Martes, Marso 22, 2022

A Walk for Ka Leody...

A WALK FOR KA LEODY,
WALDEN, AND THEIR LINE UP
IS A WALK FOR CLIMATE JUSTICE

4.22.2022 (Earth Day)
7am-12nn
from Bonifacio Monument in Caloocan
to Bantayog ng mga Bayani in QC
to People Power Monument in Mandaluyong

with Poetry Reading of Tagalog poems

Concept:

This activity is a walk and awareness campaign which will be held on Earth Day, 4.22.2022, for our candidates less than three weeks before the May election.

Presidential candidate Ka Leody de Guzman joined us during our Climate Walk from Luneta to Tacloban in 2014, a year after supertyphoon Haiyan, popularly known as Yolanda, landed in the Philippines that killed more than 5,000 people. Ka Leody also spoke about climate emergency and also calls for climate justice.

Vice Presidential candidate Walden Bello is an internationally known activist who has written many topics on economy and ecology.

Candidates for Senator Atty. Luke Espiritu and the two known environmentalist Roy Cabonegro and David D'Angelo is also knowledgeable and actively campaining in this respect and can clearly explain their call for climate justice to the masses.

Ka Lidy Nacpil, an internationally known activist fighting for several decades now for Climate Justice, is the second nominee of PLM Partylist.

Let's join us in this Walk for Climate Justice on Earth Day, because "A Walk for Ka Leody, Walden, and their line up is a WALK FOR CLIMATE JUSTICE!"

Mechanics ng nasabing Alay-Hakbang para sa Klima:

Ang paglalakad ay sisimulan ng mga volunteer, na maaaring lima hanggang sampung katao. May hawak na malaking banner na nakasulat ang: "A Walk for Ka Leody, Walden, and their line up is a WALK FOR CLIMATE JUSTICE”. 

Upang hindi masyadong hingalin ang mga maglalakad o sasama sa Alay-Hakbang para sa Klima, maaaring may magsimula lamang mula Bonifacio monument hanggang Balintawak market, at papalitan na sila ng isa pang set ng maglalakad.

Istasyon ng paglalakad:

(1) Magsisimula ang paglalakad mula sa Monumento ni Gat Andres Bonifacio sa Lungsod ng Caloocan hanggang Balintawak market. Pahinga ng sampung minuto.

(2) Paglalakad mula Balintawak market hanggang SM North. Pahinga ng sampung minuto.

(3) Paglalakad mula SM North hanggang Bantayog ng mga Bayani. Pahinga ng sampung minuto.

(4) Paglalakad mula Bantayog ng mga Bayani hanggang Farmers, Cubao. Pahinga ng sampung minuto.

(5) Paglalakad mula Farmers, Cubao hanggang People Power Monument.

Magkakaroon ng munting programa sa People Power Monument. Kasabay nito’y ang Tulaan sa Earth Day, kung saan ang mga tula ay batay sa facebook page na 60 Green Poems for April 22 and for our Green Candidates. 

Nawa’y mahilingan nating magsalita sa aktibidad na ito ang ating mga kandidatong sina Ka Leody de Guzman, Ka Walden Bello, Atty. Luke Espiritu, at syempre ang dalawa nating environmental senatoriables na sina Roy Cabonegro at David D’Angelo.

Bukod sa tulaan sa nasabing paglalakad, ang gabi ng April 22 ay inilaan natin para sa TULAAN o poetry reading sa BMP-KPML office sa Lungsod ng Pasig. 

Hiling po namin ang inyong suporta sa gawaing ito. Mabuhay kayo!

Greg Bituin Jr.
participant, Climate Walk from Luneta to Tacloban (October 2, 2014 - November 8, 2014)
participant, French leg of the People's Pilgrimage from Rome to Paris (November 7, 2015 - December 14, 2015)

Huwebes, Marso 17, 2022

Tulaan sa Marso 21

Ilang araw na lang, World Poetry Day na! May tulaan sa darating na Marso 21, 2022.

Nais mo bang magbasa ng tula, o makibahagi sa pagdiriwang ng World Poetry Day? Tara, sa BMP opis sa Pasig, sa 03.21.2022, sa ikaapat ng hapon hanggang ikawalo ng gabi. Ibidyo natin ang iyong pagtula.

Babasahin ang mga tulang nalathala na sa FB page na 101 Red Poetry for Ka Leody and Walden, at sa kanilang line up. O kung may ambag kang tula na nais mong basahin.

Maghahanda po kami ng puto, kutsinta't malamig na tubig lang po para sa ating poetry reading. Kita-kits!

TULAAN SA MARSO 21

tara't magtulaan tayo
ngayong Marso Bente-Uno
Araw ng Pagtula ito
World Poetry Day sa mundo

tara, bumigkas ng tula
hinggil sa obrero't dukha
hinggil sa danas na sigwa
hinggil sa mga makata

mga paksang samutsari
mutyang may magandang ngiti
at may mapupulang labi
paglutas sa isyu't sanhi

araw na ito'y tandaan
sabay nating ipagdiwang
dito, tayo'y magbigkasan
ng kinatha natin naman

- gregoriovbituinjr.
03.17.2022

Lunes, Marso 14, 2022

Kwento: Saan Patungo ang Maralita?


SAAN PATUNGO ANG MARALITA?
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Saan nga ba nanggaling ang mga maralita? Bakit nga ba kayraming mga maralita? Ayon sa PAMALU o Panimulang Aralin ng Maralitang Lungsod, ang mga maralitang lungsod ay nagsulputang kabute matapos ang Ikalawang Daigdigang Digmaan (hindi Ikalawang Digmaang Pandaigdig, na nakasanayang gamitin ngunit maling salin ng World War Two). Mula sila sa mga malalayong lalawigan na sinira ng digmaan. 

Tinawag silang maralitang lungsod dahil sila’y mahihirap na pamilyang napunta sa marangyang lungsod. Sila ang mga mahihirap na walang kakayanang mabili ang pangunahing pangangailangan, kung hindi man sapat, kulang o gipit sa salapi o sinasahod, o kita mula sa diskarte upang maipanggastos at mabili ang mga kailangan, pangunahin na ang pagkain at gamot.  Sila’y mga maralitang walang pag-aaring lupa kaya nakikitirik sa lupa ng pamahalaan o sa pribado.

Mas marami akong nalaman sa laban ng maralita nang ma-deploy ako bilang staff sa pambansang samahan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) noong 2001 na nakikibaka na ang lider nitong si Ka Roger Borromeo o KR, at nakikinig ako sa kanyang mga sinasabi hinggil sa buhay, karanasan at kasaysayan ng mga maralita.

Ayon sa kanya, maraming nagugutom, at maraming maralitang ang mga bahay ay dinedemolis. 1997 nang pormal ko siyang makadaupang palad sa laban ng mga maralitang taga-North Triangle, na kinatatayuan ng TriNoMa ngayon. Bagamat una ko siyang nakita sa basketball ball court ng Estella Maris College sa ikalawang Kongreso ng KPML noong Nobyembre 27, 1994 kung saan lider-kabataan pa ako noon bilang Basic Masses Integration (BMI) officer ng KAMALAYAN (Kalipunan ng Malayang Kabataan). Napunta ako bilang staff ng Sanlakas noong ikalawang Kongreso nito noong Agosto 1996. 

Hulyo 1997 ay muli kong nakadaupang palad si KR sa matinding labanan sa Sitio Mendez sa Lungsod Quezon, kung saan nademolis ang mga bahay at napalayas ang mga maralita sa kanilang mga tahanan. Hanggang sila’y magkampo sa Quezon City Hall. Matapos ang isang buwan ay nakabalik ang mga maralita sa Sitio Mendez at nagmartsa sila sa tinaguriang Martsa ng Tagumpay noong kalagitnaan ng Agosto 1997. Iyon ay sa tulong ng KPML, Sanlakas, at iba pang samahan ng maralita, pati na ni QC Mayor Ismael Mathay na siyang naging daan upang makabalik sa kinatitirikan ng kanilang lupain ang mga maralita.

Subalit saan nga ba patungo ang mga maralita? Mula 2001 hanggang 2008 ay naging staff ako ng KPML. Matapos ay napunta ako sa Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) bilang staff. Nang mahalal akong sekretaryo heneral ng KPML sa ikalimang pambansang kongreso nito noong Setyembre 2018 ay pormal akong nakabalik sa KPML at patuloy na naglilingkod sa maralita.

Ang pagiging maralita o mahirap ay isang matinding suliraning kinakaharap natin sa kasalukuyan. Bagamat nakakasabay ang bansa sa pag-unlad ng teknolohiya, ang mga maralita ay nakakasabay din, lalo na’t may mga selpon din silang gamit. Ito ay naging mahalagang gamit upang makontak at makausap ang mga mahal sa buhay. Gayunpaman, marami pa rin ang nagugutom, hindi sapat na nakakakain, mababa ang sahod, ang iba’y walang trabaho. Samutsari talaga ang dahilan ng kahirapan.

Ano ang dapat nating gawin? Marahil, bukod sa isa-isang maghanap ng pagkakakitaan o trabaho, dapat kolektibong kumilos ang maralita na hingin sa pamahalaan na mabigyan sila ng trabaho. 

Bagamat naniniwala naman tayong huwag iasa sa pamahalaan ang lahat, subalit dapat tayong mag-organisa upang palitan ang sistema ng lipunang wala namang pakialam sa ating abang kalagayan. 

Kumilos tayo tungo sa isang lipunang makatao, na walang pagsasamantala ng tao sa tao dulot ng hayok sa tubong sistemang kapitalismo. Sa bagong sistemang iniisip natin, hindi indibidwalismo ang iiral kundi kolektibismo. Pag-aaralin natin ang lahat ng walang itinatangi kung mahirap man siya o mayaman. Gayundin naman, matuto tayong gamitin ng tama kung ano ang bigay ng kalikasan at huwag sirain ito. Ang mga magsasakang gumagawa ng pagkain ay hindi dapat naghihirap. Ang mga masisipag na manggagawa ay hindi dapat kontraktwal bagkus gawing regular sa trabaho. Tanggalin ang mga linta na manpower agencies na wala namang ambag sa produksyon. 

Kung maitatayo natin ng wasto at ganap ang lipunang makataong pangarap natin, baka wala nang tawaging maralita, kundi tatawagin silang kapwa. At ang lahat ay nagpapakatao at nakikipagkapwa.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Marso 1-15, 2022, pahina 15-16.

Biyernes, Marso 11, 2022

Ang planong aklat na "101 RED POETRY para kina Ka Leody, Walden at sa kanilang line-up"


ANG PLANONG AKLAT NA "101 RED POETRY PARA KINA KA LEODY, WALDEN AT SA KANILANG LINE-UP"
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isang pambihirang pagkakataon ang ibinigay ng kasaysayan kina Ka Leody De Guzman na tumatakbong pangulo ng bansa, Propesor Walden Bello para sa pagkabise-presidente, Atty. Luke Espiritu, Roy Cabonegro at David D'Angelo bilang mga senador, at sa ating PLM (Partido Lakas ng Masa) partylist.

Pambihirang pagkakataon din ito upang muling maging aktibo ang inyong lingkod na kumatha ng tula at payabungin ang tinatawag na panitikang proletaryo o panitikan ng uring manggagawa. Ika nga noon ng guro kong si Rio Alma sa aking mga tula ay pulos daw social realism. Ibig sabihin, pagkatha ng tula batay sa reyalidad ng nangyayari sa lipunan. Ibig sabihin din, kaiba sa kanilang panukalang Modernismo sa pagtula.

Pambihirang pagkakataon din ito sa tulad kong makatang maglulupa na makapaglathala ng aklat na "101 RED POETRY para kina Ka Leody at Walden at sa kanilang line-up" lalo na't naunang naglabas ng aklat na "100 Pink Poems para kay Leni" ang animnapu't pitong (67) kilalang makata sa bansa, sa pangunguna ng makatang Rio Alma, na pambansang alagad ng sining o National Artist sa ating bansa.

Subalit ang inilalabas nating aklat na "101 Red Poetry..." ay hindi bunsod ng inggit dahil nakapaglabas sila ng mga tula para kay Leni Robredo na ikinakampanya nilang pangulo. Hindi lang ito bunsod na dapat kong ikampanya ang aking ninong sa kasal na si Ka Leody De Guzman bilang pangulo, at ang buo niyang line-up. Higit sa lahat, ito'y bunsod ng tungkulin ko bilang makata na gisingin, ibangon, at payabungin pa ang tila naghihingalong panitikang proletaryo sa bansa. 

Ito'y bunsod din ng tungkulin ko bilang makatang aktibista na ipaunawa ang tunggalian ng uri sa masang Pilipino laban sa mga tula ng mga elitistang nasa toreng garing. Ito'y panitikan mula sa ibaba, mula sa putikan ng iskwater, mula sa pagawaan ng mga unyonistang nakawelga, mula sa kababaihang nakikibaka, mula sa mga maralitang dinedemolis ang kanilang mga tahanan, mula sa kabataang nais ng mas maayos at dekalidad na edukasyon, mula sa mga magsasakang nagpapakain sa buong lipunan subalit nananatiling mahirap, mula sa mga vendor na nagsisikap maghanapbuhay ng marangal subalit pinagbabawalang magtinda, na madalas ay hinuhuli ng mga pulis o nakikipaghabulan pa sa mga taong gobyerno, mula sa mga inosenteng taong biktima ng extrajudicial killings sa bansa, mula sa piitan ng mga bilanggong pulitikal, mula sa panawagang karapatang pantao at hustisyang panlipunan. Ah, napakaraming api at pinagsasamantalahan sa lipunan, at kulang ang 101 tula upang ilarawan, ikwento at itula lahat sila.

Working-in-progress pa ang mga kathang tulang ito na sinimulan lamang noong Marso 1, 2022, at balak matapos at malathala na sa mismong Mayo 1, 2022, Pandaigdigang Araw ng Manggagawa. At dahil nais nating maabot ang gayong bilang ay aktibo tayong tula ng tula sa bawat araw. Kaya noong Marso 1, 2022 ay nalikha na ang facebook page na 101 Red Poetry for Ka Leody and Walden, bagamat Ingles ay nasa wikang Filipino ang mga tula.

Subalit bakit 101 imbes na 100, tulad ng libro ng mga makata para kay Leni? Una, dahil bihira sa mga manunulang kabilang sa 101 ang talagang tumutula. Marahil ako lamang. Nakapagpasa sa akin si Ka Tek Orfilla, Bise Presidente ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), kung saan ako ang sekretaryo heneral, ng dalawang pahinang may labing-isang (11) tula hinggil sa pagtakbo nina Ka Leody, na nais kong isama sa 101. Ikalawa, ang 101 ay kadalasang inilalakip sa mga subject sa kolehiyo bilang pundamental o pangunahing pag-aaral hinggil sa isang paksa. Halimbawa, Rizal 101, Human Rights 101, Sociology 101, at iba pa. Ibig sabihin, para sa mga bagito pa sa kolehiyo, o bagito pa sa paksang iyon. Tulad ng ilang kilala kong aktibista't maralita na bihirang sumusulat ng tula datapwat paminsan-minsan ay nakakapagsulat ng tula.

Subalit bakit Red Poetry? Dahil ba Pink Poems ang inilathala para kay Leni? Marahil nga, labanan din ito ng mga kulay. Kulay pula bilang tindig ng mga manggagawa. Kulay pula dahil pag lumabas ang mga manggagawa at lumahok sa pagkilos tuwing Mayo Uno, lahat sila o mayorya sa kanila ang nakapula. Ang pula ay kulay ng kagitingan, kulay ng pakikibaka ng ating mga bayani. Kulay ng katapangan na kahit masugatan ay hindi susuko. Kulay ng manggagawa. Ang pink ay malabnaw na pula o may halong dilaw kaya lumabnaw.

Kaya ang paglalathala ng 101 Red Poetry ay isang pagkakataon upang ilathala ang tula ng mga nasa ibaba, mga marginalized o sagigilid o nasa laylayan ng lipunan. Kung nais mong makibahagi sa proyektong ito, inaanyayahan kitang ilathala mo sa iyong fb account ang iyong tula, at kung mamarapatin mo, at bilang editor ng page at ng lalabas na aklat, ay karapatan kong ilathala iyon kung naaayon at di mapanira sa ating mga kandidato. 

Ang maglalathala ng aklat ay ang Aklatang Obrero Publishing Collective na aking pinamamahalaan simula pa noong taon 2007. Nakapaglathala na ito ng maraming aklat ng tula, at mga aklat ng kasaysayan hinggil kina Macario Sakay, Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, Che Guevara, Ka Popoy Lagman, at Lean Alejandro. Ang disenyo ng pabalat ng aklat sa sanaysay na ito ay draft o borador pa lamang. Maaari pa itong mapaunlad. Subalit gustong-gusto ko ang litrato ng dyip na may poster nina Ka Leody, dahil sumisimbolo ito ng karaniwang taong ipinaglalaban nina Ka Leody, Ka Walden at ng kanilang line-up.

May plano rin tayong tulaan ng Red Poetry o Pulang Tula sa mga sumusunod na araw: Marso 21 - World Poetry Day; Abril 2 - Balagtas Day, na magandang ilunsad sa plasa kung saan may rebulto ang makatang Francisco Balagtas sa Pandacan, Maynila; at sa hapon o gabi ng Mayo Uno 2022 matapos ang rali ng mga manggagawa.

Tara, magtulaan na tayo, at magpasa na kayo ng tula para sa 101 Red Poetry para kina Ka Leody, Walden, at sa kanilang line-up.

Sinulat sa opisina ng manggagawa sa Lungsod ng Pasig
Marso 11, 2022

Biyernes, Marso 4, 2022

Ang nobelang "The Solitude of Prime Numbers" ni Paolo Giordano

ANG NOBELANG "THE SOLITUDE OF PRIME NUMBERS" NI PAOLO GIORDANO
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa katulad kong nag-aral noon ng BS Mathematics, subalit hindi natapos dahil agad nag-pultaym sa kilusang mapagpalaya, agad akong naakit sa pamagat pa lang ng isang nobelang nabili ko - The Solitude of Prime Numbers, ng Italyanong manunulat na si Paolo Giordano.

Binili ko agad ang aklat, bagamat may pilas ng kaunti ang pabalat, dahil na rin sa pagpapakilala ng aklat kung sino ba si Paolo Giordano. Umaabot iyon ng kabuuang 288 pahina, at nabili sa halagang P125.00 kanina sa BookSale ng SM Megamall. 

Nakakaakit ang paglalarawan sa likurang pabalat ng aklat, "This brilliantly conceived and elegantly written debut novel by the youngest winner ever of the prestigious Premio Strega award has sold more than one million copies in Italy."

At sa ikatlong pahina ng aklat ay ipinakilala naman ang may-akda sa ganito: "Paolo Giordano is the youngest ever winner of Italy's prestigious award, the Premio Strega, for the Solitude of Prime Numbers, his critically-acclaimed debut novel, which has been translated into more than forty languages. Giordano has a PhD in particle physics and is now a full-time writer. His new novel, The Human Body, is published by Pamela Dorman Books/Viking. He lives in Italy."

Pamilyar kasi ako sa Prime Numbers. Ito 'yung numero na hindi maidi-divide ang kanyang sarili kundi sa numerong isa (one). Ayon sa aklat na Think of a Number ni Johnny Ball, pahina 40, "A prime number is a whole number that you can't divide into other whole numbers except for 1." Halimbawa nito ang mga numerong 2, 5, 7, 11, 13, 17, 19, 23 at 29. Ito pa ang padron na inilarawan sa nasabing aklat:

31 is a prime number.
331 is a prime number.
3331 is a prime number.
33331 is a prime number.
3333331 is a prime number.
33333331 is a prime number.
333333331 is a prime number.
But what about 333333331? It turns out not to be, because:
17 x 19607843 = 333333331

Ito pa: "73939133 is an amazing prime number. You can chop any number of digits off the end and still end up with a prime. It's the largest known prime with this property."

Ayon naman sa librong "How Mathematics Work" ni Carol Vorderman, pahina 38: "Prime numbers are numbers that are exactly divisible only by themselves and 1. Primes were first discussed, 200 years after Pythagoras' death, by the Greek philosopher Euclid. The smallest prime, and the only one that is an even number, is 2 (1 is not viewed as prime). Euclid proved that an infinite number of primes exists."

Dagdag pa: "There are still some questions about primes that remained unanswered. For example, can every even number greater than 2 be written as the sum of two primes? This has never been proven formally, but a famous statement, known as the "Goldbach conjecture" states that the answer is "yes"."

Ano nga ba ang gamit ng prime numbers? Ayon pa sa How Mathematics Work: "Because large primes are so hard to find, they are often used by institutions, such as hospitals and banks, when they need confidential messages. The senders can scramble information using two large primes known only to themselves and the intended receiver - rather like personal identification numbers, or PINs, in banking. Because only part of the information are known to any one person in the chain, this makes it practically impossible for anyone but the receiver to decipher it."

Kaya nakakatuwa para sa akin na matutunan ang mga numero, tulad ng perfect numbers at prime numbers, dahil marami itong gamit sa iba't ibang teknolohiya, tulad ng mga nabanggit sa itaas. Para rin itong jigsaw puzzle o sudoku games na nais kong laging nilulutas. Kaya nang makita ko ang aklat na The Solitude of Prime Numbers, na nobela ni Paolo Giordano, agad akong nagka-interes. Anong relasyon ng prime number sa nobela? Nobela ba ito ng mga numero? Nasagot ito sa likurang pabalat ng nasabing aklat: "The Solitude of Prime Numbers is a stunning meditation on loneliness, love, and what it means to be human."

Dahil kabibili ko lang ng aklat kanina sa BookSale ng SM Megamall, hindi ko pa ito talagang nababasa. Bagamat binasa ko ang ilang pahina nito, maliban sa mismong nobela. Nais kong matapos ang pagbabasa nito, at babalitaan ko na lang kayo kung ano nga ba ang kwento, at bakit The Solitude of Prime Numbers ang pamagat ng nobela. Ginawan ko ito ng tula:

ANG NOBELA HINGGIL SA PRIME NUMBERS

The Solitude of Prime Numbers ay aking natunghayan
sa BookSale, mumurahing libro'y doon ang bilihan
nahalina sa pamagat, hinggil ba sa sipnayan?
textbook ba iyon, na gamit sa mga paaralan? 

pamagat pa lang ay hinggil na sa matematika
ngunit nakasulat doong isa iyong nobela
oo, nobela, di siya textbook mong mababasa
ibig sabihin, may kwento ng saya't pagdurusa

"The Solitude" o nag-iisa, nobelang malungkot?
ano kayang sa mambabasa nito'y idudulot?
may aral ba sa prime numbers na ating mahuhugot?
animo sa nobelang ito'y di ka mababagot

lalo't nabentahan ng libro'y higit isang milyon
sa apatnapung wika pa'y ginawan ng translasyon
kaakit-akit ang pamagat, di na maglimayon
basahin ko sa libreng oras sa buong maghapon

maraming salamat at natagpuan ko ang aklat
na marahil sa matematika'y makapagmulat
sa akin, at inspirasyon ito sa pagsusulat
nang makapag-akda rin ng nobela kung magluwat

- gregoriovbituinjr.
03.04.2022

Lunes, Pebrero 28, 2022

Klima at maralita

KLIMA AT MARALITA
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa Artikulo II, Pahayag ng mga Prinsipyo, Seksyon 7, ng Saligang Batas ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ay ganito ang nakasulat: "Kinikilala ng KPML ang kahalagahan ng pangangalaga sa kalikasan at kapaligiran dahil walang saysay anuman ang mga pagsisikap sa kaunlaran kung patuloy na winawasak ng tao at ng sistema ang likas na yaman at kalikasan."

Kaya mahalaga para sa mga lider at kasapian ng KPML ang isyu ng kalikasan (nature) at kapaligiran (environment) dahil dito tayo nabubuhay. Sapagkat dalawa lamang ang pinanggagalingan ng kabuhayan ng tao, ang Kalikasan at ang Paggawa.

Ibig sabihin, ang materyal na galing sa kalikasan at ang paggawang galing sa tao ang bumubuo sa lahat ng kalakal sa daigdig. Sa pangkalahatan, ang una ay libre at walang halaga sa pera. Ang ikalawa ay may bayad at ito ang nagbibigay ng halaga sa mga kalakal.

Ang isda na galing sa dagat ay libre. Ang binayaran ay ang lakas-paggawa ng mangingisda. Ang tubig ay libre subalit may bayad na pag nilagay sa boteng plastik.

Sa usaping basura, nagkalat ang plastik na di nabubulok at upos ng yosi na nagkalat sa lansangan at naglutangan sa dagat. Dapat ikampanya ang zero waste lifestyle kung saan wala nang ginagamit na plastik o anumang bagay na matapos gamitin ay ibinabasura na tulad ng styrofoam at single used plastics.

Sa usaping klima, naranasan ng maralita ang Ondoy kung saan bumagsak ang ulan ng isang buwan sa loob lang ng anim na oras. Mas matindi ang bagyong Yolanda at Ulysses na nagwasak ng maraming bahay at buhay.

Nagbabago na ang klima, at sa mga pandaigdigang usapan, hindi na dapat umabot pa sa 1.5 degri ang pag-iinit ng mundo dulot ng pagsusunog ng fossil fuel,  coal plants, at iba pa, na ayon sa mga siyentipiko, kung titindi pa ito sa 2030, aabot tayo sa "point of no return" kung saan mas titindi ang pag-iinit ng mundo na magdudulot ng pagkatunaw ng yelo sa Antarctica, pagtaas ng tubig, paglubog ng maraming isla, at sa paglikas ng maraming tao ay magbabago ang kanilang buhay. Paano na ang mga maralita sa mabababang lugar tulad ng Malabon at Navotas? Hanggang ngayon, hindi pa nakukumpletong magawa ang planong pabahay para sa mga nawalan ng bahay dulot ng Yolanda sa Samar at Leyte.

Kaya sa usaping kapaligiran at kalikasan, lalo na sa isyu ng klima, ay dapat kumilos ang maralita, na siyang pinaka-bulnerableng sektor sa lipunan. Kailangang kumilos para sa kinabukasan ng tao, ng kanilang mga anak at apo, at ng mga susunod na henerasyon. Ito ang esensya kung bakit noon pa man ay inilagay na ng KPML sa kanilang Saligang Batas ang tungkuling pangangalaga ng kalikasan at kapaligiran.

Linggo, Pebrero 27, 2022

Kwento - Mga Huwad na Pangako

MGA HUWAD NA PANGAKO
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sinasabing sikat ang mga maralita kapag kampanyahan. Aba'y akalain mong sa lugar ng mga iskwater ay pumupunta ang mga mayayamang pulitiko at sila'y nililigawan. Nangangako ng kung anu-ano para lang maboto. Kahit maputik ang daan ay nilalakaran. Gaano man kasikip ang looban ay pinupuntahan. Kayrami kasi ng maralita kaya ang bilang nila ay sapat na upang magpanalo ng kandidato.

Subalit kailangan pa ng mayayamang kandidato na masigurado ang kanilang panalo. Kaya madalas pag malapit na ang araw ng halalan, o isang araw bago ang botohan, ay naglipana na ang mga limangdaan piso upang matiyak na maiboto ang kandidato. 

"Sinong kandidato iyan? May ipit na limangdaan ba iyan?" ang agad tanungan ng mga maralita pag may namamahagi ng leaflet ng kandidato. Hindi ka papansinin pag polyeto lang ang ibibigay mo. Para bang nais nilang may kapalit ang ibibigay nilang boto para may makain ang pamilya. Para bang ang prinsipyo nila'y ipinagbibili. Para bang pumunta ka rito sa lugar namin nang wala kaming pakinabang. Para bang lahat ang botong hinihingi mo sa kanila sa isang araw na halalan ay laging may kapalit na limangdaang piso pantawid gutom. Ano nga ba namang mahihita nila sa mga pulitikong lagi na lang nangangako subalit lagi rin namang napapako? Na pag nanalo ay hindi na makita ang katawan, kita lang ay bumbunan. Tanging pakinabang na lang nila'y limangdaang piso sa mismong araw ng botohan upang may pantawid gutom, kapalit ng tatlo o anim na taong dusa.

Ganyan ang mga karanasan ni Igme habang namamahagi ng polyeto ng kanyang kandidato. Para bang lahat ay nabibili ng pera, pati prinsipyo. Nais nila ng pagbabago subalit... Ganyan ang sistema. Bulok.

Kinabukasan, sa miting de avance ng kandidato ng naghaharing uri. Pare-pareho pa rin ang apelyido na hindi na nagbago sa bawat eleksyong nagdaan. Dinastiyang pulitikal. Sa isang lungsod, pagkatapos ng ama, ang ina, tapos ay ang mga anak. Sa isang lalawigan naman, gobernador ang ama, kongresista ang ina, mayor ang panganay na anak, vice mayor ang ikalawang anak.

Para bang reunion ang nagaganap, hindi miting de avance.

Maya-maya, nagsimula na ang palatuntunan. Pinatugtog na ang nakakaaliw na musika. Paindak-indak ang mga pulitiko. Nagsisigawan naman ang mga manonood na akala mo'y mga dancer ang pinanonood.

Maya-maya ay tinawag na isa-isa ang mga kandidato. 

“Ipinapangako ko, ipagpapatuloy ko ang mga nagawa ng aking lolo, na paunlarin pa ang bayang ito.” Sabi ni Kongresman Tagay.

“Magpapatayo ako ng tulay.” ani Gobernadora Paltik.

“Pag ako ang binoto ninyo, pabababain ko ang lahat ng presyo ng mga bilihin sa bayang ito. Pati presyo ng gasolina, pabababain ko,”  pangako ni Mayor Kotong kahit nandiyan pa ang Oil Deregulation Law.

“Pag-aaralin natin ng libre ang mga bata,” sabi ni Konsehal Pusoy, gayong may batas nang libre ang pag-aaral sa elementarya at sekundarya.

Napakinggan ni Igme na nadismaya si Mang Kulet sa mga narinig. “Taon-taon na lang ay ganyan ang kanilang sinasabi. Wala namang bago. Pagpapatuloy lang talaga ng kapangyarihan ng kanilang pamilya sa bayang ito. Dinastiyang huwad ang pangako,” pailing-iling si Mang Kulet.

“Huwag kang maingay, baka ka marinig,” sabi ni Aling Mayang, na kanyang asawa. “Isulat na lang natin sa balota ang napupusuan natin.”

Umayon naman si Mang Kulot kay Mang Kulet, “Tama naman si Kuya. Paulit-ulit lang ang sinasabi nila. Naipangako na nila iyan noon, hindi naman natupad. Tapos ngayon ay ipapangako muli sa atin. Aba’y wala na bang iba?”

“Ano bang iba ang hinahanap mo? Ibang pangako o ibang pulitiko?” ang tanong naman ni Aling Mayang.

“Pareho. Subalit wala kasing nangangahas na bumangga sa mga mayayamang pulitikong iyan, kaya parang lagi na lang sirkus ang botohan dito sa atin. Wala na tayong ibang mapagpilian dito sa lokal. Buti pa doon sa nasyunal, may bagong mapagpipilian. May isang lider-manggagawa nga ang tumatakbo ngayon para pagkapangulo ng bansa. Kauri natin. Siya sana ay makapunta rito sa ating lalawigan,” ani Mang Kulot.

“Oo, maaaring pag-asa siya sa nasyunal, subalit dito sa lokal, habang namamayagpag ang mga trapo’t dinastiya, wala tayong mapagpipilian,” ani Mang Kulet, at maya-maya lang ay nag-uwian na rin sila.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Pebrero 16-28, 2022, pahina 16-17.