa sariling bayan?”

Maya-maya’y dumating si Ines at may ibinalita. “Galing ako sa pulong ng ating mga kasama sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) at nais nilang sumama tayo sa ilulunsad na pagkilos laban sa Charter Change. Sa Martes na ito, sasama ba kayo? Ako kasi, gigil na isiwalat ang magiging kahihinatnan natin kung basta na lang magtsa-ChaCha nang hindi naman kinunsulta ang mga tao. Para lang tayong mga isda na pinamumunuan ng mga lawin.”

Sumagot si Igme, “Heto nga at pinag-uusapan din namin iyan. Nais naming sumama sa pagkilos na iyan. Huwag mong tanungin kung may pamasahe kami, dahil kahit walang ibigay na pamasahe, sasama kami. Aba’y kinabukasan ng ating mga anak at apo ang nakasalalay dito. Ano, mga kasama, sasama ba tayo!” Nagtanguan ang lahat, na tandang lahat sila ay sasama sa rali kontra ChaCha.

Si Isay naman ang nagsalita, “Matagal na tayong hindi sumasama sa ganyang pagkilos. Subalit ngayon, binibigyan tayo ng kasaysayan ng isa pang pagkakataon na ipaglaban ang ating karapatan, lalo ang hustisyang panlipunan. Hindi makatarungang basta lang gawin ng mga mambabatas ang kanilang gustong pagbabago sa Konstitusyon nang hindi isinasaalang-alang ang kapakanan at damdamin ng tulad nating maralita, lalo na ang buong mamamayan. Muli tayong kikilos, kahit matatanda na tayo, upang ipakita sa mga kabataan ngayon, na tayo’y buhay pa at handang ipaglaban ang kinabukasan natin at ng bayang ito.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Pebrero 16-29, 2024, pahina 18-19.

Ang aklat at ang muling paglitaw sa Liwayway ng kwento ni Rosario De Guzman-Lingat

ANG AKLAT AT ANG MULING PAGLITAW SA LIWAYWAY NG KWENTO NI ROSARIO DE GUZMAN-LINGAT
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isang kagalakan ang muling paglitaw ng panulat ni Rosario De Guzman-Lingat sa magasing Liwayway sa isyung Pebrero 2024, mula pahina 92-95. Pinamagatan iyong "Pebrero 14, Araw ng Pag-ibig" na unang nalathala noong Pebrero 13, 1967. Aba'y wala pa ako sa sinapupunan ng aking ina nang malathala iyon.

Isang kagalakan sapagkat nadagdag iyon sa mababasa kong dalawampu't tatlong maikling kuwento sa kanyang aklat na "Si Juan Beterano at iba pang kuwento". Ang nasabing aklat, na may sukat na 5" x 7", ay nabili ko sa Popular Bookstore sa Toman Morato sa Lungsod Quezon noong Oktubre 19, 2022, sa halagang P258.00. Binubuo iyon ng 384 pahina, kung saan 24 ang naka-Roman numeral na naglalaman ng Nilalaman, Introduksyon at Paunang Salita, habang 360 pahina ang kabuuang teksto ng maikling kwento.

Ang nagsulat ng Paunang Salita ay ang mismong may-akda habang si Soledad S. Reyes ang nagsulat ng Introduksiyon na pinamagatang "Ang Panahon ng Pangamba at Lagim sa mga Kwento ni Rosario De Guzman-Lingat."

Sa pamagat pa lang ng Introduksiyon ay masisinag na ang pangamba at lagim sa maikling kwento ni Lingat na muling nalathala sa Liwayway ngayong Pebrero. Pagkat naudlot ang kasal nina Ana at Tonio dahil umalis si Tonio patungong Mabitak. Dahil doon ay inakala ng mga kanayon na nagpatiwakal si Ana nang makitang lumulutang sa ilog ang asahar at belong gamit sana sa kanilang kasal.

Sa nasabing aklat ko rin nabatid ang salin sa wikang Filipino ng dustpan. Ito pala'y pansuro. Nabasa ko ito sa kwentong "Mga Tinig sa Dilim" sa pahina 86, na tatlong ulit binanggit sa dalawang talata:

May dala nang walis at pansuro ang babae nang magbalik. Maingat na tinipon ang durog na salamin, winalis sa pansuro. "Kumusta nga pala ang pinsan ninyo, Itay? Dumalaw kayo kangina, di ba?"

Nailagay na ng babae ang lahat ng salaming basag sa pansuro. May kunot ng pag-aalala sa kanyang noo nang humarap sa kausap. "Bakit hindi pa ipasok sa pagamutan ng mga baliw? Higit siyang matutulungan doon."

Tunghayan natin ang isang sipi sa likod na pabalat, at sa ibaba nito ay mababatid din natin kung sino nga ba si RGL:

MULA SA INTRODUKSIYON: "Sa tulong ng isang malikhain at matalinong paglinang ng sining, nagawa ni Rosario De Guzman-Lingat na makasulat ng kalipunan ng mga akda na sa pagdaan ng panahon ay mananatiling buhay, dinamiko at makabuluhan sapagkat pinag-isipan at pinaraan sa isang proseso na ang bawat salita, bawat larawan, bawat pangyayari ay may kanya-kanyang kahalagahan sa pangkating diskurso. Sa kalipunang ito matatagpuan ang mga likhang-isip ng isa sa pangunahing manunulat na nagsabog ng liwanag pagkalipas ng digmaan at lumikha sa panahong batbat ng pangamba at ligalig."

ANG AWTOR

Si Rosario de Guzman-Lingat ay kinikilalang isa sa pinakamagagaling na kuwentista noong panahon makaraan ang digmaan. Masigasig siyang nagsulat noong panahon dekada sisenta at sitenta. May mga dalawang daang maiikling kuwento at kung ilang nobela niya ang nalathala noon. Hindi maaaring matawaran ang ganitong tagumpay lalo na kung iisipin na wala siyang gaanong pormal na pagsasanay sa larangan ng pagsusulat. Ang kanyang unang nobela, "Kung Wala na ang Tag-araw", ay nanalo ng ikatlong gantimpala sa Liwayway noong 1967. Ang "Estero" ay naging kuwento ng taon (1967) sa Pilipino Free Press, at ang nobela niyang "Ano Ngayon, Ricky?" ay nagtamo ng unang gantimpala sa Liwayway noong 1970.

Kumatha ako ng munting tula hinggil dito:

ISA PANG KWENTO NI ROSARIO DE GUZMAN-LINGAT

isang kwento ni Rosario de Guzman-Lingat
sa magasing Liwayway ay aking nabuklat
na ngayong Pebrero'y inilathalang sukat
ang higit limang dekada niyang nasulat

salamat at muling nahagilap pa iyon
ng Liwayway upang mabasa natin ngayon
dagdag sa aklat ng kanyang kwentong natipong
pawang nakikipagtagalan sa panahon

may dalawampu't tatlong katha si Rosario
de Guzman-Lingat sa "Si Juan Beterano
at iba pang kuwento" na binabasa ko
pag may libreng oras doon sa aking kwarto

bilang mambabasa ng magasing Liwayway
panitika'y tinataguyod nitong tunay
ang mga manunulat nito'y kayhuhusay
tangi kong masasabi'y mabuhay! Mabuhay!

02.29.2024

Martes, Pebrero 27, 2024

Ang karapatan sa paninirahan sa komiks na Bugoy ni Mang Nilo

ANG KARAPATAN SA PANINIRAHAN SA KOMIKS NA BUGOY NI MANG NILO
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Hindi masasabing lagi na lang patawa ang komiks na Bugoy ni Mang Nilo. Sapagkat sa isyung Pebrero 27, 2024 ng pahayagang Pang-Masa, pahina 7, ay hindi siya kumatha ng komiks na ikatatawa ng tao. Bagkus ay katha ng paglalarawan ng paninirahan ng ibon at tao. Kumbaga, isa iyong pabula na pinagsalita niya ang ibon sa ikatlong kahon ng comics strip.

Naglalarawan ng awa sa naganap na kawalan ng tahanan.

Sa unang kahon ay sinabi ng tao sa kanyang sarili, "Kawawang ibon... Walang masisilungang bahay."

Sa ikalawang kahon ay pagkidlat, at pagkakaroon ng malakas na bagyong naging dahilan upang lumubog ang bahay ng tao, na inilarawan sa ikatlong kahon, kung saan ibon naman ang nagsabi, "Kawawang tao... Lumubog ang bahay!"

Walang nakakatawa, subalit ipinakita ng komiks ang kaibahan ng tao at ibon nang mawalan ang mga ito ng bahay. Ipinakita ang isang katotohanan, na bagamat hindi natin nakikitang nagsasalita ang ibon, maliban marahil sa loro, na naaawa sila sa isa't isa pag nawalan ng tahanan.

Ang ibon ay walang punong masilungan, habang ang tao ang lumubog ang bahay dahil sa bagyo't baha.

Anong gagawin sa ganitong kalagayan? May mga taong nawalan ng tahanan dahil dinemolis, habang ang iba'y itinapon sa malalayong relokasyong malayo sa pinagkukunan nila ng ikinabubuhay.

Kung naitapat pa ang nasabing komiks sa petsang Oktubre 10, masasabi nating itinapat ng may-akda sa World Homeless Day ang kanyang comics strip.

Subalit paano ba natin masasabing may sapat na pabahay o masisilungan ang tao. May batayan para sa maayos at sapat na pabahay na binabanggit sa dokumento mismo ng United Nations (UN) Committee on Economic, Social and Cultural Rights (ESCR). Ito'y nakasaad mismo sa General Comment No. 4 (1991) at General Comment No. 7 (1997) ng nasabing komite. Tinalakay din ito sa Fact Sheet 21 na may pamagat na "The Human Right to Adequate Housing" bilang bahagi ng World Campaign for Human Rights. Narito ang pitong sangkap upang tiyakin ang karapatan sa sapat na pabahay.

1. Ligal na Seguridad sa Paninirahan (legal security of tenure) - isa itong legal na anyo ng proteksyon na magtitiyak sa paninirahan ng mamamayan sa kanilang tahanan at komunidad;

2. Matatamong serbisyo, materyales at imprastraktura (availability of services, materials and infrastructure) - madaling maabot ang likas-yaman, ligtas na inuming tubig, gas sa pagluluto, kuryente, sanitasyon at labahan, tinggalan ng pagkain, tapunan ng dumi at mga serbisyong agarang kailangan (emergency services);

3. Kayang-kayang matamong paninirahan (affordable housing) - hindi dapat magamit sa gastusin sa pagpapagawa at pagpapayos ng bahay ang salaping nakalaan na para sa pagkain, edukasyon at pananamit;

4. Bahay na matitirahan (habitable housing) - ang bahay ay may sapat na espasyo. maluwag para sa titira, may bentilasyon, at yari sa matitibay na materyales na magtitiyak na ang mga titira sa bahay na iyon ay madedepensahan laban sa lamig, init, hamog, ulan, hangin, o anumang banta sa kalusugan, mapanganib na istruktura at sakit;

5. Kayang puntahang pabahay (accessible housing) - madaling puntahan ang lugar at unahin sa mga proyektong pabahay ang mga biktima ng kalamidad, mga may kapansanan, at iba pa;

6. Lokasyon (location) - ang pabahay ay dapat malapit sa lugar ng trabaho at mga serbisyong panlipunan tulad ng eskwelahan, palengke, ospital, libangan, libingan, at iba pa;

7. Sapat na pangkulturang pabahay (culturally adequate housing) - ang disenyo ng pabahay ay dapat na may paggalang sa identidad o kultura ng mga naninirahan, halimbawa'y tribung lumad, muslim o kristyano.

Paano naman ang pabahay sa panahon ng nagbabagong klima, tulad ng naganap na Ondoy at Yolanda, na talagang umugit ng kasaysayan ng trahedya sa ating bansa? halina't tunghayan natin ang ulat ng Special Rapporteur na nalathala sa website ng United Nations Human Rights Office of the High Commissioner. 

The right to adequate housing in disaster relief efforts (2011)

The report of the Special Rapporteur on the right to adequate housing assesses human rights standards and guidelines relevant to an approach to disaster response based on the right to adequate housing and discusses some existing limitations. It elaborates upon key challenges relating to the protection and realization of the right in disaster response: inattention to or discrimination against vulnerable and disadvantaged groups; the overemphasis on individual property ownership and the associated difficulty to recognize and address the multiplicity of tenure forms equally in restitution and recovery programmes; the risks of approaching post-disaster reconstruction predominantly as a business or development opportunity that benefits only a few; and limitations in existing frameworks for reconstruction and recovery.

(Ang karapatan sa sapat na pabahay sa mga pagsisikap sa pagtulong sa kalamidad (2011)

Sa ulat ng Espesyal na Rapporteur sa karapatan sa sapat na pabahay, tinatasa ang mga pamantayan ng karapatang pantao at mga alituntunin kaugnay sa paano ang pagtugon sa kalamidad batay sa karapatan sa sapat na pabahay at tinatalakay ang anumang umiiral na limitasyon. Ipinapaliwanag nito ang mga pangunahing hamon na may kaugnayan sa proteksyon at pagsasakatuparan ng karapatan sa pagtugon sa kalamidad: kawalan ng atensyon o diskriminasyon laban sa mga bulnerable at grupong may kahinaan; ang labis na pagbibigay-diin sa pagmamay-ari ng indibidwal na ari-arian at ang kaugnay na kahirapang kilalanin at tugunan ang maramihang mga anyo ng panunungkulan nang pantay-pantay sa mga programa sa restitusyon o pagsasauli at rekoberi o pagbawi; ang mga panganib ng rekonstruksyon matapos ang kalamidad na gawing negosyo o pagkakataon sa pag-unlad na nakikinabang lamang sa iilan; at mga limitasyon sa umiiral na mga balangkas para sa rekonstruksyon at pagbawi.)

Mayroon ding batas hinggil sa animal welfare, kung titingnan nating ang mga ibon ay animal din, at hindi lang ang mga may apat na paa, tulad ng aso, pusa, baboy, kalabaw, baka, leyon, tigre, at iba pa. 

Halina't basahin natin ang Seksyon 1 ng  Batas Republika 8485 ng ating bansa, na mas kilala ring "The Animal Welfare Act of 1998": It is the purpose of this Act to protect and promote the welfare of all animals in the Philippines by supervising and regulating the establishment and operations of all facilities utilized for breeding, maintaining, keeping, treating or training of all animals either as objects of trade or as household pets. For purposes of this Act, pet animal shall include birds."

Salin sa wikang Filipino: Layunin ng Batas na ito na protektahan at itaguyod ang kapakanan ng lahat ng mga hayop sa Pilipinas sa pamamagitan ng pangangasiwa at pagsasaayos sa pagtatatag at pagpapatakbo ng lahat ng pasilidad na ginagamit para sa pagpaparami, pagpapanatili, pag-iingat, paggamot o pagsasanay ng lahat ng mga hayop, ito man ay para sa kalakalan o kaya'y bilang mga alagang hayop sa bahay. Para sa mga layunin ng Batas na ito, dapat isama sa alagang hayop ang mga ibon.

Malinaw na kasama ang mga ibon sa dapat protektahan ng tao. Kaya ang mga karapatang ito sa paninirahan ng tao at ng mga hayop ay dapat nating batid at igalang. Ginawan ko ng tula ang paksang ito:

ANG TAHANAN NG TAO AT NG IBON SA KOMIKS NI MANG NILO

di patawa lang ang komiks na Bugoy ni Mang Nilo
pagkat nagtalakay ng paksang sosyo-politiko
sa kanyang ideya ay mapapahanga kang totoo
pagkat mapapaisip ka sa paksang ikinwento

hinggil ito sa karapatan sa paninirahan
ng mga tao, ng hayop, ng ibon, ng sinuman
ang food, clothing, shelter nga noon ay napag-aralan
sa eskwela na pangunahing pangangailangan

Tao: "Kawawang ibon... walang masilungang bahay."
sa kanyang sinabi'y tila di siya mapalagay
tapos ay bumagyo, baka may bahay pang natangay
anang Ibon: "Kawawang tao... lumubog ang bahay!"

mabuhay si Mang Nilo sa komiks niya't ideya
simple lang subalit nakakapagmulat talaga
bagamat komiks, ito'y may aral, hindi patawa
pagpupugay po, Mang Nilo, at sa dyaryong Pang-Masa!

02.27.2024

Pinaghalawan:
pahayagang Pang-Masa, Pebrero 27, 2024, pahina 7

Ang aklat ng mag-asawang mangangatha

ANG AKLAT NG MAG-ASAWANG MANGANGATHA
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Araw ng mga Puso ngayong taon nang mabili ko ang aklat na ito, na nang mabasa ko ay doon ko lamang nalaman na mag-asawa pala sila ng higit limampung taon. Ang aklat na pinamagatang "2 - Tula: Manuel Principe Bautista, Sanaysay: Liwayway A. Arceo" ay nabili ko sa Popular Bookstore sa Tomas Morato sa Lungsod Quezon sa halagang P200.00. Inilathala ito ng University of the Philippines Press noong 1998. May sukat bna 5" x 8", na ang kapal ay 1/2", naglalaman ito ng kabuuang 224 pahina, kung saan ang 198 na pahina ang inilaan sa tula't sanaysay, habang 26 na pahina naman ang naka-Roman numeral kung saan naroon ang Nilalaman, Paunang Salita, Pasasalamat, at iba pa.

Narito ang pagpapakilala sa aklat na matutunghayan sa likod na pabalat:

"ANG AKLAT"

"Dalawang aklat sa isa: mga tula at sanaysay na pawang nalathala sa pang-araw-araw na Isyu (1995-1996), Ito ang 2 - mula sa dalawang premyadong manunulat na kapwa kolumnista sa nasabing pahayagan at ipinagmamalaki ang mayabong at malalim na mga ugat sa Tundo, Maynila."

"ANG MGA AWTOR"

"Sina MANUEL PRINCIPE BAUTISTA (1919-1996) at LIWAYWAY A. ARCEO (1924- ) ay magkatuwang din sa buhay, at bago yumao si MPB ay ipinagdiwang nila ang kanilang Gintong Anibersaryo ng kasal (31 Enero 1996). Si MPB, na higit na kilala sa pagiging makata, ay may nauna nang katipunan ng kanyang mga piling tula, Himig ng Sinag (1997). Samantala, si LAA, na malikhaing manunulat at may anim nang aklat ng malikhaing katha at ilan nang nobela, ay ito ang unang koleksyon ng sanaysay."

"Ang pagsusulat (mula noong 1935) ay bahagi lamang ng buhay ni MPB: 45 taon siyang kabilang sa isang bangko ng pamahalaan, una ay karaniwang kawani hanggang maging pinuno. Ang pagsusulat ay buong buhay ni LAA: 57 taon na siyang aktibong propoesyonal na manunulat, bukod sa pagiging editor."

"Ang paghahati nila sa buhay ay nagbunga ng anim na supling na pawang propesyonal - Florante, Isagani, Celia, Flerida, Ibarra, at Jayrizal. Ngunit ang bunso lamang ang sumunod sa kanilang mga yapak: kasalukuyang editor ng isang newsmagazine, bagamat sa Ingles. Ang puno ng kanilang pamilya ay maraming mabulas na sanga - 18 apo na propesyonal na ang tatlo at 3 apo sa tuhod."

Ang nagbigay ng Paunang Salita sa aklat ay ang premyado ring manunulat na si Ginoong Roberto T. AƱonuevo.

Hinati ang nilalaman sa dalawang bahagi. Ang mga tula ni Manuel Principe Bautista, na naglalaman naman ng anim na hanay ng mga tula, na hinati sa mga sumusunod:
(1) Ang Makata - may limang tula
(2) Ang Makata, Sa Diyos - may tatlong tula
(3) Ang Makata, Sa Bayan - may walong tula
(4) Ang Makata, Sa Kapwa - may labindalawang tula
(5) Ang Makata, Sa Panahon - may limang tula
(6) Ang Makata, Sa Iba Pa - may siyam na tula

Sa kabuuan, may apatnapu't dalawang tula sa kalipunan si MPB.

Ang ikalawang bahagi naman ng aklat ay pawang mga Sanaysay ni LAA, na hinati naman sa mga sumusunod:
(1) Ang Babae Bilang Manunulat - may limang sanaysay
(2) Ang Babae Bilang Kaanak - may labindalawang sanaysay
(3) Ang Babae Bilang Inampon ng Diyos - may apat na sanaysay
(4) Ang Babae Bilang Tao at Tagamasid - may walong sanaysay
(5) Ang Babae Bilang Alagad ng Wika - may tatlong sanaysay

Sa kabuuan, may tatlumpu't dalawang sanaysay sa kalipunan si LAA.

Mabuti't natagpuan ko ang aklat na ito, dahil ang mga ganitong aklat ay bihira lang, at di basta matatagpuan sa karaniwang bilihan ng aklat. Kumbaga, klasiko ang aklat na ito ng mag-asawang manunulat. Nag-alay ako ng tula para sa kanila.

SA MAG-ASAWANG MANGANGATHA

tunay na pambihira ang ganitong aklat
ng mag-asawang makata at manunulat
klasiko na ito't panitikang panlahat
mga paksa'y pangmasa't kayang madalumat

kakaiba rin ang hagod ng kanyang tula
na binigyang saysay ang pagiging makata
sa mga sanaysay nama'y isinadiwa
kung ano ang babae bilang kanyang paksa

masasabi ko'y taospusong pagpupugay
sa makata't sa asawang mananalaysay
ang inyong pinamana'y pawang gintong lantay
para sa sunod na salinlahi't kalakbay

sa inyong dalawa, maraming salamat po
akda'y naisaaklat na't di maglalaho

02.27.2024

Biyernes, Pebrero 23, 2024

Ang mga aklat ni Balagtas

ANG MGA AKLAT NI BALAGTAS
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

May apat akong aklat hinggil sa dalawang akda ni Francisco Balagtas. Tatlong magkakaibang aklat hinggil sa Florante at Laura, at isang aklat hinggil sa Orozman at Zafira.

Ang aklat na "Ang Pinaikling Bersyon: Florante at Laura" ay mula kina Gladys E. Jimena at Leslie S. Navarro. Inilathala iyon noong 2017 ng Blazing Stars Publication, na binubuo ng 144 pahina, 18 ang naka-Roman numeral at 126 ang naka-Hindu Arabic numeral. May sukat ang aklat na 5 and 1/4 inches pahalang at 7 and 3/4 inches pababa.

Ang aklat na "Mga Gabay sa Pag-aaral ng Florante at Laura" naman ay mula kay Mario "Guese" Tungol. May sukat na 5 and 1/4 inches pahalang at 8 and 1/4 inches pababa, inilathala iyon noong 1993 ng Merriam Webster Bookstore, Inc., at naglalaman ng 152 pahina. 

Ang dalawang nabanggit na aklat ay pawang nabili ko sa Pandayan Bookshop sa loob ng Puregold Cubao. Ang una ay nagkakahalaga ng P47.00 habang ang ikalawa naman ay P74.00

Ang ikatlo kong aklat hinggil sa "Florante at Laura" ay mula kay national artist for literature Virgilio S. Almario. May sukat na 5 and 3/4 inches pahalang at 8 and 3/4 inches pababa, ikasiyam na limbag na iyon ng ikatlong edisyon at inilathala noong 2023 ng Adarna House, at binubuo ng 154 pahina. Nabili ko iyon sa Fully Booked sa Gateway, Cubao, sa halagang P199.00.

Ang ikaapat naman ay ang Orozman at Zafira, na ang editor din ay si pambansang alagad ng sining para sa panitikan na si Virgilio S. Almario. May sukat iyong 8 and 1/2 inches pahalang at 11 inches pababa. Inilathala iyon noong taon 2020 ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa tulong ng Pambansang Komisyon para sa mga Kultura at mga Sining (NCCA), at may 314 pahina. Nabili ko ang nasabing aklat sa Solidaridad Bookshop noong Hunyo 3, 2021 sa halagang P400.00.

Ang Florante at Laura ay binubuo ng 399 saknong, na ang bawat saknong ay may apat na taludtod, habang ang Kay Celia naman na pinag-alayan ng Florante ay may 22 saknong, at Sa Babasa Nito ay may 6 na saknong, ang kabuuan nito ay 427 saknong. Ibig sabihin, 427 saknong times 4 taludtod bawat saknong equals 1,708 saknong ang bumubuo sa buong Florante at Laura. Habang ang isa pang akda ni Balagtas, ang Orozman at Zafira, ay may kabuuang 9,034 na taludtod.

Samakatuwid, 9,034 divided by 1,708 equals 5.29543, o limang ulit na mas malaki at mas mahaba ang Orozman at Zafira kaysa Florante at Laura. Kaya malaking bagay na napabilang ito sa aking aklatan.

Naaalala ko, nasa ikalawang taon ako sa hayskul nang binasa ko bilang bahagi ng aralin ang Florante at Laura. Marahil ay may batas na nagsasabing dapat pag-aralan ng mag-aaral ang Florante at Laura sa ikalawang taon sa hayskul, habang sa unang taon ay Ibong Adarna, at sa ikatlo ay Noli Me Tangere at sa ikaapat na taon, bago gumradweyt sa hayskul, ay El Filibusterismo.

Subalit nasaliksik ko na may batas na dapat aralin ang Noli at Fili, sa pamamagitan ng Batas Republika 1425 o yaong tinatawag na Rizal Law. Hinanap ko naman kung anong batas na nagsasabing pag-aralan ang Florante at Laura, subalit di ko mahanap.

Ang meron ay Proclamation No. 373, s. 1968 na itinalaga ang Abril 2, 1968 bilang "Francisco Balagtas Day" na nilagdaan ng matandang Marcos, habang nilagdaan naman ni dating pangulong Cory Aquino ang Proclamation No. 274 na nagtatalaga sa taon 1988 bilang Balagtas Bicentennial Year. Sa proklamasyong ito ay nabanggit naman ang Florante at Laura:

Purpose of the Proclamation
Recognizes the need to foster and propagate Balagtas' nationalistic fervor
Balagtas' literary works, such as "Florante at Laura," express nationalistic sentiments
Aims to support and promote activities related to the bicentennial celebration of Balagtas' birth anniversary

Subalit hindi pa rin natin matagpuan ang batas na nagsasabing dapat pag-aralan sa hayskul ang Florante at Laura. Gayunpaman, alam kong mayroon nito, na hindi lang natin sa ngayon matagpuan.

Maganda ring nasaliksik na ang isa pang akda ni Francisco Balagtas - ang Orozman at Zafira. At marahil kung hindi nagkasunog sa bahay nina Balagtas noon, ay maaaring buhay pa at muling inilathala ang iba pa niyang akda. Mabuti't natagpuan ang Orozman at Zafira.

Kumatha ako ng munting tula hinggil sa mga ito.

MAHAHALAGANG AKDA NI BALAGTAS

hayskul ako nang inaral / ang Florante at Laura
may-asawa nang mabili / ang Orozman at Zafira
mga akda ni Balagtas / na napakahahalaga
mga gintong kaisipan / ang sa atin ay pamana

bagamat sa ngayon, ito'y / nabibigyan pa bang pansin?
na inaaral sa hayskul / upang makapasa lang din
subalit kahit paano, / ito'y nababasa pa rin
pagkat sa eskwela'y atas / na akdang ito'y basahin

dahil sa ako'y makata / at mahilig sa pagtulĆ¢
kaya mga akdang ito'y / iniingatan kong sadyĆ¢
para sa mga susunod / na salinlahi't ng bansĆ¢
ay maipagmalaki pa / ang kay Balagtas na kathĆ¢

malalim na pang-unawa, / nag-iba man ang panahon
ay pahalagahan pa rin / ang akda, na isang hamon
sa inyo, sa ating lahat, / at sunod pang henerasyon
mamamatay ako, tayo, / ngunit di ang akdang iyon

02.23.2024

Miyerkules, Pebrero 21, 2024

Boksingerong anak ni Pacquiao ang isabak sa Paris Oympics

BOKSINGERONG ANAK NI PACQUIAO ANG ISABAK SA PARIS OLYMPICS
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Overage na si Manny Pacquiao kaya hindi inaprubahan ng International Olympic Committee (IOC) ang kahilingan ng Philippine Olympic Committee (POC) na makuha ang awtomatikong tiket ni Pacquaio upang makalahok sa 2024 Paris Olympic Games sa Paris, sa bansang Pransya. Nasa edad 45 na si Pacquiao habang hanggang 40 anyos ang age limit ng lahat ng boksingerong lalahok sa Olympic Games.

Ikalawa, kailangan din ni Pacquiao na sumalang sa qualifying tournament upang makapasok sa Olympics. Ito'y ayon sa mga balita sa iba't ibang dyaryo at social media.

Matapos makuha ni Hidilyn Diaz ang unang gold medal ng Pilipinas sa 2020 Olympic Games, marahil ay saka naisip ni Pacquiao na sumali at katawanin ang Pilipinas sa Olympics. Dahil kung pangarap talaga niya ito, aba'y noong bago pa niya kalabanin si Ledwaba, o noong talunin niya si Barrera ay dapat naisip at pumasok na siya sa boxing team ng Pilipinas sa Olympics. Subalit hindi.

Na-inspire lang marahil talaga siya dahil nakakuha ng dalawang Olympic medals si Diaz, silver medal noong 2016 Rio Olympic at gold medal sa 2020 Tokyo Olympics. Subalit hindi naman masamang magmungkahi kung nais ni Pacquiao na matupad ang kanyang pangarap na makakuha ng medalya sa Olympics.

Ihabol niya ang boksingero niyang anak na si Jimwel na nagboboksing na rin upang sumabak sa Olympic Games. Iyan ang pinakamagandang mungkahi na maaari niyang gawin.

Kumbinsihin ni Pacquiao ang boksingero ring anak niyang si Jimuel na lumaban sa Paris Olympics. Ang kanyang anak ang siyang tutupad sa pangarap ng ama na manalo ng medalya sa Olympics. Ano pa ang hinihintay natin?

Kumatha ako ng munting tula hinggil dito:

JIMUEL PACQUIAO ANG ILABAN SA OLYMPIC GAMES

sa Olympic Games ay di na kwalipikado
si Manny Pacquiao, ngunit may alternatibo
ang kanyang anak na isa ring boksingero
ay kumbinsihing "Mag-Olympics ka na, iho"

may ulat pang kampyong si Canelo Alvarez
ang kanyang tagapagsanay kaya mabilis
umunlad sa boksing, tila walang kaparis
sa amatyur man ay nagpakita ng bangis

kaya Manny, si Jimuel, panganay mong anak
sa Paris Olympics Games ay iyong isabak
bagong landas iyon na kanyang matatahak
at sa gabay mo'y di siya mapapahamak

nandyan si Jimuel, bansa'y di na maghahanap
siya ang katuparan ng iyong pangarap
basta sa pagsasanay, siya'y magsisikap
balang araw, gold medal ay kakamting ganap

02.21.2024

Pinaghalawan ng datos:
Balita sa pahayagang Pang-Masa (PM), Pebrero 19, 2024

Si dating Sen. De Lima sa World Day of Social Justice

SI DATING SEN. LEILA DE LIMA SA WORLD DAY OF SOCIAL JUSTICE
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa ako sa mga dumalo sa The Adrian E. Cristobal Lecture Series 2024 sa Gimenez Gallery, UP Diliman, Pebrero 20, 2024, araw ng Martes, sa ganap na ikatlo hanggang ikalima ng hapon. Ang panauhing tagapagsalita ay si dating Senadora Leila Mahistrado De Lima.

Dumalo ako dahil palagay ko'y itinaon ang nasabing pagtitipon sa Pebrero 20 dahil iyon mismo ay UN-declared World Day of Social Justice. Nang una kong mabatid ang nabanggit na araw ay talagang itinaguyod ko na ito.

Nakasalubong ko ang araw na ito habang nagsasaliksik ng araw na inideklara ng United Nations para sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), kung saan naglabas noon ng pahayag ang KPML hinggil sa World Day of Social Justice.

Kaya dinaluhan ko ang panayam kay De Lima. Naisip kong sadyang itinapat ang panayam sa Pebrero 20, dahil nga World Day of Social Justice. Ikalawa pa lang ng hapon ay naroon na ako sa Gimenez Gallery. Ikatlo ng hapon ay nagsimula na ang palatuntunan sa pamamagitan ng Lupang Hinirang. Sunod ay Opening Remarks ni Gng. Susan S. Lara, Ikalawang Pangulo ng UMPIL o Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas. Sinundan ito ng Welcome Remarks ni Propesor Jimmuel C. Naval, Dean ng College of Arts and Letters ng UP Diliman, at isa sa aking guro sa Palihang Rogelio Sicat Batch 15.

Ang nagsalita naman hinggil sa kasaysayan at layunin ng The Adrian Cristobal Lecture Series, na nagsimula pa noong 2010, ay si Ms. Celina S. Cristobal, kinatawan ng Cristobal Family Foundation, at dating board member ng UMPIL.

Sunod ay ipinakilala at tinawag ni Ms. Jazmin B. Llana ang panauhing tagapagsalita na si dating Senadora Leila De Lima. Ang pamagat ng lektura ni De Lima ay "Gender and Political Oppression", kung saan nagtala ako ng ilan sa kanyang mga ipinahayag sa aking munting kwaderno.

Sa open forum ay una akong nagtaas ng kamay at tinawag agad ako ng moderator na si Clarissa Militante. Sabi ko, "Kanina ay nabanggit po ni Mam Celina Cristobal na kaya Pebrero 20 itinaon ang lektura ay dahil ang petsang ito ang kaarawan ng namayapang awtor na si Adrian E. Cristobal. Akala ko po ay dahil itinaon ang lektura ninyo dahil ngayon ay UN-declared World Day of Social Justice". Sabi naman ni De Lima, "Isa rin sa aking advocacy ang social justice. Salamat sa paalala."

Bagamat walang isa sa nagsabi na ang araw na iyon ay World Day of Social Justice ay nabanggit natin na mayroong ganitong araw.

Nang una kong mabatid ang World Day of Social Justice ay kinulit ko na ang ilang mga kasama sa IDefend, isang human rights platform na maraming kasaping organisasyon. Dahil sa aking pangungulit noong 2019 ay naglunsad ang IDefend ng aktibidad hinggil sa usaping ito. Kaya isang malaking karangalan na napansin ang araw na ito.

Subalit hindi ito kasintindi ng pagkilala sa International Human Rights Day tuwing Disyembre 10. Bagamat magkaugnay ang Human Rights at Social Justice, na ang katibayan ay matatagpuan natin sa ating Konstitusyon ng 1987 kung saan ang pamagat ng Artikulo 13 ay "Social Justice and Human Rights."

Sana'y maging ganap at popular ang pagkilala ng mamamayan sa World Day of Social Justice, tulad ng kung paano kinikilala ng mga human rights organizations, civil society, people's organizations, government agencies, at iba pang grupo, ang International Human Rights Day. Hinggil sa paksang ito, mangyaring tingnan at basahin ang kasaysayan ng araw na ito sa kawing na https://www.un.org/en/observances/social-justice-day kung saan pinangunahan ang pagpapatibay nito ng samahang paggawa na International Labour Organization (ILO).

Isa nga sa ginawa kong disenyo ng plakard sa araw na iyon ay may litrato ng kandila sa gitna, at sa itaas ay nakasulat: "February 20 is World Day of Social Justice" at sa ibaba nito ay "Katarungan sa lahat ng biktima ng EJK!" Pinadala ko ito sa messenger ng isang ina ng EJK victim, at ang kanyang sabi, "Salamat sa pakikiramay."

Tinapos naman ni G. Michael M. Coroza, pangulo ng UMPIL, ang palatuntunan sa pamamagitan ng pagbigkas ng tulang pinamagatang "Mapagpalang Daigdig". Matapos iyon ay nagkodakan na, sa gitna ang panauhing tagapagsalita, kasama si National Artist Virgilio Almario.

Matapos ang panayam ay saglit din kaming nagkausap nina Dean Jimmwel Naval at Propesor Joey Baquiran. May pameryenda rin. at bago umalis ay bumili ako ng librong "The Adrian E. Cristobal Lecture Series 2010-2017". Lampas na ng ikalima ng hapon nang ako'y umalis.

Ginawan ko ng tula ang karanasang ito.

LEILA DE LIMA AT ANG USAPING SOCIAL JUSTICE

halina't itaguyod ang World Day of Social Justice
bukod sa karapatan, tao'y di dapat just-tiis
pag-abuso sa karapatan ay dapat mapalis
hustisyang asam ng masa nawa'y kamting mabilis

Social Justice ay itaguyod saanmang arena
kaya sa A. Cristobal Lecture Series ay nagpunta
nag-aakalang mabanggit ni dating senadora
De Lima ang araw na itong napakahalaga

sa paksa niyang "Gender and Political Oppression"
ay isiniwalat ang danas sa pagkakakulong
anong nasa puso't diwa higit anim na taon
ng pagkapiit, anong mga dumating na tulong

nagpapasalamat ako't doon ay nakadalo
at ang araw na nabanggit ay naisiwalat ko
na sana'y tumimo talaga sa isip ng tao
na araw na ito'y dapat ding kilanling totoo

02.21.2024

Miyerkules, Pebrero 14, 2024

Kwento - Sa demolisyon ba patungo ang 4PH?


SA DEMOLISYON BA PATUNGO ANG 4PH?
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Matapos ang pag-uusap ng ilang magkakapitbahay hinggil sa proyektong 4PH, at naisulat na ni Igor na dapat 10% lang sa kinikita ng pamilya ang pabahay, hindi sa market value, muli nilang nirebyu ang Operations Manual at ang EO 34 na hinggil sa programang 4PH.

“Alam nyo, nangangamba rin ako, kung nang dahil sa 4PH na ito ay biglaan tayong mademolis sa kinatitirikan ng ating tahanan.” Ani Igme.

“Bakit mo naman nasabi iyan?” Tanong ng asawa niyang si Isay habang sila’y nakaupo at nagtitinda sa karinderya.

“Ano ba ang tinatawag na bakanteng lote na kukunin ng LGU? Alam nating ang tinayuan ng mga bahay natin ay bakanteng lote. Nakasulat sa Operations Manual na upang mapatupad ang programang 4PH, eto, basahin ko. Sa titik B. “Site Identification / Land Ownership. To initiate their housing projects, the LGUs shall identify suitable vacant properties within or near blighted areas for low, medium to high-rise residential and/or mixed use development. Special attention shall be given to areas with greater housing needs, such as in Highly Urbanized Cities, Component Cities, Regional Centers, and areas with numerous ISFs.” O, di ba, kung saan nakatira ang mga ISF. Tayo iyon. Ibig sabihin, kung ang erya natin ang tinukoy na bakanteng lote, at dito itatayo ang proyekto nilang pabahay, hindi ba, maaalis tayo? May staging area ba tayo? O kung hindi natin kaya hulugan ang halos P1.5 milyong yunit na pabahay sa 4PH, baka sa kangkungan tayo pulutin.” Ani Igme.

Nabasa rin iyon ni Inggo, na kanina pa nakikinig sa usapan. Aniya, “May tatlo pa palang opsyon iyan. Yung LGU-owned property, yung inaari namang lupa ng NGA o national government agencies, at ang ikatlo ay yung private property. At tayo nga, Mang Igme, ay nakatira na ng mahabang panahon sa bakanteng loteng ito na noon ay kakaunti pa lang ang bahay. Aba’y dito na tayo lumaki, at ngayon, dito na rin nakapag-asawa ang ating mga anak. May apo na nga ako, at tama ka, parang nagbabanta iyang programang 4PH na baka maalis tayo dito.”

“Nakupo, huwag naman ganyan.” Sabi ng buntis na si Ines. “Sana po, maipaliwanag sa atin iyan ng maayos.”

“Maaari ba tayong magpatawag muli ng pulong, Mang Igme,” ani Inggo, “upang maklaro sa atin iyan. Kausapin na rin natin ang kakilala nating abugado upang maipaliwanag kung tama ba ang ating sapantaha? Aba’y mahirap na kung tayo’y masosorpresa. Buti nang handa.”

“Sige, mga kasama, dapat talagang malinawan natin ito. Kung marapat, kausapin na rin natin si Meyor. Hindi tayo papayag na basta na lang mademolis nang walang kalaban-laban. Mamayang alas-kwatro, magpupulong tayo. Tawagan na ninyo ang iba.” Ani Mang Igme.

Dumating ng ikaapat ng hapon ang mga magkakapitbahay, lalo na yaong mga opisyales ng samahan, at ipinaliwanag ni Mang Igme ang kanila na namang nabasa sa Operations Manual na talagang humuhugot ng sangkaterbang katanungan.

Si Isay naman ang nagsalita, “Bakanteng lupa ang inokupahan natin noon, at halos limammpung taon na tayo dito. Payag tayong magkaroon ng sariling bahay, subalit saan itatayo ang proyektong pabahay, kundi sa mga bakanteng lote, at tinukoy pa ang blighted land. Saan ba nakatira tayong maralita? Hindi ba’t sa mga danger zone, sa mga binabaha, dahil wala tayo noong matayuan ng bahay na matino. Ngayon, sa 4PH program, may opsyon ang LGU na kunin ang inaakala nilang bakanteng lupain, batay sa EO ni BBM, na ilista ang mga bakanteng lupa sa kanilang nasasakupan na maaaring pagtayuan ng bahay. Paano kung natukoy nina Meyor na bakanteng lupa noon ang inokupa natin, papayag ba tayong basta alisin?” 

“Hindi!” Ang sabi ng mga taong dumalo, na nasa dalawampu.

“Mungkahi ko,” ani Igor, “lumiham tayo kay Meyor at maglunsad ng pagkilos sa harap ng tanggapan ng DHSUD, upang sabihin natin sa kanila ang ating mga nararamdaman at agam-agam. Gumawa tayo ng position paper na ipapasa sa kanila, at kakausapin na rin natin ang iba pang samahang maralita upang mas may boses tayo.”

“Maganda ang mungkahi mo, Igor,” ani Mang Igme, “May posisyon na tayo hinggil sa 10% lang ang babayaran ng ISF sa pabahay, ay idagdag na rin nating isulat ang hinggil sa ating kritik sa 4PH. Ganoon lang muna, mga kasama. Isulat na agad, at sa Lunes, kung ayos sa inyo, tutungo na tayo kay Meyor, sunod ay sa DHSUD. Mabuhay kayo, mga kasama!”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Pebrero 1-15, 2024, pahina 18-19.

Lunes, Pebrero 12, 2024

Bakit may bungo sa 2 aklat kay Shakespeare?

BAKIT MAY BUNGO SA 2 AKLAT KAY SHAKESPEARE?
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

May dalawa akong aklat hinggil kay William Shakespeare, at ang pabalat ng mga ito ay mayroong bungo. Bagamat may dalawang pulang rosas sa tabi ay mas kapansin-pansin ang bungo. Kaya napatanong ako sa aking sarili. Bakit may bungo ang mga iyon gayong magkaibang libro iyon at magkaiba rin ang naglathala? Ano ang kaugnayan ng bungo sa pabalat ng aklat ni/hinggil kay William Shakespeare? Ano ang sinisimbolo ng bungo sa mga nasabing aklat? Kailangan kong magsaliksik.

Ang aklat na The Sonnets ni William Shakespeare, na nilathala ng Collins Classics noong 2016, ay nabili ko noong Mayo 14, 2019 sa Fully Booked sa Gateway, Cubao, sa halagang P99.00. Nilalaman nito ang 154 na soneto ni Shakespeare. At may kabuuang 199 pahina, kasama ang 21 pahinang naka-Roman numeral.

Nakita ko naman kamakailan lang ang aklat na The Little Book of Shakespeare. Nilathala ito ng DK Penguin Random House noong Mayo 2018. Binili ko ito sa Book Sale ng SM Fairview noong Pebrero 9, 2024 sa halagang P195.00. Naglalaman ito ng 208 pahina.

Hinanap ko sa copyright page ng bawat aklat, o sa anumang pahina nito ang paliwanag hinggil sa pabalat, lalo na ang bungo, subalit walang nakasulat hinggil dito. Naghanap na lang ako ng paliwanag sa ibang sources sa internet.

Sa paksang Human Skull Symbolism sa wikipedia, mula sa kawing na https://en.wikipedia.org/wiki/Human_skull_symbolism ay ito ang nakasulat: "One of the best-known examples of skull symbolism occurs in Shakespeare's Hamlet, where the title character recognizes the skull of an old friend: "Alas, poor Yorick! I knew him, Horatio; a fellow of infinite jest..." Hamlet is inspired to utter a bitter soliloquy of despair and rough ironic humor."

Kasunod pang talata nito ay: "Compare Hamlet's words "Here hung those lips that I have kissed I know not how oft" to Talmudic sources: "...Rabi Ishmael [the High Priest]... put [the severed head of a martyr] in his lap... and cried: oh sacred mouth!...who buried you in ashes...!". The skull was a symbol of melancholy for Shakespeare's contemporaries."

Ito naman ang nakasaad sa isa pang artikulo, mula sa kawing na https://www.johncoulthart.com/feuilleton/2006/02/15/history-of-the-skull-as-symbol/

"Think of the scene from Shakespeare’s Hamlet where the prince holds a skull of Yorick, a former servant, bemoaning the pointlessness and temporary nature of worldly matters. Certain themes characteristic of a specific philosophy have been commonly represented during an era, and an iconography has been developed to express them. an example is the still life vanitas vanitatum of the middle ages, a reminder of the transitory quality of earthly pleasure symbolized by a skull."

Ipinaliwanag naman sa the Conversation, na nasa kawing na https://theconversation.com/shakespeare-skulls-and-tombstone-curses-thoughts-on-the-bards-deathday-55984, na ang imahe ng taong may hawak na bungo ay nagpapagunita kay Hamlet, at sa awtor nitong si William Shakespeare:
"The image of a man holding a skull while ruminating upon mortality will always call Hamlet, and Shakespeare, to mind. How appropriate then, that four centuries after it was first laid beneath the earth, Shakespeare’s skull may be missing from his tomb. Then again, it may not. A radar survey of the poet’s Stratford grave in March has only deepened the mystery over what lies beneath his slab. As the world prepares to celebrate the sombre yet irresistible anniversary of Shakespeare’s death on April 23, how much do we know how about his own wishes for the fate of his remains?"

Dagdag pa sa nasabing artikulo: "Most memorably, Hamlet watches a gravedigger wrench dry bones from a grave to make room for the body of Ophelia: “That skull had a tongue in it and could sing once. How the knave jowls it to the ground!” The indignities meted out to the bodies of the dead seem to unsettle the Prince of Denmark more than the fact of death itself."

Binabanggit naman sa isang artikulo ang Hamlet Skull Scene, mula sa kawing na https://nosweatshakespeare.com/blog/hamlet-skull-scene/. Ano naman ito? 

"The skull appears in Act 5, Scene 1 of Hamlet. This scene, commonly known as the “gravedigger scene”, was used by Shakespeare to create some comic relief in the tragic Hamlet plot."

"Generally, comic relief is meant to lessen the dramatic tension, and to give some sort of relief to the audience by injecting humorous or ironic elements into the play. But, in the case of Shakespeare’s tragedies, the comic relief is more than first meets the eye."

"Like in Hamlet, the gravedigger scene uses comedy to comment on larger issues regarding life, death, and Christianity. This portion of this scene where Hamlet is conversing with a skull introduces much complexity. Hamlet’s monologue centered on the skull revolves closely around the vanity of life and the existential crisis within a man."

"How is the skull discovered? The famous skull is first introduced to the play by a gravedigger, who is helping to prepare a grave for recently dead Ophelia."

"Suddenly, Hamlet and Horatio enter the scene. They are crossing the graveyard, and, seeing two gravediggers working, they stop to talk with them. During the conversation, one gravedigger shows the skull to Hamlet. Thereafter Hamlet takes the skull from him and starts to brood upon it in the play."

Hinawakan ni Hamlet ang bungo ng isang aliping nagngangalang Yorick, nang matagpuan iyon ng isang sepulturerong naghahanda sa paglilibing sa babaeng nagngangalang Ofelia. At dahil sikat ang Hamlet sa maraming akda ni Shakespeare, ito ang paboritong ilagay sa mga pabalat ng aklat ni Shakespears. Subalit sapantaha ko lang ito. Wala pa akong makitang paliwanag talaga kung bakit may bungo sa mga aklat ni Shakespeare.

May mga akda pang nagtatanong kung nawala nga ba sa puntod ni Shakespeare ang kanyang ulo. Ayon sa The Guardian, masmidya na pag-aari ng British, may artikulong ang pamagat ay ito: "Shakespeare's skull probably stolen by grave robbers, study finds". At sa Scientific Amedican naman, na may petsang Marso 31, 2016, halos kasabay ng ika-400 araw ng kanyang kamatayan, ang pamagat ay ito: "Shakespeare's Skull May Have Been Stolen by Grave Robbers" mula sa kawing na https://www.scientificamerican.com/article/shakespeare-s-skull-may-have-been-stolen-by-grave-robbers/.

Subalit hindi pa rin iyon ang dahilang hinahanap ko kung bakit may larawang bungo sa dalawa kong nabanggit na aklat. Walang eksaktong paliwanag. Gayunpaman, kung nais marahil nating malaman bakit may bungo sa mga pabalat ng aklat ni Shakespeare, ay dapat nating basahin ang akda niyang Hamlet.

Nagkataon naman na ngayong 2024 ay ipagdiriwang natin ang ika-460 kaarawan ni Shakespeare, na sinasabing isinilang noong Abril 23, 1564 at namatay sa gayon ding araw at buwan noong 1616. Kaya marahil napansin ko ang bungo ni Shakespeare sa dalawang magkaibang aklat.

Sa munting pagninilay ay ginawan ko ng tula ang isyung ito:

BAKIT NGA BA MAY BUNGO SA AKLAT NI SHAKEPEARE

umukilkil sa aking diwa'y isang tanong
bakit may bungo sa mga aklat ni Shakespeare?
naghanap ako ng paliwanag o tugon
kaninong bungo iyon, ng isa bang martir?

kanyang soneto'y unti-unti kong isalin
sa wikang Filipino, sa wikang pangmasa
anumang hinggil sa kanya'y nais alamin
upang makasulat pa rin tungkol sa kanya

nabanggit si Hamlet na may tangan ng bungo
ni Yorick na aliping sa kanya'y nagsilbi
may-akdang si Shakepeare din ay mapagtatanto
dalawang paksang sa bungo'y may masasabi

subalit hanap ko pa rin ang paliwanag
kung bakit may bungo sa dalawang pabalat
sa artikulong makakatayong matatag
na sa akin ay sadyang makapagmumulat

02.12.2024

18-days campaign on Women and Social Justice

18-DAYS CAMPAIGN ON WOMEN AND SOCIAL JUSTICE
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nilagdaan ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang Proclamation 1172 noong Nobyembre 17, 2006 na pagsasabatas ng isang advocacy campaign na tinawag na 18-Day Campaign to End Violence Againt Women. Ito'y taun-taon na labingwalong araw na kampanya mula Nobyembre 25 - International Day for the Elimination of Violence Against Women hanggang Disyembre 12 - International Day Against Trafficking.

Gayunman, una muna'y 16-Day Campaign Against Violence Women, mula Nobyembre 25 - International Day to Eliminate Violence Against Women hanggang Disyembre 10 - International Human Rights Day. Subalit binago nga ito ng Proklamasyon ni GMA upang isama ang International Day Against Trafficking.

Ngayon naman, naisipan nating magmungkahi na dapat may 18-days na kampanya rin mula Pebrero 20 - World Day of Social Justice hanggang Marso 8 - International Women's Day. Bakit?

Sa global ay may 16 Days of Activism against Gender-Based Violence mula Nobyembre 25 hanggang Disyembre 10, at sa ating bansa ay may 18-Day Campaign to End Violence Againt Women, mapapansin nating parehong inuna ang pandaigdigang araw ng kababaihan laban sa karahasan - Nobyembre 25. Habang sa global ay tinapos naman ito sa International Human Rights Day.

Sa ating Saligang Batas naman, mayroong tayong Artikulo 13 hinggil sa Social Justice and Human Rights. Magkaugnay ang hustisyang panlipunan at karapatang pantao kaya marahil pinagsama ito sa isang Artikulo. Nakasaad nga sa seksyon 1 nito ang pagpapahalaga sa karapatang pantao: "Section 1. The Congress shall give highest priority to the enactment of measures that protect and enhance the right of all the people to human dignity, reduce social, economic, and political inequalities, and remove cultural inequities by equitably diffusing wealth and political power for the common good." habang sa Seksyon 2 naman ay ang pagpapahalaga sa katarungang panlipunan o hustisyang panlipunan: "Section 2. The promotion of social justice shall include the commitment to create economic opportunities based on freedom of initiative and self-reliance."

Magkaugnay din bilang isyu ng kababaihan ang Marso 8 - Pandaigdigang Araw ng Kabbaihan, at Nobyembre 25 - International Day for the Elimination of Violence Against Women.

Kaya ang mungkahi ko, kung may 18-Day Campaign to End Violence Againt Women, dapat ding may 18-Days Campaign on Women and Social Justice, kung leap year tulad ngayong taon, at magiging 17-Days Campaign on Women and Social Justice, kung hindi leap year.

Mahalaga ang social justice sa kababaihan. Mahalagang makamtan ng kababaihan ang hustisyang panlipunan. 

Marahil may magsasabing dagdag lamang ito sa mga kampanya sa kababaihan. Marahil may magsasabing mayroon nang CEDAW o Convention on the Elimination of All Forms of Discrimination Against Women.

Ayon sa praymer na Tagalog hinggil sa CEDAW: "Ayon sa paunang salita ng CEDAW, ang patuloy na diskriminasyon laban sa kababaihan ay patunay lamang na hindi sapat ang mga internasyunal na makinarya sa karapatang pantao na ipagtanggol ang karapatang pantao ng babae. 'Ang diskriminasyon laban sa kababaihan ay malinaw na paglabag sa mga prinsipyo ng pagkakapantay-pantay at paggalang sa karapatang pantao' na siyang kumikitil sa partisipasyon ng babae, kapantay sa lalaki, sa lahat ng larangan ng kaunlaran at kapayapaan."

Doon ay mas pintungkulan ang karapatang pantao, at hindi nabanggit ang hustisyang panlipunan. Marahil ay ating pansinin o pokusan paano naman ang hustisyang panlipunan sa kababaihan? Nariyan ang sinasabing double burden o triple burden sa kababaihan, tulad ng manggagawang kababaihan na pagkagaling sa trabaho ay siya pang magluluto ng hapunan at mag-aasikaso ng mga anak, imbes na magpahinga galing sa trabaho. Tapos ay baka hindi rin pantay ang sahod ng manggagawang kalalakihan sa manggagawang kababaihan, gayong pareho silang walong oras na nagtatrabaho. Halimbawa lang iyan.

Kaya ang mungkahi ko, magkaroon din ng 18-Days Campaign on Women and Social Justice mula Pebrero 20 - World Social Justice Day hanggang Marso 8 - International Women's Day, kung leap year, at kung hindi naman leap year ay 17-Day Campaign on Women and Social Justice. Ginawan ko ng tula ang munting kahilingan o mungkahing ito:

PANLIPUNANG HUSTISYA PARA SA KABABAIHAN

karapatang pantao ng kababaihan
sa buong daigdigan ay dapat igalang
sila ang kalahati ng sangkatauhan
lola, inay, tita, single mom, misis, inang

ngunit dapat din nating pagtuunang pansin
ang katarungang panlipunang dapat kamtin
ng kababaihan, ng lola't nanay natin
ng single mother, ng dalaga't daliginding

bigyan natin ng araw ng pag-aalala
iyang usapin ng panlipunang hustisya
para sa kababaihan ay makibaka
kumilos tungong pagbabago ng sistema

mugkahi'y ikampanya natin, nila, ninyo
mula Pebrero Bente hanggang Marso Otso
ay labingwalong araw na kampanya ito
na kung hindi leap year, araw ay labimpito

02.12.2024

* Pinaghalawan ng datos:
https://www.officialgazette.gov.ph/2006/11/17/proclamation-no-1172-s-2006/
https://chanrobles.com/article13.htm
https://www.dbp.ph/wp-content/uploads/2018/06/CEDAW.pdf
* litrato mula sa pahayagang Pang-Masa, Pebrero 11, 2024, p.2

Martes, Pebrero 6, 2024

Napaaga ng dating sa U.P.

NAPAAGA NG DATING SA U.P.

napaaga ng dating sa U.P.
subalit ano pang dapat gawin
ah, marahil ay magmuni-muni
hinggil sa sistemang babaguhin

sa harap ng marker ng bayani
lugar kung saan siya bumagsak
sa manggagawa dapat masabi
sistemang bulok ating ibagsak

trapo't elitistang mapanghamak
ay dapat lang labanan nang ganap
sa kapitalismong mapangyurak
ipalit ay lipunang pangarap

mamaya'y magsisidatingan na
ang mga kasamang matatatag
sa laban, muling nagkita-kita
upang makinig at magpahayag

- gregoriovbituinjr.
02.06.2024
* kuha ng makatang gala sa gilid ng UP Bahay ng Alumni, sa ika-23 anibersaryo ng pagpaslang sa lider-manggagawang si Ka Popoy Lagman; alas-dos ay nasa venue na, alas-tres pa ang usapang dating ng mga kasama

Salin ng tatlong akdang Lenin

SALIN NG TATLONG AKDANG LENIN

Mamayang hapon sa isang munting pagtitipon, ipamamahagi ko ang tatlong akdang aking isinalin: ang sulatin ni Lenin na 3 sources and 3 component parts of Marxism, ang akda ni Leon Trotsky na Talambuhay ni Vladimir Ilyich Lenin, at ang akda ni Ho Chi Minh na Ang Landas na Gumiya sa Akin sa Leninismo.

Magdadala rin ako ng munting lata na ang nakasulat: "Munting ambag sa gawaing translation at dyaryo. Maraming salamat po!" Ito'y upang makapagparami pa ng gawa, at maraming mabahaginan nito. Mahirap din kasi ang pultaym, pulos sariling gastos at walang balik na salapi. Kaya mag-ambag ng munting kakayanan. Pasensya na.

Ito ang munti kong tula hinggil dito:

ANG TATLO KONG SALIN NG AKDANG LENIN

may sulatin si Lenin na isinalin ko:
Ang Tatlong Pinagmulan at Magkakasamang
Bahagi ng Marxismo, kaygandang basahin
na handog sa mga aktibistang tulad ko

ikalawa'y ang sinulat ni Leon Trotsky:
ang Talambuhay ni Vladimir Ilyich Lenin;
ikatlo'y Ang Landas na Gumiya sa Akin
sa Leninismo, na sinulat ni Ho Chi Minh

sa pagtitipon mamaya, abangan ninyo
O, kapwa Leninista, kapwa aktibista
munting ambag lang upang maparami ito
ay sapat na para sa pultaym na tulad ko

ngayong taon, sentenaryo ng kamatayan
ni Lenin kaya mga akdang saling ito
sana'y mabasa at mahanguan ng aral
tungong panlipunang pagbabago, salamat

- gregoriovbituinjr.
02.06.2024

Linggo, Pebrero 4, 2024

Dalawa sa isinalin kong akda

DALAWA SA ISINALIN KONG AKDA
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Marami na rin akong akda at tulang isinalin. At kalakip nga sa litratong ito ang dalawa sa mga iyon - ang akda nina Leon Trotsky at Ho Chi Minh. Naisalin ko na ito ilang taon na ang nakararaan. Subalit nais kong bigyang pansin ang mga ito ngayon dahil ngayong 2024 ang sentenaryo ng kamatayan ni V.I. Lenin.

Isinalin ko mula sa wikang Ingles ang "Talambuhay ni Vladimir Ilyich Lenin" na sinulat sa wikang Ruso ni Leon Trotsky, subalit may salin sa Ingles, kaya ating nabatid at nabasa ang kasaysayan ni Lenin. Ang ikalawa'y ang sulatin ng rebolusyonaryong Vietnames na si Ho Chi Minh, na pinamagatang "Ang Landas na Gumiya sa Akin sa Leninismo" na isinalin rin mula sa Ingles. Nang matapos ang salin ay ginawa kong pamphlet na maipapamahagi.

Ang dalawang aklat naman sa itaas ng dalawang salin ay ang "Lenin's Last Struggle" na nabili ko sa aklatan sa Baguio City noong 2019, habang ang "Gabay sa Pag-aaral ng Leninismo" ay aklat na inilathala noong 2007 ng Aklatang Obrero Publishing Collective, na pinamamahalaan ng inyong lingkod. Gayunman, ang nakataas-kamao sa baso ay hindi si Lenin kundi si Ka Eddie Guazon, ang unang pangulo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML). Minsan, masarap ding magkape habang nagsusulat.

Ginawan ko ng munting tula ang dalawang salin:

SALIN NG AKDA HINGGIL KAY LENIN

maraming akdang dapat isalin sa Filipino
sa gawaing ito'y tila ba naipako ako
nang di sadya kaya pinagbutihan nang totoo
heto, tuloy-tuloy na ako sa tungkuling ito

kaya dalawang akda hinggil kay Vladimir Lenin
at sa Leninismo'y pinagtyagaan kong isalin
baka maraming katotohanang dapat alamin
at matutunan ng kauri't kababayan natin

sa atin ba'y sino si Ho Chi Minh? si Leon Trotsky?
sila ba sa bansa nila'y tinuring na bayani?
sila ba sa manggagawa'y dapat ipagmalaki?
silang si Lenin ay kilalang sa uri nagsilbi?

kaya aking isinalin ang kanilang sinulat
upang api't pinagsamantalahan ay mamulat
sa sistemang bulok ay paano lalaya lahat
at isang lipunang patas ay maitayong sukat

02.04.2024