Biyernes, Setyembre 23, 2022

Pagdalo sa Pagtitipon ng Philippine PEN sa CCP

PAGDALO SA PAGTITIPON NG PHILIPPINE PEN SA CCP
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Naimbitahan ako ng ANI Journal ng Cultural Center of the Philippines (CCP) na dumalo sa Truth in the Telling: Power and the Pen, Philippine PEN Congress 2022, sa ika-20 ng Setyembre 2022, ganap na ikalawa ng hapon. Ang ibig sabihin ng PEN ay Poets, Essayists and Novelists. Isa itong pambihirang pagkakataon kaya ito'y aking dinaluhan.

Sino nga ba ako para maimbitahan? Simpleng manunulat lang ako na namamatnugot ng isang dyaryong pangmaralita - ang Taliba ng Maralita ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML). Hindi kilala, manunulat lang ng mga maralita. Marahil, kaya ako naimbitahan ay dahil isa ang aking akda sa mga nakasamang nalathala sa ANI 41, na taunang aklat pampanitikan ng CCP.

Sayang nga lang at late na nang mabasa ko ang panawagan sa ANI 42. Setyembre na nang malaman ko, na Agosto 31, 2022 pala ang deadline. Sana'y nakapagpasa muli ng akda. Gayunpaman, may next time pa naman.

Nakarating ako ng CCP ng kalahating oras bago ang 2pm. Ang venue daw ay sa Main Lobby kaya umakyat ako ng ikalawang palapag. Binati ako ng dalawang kaibigan nang makita ako - si Nini Oñate ng grupong Dakila, at ang manunulat na si Bebang Siy na nagtatrabaho sa CCP.

Nag-ikot muna ako sa loob, dahil may booth ng mga nakalatag na libro. Una ko agad binili ang Trip to Quiapo, Scriptwriting Manual ni national artist Ricky Lee. Nang matapos ang programa bandang ikaanim ng gabi ay saka ko nabili sa booth ng CCP books ang walo pang aklat. Ang ANI 26 (2000), ANI 27 (2001) at ANI 29 (2003) ay nabili ko ng P30 lang ang isa, habang ang limang aklat pa, na nagkakahalaga ng P20 bawat isa ay ang Dulaan ni Doreen G. Fernandez, Panitikan ni Resil B. Mojares, Musika ni national artist for music Ramon P. Santos, Pelikula ni national artist for literature Bienvenido Lumbera, at sining Biswal ni Alice G. Guillermo.

Ayon sa emcee na si Glenn Sevilla Mas ng Philippine Center of International PEN, iyon ang unang hybrid congress matapos ang pandemya, at iyon din ang unang Philippine PEN Congress matapos mamatay si national artist F. Sionil Jose, na siya ring tagapagtatag ng Philippine PEN. Sa mga bigating manunulat na ito ay malaking bagay na sa akin ang maimbitahan sa ganitong pagtitipon.

Nagbigay rin ng pananalita ang dating Miss Universe at ngayon ay CCP Chairman Ms. Margarita Moran-Floirendo.

Ipinakilala naman ni Ginoong Charlson Ong, na kasalukuyang chairman ng Philippine PEN ang pangunahing tagapagsalita na si national artist for literature (2022) Gemino Abad. Ayon kay Ong, si Abad ay admirer ng Jesuit priest poet Gerald Manley Hopkins kaya siya rin ay naging seminarista. Nang mabasa naman ni Abad ang American poet na si Robert Frost, na nagsabing to write poetry is to be a farmer, ay nagnais din siyang maging magsasaka. Si Abad din ang tagapagtatag ng Philippine Literary Arts Council.

Narito ang ilang naitala ko sa talumpati ni Gemino Abad. 
- "Mind and imaginatin are one." 
- "Look for etymology of words." 
- "Homo sapiens, sapiens in Latin is wise."
- "Conscience and consciousness has the same etymology, from Latin shere, to know." 
- "Translation means to carry, to ferry." 
- "Sanaysay, saysay, significance, weave of meaning."
- "Diwa, spirit or soul, intuition, insight."
- "Paksa, subject, theme, luminousence of thought."
- "If you are moved, you understood something."
- "A man of honor is a man of his word."
- "Education is the most important in any country."
- "I am because we are. Ubandu by Nelson Mandela." 
- "Know yourself is the beginning of wisdom, not knowledge." 
- "Without language, no critical thinking."

Naging co-emcee ni Mr. Mas si Miss Holgado (di ko nakuha ang unang pangalan) para sa Free the Word. Doon ay tinawag niya isa-isa ang mga performer na bumigkas ng kani-kanilang piyesa.

Unang bumigkas ay si Guerlan Luarca, na nasa zoom. Ang huli niyang linyang binigkas ay "matagal nang sinumpa ang Maynila."

Sunod ay si Vierra Tagbitille ng PEN Finland. Sunod ay sina Jenny Ortuostre at Che Sarigumba, na pawang lumikha ng proyektong Mothers Write in the Time of Covid.

Si Malena Ferdous ng PEN Bangladesh ay bumigkas din ng kanyang piyesa.

Makabagbag damdamin naman ang mahabang tulang binigkas ni Nanding Josef hinggil kay Jibin Arula, na tanging nakaligtas sa Jabidah massacre.

Nag-spoken poetry din sina Juan Ekis, Alyza Taguilaso, Adjemi Arumpac, Arielle Magno, at P. Sanchez. Pati na rin si Mitra Bandhu Poudel ng PEN Nepal.

Matapos ang mga performance ay ipinakilala ni Bebang Siy ang mga dumalong bookshop, tulad ng sumusunod:
- CCP Bookshop
- Aklat Alamid
- Milflores Publishing
- Ricky Lee productions
- UST Publishing House
- The Good Intentions Publishing

Ipinakilala rin ang literary journal na LUNA, na sinulat ng mga baguhang manunulat. Hindi ko na ito nabili dahil P450. Nasa P540 na rin kasi ang nabili kong aklat na nabanggit ko sa itaas.

Umuwi ako galing sa CCP ng bandang ikaanim na ng gabi. Kung ang pagpunta ko roon ay namasahe ako ng P89 galing Cubao, pagbalik ko ng Cubao ay P12 na lang. Hindi na ako nag-tricycle (P50), nag-LRT (P15) at MRT (P24), kundi naglakad mula CCP hanggang Taft-Vito Cruz, nag-dyip patungong EDSA (P12), at sumakay ng bus carousel na libreng sakay hanggang Disyembre.

Maraming salamat sa imbitasyon. Isang memorableng karanasan ito sa akin, at sana, sa mga susunod pang pagtitipon ng PEN ay muli akong maging bahagi. Mabuhay ang Philippine PEN!

Martes, Setyembre 20, 2022

Kwentong pamasahe

kwentong pamasahe

from Cubao to CCP = P89
from CCP to Cubao = P12
pamasahe balikan = P101

Cubao MRT to Taft = P24
Taft LRT to Vito Cruz = P15
Tricycle to kanto ng Roxas 
Blvd. going to CCP = P50
(wala na pala yung orange 
jeep since pandemic)

CCP to Vito Cruz = lakad
Vito Cruz jeep to Edsa = P12
Edsa Taft bus carousel 
to Cubao = libre

Bakit ako nasa CCP?
Dumalo ako sa first hybrid congress ng
Phil Center of International PEN
(Poets, Essayists and Novelists), 
09.20.2022, 2pm-6pm, sa CCP Main Lobby.
Maraming salamat sa imbitasyon
ng ANI Journal ng CCP. Mabuhay kayo!

Miyerkules, Setyembre 14, 2022

Kwento: Magrarali ang maralita sa DOLE


MAGRARALI ANG MARALITA SA DOLE
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Napagkaisahan ng mga maralitang magsagawa ng pagkilos sa harap ng Kagawaran ng Paggawa. Inanyayahan nila ang iba pang lider-maralita upang pag-usapan ang pagkilos.

Dumating si Aling Ligaya sa pulong. Ang agad niyang tanong: “Bakit sa DOLE? Hindi ba’t isyu ng maralita ay pabahay? Hindi ba’t sa matagal na panahon ay pabahay ang ating panawagan? Kaya bakit sa kagawarang iyan tayo magrarali?”

“Tama ka, Ligaya.” Ang sabad ni Mang Bitoy, “Lumaki na akong nasa barungbarong nakatira, at sumasama sa mga pagkilos na pabahay ang isinisigaw. Bakit ngayon, sa DOLE? Hindi naman tayo manggagawa.

Agad naman siyang sinagot ni Aling Luningning, “Iyan nga ang punto, eh. Alam nyo, Ligaya, Bitoy, ang isyu ng maralita kaya siya tinawag na maralita ay hindi lamang pabahay, kundi ang karalitaan, kahirapan, pagdaralita, karukhaan. Karamihan sa ating mga maralita ay walang trabaho. Kaya heto sina Mang Igme na nagmungkahi ng malaking pagkilos sa DOLE para ipanawagan ang Trabaho Para sa Maralita.”

“Dagdag pa riyan, Ligaya,” si Mang Igme, “sabi ng pamahalaan na kulang daw ang trabaho. Kaya ang nakikita nating solusyon diyan, gawing anim na oras na lang ang otso oras na paggawa upang ang natitirang oras ay ibigay sa maralita. Kung sa loob ng 24 oras sa isang araw ay may tatlong manggagawang tigwawalong oras ang trabaho, na legal ayon sa batas, aba, kung magiging anim na oras ang paggawa sa isang araw, sa loob ng 24 oras, may apat na manggagawa na ang nagtatrabaho. Yung nadagdag sa labor force sa bawat araw ay ang maralitang nabigyan ng trabaho.”

“Oo nga, ano,” pagsang-ayon naman ni Aling Ligaya. “Tama po kayo, mga kasama. Bakit hindi natin kaagad naisip iyan? Ibig lang sabihin, kung hindi kaya ng gobyerno makapagbigay ng solusyon, tayong mga maralita ang magsasabi ng solusyon sa kanila. Kung kulang ang trabaho sa paggawang otso oras kada araw, aba’y gawing anim na oras kada araw ang trabaho upang ibigay ang anim na oras pa para sa maralita. Nauunawaan ko na.”

“Sige, paano ang gagawin natin? Kunin muna ang manila paper at pentel pen para maisulat ang ating plano.” Ani Mang Igme.

Kaya sa isang malapad na tabla ay idinikit nila ang isang manila paper upang pagsulatan ng gagawin nilang plano ng pagkilos.

“Ang pangkalahatang layunin ng ating pagkilos,” isinulat ni Mang Igme sa manila paper, “ay maikampanya natin ang ating mga hinaing na magkaroon ng trabaho ang mga maralita. Ang mga isusulat nating islogan sa mga plakard ay:  Trabaho Para sa Walang Trabahong Maralita! Gawing Anim na Oras ang Otso Oras na Paggawa! Palagay ko ang dalawang islogan na iyan ay sapat na. Mga tigsasampung plakard bawat islogan. Ayos ba, mga kasama? Bago ang pagtatakda ng petsa, ilan sa inyo ang nais lumahok?”

Maraming nagtaasan ng kamay, nasa higit dalawampung katao.

“Ilan pa ang maaari ninyong pasamahin para mas marami tayo? Sa ngayon ay may badyet tayo para sa dalawang dyip.” Si Mang Igme pa rin.

“Hindi ba nakakatakot sumama sa rali?” Ani Inggo, na binatilyong sa murang edad ay nagtratrabaho na bilang magbabasura.

“Aba’y karapatan natin ang ating ipinaglalaban dito, kaya bakit ka matatakot, at kasama mo naman kami.” Agad na sabi ni Aling Tikya na dati ring unyonista sa pabrika nila bago iyon nagsara.

Nagtanong muli si Aling Ligaya, “Pwede ba nating imbitahan ang mga unyong kakilala natin upang samahan tayo sa ating pagkilos?”

“Aba’y maganda ang mungkahi mo, Ligaya. Hayo’t anyayahan natin silang samahan tayo.” Agad na pagsang-ayon ni Mang Kulas na isa ring lider sa kanilang purok. “Dagdag pa riyan ay isama natin sila sa ating mabubuong nego panel upang sakaling maharang tayo sa DOLE ay may kasama tayong mga manggagawa.”

“Ikaw na, Ligaya, ang magsabi sa unyon ng mga manggagawa. Sana’y hindi nila tayo tanggihan sa munti nating kahilingan.” Sabi ni Mang Igme. “Kailan ang mungkahi ninyong araw? Sinong gagawa ng panawagan sa midya? Sinong magsusulat ng ating pahayag? Baka ihanda muna natin ang polyeto na magpapaliwanag sa ating mga kapwa maralita kung bakit sa DOLE tayo magrarali.”

“Sige po, akuin ko na po ang pagsusulat,” Sabi ng dalagang si Juday.

“Aba’y maaasahan talaga ang mga kababaihan pagdating sa pagkilos nating maralita.” Pagmamalaki ni Aling Luningning sa kanyang anak.

Natapos ang pulong na may kislap ng pag-asa sa kanilang mga mata.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Setyembre 1-15, 2022, pahina 18-19

Miyerkules, Agosto 17, 2022

Kwento: Limitahan ang ekta-ektaryang pag-aari


LIMITAHAN ANG EKTA-EKTARYANG PAG-AARI
Maikling kwento ni Greg Bituin Jr.

May isang mayamang di man niya sabihin ay nagiging gipit ang mga mahihirap. Nakabili at napatituluhan niya ang nasa limang libong ektaryang lupa dahil na rin sa kayamanan niya at sa koneksyon niya sa pamahalaan. Magaling siyang mangangalakal. Tuso at magaling magmaniobra basta pagdating sa salapi.

Tila baga dinidiyos niya ang pera. Kaya pati ang relasyon niya sa kanyang kapwa ay nadungisan dahil sa ugali niyang pangmamata sa hindi niya kauri. Ligal naman daw niyang pinatituluhan ang kanyang lupain sa isang malayong lalawigan, at natamaan doon ang mga lupaing katutubo at mga sakahan. Kaya ang mga magsasakang dating may sinasakang lupa nang libre, ngayon ay nangangamuhan na sa kanya. Ang mga katutubo naman ay itinataboy sa kanilang lupang ninuno.

"Anong nangyari?" Sabi ng isang guro na anak ng isang magsasaka roon.

"May titulo kasi siya ng lupa na patunay na nabili niya ang lupaing iyon na nakapangalan na sa kanya," Sabi naman ng isang taga-pamahalaan, "kaya wala na tayong magagawa sa kanyang paghahari-harian sa kanyang lupain. Kanya iyon, e. Nakapangalan na sa kanya."

Patuloy pa ring bumibili ng ibang lupain ang nasabing mayaman. Tila ba hindi na nakuntento sa kinikita ng kanyang lupain. Nais pang sagpangin ang iba pang lupang kinatitirikan ng tahanan ng mga karaniwang tao. Nais niyang patayuan ng mga industriya, di pa upang magkatrabaho ang mga tao, kundi para ipagyabang ang dami ng kanyang ari-arian. Nang sa gayon ay igalang siya ng iba.

Naalala ko tuloy ang nakasulat sa Liwanag at Dilim ng bayaning si Gat Emilio Jacinto. Ang sabi roon: “Nagdaraan ang isang karwaheng maningning na hinihila ng kabayong matulin. Tayo’y magpupugay at ang isasaloob ay mahal na tao ang nakalulan. Datapwa't marahil naman ay isang magnanakaw; marahil sa ilalim ng kanyang ipinatatanghal na kamahalan at mga hiyas na tinataglay ay natatago ang isang pusong sukaban.”

“Nagdaraan ang isang maralita na nagkakanghihirap sa pinapasan? Tayo’y mapapangiti at isasaloob: Saan kaya ninakaw? Datapwa’t maliwanag nating nakikita sa pawis ng kanyang noo at sa hapo ng kanyang katawan na siya’y nabubuhay sa sipag at kapagalang tunay.”

“Ekta-ektarya na ang kanyang lupain. Hindi naman niya kailangan iyon. Tumatanda na siya. Aanhin naman niya iyon. Ang mga anak naman niya ay may sariling pamilya na at malayo sa kanya,” ayon sa magsasakang si Mang Igme, “Matagal na kaming nakatira sa lupaing ito, sapul pagkabata ay naririto na kami. Nagisnan na rin ng aking mga ninuno. At ngayon, nawala lahat ng karapatang iyon dahil lang nabili ng taong iyon at ipinangalan sa kanya ang lupang mula pa sa aming mga ninuno.”

Ganyan din ang sinasabi ng mga katutubo sa lugar. Kanila ang lupa. Naalala pa nila ang sinabi minsan ng bayaning pangat na si Macli-ing Dulag, “Bakit ninyo aangkinin ang lupang mas matagal pa sa inyo?”

Sa isang pagpupulong ng mga magsasaka, katutubo at maralitang naninirahan sa pook na iyon, napag-usapan nila ang kanilang kalagayan.

Nagmungkahi si Mang Kulas, isang lider-maralita, “Dapat tayong magmungkahi sa pamahalaan. Gawing batas na dapat limitahan ang pag-aari ng isang tao o korporasyon, upang huwag magalaw ang mga lupang ninuno, mga bukirin, at mga tahanan natin. Dapat hanggang isang libong ektarya lang ang pag-aaring lupa ng isang tao. Iyan ang mungkahi ko.”

“Dapat limang daang ektarya lang,” sabad naman ni Aling Tikay.

“Hanggang sandaang ektarya lang, masyado na sila,” ani Mang Hulo.

“Subalit paano natin sisimulan?” tanong ni Mang Ogor, “Dapat nang maisulat iyan at mapadala sa pamahalaan. May kakampi ba tayo sa Sangguniang Bayan, sa Kongreso, sa Senado? Dapat talaga limitahan ang pagmamay-ari ng isang indibidwal o korporasyon upang hindi nila magalaw ang ating mga lupang kinatitirikan ng ating bahay at mga kabuhayan. Sang-ayon ba kayo, mga kababayan.”

Ayon kay Tune, “May kakampi tayo sa Sangguniang Bayan. Tingin ko, pag lumakas ang ating pagkakaisa ay maipapanalo ang ating kahilingan.”

Dahil doon, nagkaisa silang magbuo ng isang drafting committee na magsusulat ng ihahaing petisyon o batas, nagkaisa silang planuhin na ang mga susunod na gagawin, sinong kakausapin, at ilulunsad nilang pagkilos.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Agosto 16-31, 2022, p. 18-19.

Linggo, Agosto 14, 2022

Mga Kwento nina Placido Parcero Jr. at Benjamin Pascual

MGA KWENTO NINA PLACIDO PARCERO JR. AT BENJAMIN PASCUAL
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Magkasabay kong binili ang dalawang aklat ng kwento nang minsang mapagawi ako sa Solidaridad Bookshop sa Ermita sa Maynila. Pebrero 11, 2022, nang makita ko ang kalipunan ng mga tula nina Placido Parcero Jr. at Benjamin Pascual. 

Dumaan kasi ako sa bahay nina Ka Tek, ang bise-presidente ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), kung saan halal akong sekretaryo heneral, sa bandang San Andres. Kaya napagpasyahan kong dumako muna sa Solidaridad Bookshop bago umuwi upang malaman kung ano ba ang mayroong bagong aklat pampanitikan doon. Hanggang makita ko ang "Alyas Juan Dela Cruz at Iba Pang Kwento" ni Placido R. Parcero Jr., na nagkakahalaga ng P230.00, na nasa 184 pahina ang mismong mga kwento, maliban pa sa 36 pahinang nasa Roman numeral. Katabi lang ng aklat na iyon ang "Landas sa Bahaghari at Iba Pang Kwento" ni Benjamin P. Pascual, na nagkakahalaga naman ng P245.00, at umaabot ng 215 pahina ang mismong teksto ng mga kwento, habang nasa 19 pahina ang naka-Roman numeral.

Buti na lang at may salapi ako nang mga panahong iyon. Kaya nabili ko ang dalawang aklat, P475.00, kaya may 25.00 pang sukli para pamasahe sa buong P500.00.

Ang dalawang aklat ay kapwa inilathala ng Ateneo de Manila University Press, at parehong 5" x 7" ang sukat ng aklat. Taon 2003 nalathala ang kay Pascual habang taon 2007 naman ang aklat ni Parcero. May labimpitong kwento si Parcero sa kanyang aklat, habang may dalawampu't isang kwento naman si Pascual. Sino ba ang mga manunulat na ito?

Ito ang nakasulat sa kani-kanilang aklat: 

"Si Placido R. Parcero Jr. ay isinilang sa Imus, Cavite. Nagtapos siya ng B.S. in Civil Engineering sa Mapua Institute of Technology noong 1962, at nagtrabaho bilang inhinyero bago nagbuhos ng panahon sa pagsusulat. Nalathala sa mga magasing popular ang kaniyang mga kwento. Nakasulat na rin siya ng apat na makapal na nobela, at isinerye sa Liwayway. Nagwagi siya ng unang gantimpala sa timpalak Palanca noong 2000, at ikatlong gantimpala sa timpalak sa maikling kwento ng Liwayway noong 1969.

"Unang nakilala bilang matinik na kwentista si Benjamin P. Pascual bago sineryoso ang pagiging nobelista. Nagsimula siyang sumulat noong dekada 1950, sumubok mag-ambag sa komiks, hanggang hiranging maging staffer ng Liwayway. Nagwagi sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature ang kanyang mga kwentong "Landas sa Bahaghari" (1965) at "Di Ko Masilip ang Langit" (1981). Nagtamo naman ng grand prize sa Cultural Center of the Philippines ang nobelang Utos ng Hari noong 1975. Makalipas ang ilang dekadang dibdibang pagsusulat ni Pascual, kinilala nhg Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) noong 1994 ang natatanging ambag niya sa pagsusulat ng maikling kwento, dula, at nobela. Yumao siya noong 11 Disyembre 2002.

Wow! May "apat na makapal na nobela" pala si Parcero, na "isinerye sa Liwayway". Naisaaklat kaya ang mga nobela niyang iyon? Hindi ko pa iyon nakikita. Si Benjamin Pascual ang may mga nobela pang makikita sa mga tindahan ng aklat.

Magugustuhan mo naman ang kwentong "Di Ko Masilip ang Langit" ni Pascual, na nanalo ng Palanca. Isang manggagawa sa konstruksyon ang pangunahing tauhan dito. Ang kanyang kwento, sila ang gumawa ng ospital na iyon. Sila ang mga manggagawang naghukay sa lupa, naglagay ng pundasyon, nagsemento, naglagay ng mga tiles, hanggang ilang palapag na gusali, hanggang mayari talaga ang ospital na iyon. Hanggang isang araw, ipinasok niya ang manganganak niyang misis sa ospital na iyon. Hindi sila pinapasok dahil wala silang pambayad o deposit. Ang nangyari, nakunan ang kanyang misis, nalaglag ang ulo ng bata sa semento, patay.

Nakakakonsensya na kung sino pa ang gumawa ng ospital na iyon, silang mga manggagawa, ang hindi nakinabang sa benepisyong dapat ibigay ng ospital. Halos mabaliw ang pangunahing tauhan sa pagkukwento niya ng buong pangyayari.

Ang kwentong "Ang Manggagawa" naman ni Parcero ay pagkukwentuhan naman ng ilang manggagawa sa konstruksyon hinggil sa kani-kanilang buhay habang nag-iinuman matapos ang maghapong pagtatrabaho. Nahulog pa si Piryo mula sa mataas na andamyo, subalit tuloy pa rin ang trabaho. Kwento ng porman, sa dami ng kanyang nakasama sa trabaho, iilan lang ang umangat sa buhay.

Magaganda rin ang mga pamagat ng kwento. Halimbawa na lang sa mga kwento ni Parcero: "May Nakahimlay na Pangarap sa Pasong Santol," "Isang Boteng Hinyebra at Isang Pangarap," "Mga Pusong Bato," "Namamasko ang mga Gunita," at "Saan Patungo ang Kariton ni Coring." Ito naman ang kay Pascual: "Kwento ng Dalawang Pangit," "Paalam kay Kaibigang Bote," "Ang Pusa Mo at ang Puso Ko," "Chedeng," at "May Buwan sa Pamarawan."

Pawang hinggil sa buhay ng karaniwang tao ang mga ikinukwento ng dalawang magagaling na manunulat na ito, tungkol sa buhay sa konstruksyon, buhay-maralita, at karaniwang mga pangyayari sa araw-araw. Ang kanilang mga kwento ay masasabing bulawan o gintong panitikan ng kanilang panahon. Doon ay mahahango natin ang mga pangyayari sa kanilang panahon na maaari natin maiugnay sa ating panahon. Bakasakaling may maikintal sa ating aral o gabay, o marahil maiwan sa ating diwa ang pilat ng nakaraan. Halina't basahin natin ang mga handog sa ating kwento nina Parcero at Pascual. 

Agosto 14, 2022

Biyernes, Agosto 12, 2022

Kwento: Gawing anim na oras kada araw ang trabaho


GAWING ANIM NA ORAS KADA ARAW ANG TRABAHO
Maikling kwento ni Greg Bituin Jr.

Nagkita-kita sa nakatakdang pagpupulong ng kanilang samahan ang ilang lider-maralita. Tinalakay nila ang mga isyu ng kanilang sektor na dapat iparinig sa pamahalaan. Nariyan ang usapin ng pabahay na lagi nilang isinisigaw sa kalsada. Para raw iyon sa mga maralitang walang sariling tahanan. Nakikitira lang kundi man nananahan sa mga danger zones o mga mapanganib na pook tulad ng tabing riles, tabi ng ilog, malapit sa bangin, tambakan ng basura, sa bangketa, o sa gilid ng kalsada. 

Subalit natanong din nila sa isa’t isa bakit naman doon nakatira ang mga maralita - sa mga mapanganib na pook. Saan naman daw titira ang mga maralita? Sa mga paupahang bahay bang disente nga subalit kulang pa sa pagkain ng pamilya ang kinikita ng padre de pamilya? Wala rin silang regular na trabaho kundi dumidiskarte na lamang. Kung magkatrabaho naman, nabibiktima pa sila ng mga ilegal na rekruter, at ng salot at mapagsamantalang iskemang kontraktwalisasyon. Ang iba naman ay nangangamuhan, nagiging katulong sa mga bahay ng mga maykayang pamilya. Ang iba’y nag-aabang ng mga pagpag sa disoras ng gabi upang may maipakain sa pamilya. Ang iba’y nagtitinda ng mga kakanin, o kaya’y tuhog-tuhog na inilalako nila sa kalsada. Maswerte nang kumita ng kahit dalawang daang piso sa maghapon, pwera pa ang puhunan.

“Anong dapat nating gawin? Wala naman tayong maayos na hanapbuhay. Gasgas na sa pandinig ng pamahalaan ang laging isinisigaw nating abotkayang pabahay. Anong mga isyu ang dapat nating ikampanya upang hindi mabansagang hingi lang ng hingi tayong mga maralita?” ang tanong ng lider na si Ka Tuning.

Walang imikan. Mga ilang sandali pa ay nagsalita na si Pareng Dune. “Ang maganda yata, humingi tayo ng trabaho dahil wala tayong mga trabaho. Saka na natin hingin kung regular na trabaho iyon. Kung kontraktwal, may bago tayong isyung isisigaw – gawing regular ang mga manggagawang kontraktwal.”

“Tama. Subalit paano kung sabihin nilang walang bakante para sa atin. Pag-isipan natin ang mga isasagot, mga kasama. Maganda nang alam natin kung ano ang itutugon natin,” ani Kuya Berting.

“Mas magandang imungkahi natin sa pamahalaan na gawing anim na oras lang ang trabaho ng manggagawa, at ang natitirang dalawang oras ay ibigay sa maralita. Ganito iyon. Sa dalawampu’t apat na oras na trabaho ng manggagawa bawat araw sa pabrika, tatlong manggagawang tigwawalong oras ang salitan sa trabaho. May first shift, second shift at third shift sila. Kung gagawing anim na oras ang trabaho sa isang araw, aba’y apat na manggagawa na ang magtatrabaho. Madadagdag ang fourth shift. Ibig sabihin, may nadagdag na manggagawa." mahabang paliwanag ni Mang Tano. 

“Oo nga, ano?” ang sabi ng iba pang mga kasama.

Dagdag pa ni Mang Tano, “Sa ibang bansa nga, anim na oras na ang pagtatrabaho. Ipinaglaban talaga iyon ng mga manggagawa. Kahit ang walong oras na paggawa ay kinamatayan pa ng ilang manggagawa sa Haymarket Square sa Amerika nang magrali sila roon noong Mayo Uno ng 1886, at nakuha nila ang patakarang walong oras na paggawa mula sa labing-anim na oras na paggawa. Makasaysayan ang pakikibakang iyon!” 

“Sang-ayon ako sa panawagang iyan. Subalit tanggalin din ang age limit, upang kahit may edad na ay magkatrabaho,” ani Ka Tuning.

Nagtanong si Pareng Dune, “Paano natin uumpisahan. Mungkahi ko, dahil trabaho para sa mga maralitang walang trabaho ang kahilingan natin, magsagawa tayo ng pagkilos sa harap ng tanggapan ng Kagawaran ng Paggawa. Iyon bang DOLE. Ang alam ko, Employment ‘yung E. Sila yata ‘yung takbuhan ng mga nag-eempleyo para magkatrabaho.”

“Tama ka, Pareng Dune. Ano mga kasama, planuhin na natin at ikasa natin ang kampanyang ito. Sugurin natin ang DOLE at manawagan tayo ng trabaho para sa maralita. Kuha na ng manila paper at isulat na natin ang plano. Kailan natin ito gagawin?” Ani Ka Tuning.

Nagkaisa ang mga maralita at lumakas ang kanilang pag-asa na sila’y pakikinggan ng pamahalaan sa kanilang kahilingan.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Agosto 1-15, 2022, pahina 18-19.

Biyernes, Agosto 5, 2022

Mga dapat pang saliksiking akda ni Jacinto



MGA DAPAT PANG SALIKSIKING AKDA NI JACINTO
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa marker ng Bantayog ni Gat Emilio Jacinto sa Magdalena, Laguna ay ganito ang nasusulat:

EMILIO JACINTO
1875 - 1899

   REBOLUSYONARYO AT BAYANI. ISINILANG SA TONDO, MAYNILA, 15 DISYEMBRE 1875. NAG-ARAL SA KOLEHIYO NG SAN JUAN DE LETRAN AT UNIBERSIDAD NG STO. TOMAS. UMANIB SA KATIPUNAN NA MAY PANGALANG PANDIGMA NA PINGKIAN AT NAGING KALIHIM NG SAMAHAN, 1894. SUMULAT NG "KARTILYA," "KATIPUNAN NANG MGA A.N.B. - SA MAY NASANG MAKISANIB SA KATIPUNANG ITO." ISA SA MGA NAGTATAG NG "KALAYAAN," ANG PAHAYAGAN NG KATIPUNAN, 1896. KASAMANG SUMALAKAY SA SAN JUAN DEL MONTE UPANG KUBKUBIN ANG EL POLVORIN  BILANG PAGSISIMULA NG MALAWAKANG PAGHIHIMAGSIK LABAN SA MGA ESPANYOL, 30 AGOSTO 1896. HINIRANG NI BONIFACIO BILANG PUNONG HUKBO SA HILAGA. PINAMUNUAN ANG LABANAN SA MAIMPIS, MAGDALENA, LAGUNA KUNG SAAN MALUBHA SIYANG NASUGATAN, 27 PEBRERO 1898. MAY AKDA NG "GISING NA, MGA TAGALOG," (1895); "SA BAYANG TINUBUAN" (1896); "A LA PATRIA" (1897); "LIWANAG AT DILIM" AT IBA PA. YUMAO SA STA. CRUZ, LAGUNA, 16 ABRIL 1899.

Nabanggit sa nasabing marker ang mga akdang "Gising na, mga Tagalog," "Sa Bayang Tinubuan," "A La Patria", "Liwanag at Dilim", at iba pa. Mayroon na akong kopya ng "A La Patria" na tula niya sa Espanyol na isinalin ko sa wikang Filipino noong 2012, at ang "Liwanag at Dilim". Subalit wala pa ako ng kanyang mga akdang "Gising na, mga Tagalog" at "Sa Bayang Tinubuan" na nais kong masaliksik at balang araw ay maisama sa mga saliksik para sa parating na ika-150 kaarawan ni Jacinto sa 2025.

Sa pahina 24 naman ng aklat na "Buhay at Mga Sinulat ni Emilio Jacinto" na tinipon ni Jose P. Santos, anak ni Epifanio delos Santos, ay ito ang nakasulat:

"Sa mga tula niya sa kastila ay walang napahayag kundi ang A La Patria, na gaya ng binanggit ko na sa unang kabanata nito ay itinuturing ng lalong matatalinong manunuri natin na hindi alangan iagapay sa Huling Paalam ni Dr. Rizal. May tatlo o apat na mahuhusay na tula pa siyang sinulat sa wikang kastila, isa na riyan ang handog sa kanyang ina at pinamagatang "A Mi Madre."

Bukod sa A la Patria ay may "tatlo o apat na mahuhusay na tula pa siyang sinulat sa wikang kastila" na dapat pang masaliksik, at maisalin din sa wikang Filipino.

Inilathala ng Aklatang Obrero Publishing Collective ang ilan kong saliksik hinggil sa akda ni Jacinto noong 2008 sa tulong ng KAMALAYSAYAN. At muli itong inilathala noong Oktubre 2015, ilang araw bago ako pumalaot sa ibang bansa tungo sa isa na namang Climate Walk (Nobyembre 7, 2015 nang umalis sa bansa patungong Pransya). Dumating ako rito eksaktong araw ng ika-140 kaarawan ni Jacinto, Disyembre 15, 2015.

Ito ang nilalaman ng unang talata ng Paunang Salita na may petsang Oktubre 17, 2015 na sinulat ko para sa ikalawang paglathala ng nasabing aklat:

"Ngayong 2015, dalawang pangyayari ang isinaalang-alang ng inyong lingkod upang muling ilathala ang aklat na ito. Una, namayapa na ang manunulat at gurong si Ginoong Ed Aurelio C. Reyes (Mayo 10, 1953 – Hunyo 30, 2015), na siyang nagyaya akin sa gawaing kasaysayan. Siya ang pasimuno't isa sa tagapagtatag ng KAMALAYSAYAN (Kampanya para sa Kamalayan sa Kasaysayan bilang paghahanda sa Sentenaryo 1896, na sa kalaunan ay naging Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan). Unang nailimbag ang aklat na ito noong Disyembre 2008 sa tulong ni Ginoong Reyes. Ang muling paglathala nito'y bilang pag-alala sa kanya. Ikalawa, nalalapit na ang ika-140 kaarawan ni Gat Emilio Jacinto (Disyembre 15, 1875 - Abril 16, 1899). Ang aklat na ito'y bilang pagpupugay sa kanyang kadakilaan, ambag sa himagsikan at panitikan, at ang mga naiwan niyang aral ay magandang pundasyon sa pagpapakatao't pagtatatag ng bansa."

Bilang paghahanda naman sa ika-150 kaarawan ng bayaning Jacinto sa Disyembre 15, 2025, marami pang akda ni Jacinto ang dapat kong masaliksik mula sa mga nabanggit ko sa itaas. Ito'y ang "Gising na, mga Tagalog," "Sa Bayang Tinubuan", ang nasa wikang Espanyol na "A Mi Madre" at ang "tatlo o apat pang tula sa wikang kastila" na nais ko ring isalin sa wikang Filipino. Mga akdang marapat masaliksik at maipabasa sa mga susunod na salinlahi. Mga akda niyang hindi ko pa nakikita upang mabasa, maisalin sa sariling wika, at mailathala.