Lunes, Oktubre 24, 2022

Pagsusulat sa pahayagang Taliba ng Maralita

PAGSUSULAT SA PAHAYAGANG TALIBA NG MARALITA
Munting sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Pag tinatanong ako ng mga kakilalang manunulat kung saang pahayagan ako nagsusulat, ang tanging nasasabi ko ay: "Nagsusulat ako sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang grupong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML)."

Hindi ako nagsusulat sa iba pang publikasyon sa kasalukuyan kundi sa Taliba ng Maralita. Bagamat dati ay nagsusulat ako sa publikasyong Obrero ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (2003-2010), magasing Tambuli ng BMP (1998-1999), sa dalawang isyu ng magasing Maypagasa ng grupong Sanlakas (1997 at 1998), sa walong isyu ng magasing Ang Masa ng Partido Lakas ng Masa (2011-2012), isang isyu ng pahayagang Ang Sosyalista ng PLM (bandang 2006 o 2007), sa pitong isyu ng magasing Tambuli ng Dakilang Lahi, na inilathala ng Kamalaysayan (2006).   

May nakabasa raw ng tula kong ambag sa magasing Liwayway, ngunit hindi ko nakita. May ilang artikulong nalathala sa tabloid na Dyaryo Uno (wala na ngayon). Nakapaglathala ng ilang Letter to the Editor sa Inquirer. May nalathalang sanaysay sa ANI 41 ng Cultural Center of the Philippines (CCP). Nagsimula ako bilang staffwriter ng dalawang taon at features and literary editor ng publikasyong pangkampus na The Featinean (1993-1997), at nakapag-ambag sa iba pang publikasyon. Subalit ang Taliba ng Maralita talaga ang nagbigay ng pagkakataon sa akin na magtuloy-tuloy sa pagsusulat. 

Nang magsimula ako sa KPML bilang staff noong 2001 hanggang 2008 ay isa ang Taliba ng Maralita sa aking inasikaso. Lumalabas ito ng isang beses kada tatlong buwan o apat na beses sa isang taon sa sukat na 11" x 17" na spreadsheet. Walong pahina.

Nang ako'y maging sekretaryo heneral na ng KPML noong Setyembre 2018 hanggang sa kasalukuyan, muli kong binuhay ang Taliba ng Maralita, at hindi ko ito pinabayaan. Ngunit hindi na 11" x 17" ang sukat kundi tiniklop na short bond paper, kaya lumiit na ang sukat. Dalawampung (20) pahina na. Noong simulan ito ng Setyembre 2018, ginawa namin itong isang beses isang buwan, hanggang Pebrero 2019. Subalit sa dami ng mga pangyayari, balita, at naiisip kathaing kwento, ay ginawa na namin itong dalawang beses isang buwan. Kaya simula Marso 2019 hanggang sa kasalukuyan ay dalawang isyu na kada buwan ang aming inilalathala. 

Tanging ang isyu ng Hulyo 2019 ang naiiba, isyung pang-SONA, dahil itong isyu lang ang muling naglathala ng sukat na 11" x 17", dahil may nag-sponsor. Walong pahina. Matapos ang isang beses na may naglathalang labas sa KPML, bumalik kami sa sukat ng short bond paper na may 20 pahina.

Sa layout, sa unang pahina lagi ang headline o tampok na artikulo o pangyayari sa loob ng nakaraang dalawang linggo. Ang pahina 2 ay hinggil sa batas at karapatan. Ang pahina 3 ay editoryal, cartoons, at adres ng pahayagan. Ang pahina 4, na maaaring maging pahina 4-5, ay ang kolum ng pambansang pangulo ng KPML. Ang pahina 20 ay pawang tula. Habang may isa o dalawang pahina para sa panitikan. Habang ang mga natira pang pahina ay para sa pahayag ng KPML sa mga isyu, balita maralita, komiks na Mara at Lita, at iba pang sanaysay na dapat ilathala upang mabasa ng mga kasapi ng KPML.

Pinagbubutihan namin ang paggawa nito upang may mabasa ang kasapian ng KPML hinggil sa iba't ibang isyu, balita, at paninindigan ng mga maralita. Dahil nalalathala rito ang kasaysayan at paninindigan ng KPML sa samutsaring isyu ng bayan, pati na mga aktibidad na dinadaluhan ng KPML ay tinitiyak naming may pahinang nakalaan sa mga iyon. Naging daluyan din ito ng mga pampanitikang akda tulad ng maikling kwento at mga tula.

Kaya kung may maghahanap ng kasaysayan at mga pahayag ng KPML mula Setyembre 2018 hanggang sa kasalukuyan ay may maipapakita tayo. Kaya sa mga nagtatanong sa akin na mga kakilala at kilalang manunulat kung saan ako nagsusulat, at saan nalalathala ang mga katha kong kwento at mga tula, aba'y ipinagmamalaki kong sabihing sa Taliba ng Maralita! Ang pagsusulat dito'y aking pinagbubutihan dahil ito lang ang tanging publikasyong naglalathala sa aking mga kwento, sanaysay, tula, at iba pang akda. Maraming salamat, Taliba ng Maralita, sa pagbibigay ng pagkakataon sa tulad kong manunulat.

Maraming salamat sa lahat ng mga sumusuporta sa Taliba ng Maralita! Mabuhay ang mga kasamang bumubuo ng ating publikasyon! Mabuhay din ang lahat ng mambabasa ng Taliba ng Maralita!

Linggo, Oktubre 23, 2022

Pagdalo sa Balik-Alindog, Bantayog



PAGDALO SA BALIK-ALINDOG, BANTAYOG
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa ang inyong lingkod sa agarang tumugon sa "Balik-Alindog, Bantayog" na proyekto ng Bantayog ng mga Bayani. Kaya inabangan ko ang petsang Oktubre 22, 1pm.

Ayon nga sa paanyaya ng Bantayog ng mga Bayani: "KITAKITS! Sama na sa first cleanup day sa Bantayog ng mga Bayani Foundation! Welcome ang bata o matanda. Tayo nang maglinis para sa katotohanan. Magsuot ng tamang damit. Magdala ng gwantes. Magdala ng kaibigan."

Nagdala ako ng gwantes at basahan upang mayroong magamit naman  at hindi nakatunganga. Dumating ako roon ng ika-12:30 ng tanghali, naghintay, hindi ko mga kilala ang mga naroon. Wala ang mga taga-PAHRA, PhilRights, BlockMarcos at iba pang grupong kilala ko. Gayunman, nang makita ako ng Executive Director ng PAHRA na si Ms. Mae ay kinumusta niya ako at buti raw ay nakarating. Sa kanyang talumpati ay binanggit niya ako bilang makata na dumalo sa nasabing pagtitipon.

Nagsalita roon si Atty. Chel Diokno na siyang Chairman ng Bantayog. At nag-emcee si Jun "Bayaw" Sabayton, na nang makita ako ay sinabing "O, nandito ka pala." Naroon din si Prof. Xiao Chua, na siya ring unang kumausap sa akin, "Hindi ba, nagkasama tayo sa Climate Reality? May bago ka bang libro diyan?" Ang sagot ko'y oo. Tamang-tama naman na may dala akong 101 Poetry at Liwanag at Dilim ni Jacinto, na binili naman niya.

Naglibot muna kami sa Bantayog Museum, bago ang paglilinis. Doon kami naglinis sa harap ng Bantayog ni Inang Bayan. Habang kami'y nagwawalis ng mga kalat na dahon, ay biglang umulan kaya natigil kami sa paglilinis, na ang mga nagpatuloy ay yaong mga nakakapote. Naubusan na ng kapote kaya wala akong nakuha, na sana'y patuloy din sana ang paglilinis ko.

Sumilong muna ang mga walang kapote, at nakita ako ng isa sa mga nag-organisa na basa ang tshirt, kaya binigyan niya ako ng tshirt na pula, na may tatak na Balik-Alindog, Bantayog, na may maliit na letrang @bantayogngmgabayani sa itaas ng malalaking letra.

Dahil sa patuloy na paglakas ng ulan, tinapos na ang programa bandang ika-3:30 ng hapon. Bago matapos ang programa ay nag-interbyu pa si Jun Sabayton, at isa ako sa natawag. Tanong niya: "Bakit mahalaga ang ginagawa nating ito?" Ang naging tugon ko, "Mahalaga ang paglilinis sa Bantayog kung gaanong mahalaga rin ang kasaysayan, at linisin din natin ito sa mga historical distortion."

Ako naman ay nagpaalam na bandang ikaapat ng hapon upang umuwi. Nang makauwi na'y naghanda ako ng tula hinggil sa aktibidad na ito na taospuso kong inaalay sa bawat nakiisa.

BALIK-ALINDOG, BANTAYOG

kaygandang layunin ng Balik-Alindog, Bantayog
tanggalin yaong duming sa puso'y nakadudurog
linisin ang kasinungalingan sa bayang irog
na kay Inang Bayan ay maibalik ang alindog

pagmamahal sa bayan ang paglinis nito ngayon
simbolo ng paglaban sa historical distortion
ating handog sa mga susunod pang henerasyon
mula sa mga pasakit, bayan ay maiahon

pagkilos ito ng mamamayang kumakandili
sa katotohanang ipinaglalabang matindi
sa mga naging martir na sa bayan ay nagsilbi
sa nakatayo nang Bantayog ng mga Bayani

ah, ibalik ang alindog ng Bantayog na ito
sagisag ng laksang buhay na naisakripisyo
para sa bayan, hustisya't karapatang pantao
sa sama-samang pagkilos ay kakamting totoo

- gregoriovbituinjr.
10.22.2022

Huwebes, Oktubre 20, 2022

Pansurò pala ang Tagalog ng dustpan




PANSURÒ PALA ANG TAGALOG NG DUSTPAN
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Binabasa ko ang maikling kwentong "Mga Tinig sa Dilim" ni Rosario De Guzman-Lingat sa kanyang aklat na "Si Juan: Beterano at iba pang kwento", pahina 85-99, nang mapuna ko ang isang salita, na sa tingin ko'y lumang Tagalog sa dustpan. 

Karaniwan kasi nating alam sa dustpan ay pandakot, subalit may iba pa pala. Ang pandakot kasi ay hindi lang dustpan kundi maaaring pala na pandakot ng buhangin. Mukhang eksakto ang pansurò para sa dustpan upang hindi maipagkamali sa pala.

Basahin natin ang dalawang talata na binabanggit ang pansurò sa pahina 86 ng nasabing aklat:

(1) May dala nang walis at pansurò ang babae nang magbalik. Maingat na tinipon ang durog na salamin, winalis sa pansurò. "Kumusta nga pala ang pinsan ninyo, Itay? Dumalaw kayo kangina, di ba?"

(2) Nailagay na ng babae ang lahat ng salaming basag sa pansurò. May kunot ng pag-aalala sa kanyang noo nang humarap sa kausap. "Bakit hindi pa ipasok sa pagamutan ng mga baliw? Higit siyang matutulungan doon."

Ipinakita ko ang usapan sa bawat talata, hindi lang ang pangungusap, upang mabatid natin paano ba isinulat ang kwento nang lumitaw ang salitang "pansurò" kaya natiyak nating dustpan ang tinutukoy.

Nagsaliksik pa tayo. Tiningnan natin sa makapal na UP Disksiyonaryong Filipino ang salitang pansurò, na binubuo ng unlaping "pan" at salitang ugat na "suro". Sa pahina 930 nito ay walang "pansurò" sa gitna ng mga salitang "pansuri" at "pant". Kaya tiningnan natin ang salitang ugat na "suro" sa pahina 1189, kung saan nakasulat:

su-rò png 1: salok na patulak, 2: pagtulis ng nguso, 3: [Sinaunang Tagalog] kutsara. Makikita sa titik o na may tuldik na paiwa sa taas na ito'y may impit ngunit mabagal ang bigkas, may diin sa "su". At sa kahulugan ay hindi lapat ang ikalawa at ikatlong kahulugan, subalit marahil ay ang una, dahil ang dustpan ay pandakot, na sumasalok na patulak, upang makuha ang dumi.

Marahil nga ay lumang Tagalog na hindi na ginagamit. Subalit kaygandang nakita natin ito na may sariling wika pala tayo para sa dustpan.

Napag-alaman natin sa Rizal Library website na si De Guzman-Lingat ay nabuhay mula 1924 hanggang 1997. Nakasulat doon: "Rosario de Guzman-Lingat (1924 – 1997) was a prolific Filipina author, producing the bulk of her writings from the 1960s to the 1970s.  Her works included novels and short stories that came out in the popular magazines of the time, scripts for television drams, essays, and poetry." http://rizal.library.ateneo.edu/index.php/node/796

Kaya ang salitang "pansurò" ay ginagamit noong bandang dekada singkwenta hanggang sisenta. Ayon sa kanyang talambuhay na sinulat ni Soledad Reyes, "Lubusang nanahimik si Lingat noong dekada walumpu subalit patuloy pa rin siyang bahagi ng sinumang magbabasa ng kanyang mga akda..."

Ngayon ay maaari na nating gamitin ang salitang "pansurò", at hindi lang "pandakot" (na magagamit din sa pala) para sa dustpan. Kumatha ako ng munting soneto hinggil dito.

PANSURÒ
Munting soneto ni GBJ

nabanggit sa isang kwento ang walis at pansurò
katumbas ng dustpan na salitang di pa naglahò
sa kwento ni Rosario De Guzman-Lingat nahangò
tila siya sa pag-unlad ng ating wika'y sugò

halina't Tagalog ng dustpan ay ating gamitin 
bilang ambag upang sariling wika'y payabungin
payak mang salita ngunt may katumbas sa atin
na ginamit ng husay ng mga ninuno natin

kaya pagpupugay, taos-pusong pasasalamat
ang ating paabot kay Rosario De Guzman-Lingat
kanyang mga kwento'y kaylalim mang kapara'y dagat
sa panitikang pambansa'y isa siyang alamat

teka, gagamitin ko muna ang pansuro't walis
upang mga alikabok sa paligid ay mapalis

10.20.2022

Biyernes, Oktubre 14, 2022

Kwento - Anong lamig ng katanghaliang tapat

ANONG LAMIG NG KATANGHALIANG TAPAT
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Makulimlim ang langit. Tila nagbabanta na naman ang malakas na ulan. Narinig nga ni Aling Ligaya sa radyo na may bagyong paparating.

“Hoy, Luningning,” sabi niya sa anak, “ipasok mo na ang mga sinampay at mukhang uulan na. Nangingitim na ang mga ulap. Itaas na rin natin ang mga gamit at baka magbaha, tulad ng naranasan nating Ondoy noon, na biglaan. Nagulantang na lang tayong basa na lahat ng ating kagamitan.”

Naalala pa niya ang mga nakaraan. Kung paanong dinaklot ng Ondoy ang kanilang kabuhayan, Setyembre 26, 2009, labingtatlong taon na ang nakararaan. Sinasabi ng mga eksperto na dahil dito’y nagbabago na nga ang klima. Habang noong Nobyembre 8, 2013 ay nanalasa ang Yolanda sa pinanggalingang lalawigan na higit limang libong katao ang namatay.

Kamakailan lang ay dumalo sila sa patawag na pag-aaral ng grupong Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), kung saan tinalakay kung bakit nga ba nagbabago ang klima, at anong dapat nating gawin.

Naalala ni Aling Ligaya ang sinabi ng isang tagapagtalakay nito, na may mga usapan na sa pandaigdigang saklaw. “Nakikipaglaban at nagrarali tayo upang ipanawagan sa maraming bansa sa mundo na huwag nang paabutin pa sa 1.5 degree Celsius ang pag-iinit pa ng mundo. Noon ngang Okrubre 2018 ay sinabi na ng mga siyentipiko na labingdalawang taon na lang ang nalalabi upang ayusin natin ang mundo, kundi’y mapupunta na tayo sa tinatawag na ‘point of no return’ o hindi na tayo makakabalik sa dati. Baka lumubog na ang maraming isla. 2022 na, kaya walong taon na lang. Dapat tigilan na ang paggamit ng mga fossil fuel at pagsusunog ng coal, lalo na iyang nakakahumalingan nila ngayong natural gas, na lalong magpapalala sa pagbabago ng klima, at lalo pang pag-iinit ng mundo.”

Tinanong pa niya noon, “Ano pong dapat nating gawin, lalo na kaming mga maralita, na wala namang kakayahan upang makausap ang mga sinasabi ninyong lider ng mga bansa. Pagkain pa nga lang ay hirap na kami kung saan kukunin. Tapos, mananawagan pa kami ng climate justice?”

“Maganda ang tanong mo,” sabi ng tapapagtalakay, “Hindi totoo na dahil mahirap lang kayo ay wala kayong magagawa. Kung marami tayong sama-samang kikilos at mananawagan ng Climate Justice, at ang ating panawagang mag-shift na tayo sa renewable energy, mas maiparirinig natin ang ating tinig dahil sama-sama tayong nananawagan. Ang inyong pagdalo sa ating mga pagkilos ay malaking bagay na.” Tumango siya habang ramdam niya ang sagad sa butong lamig ng katanghaliang tapat.

Nasa gayon siyang pagmumuni nang naglagitikan na sa bubungan ang mga malalaking patak ng ulan. Kaluluto pa lang niya ng pananghalian ngunit hindi pa sila kumakain nang manalasa na ang bagyong Karding.

Binabaha pa naman ang kanilang lugar sa kaunting tikatik pa lamang. Barado na kasi ang kanal dahil sa mga basurang plastik, na kung kaya lang gawin ng pamahalaan ang tungkulin nito ay hindi sana sila binabaha. Iba pa ang usaping klima, na dahilan naman ay mga maruruming enerhiya.

“Nay, akyat na kayo dito sa ikalawang palapag ng bahay. Bumabaha na po!” Hinakot naman ni Aling Ligaya ang iba pang gamit upang dalhin sa itaas na silid. Buong tanghaling tapat na umulan. Mabuti’t tumila agad ang ulan at hindi nabuo ang kinatatakutang bagyo sa kanilang lugar.

Kinahapunan ay tinawagan si Aling Ligaya ng nagtalakay sa kanila noon hinggil sa klima. May pagkilos kinabukasan. Sumang-ayon naman si Aling Ligaya na isasama niya ang kanyang anak at ilang kapitbahay sa nasabing pagkilos.

Kinabukasan, sa tapat ng tanggapan ng Asian Development Bank (ADB), kasama ang ibang grupo, ay nakiisa sila sa panawagang huwag nang pondohan ng ADB ang mga dirty energy, tulad ng fossil fuel, coal at natural gas dahil palalalain lang nito ang pag-iinit pang lalo ng mundo,

Naging tagapagsalita ang kanyang anak na si Luningning, na nagsabi, “Saksi po ako sa mga nagaganap na pagbabago ng klima, dahil sa Ondoy at Ulysses, na kung ititigil ang pagpopondo sa mga fossil fuel ay baka bumuti pa ang ating kalagayan. Mag-shift na tayo sa renewable energy!”

Magaling nang magsalita ang kanyang anak, at nadama ni Aling Ligaya na mula sa puso at karanasan ang sinabi ni Luningning. “Tiyak magiging mabuting lider balang araw ang aking anak,” ang nasasaisip niya.

Natapos ang pagkilos, na ang nadarama ng kanilang kapitbahay ay pagmamalaki, dahil ang dalagitang tulad ni Luningning ay tulad ng isang bayaning pinaglalaban ang kinabukasan ng bayan at kanilang henerasyon.

Alam nila, mararanasan pa rin nila ang init ng katanghaliang tapat.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Oktubre 1-15, 2022, pahina 18-19.

Miyerkules, Oktubre 5, 2022

Lumiit na ang magasing LIWAYWAY

LUMIIT NA ANG MAGASING LIWAYWAY
Munting sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ngayong 2022 ang sentenaryo o ikasandaang anibersaryo ng magasing Liwayway. May kasabihan nga ang ilang manunulat na naringgan ko, "Pag hindi ka pa nalathala sa Liwayway, hindi ka pa magaling na manunulat." May nagsabi sa aking nabasa raw nila ako sa Liwayway ngunit hindi ko iyon alam, dahil minsan lang o mga tatlong beses lang ako nagpasa, at kung nalathala man ay hindi ko nakita.

Bata pa ako'y kilala ko na ang Liwayway. Dahil laging bumibili niyon ang aking ama. Nakahiligan ko rin magbasa ng komiks na inaarkila sa kanto. Nang magbinata na ako'y ako na ang bumibili ng Liwayway. Nakadaupang palad kong minsan ang editor nitong si Reynaldo Duque, bandang 2001, nang magkaroon ng aktibidad pampanitikan ang LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo) sa German Library sa Aurora Blvd.

Nang magka-pandemya, halos hindi na ako nakabili ng Liwayway. Hindi na rin kasi nakakalabas ng bahay. At nalaman ko na lang na nawala na ito sa pamilihan, tulad ng news stand na binibilhan ko sa tapat ng simbahan ng Quiapo, at sa National Book Store.

Kahapon, Oktubre 4, bumili muna ako ng gamot at magasing Enrich sa Mercury Drug. Matapos iyon ay nagtungo na ako sa National Book Store sa Ali Mall. Nakita ko ang dati kong kaklase sa paralegal na nagtatrabaho roon. Tinanong ko kung may Liwayway na. Wala raw dumating sa kanila, kaya pinapunta niya ako sa National Book Store sa tapat ng Gateway na may ilang palapag ang taas. Noon ay nakakaabot pa ako ng ikaapat na palapag niyon, ngunit ngayon ay hanggang ikalawang palapag na lang.

Buti at natsambahan ko ang Liwayway magasin doon, na natatakpan ng ibang magasin. Dalawang isyu ang aking nabili. Ang isa'y isyu ng Marso 16-31, 2020, dalawa't kalahating taon na ang nakararaan. Habang ang isa'y ang sariwang isyu ng Setyembre 2022, na kung hindi ka maghahalungkat ay hindi mo makikita. 

Nang makita ko ang bagong Liwayway ay lumiit na ang sukat nito. Wala akong ruler upang makita ang eksaktong sukat, kundi nilitratuhan ko na lang upang inyong makita. Ang sukat ng Liwayway ngayon ay halos malaki lang ng kaunti sa pinagsusulatan kong Taliba ng Maralita, ang opisyal na pahayagan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML). May sukat ang Taliba na kalahating short bond paper o 5.5 x 8.5 inches.

Lumiit ang sukat subalit maraming laman pa rin. Kaysarap muling magbasa ng Liwayway. Subalit kung dati ay P40 lang ang malaking Liwayway, ngayong lumiit na ito'y mabibili na sa halagang isandaang piso (P100).

Lumiit man ang Liwayway ay nakakatuwang ito'y nagpapatuloy. Lalo na ngayong taon na sentenaryo nito. Pagpupugay sa lahat ng bumubuo ng Liwayway, pati na ang lahat ng mga naging manunulat, makata, at nobelistang nalathala rito. Pagpupugay rin sa aking mga kaibigan at kakilalang nalathala sa magasing Liwayway! Mabuhay kayo, mga kapatid sa panulat!

Pagpupugay sa ikasandaang taon ng magasing Liwayway!   

Huwebes, Setyembre 29, 2022

Kwento - 11,103

11,103
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Buong umaga’y nasa isang pagkilos na kami. Ikalimampung anibersaryo ng batas-militar ang araw na iyon. Karaniwang araw para sa marami, ngunit hindi sa mga nakaranas ng lagim ng batas-militar. Araw iyon ng kilos-protesta, araw ng pagluluksa dahil sa kalupitang dinanas ng kanilang mga mahal sa buhay.

Ang iba’y nawala nang tuluyan at hanggang ngayon ay hindi pa nakikita ng kanilang mahal sa buhay kahit man lang ang bangkay ng desaparesido o yaong sapilitang iwinala. Ang iba’y buhay ngunit naranasan ang bangungot ng marsyalo, natortyur, nakulong, ilang taon sa piitan, hanggang sila’y nakalaya.

Isa ako sa mga lumahok sa kilos-protestang iyon, hindi dahil naranasan ko ang batas militar, kundi bilang pakikiisa sa mga taong nawalan ng mahal sa buhay. Bata pa ako nang mabuhay sa panahon ng marsyalo. Bata pa ako’y tinanggal ng diktador ang kinagigiliwan naming palabas na Voltes V, na sa murang gulang ay hindi ko pa maunawaan bakit iyon tinanggal.

Umaga pa lang ay nagkatipon na ang mga kasama at nagkaroon ng programa sa bakuran ng Commission on Human Rights. Matapos ang programa roon ay sumama ako sa pagtungo nila sa Bantayog ng mga Bayani. Hanggang makita ko roon ang mga dating kakilalang matagal na di nakikita. 

“Kumusta na?” ang tanong nila sa akin.

“Heto, kumikilos pa rin,” ang sagot ko. “Kayo naman, kumusta?”

“May handa ka bang tula?” Sabi ng isa.

“Oo,” sabi ko, kaya sa nakapaikot na mga kananayan doon ay binasa ko ang tatlo kong tula hinggil sa talambuhay ng tatlong martir ng marsyalo. Patulang talambuhay o tulambuhay nina Boyet Mijares, 16, Archimedes Trajano, 21, at Liliosa Hilao, 23. Inihanda ko talaga ang tatlong tula baka bigla akong matawag.

“Nakakaiyak naman ang mga tula mo. Sana mas marami pang makarinig ng ganyan.” Sabi ng isang nanay na naroroon. 

Ang sabi ko na lang, “Nais ko pong iambag ang tula ko sa mga ganitong okasyon.” Nasasaisip ko, bilang aktibista’y patuloy ako sa pagkatha ng mga tula, kwento’t sanaysay para sa karapatang pantao at hustisyang panlipunan, at bigkasin ang aking mga kathang tula sa gayong pagtitipon.

Hanggang sa ako’y tawagin ng ilang mga kasama na galing pa ng Mendiola upang lumahok sa munting lakad mula sa BIR Road papasok ng Bantayog. Sumama akong lumabas sa Bantayog. Nagprograma muna sa kalsada bago kami magmartsa, at sa ikalawang pagkakataon ay binasa ko ang tatlong tula hawak ang megaphone sa mga nagrarali. Kailangan ko kasing itula ang mga iyon upang ipaalala ang karumal-dumal na sinapit ng maraming kabataan sa ilalim ng batas-militar. Tantiya ko’y nasa dalawang kilometro rin ang aming nilakad hanggang makarating ng Bantayog.

At sa harap ng rebulto ni Inang Bayan sa Bantayog ay maraming tao na ang nagkakatipon, at doon ay nagkaroon din ng programa. Mga biktima ng marsyalo ang karamihang nagsalita, na makikita mo sa puti nilang buhok ang katatagan, sa kabila ng karahasang kanilang dinanas,

Kinagabihan ay pinalabas ang dalawang oras na dokumentaryong pinamagatang “11,103”. Ang numerong iyon ang mga naidokumentong pangalan ng mga biktima ng marsyalo, buhay at patay, na naitala ng Human Rights’ Victims Claims Board. Habang nanonood ay tahimik ang mga tao, pawang seryoso sa panonood. Hanggang ipakita ang dokumentasyon ng Palimbang Massacre na kayraming pinaslang na Muslim, at noon lang nagsalita ang mga saksi sa tagal na panahon na iyon ay nangyari (1985). Bukod doon ay marami pang panayam ang ipinalabas, na ang iba ay kakilala ko, tulad nina Dok Au at Fr. Ed.

“Grabe talaga ang nangyari noong marsyalo, dapat talagang ipalabas sa publiko ang 11,103 upang maging aral sa mga susunod na henerasyon. Kaya nga dapat nating labanan ang pilit pinababangong mabantot na panahon ng marsyalo!” Dinig kong sinabi ng isang nanonood din. 

“Kaya dapat labanan natin ang mga historical distortion at fake news!” ang sagot naman ng isa. Umambon sa kalagitnaan ng panonood. Mabuti’t hindi naman lumakas, kundi’y kanya-kanya kaming hanap ng masisilungan dahil walang bubong kundi langit ang aming kinalalagyan. 

Natapos ang palabas. Umuwi akong dala ang pag-asang di na maulit ang marsyalo sa kabila na ang anak ng diktador ang pangulo ngayon.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Setyembre 16-30, 2022, pahina 18-19.

Martes, Setyembre 27, 2022

Paggawa ng buod ng Orosman at Zafira ni Balagtas

PAGGAWA NG BUOD NG OROSMAN AT ZAFIRA NI BALAGTAS
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr. 

Isang dahilan na naman upang magpahaba ng buhay. Isang proyekto na naman na dapat kong pagtuunan ng pansin.

Labis akong natuwa nang makita ko sa Solidaridad Bookshop ang nag-iisang sipi ng aklat na Orosman at Zafira na komedya ni Francisco Balagtas, ang may-akda ng Florante at Laura. Si Virgilio S. Almario ang editor niyon. Hindi ko na pinakawalan ang aklat na iyon at agad kong binili. Nagkataon lang na galing ako sa isang pulong sa isang lider na taga-San Andres sa Maynila, nang maisipan kong dumaan sa Solidaridad Bookshop na isang sakay lamang mula sa kanila, habang malayo naman ang aking inuuwian ng mga panahong iyon, sa aming tanggapan sa Lungsod ng Pasig. 

Nabili ko ang aklat na iyon sa halagang apatnaraang piso noong Hunyo 3, 2021. Isang collector's item sa tulad kong mahilig sa panitikan.

Pambihira ang aklat na iyon, dahil ang karaniwang alam lang natin ay ang Florante at Laura lang ang mahabang tula ni Balagtas na nalathala dahil ang iba'y nangawala na, at marahil ay nadamay sa sunog sa Udyong Bataan noong siya'y nabubuhay pa. Meron pa pala siyang ibang mahabang akda na natagpuan at nailathala sa ating panahon.

Nang mabili ko ang aklat na Orosman ay inisip kong huwag lang itong maging pansarili ko lang, na ilalagay ko lang sa munti kong aklatan, collector's item, babasa-basahin, tapos na. Ang nais ko'y gawan ng buod ang aklat na ito para sa mga susunod na henerasyon.

Nais ko itong simulan, lalo na't mas mahaba ng ilang ulit ang Orosman at Zafira kaysa Florante at Laura. 

Ang Kay Celia ay may 22 saknong o 88 taludtod. Ang Sa Babasa Nito ay may 6 na saknong o 24 taludtod. At ang buong akdang Florante at Laura ay may 399 saknong o 1596 taludtod. Sa kabuuan ay may 1708 taludtod ang Florante at Laura.

Ang Orosman at Zafira naman ay may 9034 taludtod. Bagamat kagaya ng Florante ang estilo ng pagtula sa Orosman, labingdalawang pantig sa bawat taludtod, sa saknong na may tigaapat na taludtod, may ilang saknong na isa lang o dalawa ang taludtod. Dahil ang anyo nito'y tulad ng dula, na hindi kasama sa bilang ng taludtod ang mga pangalan ng nagsasalita, kundi ang mga sinabi nilang patula.

Ang pagbasa at paggawa ng buod ng Orosman at Zafira ang nais kong simulan bilang habambuhay na proyekto, na maaari kong matapos sa loob ng apat o limang taon, dahil sa dami rin ng iba pang ginagawa, na sana'y aking magawa habang kaya pa.

Marahil ay sadyang para sa akin talaga ang sipi ng librong Orosman at Zafira na aking nabili, at ang naibigay nitong pagkakataon na mapasaakin ay hindi dapat masayang. Maraming salamat, Balagtas, sa isa mo pang akda.