Martes, Pebrero 7, 2023

Kwento - Bayanihan sa dyip

BAYANIHAN SA DYIP
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Mama, bayad po,” sabi ng babae sa dulo ng sinasakyan kong dyip. Inabot naman ng katabi niyang lalaki sa akin ang isang lukot na bente pesos, na iniabot ko naman sa tsuper ng dyip. Ang ruta niyon ay mula Tayuman hanggang Lardizabal sa Maynila.

“Ito po ang sukli,” ang sabi naman ng tsuper, at iniabot ko naman mula sa tsuper patungo sa lalaki ang baryang otso pesos, hanggang iyon na’y kunin ng babaeng nakaupo sa dulo ng dyip.

Mayroon na namang nagbayad. At ganoon muli ang naging proseso. “Bayad po. Diyan lang sa may España.” “Sukli po, ale.” “Bayad. Pakibaba lang po sa Honradez.” “Para! Ito po ang bayad,” sabay baba.

Minsan, sa tapat ng Pantranco ay sumakay ako ng dyip na may karatulang Quiapo-SM West upang makarating sa SM North. Paano nangyari iyon? Ang West ay kalye, habang mall ang North.

Napansin ko sa araw-araw kong pagsakay ng dyip, rutang Bustillos patungong Divisoria, Pasig-Palengke-Quiapo, Balic-Balic-España, Cubao-Welcome Rotonda,  aba’y ganoon pa rin lagi ang proseso.  Bayad-sukli-bayad-sukli ng mga hindi naman magkakakilala. At saka ko napagtanto na ito ang kasalukuyang bayanihan. Ang alam kasi natin sa bayanihan ay yaong pagtutulungan ng mga magkakanayon sa sama-sama nilang pagbubuhat at paglilipat ng bahay. Subalit bihira na ito ngayon dahil karamihan lalo na sa lalawigan, ay kongkreto na ang mga bahay. Kaya bihira nang nagaganap ang ganoong uri ng bayanihan. Subalit sa loob ng dyip ay kitang-kitang buhay na buhay ang bayanihan.

Matindi pa, ang nagtutulungan at kusang nag-aabot ng bayad at sukli ay mga di magkakilala at doon lang sa dyip unang nagkasama. 

Makikita mo ang diwa ng tiwalaan, dahil di nila ibinubulsa ang iniabot na bayad o sukli ng kapwa pasahero, kundi iniaabot talaga sa tsuper ang bayad at ibinabalik naman ang sukli sa pasaherong nagbayad.

Minsan pa, pag nasiraan ang dyip ay nagkukusa na ang tsuper na ibalik ang bayad ng mga pasahero. Dahil na rin hindi niya nakumpleto ang serbisyo, o hindi niya naihatid ang pasahero sa dapat nitong babaan. Para bang may batas na hindi nakasulat subalit madalas nangyayari. At alam na alam nila iyon. Walang lamangan. Parehas sila kung lumaban.

Sinabi ko ang aking ideya o nakita sa ilan kong mga tula, at nag-usap kami ng isang magaling na guro hinggil dito. Sabi ko’y may makabagong bayanihan na dapat maisalibro rin, at ito nga ang bayanihan sa loob ng mga pampasaherong dyip. Ang mga taong hindi magkakakilala ay nag-aabutan ng bayad at sukli nang walang samaan ng loob, o wala nang anumang usapan. Ang nasabi ng guro, “Tama. Iyan nga ang buhay na halimbawa ng bayanihan na dapat nating ituro sa mga estudyante.”

Subalit sa nakaambang jeepney modernization, imbes na mukhang dyip, ay parang minibus na ang itsura. Ngayon nga sa mga nasasakyan kong ejeep o electronic jeep ay may konduktor na sa dyip, tulad ng biyaheng Cubao-Antipolo. Hindi tulad ng mga dyip sa Maynila na bihira ang konduktor. Ang tanong agad na sumagi sa aking isipan, “Mawala kaya ang makabagong bayanihan ng mga pasahero sa dyip?”

Habang isinusulat ito’y nagaganap ang isang linggong protesta ng mga tsuper at opereytor ng dyip upang iparating sa pamahalaan na tutol sila sa PUV modernization, dahil bukod sa uutangin sa Tsina ang dyip, hindi pa kaya ng mga tsuper na bayaran ang milyones na halaga ng bagong dyip. At nakita rin natin sa mga balita na ang Francisco Motors ay handang gumawa ng mga dyip na kailangan. Ngunit bakit di masuportahan ang gawang sariling atin? Dahil ba wala ritong limpak na kickback?

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Marso 1-15, 2023, pahina 18-19.

Linggo, Enero 29, 2023

Kwento - Makauring Kamalayan


MAKAURING KAMALAYAN
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Tagos sa puso ang sinabing iyon ng tagapagsalita. Talagang nadama kong kaisa talaga tayo ng uring manggagawa, kahit na tayo’y maralita.” Ito ang sinabi ni Mang Igme sa kanyang kasamang si Mang Igor.

“Ganyan din ang pakiramdam ko! Halos nag-iinit talaga ang aking kalooban, sumisingasing ang aking loob, at kaya agad akong tumindig at pumalakpak. Kailangan talaga natin ng nakauring kamalayan. Sino pa ba itong magtutulungan kundi tayo ring magkakauri.”

Dati silang mga manggagawang regular na nawalan ng trabaho dahil nagsara ang kumpanyang pinapasukan. Nalulugi raw. Ngayon ay nagbukas muli at pulos kontraktwal na ang mga manggagawa. Sila naman ay nagbuo ng samahan ng magkakapitbahay at ngayon ay mga lider-maralita sa kanilang lugar.

“Hoy, kayo ngang dalawa riyan. Kung hindi ko pa alam, aba’y nitong eleksyon lang ay nakasuso kayo sa pulitiko, at hindi man lang ikinampanya ang tumatakbong manggagawa sa pagkapangulo. Ano kayo?” ang sabad naman ni Aling Ines na nasa katabing upuan lang.

“Sa totoo lang, Ines, ngayon ko lang kasi nalaman iyang sinasabi nilang makauring kamalayan. Kung noon ko pa nalaman iyan, baka hindi kami pumasok sa pulitikong iyon. Kaya lang, gipit din kami noon, kaya pikit mata na lang na ikinampanya ‘yun basta may pambili lang ng bigas,” ang sabi naman ni Mang Igme.

“Ayuuun! Sinasabi ko na nga ba. Sabagay, nangangailangan din ako noon, marami sa atin. Subalit ikinampanya namin ang kauri natin, isang lider-manggagawa. Yung tumakbo sa pagkapangulo at yung isa naman ay sa pagkasenador. Hindi man sila nanalo ay ipinakita naming mga kababaihan kung para kanino kami.” ganting sagot ni Aling Ines.

Sunmabat si Mang Igor, “Ang mahalaga ay nalaman natin kung ano ba iyang makauring kamalayan, na tayo bilang mga maralita, ay dapat magtiwala sa ating mga kauri, ang mga manggagawa, kapwa maralita, mangingisda, vendor, magsasaka, at iba pang mahihirap. Aba’y kaytagal nang panahong ang lagi nating ibinoboto ay ang mga hindi natin kauri, pulos mayayaman, na hindi naman talaga naglilingkod sa ating mga dukha. Aba’y pag kampanyahan lang naman sila napuputikan sa pagpunta sa iskwater, para mahamig ang ating boto. Pero pag nanalo na sila, nasaan sila? Kaydali raw lapitan, kayhirap naman hanapin, di ba?”

“O, siya. Huwag na tayong magtalo pa. Ang mahalaga ngayon ay kung paano natin mapapalaganap ang makauring kamalayan na iyan, kahit wala na tayo sa pabrika, kundi bilang mga lider-maralita. Ang mga manggagawa naman ay umuuwi sa komunidad ng maralita, habang ang mga maralita’y padiska-diskarte lang para mabuhay.” Sabi ni Aling Ines.

“Ano ang malalim na dahilan ng makauring kamalayan kundi ang sama-sama nating pagkilos upang baguhin ang ating abang kalagayan, kung saan maitatayo natin ang isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao, hindi ba? Yaong sistemang hindi nawawasak ang kalikasan dahil sa pagkaganid sa tubo ng iilan. Yaong sistemang ang pakuya-kuyakoy lang ay tiyak na magugutom. Hindi tulad ngayon, ang mga magsasakang anong sipag sa bukid, at ang mga manggagawang kayod-kalabaw ang siyang naghihirap, habang pakuya-kuyakoy lang habang nagkakamal ng ating pinagpaguran ang mga kapitalistang hayok sa tubo. May dapat tayong gawin. Ang imulat ang ating mga kauring maralita sa makauring kamalayan.” Sabi ni Igme.

Agad tumugon si Igor, “Mungkahi ko, pasapiin muna natin ang ating Samahang Maralita sa Pulang Bato (SMPB) sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), saka tayo magplano kasama nila. Makakapagbigay pa sila ng mga aralin tulad ng PAMALU o Panimulang Aralin ng Maralitang Lungsod at LNU o Landas ng Uri. Nabanggit na sa akin iyan ni Ka Kokoy, na pangulo ng KPML.”

Si Aling Ines naman, “Hoy, paalala lang ha? Bilang lider-maralita, mahalaga ang inyong pananagutan, kaya huwag na kayong mag-ano riyan sa mga pulitikong iyan na hindi naman natin kauri. Maano bang magkaroon tayo ng paluwagan para hindi tayo hingi ng hingi sa mga trapo na ang tingin naman sa ating maralita ay basahan.”

“Salamat sa paalala mo, Aling Ines.” Ani Igor. “Mag-iskedyul na tayo ng usap sa KPML upang makarating muli sila rito sa atin.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Enero 16-31, 2023, pahina 18-19.

Lunes, Enero 9, 2023

Kwento - Bagong Taon, Lumang Sistema


BAGONG TAON, LUMANG SISTEMA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Kumusta, pare! Happy New Year! Ano ba ang New Year’s Resolution mo? Natupad mo ba ang dati mong mga resolusyon?” Tanong ni Igme kay Igor, habang nakikinig si Ingrid.

“Alam mo, ‘tol, hindi naman ako mahilig sa ganyang mga new year’s resolution kahit noon pa. Nagbago lang naman ay petsa, subalit hindi naman nagbabago ang sistema. Mas lumala pa. Di hamak na mas mataas na ang presyo ng isang kilong sibuyas kaysa minimum wage natin dito sa Maynila,” ang sagot naman ni Igor.

“Ay, oo nga, tama ka. Subalit isang kasiyahan na ang pagsasama-sama ng pamilya tuwing sasapit ang Bagong Taon. Sama-samang sasalubungin ang Bagong Taon nang masigla, maliwanag, nag-iingay, nagkakainan, nagkukwentuhan kung kumusta na ba ang bawat isa.” Ang sabi muli ni Igme.

“Isa pa iyan. Sinasalubong natin ang Bagong Taon nang may putukan. May nagsisindi ng lusis, may nagpapaputok ng labintador na may iba’t ibang pangalan, tulad ng PlaPla, Goodbye Philippines, at iba pa. Ang wala pa ay ang tawagin ang paputok na Goodbye Daliri, dahil marami nang nawalan ng daliri sa paputok, gayong ang iniisip lang ay masiyahan. May maling kultura na apektadp ay ang kinabukasan ng kabataang naputukan at nawalan ng daliri.” Sabi pa ni Mang Igor.

Sumabad si Ingrid, “May punto ka, Igor. May napapaputok pa ng baril pag Bagong Taon, kaya may mga batang namatay sa tama ng ligaw na bala. Iyon nga pala ang ikinampanya namin nitong bago mag-Bagong Taon, ang huwag magpaputok ng ligaw na bala. Hanggang ngayon kasi’y hindi pa natin nalilimot na namatay ang pitong taong gulang na batang babae, na nagngangalang Stephanie Nicole Ella, na namatay sa ligaw na bala noong Bagong Taon ng 2013 sa Caloocan. Ang apat na taong gulang na si Ranjelo Nimer ay sinumpak, Bagong Taon ng 2013 din iyon. Doon naman sa Mandaluyong. Mabuti ay nahuli ang suspek.” 

“Naku, Ingrid,” dagdag pa ni Igor, “balita nga noong 2021 lang, Bagong Taon din, namatay  sa ligaw na bala ang isang edad 12 babae sa Lanao del Norte, at nasaktan ang isang edad anim na batang lalaki sa Santa Catalina, Negros Oriental, at isa pa mula sa Dagupan City sa Pangasinan. Isa namang pulis-Malabon ang kinasuhan dahil sa indiscriminate firing. Hay naku, Bagong Taon! Kailan tayo titino?”

“Ano ang punto ninyo, mga igan? Huwag na tayong magdiwang ng Bagong Taon? Ang OA n’yo naman?” Sabi ni Igme.

“Hindi naman sa ganoon, ‘tol. Ang sinasabi lang natin, nagbago ang petsa, subalit hindi naman nagbago ang sistema ng ating lipunan. Kahit sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon, imbes na pangunahin ay ang kaligtasan ng pamilya, ang daming nasasaktan. Mas nangingibabaw ang komersyalismo, na kahit wala kang pera, naoobligado kang magbigay sa mga namamasko sa iyo, lalo na sa mga inaanak. Sa ganang akin, nagbago lang ang petsa, subalit ganoon pa rin tayo, mga kontraktwal. Ang ating management, mahilig magpamisa sa pabrika dahil blessing daw, subalit hindi naman magawang regular ang kanilang mga manggagawang kaytagal nang nagtatrabaho sa kanila, lalo na’t ang trabaho ay “usually necessary or desirable” sa takbo ng kumpanya. Nagbabait-baitan sila, nagpapamisa, subalit hindi nila makita ang sarili sa pagmamalupit sa manggagawa. Hindi kasi nila tayo kauri. Ang tingin nila sa atin ay manggagawa lang na ekstensyon ng makina.” Ito ang himutok ni Igor.

Napaisip si Igme, “Tama ka, Igor. Kaya kung mayroon man akong New Year’s resolution, aba’y ang resolusyon ko ay dapat tumulpng tayo at maging aktibo upang gumanda ang kalagayan natin sa pabrika, ang ipaglaban na maging regular tayo sa kumpanya, at pag-aralan natin ang lipunan. Tama, sumapi tayo sa Bukluran ng Manggagawang Pilipino o BMP at nang may kakampi tayo na ating mga kauri.”

“Magandang New Year’s resolution iyan, Igme. Iyan na rin ang magiging New Year’s resolution ko, at dapat ipasa natin iyan sa unyon ng mga regular sa ating kumpanya.” Ang nakangiting sabi ni Ingrid.

“Okay din ako, sama ako riyan. At sana maging New Year’s resolutuon din natin na tumulong upang baguhin ang sistema ng lipunang pahirap sa manggagawa’t sa malawak na mamamayan.” Ang pagtatapos naman ni Igor. “Tara, kumain muna tayo. Libre ko kayo!”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Enero 1-15, 2023, pahina 18-19.

Huwebes, Disyembre 29, 2022

Kwento - Pagkatuso ng mga "Lingkod-Bayan"

PAGKATUSO NG MGA “LINGKOD-BAYAN”
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Komento at karugtong ng maikling kwentong “Kahalagahan ng Pagkilos” na nalathala sa isyung Disyembre 1-15, 2022 sa Taliba ng Maralita)

“Ano ba naman iyan? Umatras na nga ang Kongreso sa Maharlika Invesment Fund, sabi nila. Bakit ngayon ay may botohan pa rin sa panukalang batas na iyan? Hindi ba totoo ang kanilang pag-atras?” ngitngit na komento ni Aling Ligaya sa kanyang anak na si Maningning.

Sumagot naman si Aling Luningning, “Ang inatras lang yata nila ay yaong hindi na kukunin sa pondo ng SSS at GSIS ang magiging pondo ng Maharlika Invesment Fund, dahil sa malakas na pagtutol ng mga tao, hindi ang mismong Maharlika Wealth Fund na iyan, kaya pinagbotohan pa rin nila ang panukalang batas na iyan.”

“Hay, naku, ipinatatanggol mo pa ang mga kolokoy na iyan. Para talaga nilang binibilog ang ating mga ulo. Ipinipilit talaga nila kung ano ang ayaw ng mga tao. Paano natin matitiyak na pag naisabatas iyan, hindi nila kukupitin ang pera natin sa SSS, o sa GSIS man? Sige nga,” ang tugon naman ni Aling Ligaya.

Nakatingin si Mang Igme, na naroong nakikinig. “Magmasid pa tayo. Aba’y matindi ang numerong 279-6 pabor sa panukalang Maharlika Fund. Kaya saludo ako sa anim na tumutol diyan, dahil pahirap talaga iyan sa mamamayan. Kailan kaya titino ang ating pamahalaan?”

“Itay, isa lang talaga ang maisasagot ko sa tanong ninyo? Hangga’t pinaghaharian pa tayo ng mga political dynasty, patuloy ang pamamayagpag ng mga trapo. Hangga’t naririyan ang kapitalismo, patuloy na mamamayagpag ang mga dinastiya. Kaya dapat mapalitan mismo ay ang bulok na sistemang nakasuso palagi sa puhunan ng naghaharing iilan.” Paliwanag ni Maningning.

“Talagang tuso ang mga pulitikong iyan? Imbes na paglilingkod sa bayan, ginagawang negosyo ang serbisyo publiko. Sa tanda ko nang ito, nais ko pa ring sumama sa pagkilos ninyo, anak. Nais kong makiisa sa taumbayan sa anumang pagkilos laban sa anumang pagsasamantala at pang-aapi sa masa. Nais kong mamatay nang may ipinaglalaban.”

“Aba, mahal ko, sasamahan kita riyan. Hindi tayo mag-iiwanan. Aba’y kinabukasan, hindi lang ng bayan, kundi ng mga anak at apo natin ang nakasalalay. Iginapang na natin sila sa hirap, kaya marapat lang na ipaglaban din natin ang kanilang kinabukasan.” Si Aling Ligaya muli.

“Ganito na lang po, Itay. Kung may pagkilos muli kami ay sabihan po namin kayo. At sabihan ko silang pagsalitaan kayo nang inyong nararamdaman, hindi lang sa isyung binanggit ninyo, kundi sa aming isyu rin po. Ang pagbuwag sa salot na kontraktwalisasyon. Sa Lunes po ay may pagkilos kami sa Meralco laban sa patuloy na pagtaas ng presyo ng kuryente. Nais n’yo po bang sumama?”

“Aba’y isyu rin natin iyan, anak. Pati na ang sinasabing climate change. Sige, anak, sasama kami ng Itay mo.” Pagtatapos ni Aling Ligaya.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 16-31, 2022, pahina 18-19.

Lunes, Disyembre 19, 2022

Pagpupugay sa umawit ng ending ng Voltes V

PAGPUPUGAY SA UMAWIT NG ENDING NG VOLTES V
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nabalitaan ko na lang sa social media ang pagkamatay ng umawit ng ending theme song pag natatapos ang isang serye ng Voltes V sa telebisyon. Bata pa ako'y pamilyar na ako sa dalawang theme song ng nasabing anime, na ang opening song ay may umpisang "Tatoe arashi ga hukou tomo" na maaawit din sa videoke.

Subalit ang ending na "Chichi Wo Motomete" ay hindi ko pa nakita sa videoke. Bagamat meron nito ayon sa pananaliksik. Si Ichirou Mizuki, na ang tunay na pangalan ay Toshio Hayakawa ay isinilang noong Enero 7, 1948 at namatay nito lang Disyembre 6, 2022. Siya ay isang Japanese singer, lyricist, composer, voice actor at aktor na kilala sa kanyang mga gawa sa theme song para sa anime at tokusatsu (live action film). Sa loob ng mahigit 50 taon, nakapagtala siya ng mahigit 1,200 kanta para sa pelikulang Hapones, telebisyon, video at video game. Kinikilala siya ng mga tagahanga at kapwa performer bilang Aniki (big brother o Kuya) ng anison, o anime na genre ng musika. Ginawa niya ang singing duo na Apple Pie mula noong 1990 at nilikha ang Anison band na JAM Project noong 2000.

Kilala ko na ang kanyang boses noong aking kabataan, dahil noong ipalabas ang Voltes V noong 1978 sa Pilipinas ay ang boses niya ang umaalingawngaw sa ere pag natapos nang hatiin ni Voltes V ng letrang V ang kanyang kalaban. Ibig sabihin, kada matatapos ang serye ay inaawit ang Chichi Wo Motomete (Searching for Father).

Pinalabas ang Voltes V sa Pilipinas noong Mayo 5, 1978, at tinanggap ni dating pangulong Marcos noong Agosto 27, 1979. Naging kilala ng kabataan ang Voltes V at Mazinger Z, pati Mekanda Robot, at sina Richard at Erica ng Daimos. Subalit pinakasikat talaga si Voltes V.

Sa limang kasapi ng Voltes V, tatlo ang magkakapatid na naghahanap sa kanilang Tatay na minsan na nilang nakasama. Tatay nina Steve Armstrong, Big Bert at Little John si Dr. Armstrong. Si Dr. Ned Armstrong (Kentari Gou) ay pamangkin ng emperador ng Boazanian, muntik nang maging emperador mismo ngunit nakulong dahil sa pagpapanggap bilang isang may sungay na Boazanian, kalaunan ay tumakas sa Daigdig at nagkaroon ng tatlong anak sa tagalupang si Gng. Armstrong (Mitsuyo Guo). Siya ang lumikha ng Voltes Five. Bago pumarito sa Daigdig, nagkaroon siya ng anak sa Boazanian na nagngangalang Bree--ang batang ito ay lumaki sa kalaunan at naging Prince Zardos. Kaya magkakapatid sa ama ang magkakalabang sina Prince Zardos, at sina Steve Armstrong, Big Bert at Little John.

Tinangka kong isalin ang Chichi Wo Motomete sa wikang Filipino. Narito ang liriko ng nasabing awit sa wikang Hapones:

CHICHI WO MOTOMETE

Oya ni hagureta hinadori mo
Itsuka wa yasashii futokoro ni
Aeru ashita mo aru darou
Da no ni naze meguriaenu chichi no kage
Naku mono ka boku wa otoko da
Shinjite'ru shinjite'ru sono hi no koto wo
Kono te de chichi wo dakishimeru hi no koto wo

No ni saku hana mo tsuyukusa mo
Itsuka wa hito to meguriaeru
Kataru yube mo aru darou
Da no ni naze otozurenai shiawase ga
Naku mono ka boku wa otoko da
Taete matsu taete matsu sono hi ga kuru to
Te wo tori chichi wo waraiau hi ga kuru to

Mikadzuki wo oou murakumo mo
Itsuka wa kaze ga fukiharai
Kagayaku yoru mo aru darou
Da no ni naze kiramekanai chichi no hoshi
Naku mono ka boku wa otoko da
Tatakau zo tatakau zo sono hi no tame ni
Kono te ni chichi wo torimodosu hi no tame ni

Narito naman ang English translation (na nakita natin sa internet, sa tulong ni Mr. Google)"

SEARCHING FOR FATHER

There will be a tomorrow
when even this little bird that turned from his parents
can someday return to their kind bosom, right?
Yet why can't I even meet father's shadow?
Am I going to cry? No way, I'm a man.
I believe, I believe in that day,
the day I embrace my father in my arms.

Someday the flowers of the field and grass of the rainy season
shall meet someone.
Perhaps there will come a day I can say so.
Yet why doesn't happiness come?
Am I going to cry? No way, I'm a man.
I shall endure. I shall bear and wait for that day to come,
the day when I can hold father's hand and laugh with him.

Someday the winds shall sweep away
the clouds hung over the crescent moon
Perhaps there will be a brilliant night
Yet why doesn't father's star shine?
Am I going to cry? No way, I'm a man.
I shall fight, I shall fight for that day,
for the day I take back father with my own hands.

Bagamat naglagi ako sa loob ng anim na buwan sa Japan (Hulyo 1988 hanggang Enero 1989) sa Iwate Ken, Hanamaki Shi, ay hindi naman ako magaling talaga sa wikang Hapon, kaunti lang. Kaya sinubukan kong isalin ang Chichi Wo Motomete sa wikang Filipino, mula sa Ingles.

Tinangka kong isalin ang awit na parang tula, na may bilang na labinlimang pantig bagamat di lahat ay may rima o tugma. Ito ang kinalabasan:

PAGHAHANAP KAY AMA
15 pantig bawat taludtod

May bukas maging ibong lumayas sa ama't ina
Na balang araw ay uuwi sa kanila, di ba?
Bakit ang anino ni Ama'y di man lang nakita?
Iiyak ba ako? Aba'y hindi, lalaki ako.
Naniniwala akong araw na yao'y darating,
Na si Tatay ay akin nang mayayakap sa bisig.

Balang araw ay magkakadaupang palad na rin
Yaong bulaklak sa parang at damo sa tag-ulan.
Baka darating ang araw na masabi ko ito.
Ngunit bakit di dumaratal ang kaligayahan?
Iiyak ba ako? Aba'y hindi, lalaki ako.
Titiisin ko't hihintayin ang araw na iyon
Na mahawakan ang kamay ni Ama't makitawa.

Balang araw ay tatangayin ng hangin ang ulap 
Na nakabitin sa rabaw ng gasuklay na buwan
Marahil ay mayroong nagliliwanag na gabi
Ngunit bakit di kumikinang ang tala ni Ama?
Iiyak ba ako? Aba'y hindi, lalaki ako.
Lalaban ako, sa pagdating ng araw na iyon,
Ay mababawi ko si Ama gamit yaring kamay.

Narito naman ang inalay kong tula para sa kanya:

ICHIROU MIZUKI

bata pa kami'y kilala na namin ang boses mo
dahil matapos ang Voltes V, iilanlang ito
at mararamdaman sa puso at buto ang tono
kahit di namin nauunawaan ang liriko

sa aming kabataan, alamat ka't inspirasyon
lalo't bahagi kami ng Voltes V Generation
na nang mag-alsa sa Edsa, kami nga'y pumaroon
agad nakiisa sa sambayanang bumabangon

maraming salamat, Ginoong Ichirou Mizuki
at sa walang kamatayang Chichi Wo Motomete
pagkat sa awitin mo'y pinasaya ang marami,
pati sa aming nangarap na bayan ay bumuti

muli, kami sa iyo'y taasnoong nagpupugay
sa Voltes V, at sa awit mo'y mabuhay! Mabuhay!

Pinaghalawan:
https://www.forbes.com/sites/olliebarder/2022/12/12/renowned-japanese-singer-ichiro-mizuki-has-died-at-the-age-of-74/?sh=6635c0a3382a
https://en.wikipedia.org/wiki/Ichirou_Mizuki
https://members.tripod.com/~voltes_5/v5heroes.html
http://www.animelyrics.com/anime/voltesv/chichi.htm

Miyerkules, Disyembre 14, 2022

Kwento - Kahalagahan ng Pagkilos

KAHALAGAHAN NG PAGKILOS
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Ay sos, rali na naman. Wala na ba kayong kapaguran diyan? Wala naman kayong kinikita diyan, ah! Pulos kayo reklamo! Bakit hindi kayo magtrabaho at magbanat ng buto?” ang sermon na naman ni Aling Ligaya sa kanyang anak na si Maningning.

“Tumaas na naman kasi ang presyo ng bilihin, at hindi na makasabay ang sahod ng mga manggagawa, Inay! Magkano na ang isang kilong sibuyas ngayon, triple na po sa dating presyo! Nakakaiyak na, inay! Pati ang panggatas ni beybi, apektado! Kailangan na itong tutulan!” ang sagot naman ni Maningning.

“Aber, mapapababa ba ninyo ang presyo niyan? Aba’y kailan pa sa kasaysayan nagbabaan ang mga presyo ng bilihin? Tumigil nga kayo diyan, at alagaan mo na lang ang anak mo? Nagpapakapagod ka lang diyan, masisira pa ang kutis mo sa araw.”

“Sandali lang naman ang pagkilos na ito, Inay. Pagkatapos po nito ay uuwi na ako,” muling sagot ni Maningning.

“Tama naman ang anak mo, Ligaya. Aba’y kung hindi ipinaglaban noon ng mga manggagawa sa Haymarket Square sa Chicago ang walong oras na paggawa mula sa labing-anim o labingwalong oras na paggawa kada araw, aba’y baka hanggang ngayon ay wala pang batas para sa otso-oras na paggawa. Kung wala ang mga protesta ng mamamayan laban sa mga mapaniil na batas o pangit na kalagayan, aba’y walang magagawang batas sa ating bansa. Dati hindi pwedeng magbuo ng unyon, ngayon ay nakalagay na ito sa ating Saligang Batas dahil ipinaglaban ito.” Ito naman ang sinabi ni Mang Igme.

Si Aling Ligaya ay nagtitinda sa palengke, at naghuhulog din sa SSS para raw may makuha sakaling kailanganin. Si Mang Igme naman ay dating manggagawa sa pabrika, na noong pandemya ay nawalan ng trabaho. Si Maningning naman ay manggagawa sa patahian ng pantalon.

Noong isang araw lang ay nabalitaan nilang may panukalang batas sa Kongreso hinggil sa Maharlika Wealth Fund, kung saan kukunin ang pondo ng pamahalaan sa kontribusyon ng mga miyembro ng SSS at GSIS. 

Nagulat si Aling Ligaya, at sinabi niyang bakit pera ng mga kontribyutor sa SSS at GSIS ang pagkukunan ng pondo, gayong maraming mayayaman sa bansa, tulad ng mga pulitiko at bilyonaryo na dapat kunan ng pondo kung magiging maayos lamang ang pagbubuwis. Dapat nga ay mas buwisan ang mayayaman, at hindi ang mga mahihirap.

Kaya nang mabatid ni Aling Ligaya na sasama ang kanyang anak sa rali laban sa bantang pagsasabatas ng Maharlika Wealth Fund, agad siyang nagboluntaryong sumama. Sabi niya sa anak, “Oo lang ako ng oo sa mga nangyayari noon. Subalit kung gagalawin na nila ang mga ipon naming mga kontribyutor sa SSS, aba’y hindi na maaari iyan. Hindi ako sanay sa rali, anak, subalit sa pagkakataong ito, sasama ako sa rali ninyo upang isatinig ang aking nararamdaman, at tutulan ang ganyang panukala.” Ikapito ng Disyembre ay sumama silang mag-ina sa rali sa SSS. 

Pagkauwi sa bahay ay ibinalita na sa telebisyon ang pag-atras ng mga kongresista sa pagsasabatas ng panukalang Maharlika Wealth Fund dahil daw baka magalit ang tao sa gagawin nila.

“Tama ka, anak, kung hindi tayo kikilos ngayon, at oo lang tayo ng oo, aba’y baka nagalaw na nila ang aming pinaghirapang hulugan sa SSS. Salamat at may katulad ninyong sama-samang kumikilos at  tumututol sa mga maling gawain at katiwalian. Mabuhay kayo, anak!”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 1-15, 2022, pahina 18-19.

Linggo, Disyembre 4, 2022

Bakit 1985, hindi 1986, talaga itinatag ang KPML?

BAKIT 1985, HINDI 1986, TALAGA ITINATAG ANG KPML?
Ilang pagsusuri at ang mungkahing pagwawasto sa kasaysayan ng KPML
ni Gregorio V. Bituin Jr.

May tatlong petsa sa kasaysayan ng KPML na umabante ng isang taon. Ang lahat ng ito'y dahil sa pagkasaliksik sa talagang petsa ng EO 82 na nilagdaan ni dating Pangulong Cory Aquino. Ang petsa ng EO 82 ang dahilan ng usaping ito.

Kung hindi dahil dito ay wala sanang problema sa petsa ng pagkakatatag ng KPML. Sinasabi sa dokumentong "Oryentasyon ng KPML" na isa ang KPML sa dahilan kung bakit naitayo ang PCUP. Narito ang problema. Kung hindi natin itatama ang kasaysayan, tiyak kukuwestyunin din ito ng mga susunod pang henerasyon.

Baybayin muna natin kung ano ang nakasulat na kasaysayan batay sa "Oryentasyon ng KPML":

B. BILANG PAMPULITIKANG KUMPEDERASYON

Noong panahon ng diktadurang Marcos, ang pakikibaka ng mga maralita ay kalat-kalat at kanya-kanya. Walang sentralisadong pagkilos kung kaya’t mula sa ganitong kalagayan, itinayo ang KPML bilang isang sentrong organisasyong pampulitika ng maralita, upang pagkaisahin at organisahin ang pakikibaka ng maralita sa isang sentralisadong pagkilos, di lamang sa usapin ng pabahay, kabuhayan, serbisyo at mga karapatan, bagkus hanggang sa pakikibaka laban sa kahirapan.

Tumungo ang pakikibakang ito sa pagkakaroon ng pampulitikang kapangyarihan sa hangaring makamit ang isang ganap na pagbabago tungo sa lipunang may pagkakapantay-pantay.

C. KAILAN AT PAANO NABUO ANG KPML

Sa gitna ng magiting na pakikibaka ng maralita sa karapatan sa paninirahan, serbisyo at kabuhayan, itinatag ang KPML noong Disyembre 18, 1986 bunga ng pagkakabigkis ng iba’t ibang samahang maralita na pinangunahan ng Zone One Tondo Organization (ZOTO), Coalition of Urban Poor Againts Poverty (CUPAP) at ng Pagkakaisa ng Mamamayan ng Navotas (PAMANA) at ng iba pang samahang maralita. Ang KPML ay isang katugunan sa pangangailangan para sa isang sentrong pampulitikang organisasyon ng maralita.

Isinusulong ng KPML ang pakikibaka ng maralita para sa isang lipunang malaya at may pagkakapantay-pantay kasama ng iba pang samahang pangkomunidad. Binibigyang-diin nito ang pakikipaglaban ng maralita sa pabahay, hanapbuhay at serbisyong panlipunan.

Nagtuloy-tuloy ang pakikibaka ng maralita sa pangunguna ng KPML. Noong kalagitnaan ng taong 1987, isa ang KPML na nagbuo ng National Congress of Urban Poor Organizations (NACUPO) na siyang naghain ng People’s Proposal sa Malacañang. Naglalaman ito ng mga pagsusuri sa mga suliranin ng mga maralitang lungsod, ng kahinaan ng umiiral na proyektong Low Cost Housing at naghain ng alternatibo sa gobyernong Aquino. Nagbunga ang mga konsultasyon at ang sagot ng gobyerno ay ang pagtatayo ng Urban Poor Task Force na sa kalaunan ay itinayo ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) bilang ahenya ng pamahalaan na gagabay sa pagpapatupad ng mga patakaran at implementasyon ng mga programa para sa maralitang lungsod.

Bagamat nakapagpatayo ng ganitong ahensya para sa maralita, wala ni isa man sa nilalaman ng People’s Proposal ang nakamit, tulad ng ang dapat mamuno rito ay mismong galing sa hanay ng maralita. Walang habas na ipinapatupad ng pamahalaan ang marahas na demolisyon at ebiksyon ng mga maralita. Pagkaraan ng isang taon, nabuwag ang NACUPO at muling pinamunuan ng KPML ang pakikibaka ng maralita.

MGA NAKITANG APAT NA DAHILAN NG KAMALIAN SA PETSA

Una, batay sa Oryentasyon ng KPML, naisabatas ang PCUP noong 1987, walang eksaktong petsa. Nasaliksik natin, na ang mismong batas, o Executive Order 82, na nagtatayo ng PCUP, ay naisabatas noong Disyembre 8, 1986, sampung araw bago itatag ang KPML noong Disyembre 18, 1986. Kung naisabatas na pala ang PCUP, bakit nanawagan pa tayong magkaroon ng PCUP sa kalagitnaan ng 1987. Samakatwid, hindi 1987, kundi 1986, dapat ang nakasulat sa Oryentasyon ng KPML.

Ikalawa, ayon sa Oryentasyon, "Noong kalagitnaan ng taong 1987, isa ang KPML na nagbuo ng National Congress of Urban Poor Organizations (NACUPO) na siyang naghain ng People’s Proposal sa Malacañang. Naglalaman ito ng mga pagsusuri sa mga suliranin ng mga maralitang lungsod, ng kahinaan ng umiiral na proyektong Low Cost Housing at naghain ng alternatibo sa gobyernong Aquino." Walang eksaktong petsa ang "Noong kalagitaan ng taong 1987" na "naghain ng People's Proposal sa Malacañang". Nahanap natin ang eksaktong petsa nito, na kung tutuusin ay mula sa minutes ng Malacañang. 

Ito ang nakasaad sa ating nasaliksik mula sa https://pcup.gov.ph/index.php/about-pcup/background-history

"Two months after the February political revolt, on April 10, 1986 the Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod, or KPML, had a dialogue with President Corazon C. Aquino and demanded for a moratorium on demolition, and for the establishment of the Presidential Arm on Urban Poor Affairs (PAUPA), a government unit that would allow avenues for the poor for consultation and participation on things that concern them.

On May 30 to June 2, 1986, another alliance was formed, the National Congress of Urban Poor Organizations (NACUPO), composed of two major groups of varying ideological leanings. This new organization pursued the same issues raised during their April 10 march to Malacanang. They stated, however, that they wanted to change PAUPA to PCUP or Presidential Council on Urban Poor.

On December 8, 1986, President Aquino issued Executive Order No. 82 which created PCUP, mainly a coordinative and advocacy body mandated to serve as the direct link of the urban poor to the government in policy formulation and program implementation addressed to their needs”.

Ang "Noong kalagitaan ng taong 1987" ay dapat "Noong kalagitaan ng taong 1986". Kaya kung umabante ng isang taon ang petsa ng dalawang nabanggit na dahilan, at kung itatama natin ito, dapat ang 1987 ay gawin nating 1986.

Ikatlo, kung umabante ng isang taon ang dalawang petsa at ibabalik natin ito sa tama, mula 1987 ay 1986, ibig sabihin ang pangatlong petsa ay mali rin, na dapat ibalik sa tama. Ang "itinatag ang KPML noong Disyembre 18, 1986" ay dapat " itinatag ang KPML noong Disyembre 18, 1985"

Hindi ba't lohikal na itama natin ang tatlong year sa tama? Nagkamali sa dalawang unang nabanggit na petsa, kaya yung ikatlong petsa ay mali rin. Lahat ay umabante ng isang taon, kaya iwasto natin ito sa pamamagitan ng pag-urong ng isang taon upang maiwasto ang mga petsa.

Ikaapat, binanggit sa Oryentasyon, "Noong panahon ng diktadurang Marcos, ang pakikibaka ng mga maralita ay kalat-kalat at kanya-kanya. Walang sentralisadong pagkilos kung kaya’t mula sa ganitong kalagayan, itinayo ang KPML bilang isang sentrong organisasyong pampulitika ng maralita..." Panahon pala ng diktadurang Marcos naitayo ang KPML!

Bakit hindi sinabing "Noong panahon matapos ang pag-aalsang EDSA 1986, ang pakikibaka ng mga maralita ay kalat-kalat at kanya-kanya." Patunay lang ito na isinulat iyon ng naunang nagsulat na panahon ng martial law nang maitatag ang KPML, hindi matapos ang panahon ng diktadurang Marcos. Nasa alaala talaga niya na panahon ng malupit na diktadurang Marcos itinatag ang KPML.

Hanggang Pebrero 1986 ang diktadurang Marcos hanggang mapatalsik ng sambayanan si Marcos noon ding Pebrero 1986. Kaya naitayo ang KPML noong 1985, hindi 1986.

DAGDAG NA PAGSUSURI

Kung maitatama natin ang kasaysayan, hindi tayo makukwestyon ng mga susunod na henerasyon, at hindi nila tayo tatangungin ng "Kung naisabatas pala ang PCUP noong December 8, 1986, at naitayo lang ang KPML sampung araw matapos isabatas ang PCUP, aba'y bakit nanawagan kayo ng pagtatayo ng PCUP noong 1987?"

Dalawang bagay. Tanggalin natin sa kasaysayan ng KPML na isa tayo sa nanawagan ng pagtatayo ng PCUP, para mapanatili ang Disyembre 8, 1986, o panatilihin natin na isa ang KPML sa nanawagang maitayo ang PCUP noong kalagitnaan ng 1986 subalit itama natin ang kasaysayan na naitayo ang KPML noong December 18, 1985.

Matatanggal ba natin sa kasaysayan na isa ang KPML sa nanawagan ng pagtatayo ng PCUP, gayong binanggit mismo sa kasaysayan ng PCUP, na isa ang KPML sa nanawagan ng pagtatayo ng PCUP.

Itinama ng papel na ito ang tatlong umabanteng petsa ng isang taon, at ibinalik natin ito sa tamang year. Iyong dalawang petsang 1987 ay ibinalik natin ng isang year sa 1986, at ang isang petsang 1986 ay ibinalik natin ng isang year sa 1985.

Kaya masasabi talaga nating hindi December 8, 1986 naitatag ang KPML, kundi December 8, 1985.

PAANO NATIN ISUSULAT NGAYON ANG KASAYSAYAN NG KPML?

Ito ang mungkahi naming pagwawasto sa pagkakasulat:

B. BILANG PAMPULITIKANG KUMPEDERASYON

Noong panahon ng diktadurang Marcos, ang pakikibaka ng mga maralita ay kalat-kalat at kanya-kanya. Walang sentralisadong pagkilos kung kaya’t mula sa ganitong kalagayan, itinayo ang KPML bilang isang sentrong organisasyong pampulitika ng maralita, upang pagkaisahin at organisahin ang pakikibaka ng maralita sa isang sentralisadong pagkilos, di lamang sa usapin ng pabahay, kabuhayan, serbisyo at mga karapatan, bagkus hanggang sa pakikibaka laban sa kahirapan.

Tumungo ang pakikibakang ito sa pagkakaroon ng pampulitikang kapangyarihan sa hangaring makamit ang isang ganap na pagbabago tungo sa lipunang may pagkakapantay-pantay.

C. KAILAN AT PAANO NABUO ANG KPML

Sa gitna ng magiting na pakikibaka ng maralita sa karapatan sa paninirahan, serbisyo at kabuhayan, itinatag ang KPML noong Disyembre 18, 1985 bunga ng pagkakabigkis ng iba’t ibang samahang maralita na pinangunahan ng Zone One Tondo Organization (ZOTO), Coalition of Urban Poor Againts Poverty (CUPAP) at ng Pagkakaisa ng Mamamayan ng Navotas (PAMANA) at ng iba pang samahang maralita. Ang KPML ay isang katugunan sa pangangailangan para sa isang sentrong pampulitikang organisasyon ng maralita.

Isinusulong ng KPML ang pakikibaka ng maralita para sa isang lipunang malaya at may pagkakapantay-pantay kasama ng iba pang samahang pangkomunidad. Binibigyang-diin nito ang pakikipaglaban ng maralita sa pabahay, hanapbuhay at serbisyong panlipunan.

Nagtuloy-tuloy ang pakikibaka ng maralita sa pangunguna ng KPML. Noong Abril 10, 1986 ang KPML ay nakipagdayalogo kay Pangulong Corazon C. Aquino at humiling ng moratorium sa demolisyon, at para sa pagtatatag ng Presidential Arm on Urban Poor Affairs (PAUPA). Noong Mayo 30 hanggang Hunyo 2, 1986, isa pang alyansa ang nabuo, ang National Congress of Urban Poor Organizations (NACUPO), kung saan isa sa nagbuo ay ang KPML, na siyang naghain ng People’s Proposal sa Malacañang.  Naglalaman ito ng mga pagsusuri sa mga suliranin ng mga maralitang lungsod, ng kahinaan ng umiiral na proyektong Low Cost Housing at naghain ng alternatibo sa gobyernong Aquino. Itinuloy ng bagong organisasyong ito ang parehong mga isyu na ibinangon sa kanilang martsa noong Abril 10 patungong Malacanang. Sinabi nila, gayunpaman, na nais nilang baguhin ang PAUPA sa PCUP o Presidential Council on Urban Poor.

Nagbunga ang mga konsultasyon at ang sagot ng gobyerno ay ang pagtatayo ng Urban Poor Task Force na sa kalaunan ay itinayo ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) bilang ahenya ng pamahalaan na gagabay sa pagpapatupad ng mga patakaran at implementasyon ng mga programa para sa maralitang lungsod. Noong Disyembre 8, 1986, inilabas ni Pangulong Aquino ang Executive Order No. 82 na lumikha ng PCUP, sampung araw bago ang unang anibersaryo ng KPML. 

Bagamat nakapagpatayo ng ganitong ahensya para sa maralita, wala ni isa man sa nilalaman ng People’s Proposal ang nakamit, tulad ng ang dapat mamuno rito ay mismong galing sa hanay ng maralita. Walang habas na ipinapatupad ng pamahalaan ang marahas na demolisyon at ebiksyon ng mga maralita. Pagkaraan ng isang taon, nabuwag ang NACUPO at muling pinamunuan ng KPML ang pakikibaka ng maralita.

KONGKLUSYON:

Dahil sa mga inilatag na mga punto, hindi talaga December 18, 1986 naitatag ang KPML, kundi December 18, 1985. Iwinasto natin ang mga petsa upang magtugma ang lahat ng pangyayari sa kasaysayan ng KPML. Kaya sa darating na Disyembre 18, 2022 ay ipagdiriwang natin ang ika-37 taon ng pagkakatatag ng KPML.

Sinulat sa Lungsod Quezon
Disyembre 4, 2022