Martes, Enero 2, 2024

Poot at Pag-ibig

POOT AT PAG-IBIG
Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dalawa sa damdaming kilala ng tao ang poot at pag-ibig. Dalawang paksang dumadaloy sa kaisipan ng ating mga ninuno ilang libong taon na ang nakararaan.

Nakabili ako ng dalawang aklat hinggil sa dalawang paksang ito sa magkaibang panahon. Nabili ko ang aklat na "I Hate and I Love" ni Catullus, sa Fully Booked sa Gateway, Cubao noong Marso 28, 2018, sa halagang P80.00, na umaabot ng 56 pahina. Nabili ko naman ang "Aphorisms on Love and Hate" ni Friedrich Nietsche, sa Fully Booked sa Gateway, Cubao noong Disyembre 8, 2023, sa halagang P180.00, na umaabot naman ng 57 pahina. Kapwa ito inilathala ng Penguin Classics, at may sukat na 4 3/8 inches at 6 1/4 inches (o 4.375" x 6.25").

Napakalayo ng agwat ng dalawang awtor na nagsasaad na talagang ang poot at pag-ibig ay paksa na noon pang unang panahon hanggang ngayon.

Sino si Catullus? Isinilang noong 84 BCE at namatay noong 54 BCE), siya ay makatang Latino ng huling Republikang Romano na nagsulat pangunahin sa neoteric na istilo ng tula, na nakatuon sa personal na buhay kaysa sa mga klasikal na bayani. Ang kanyang mga tula ay binabasa at patuloy na nakakaimpluwensya sa mga tula at iba pang anyo ng sining. 

Ang makatang si Catullus, ayon sa Poetry Foundation, mula sa kawing na https://www.poetryfoundation.org/poets/gaius-valerius-catullus, "Sa Roma, malaki ang papel na ginampanan ni Catullus at ng kanyang kahenerasyon, ang "mga bagong makata" sa pagbuo ng pagtulang Augustan. Nakatulong sila upang lumikha ng posibilidad na ang isang tao ay maaaring maging makata bilang propesyon. Dinala nila sa Roma ang natutunan at may kamalayan sa sarili na istilo ng Hellenistic na tula, at nakatulong sila sa paglikha at pagtuklas ng interes na iyon sa malibog na patolohiyang inilabas sa elehiya ng Romanong pag-ibig. Sa kalaunan, sa panahon ng imperyo, naging modelo si Catullus para sa mga epigramo ni Martial, mga tulang nmatatalisik, kadalasang bulgar at satirikong mga obserbasyon sa buhay sa Roma." 

Sino naman si Friedrich Nietzsche? Ayon sa Stanford Encyclopedia of Philosophy (https://plato.stanford.edu/entries/nietzsche/), "Si Friedrich Nietzsche (1844–1900) ay isang pilosopong Aleman at kritiko sa kultura na masinsinang naglathala noong 1870s at 1880s. Nakilala siya sa mga walang patumanggang pagpuna sa tradisyunal na moralidad at relihiyon sa Europa, gayundin sa mga kumbensyonal na ideyang pilosopikal at panlipunan at pampulitikang kabanalan na nauugnay sa modernidad. Marami sa mga kritisismong ito ay umaasa sa mga sikolohikal na diagnosis na naglalantad ng maling kamalayan na nakakahawa sa mga natanggap na ideya ng mga tao; sa kadahilanang iyon, siya ay madalas na nauugnay sa isang grupo ng mga huling modernong palaisip (kabilang sina Marx at Freud) na nagsulong ng isang "hermeneutics ng hinala" laban sa mga tradisyonal na halaga (tingnan ang Foucault [1964] 1990, Ricoeur [1965] 1970, Leiter 2004). Ginamit din ni Nietzsche ang kanyang mga sikolohikal na pagsusuri upang suportahan ang mga orihinal na teorya tungkol sa likas na katangian ng sarili at mga mapang-udyok na panukalang nagmumungkahi ng mga bagong halaga na sa tingin niya ay magsusulong ng kultural na pagbabago at mapabuti ang panlipunan at sikolohikal na buhay sa pamamagitan ng paghahambing sa buhay sa ilalim ng mga tradisyonal na halaga na kanyang pinuna."

Malalalim ang pagtingin sa kanila ng mga nakalap nating saliksik. Kaya nais din nating bigyang pansin ang lalim ng kanilang aklat hinggil sa dalawang emosyong talagang kilala ng tao. Dalawang damdamin at pilosopiyang pinatingkad sa kanilang sulatin.

Ayon kay Catullus, "I hate and I love. And if you ask me how, I do not know: I only feel it, and I'm torn in two. (Napopoot ako at umiibig. At kung tatanungin mo ako kung paano, ewan ko: nararamdaman ko lang ito, at nahati ako sa dalawa.)"

Ayon naman kay Nietzsche: "We must learn to love, learn to be kind, and this from earliest youth... Likewise, hatred must be learned and nurtured, if one wishes to become a proficient hater. (Dapat tayong matutong magmahal, matutong maging mabait, at mula pa sa mga pinakaunang kabataan... Gayundin, ang pagkapoot ay dapat ding matutunan at alagaan, kung ang isang tao ay nagnanais na maging palagiang napopoot.)"

Bakit kailangan kang maging proficient hater, na isinalin ko sa palagiang napopoot? Bakit nga ba dapat kang mapoot, gayong mas makabubuti sa atin ang matutong magmahal. Ang pagkapoot, ayon sa nabasa kong talambuhay ni Joseph Goebbels, ay isang damdaming nagbigay-kapangyarihan sa Nazi Germany upang mapalakas at makapanakop ng maraming bansa. na marahil ay siya ring ginagawa ng mga Hudyo ngayon upang mapalayas ang mga Palestino sa lupang inagaw ng Israel.

Subalit mas makabubuting pag-ibig ang maging dahilan kung bakit tayo nabubuhay, lumalaban, at nakikibaka sa buhay. Hindi ba't mismong ang ating bayaning si Gat Andres Bonifacio ay may tulang "Pag-ibig sa Tinubuang Bayan". Mula sa pagbasa sa tulang iyon ay nalikha ko naman ang tulang "Pag-ibig sa Sangkatauhan."

Namnamin natin ang sinabi ni Che Guevara, "At the risk of seeming ridiculous, let me say that the true revolutionary is guided by a great feeling of love. It is impossible to think of a genuine revolutionary lacking this quality. (Sa panganib na magmukhang katawa-tawa, hayaan ninyong sabihin kong ang tunay na rebolusyonaryo ay ginagabayan ng nag-aalab na pakiramdam ng pag-ibig. Imposibleng isiping walang ganitong katangian ang isang tunay na rebolusyonaryo.)”

Tulad ko, bilang aktibistang nakikibaka, dapat nabubuhay tayo sa pag-ibig, nakikibaka tayo dahil batid natin ang karapatang pantao, at hustisyang panlipunan, upang maitayo ang isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao. Nais kong kumatha ng tula hinggil sa dalawang damdaming ito.

ANG POOT AT ANG PAG-IBIG
tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

talagang poot si Adolfo kay Florante
upang si Lawra'y maagaw at makatabi
poot din sa Hudyo si Adolfo ng Nazi
dulot ay Holocaust, napaslang ay kayrami

anong ganda ng sinabi ni Che Guevara
isang Argentinian at nagsilbi sa Cuba
may pag-ibig sa puso ng nakikibaka
upang palayain ang manggagawa't masa

ang poot at pag-ibig, dalawang emosyon
batid na ng tao noong unang panahon
si Abel nga'y pinatay raw ni Cain noon
Hudyo'y kinawawa ang Palestino ngayon

kayraming krimeng nagawa'y bunsod ng galit
sila'y nakapatay, ngayon ay nakapiit
di ba't mas mabuting tayo'y maging mabait
at pawang pag-ibig ang sa puso'y igiit

01.02.2024

Sabado, Disyembre 30, 2023

Kwento - No to jeepney phaseout!

NO TO JEEPNEY PHASEOUT!
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Kumusra na po, Itay? Balita ko, balak ng pamahalaan i-phase out ang mga dyip dahil daw sa PUV modernization? Nakakasira rin daw sa kalikasan ang ating mga dyip dahil sa usok nitong ibinubuga. Tama po ba ang nabalitaan ko, Itay?” Sabi ni Nonoy sa kanyang amang tsuper ng dyip na si Mang Nano.

“Oo nga, anak? Iyan ang problema naming mga tsuper ngayon. Balak ipalit ang mga minibus na tinawag nilang e-jeep. Modernong dyip daw subalit pag sinuri mo naman, mas nakikipagtagalan sa panahon ang ating mga tradusyunal na dyip kaysa sa e-jeep na ilang taon lang, laspag na.” Ang himutok naman ni Mang Nano sa anak.

“Paano po iyan, Itay? Pag nangyari po iyan, aba’y baka di na kayo makapamasada?” Ani Nonoy.

“Ano pa nga ba? Gutom ang aabutin natin, pati na ibang pamilya ng mga tulad kong tsuper! Baka matigil ka na rin sa pag-aaral dahil sa dyip lang natin kinukuha ang pangmatrikula mo.” Ani Mang Nano.

Habang nag-uusap ang mag-ama ay dumating si Nitoy, ang kumpare at kasamang tsuper ni Mang Nano.

Sabi ni Nitoy, “May pulong tayong mga drayber mamaya alas-kwatro ng hapon sa terminal upang pag-usapan ang sinasabing modernisasyon daw ng ating mga dyip. Dalo tayo, pare, nang malaman natin.”

“Sige, pare, dadalo ako. Magkita na lang tayo doon mamaya.”

“Itay, maaari bang sumama? Nais ko lang po makinig.” Ani Nonoy.

“Sige, anak. Samahan mo ako mamaya.”

Dumating ang ikaapat ng hapon. Marami nang tsuper sa terminal, at may megaphone. Nagpaliwanag ang lider ng mga tsuper sa lugar na iyon. Si Mang Nolan. Naroon na rin ang mag-amang Nano at Nonoy.

“Mga kasama,” ani Mang Nolan. “Ipinatawag natin ang pulong na ito dahil nangangamba tayong mawalan ng kabuhayan pag natuloy ang pagpe-phaseout ng ating mga dyip. Hindi tayo papayag diyan! Gutom ang aabutin ng ating pamilya, hindi pa tayo makakapasada. Hanggang Disyembre 31 ang ibinigay sa atin upang magkonsolida ng ating hanay.”

“Anong ibig sabihin niyan?” Tanong ni Mang Nano.

“Ganito kasi iyan,, mga kasama,” ani Mang Nolan, “Naglabas ang Department of Transportation ng Omnibus Franchising Guidelines na una sa programang PUV Modernization Program. Anong laman niyan?”

Nakikinig ng mataman ang mga tsuper sa paliwanag. Nagpatuloy si Mang Nolan, “Sa ilalim ng nasabing guidelines, dapat ikonsolida ng mga tsuper at opereytor ng dyip ang kanilang mga yunit sa isang kooperatiba na tatayong manager at magpapatakbo sa partikular na ruta batay sa polisiyang one route, one franchise. Sa isang prangkisa, 15 yunit ng modernong dyip ang minimum na kailangan. Ang presyo ng isang yunit ay nasa P2.4 milyon hanggang P2.8 milyon. Kaya ba natin iyon? Aba’y lagpas triple na iyan sa bago at magandang klaseng tradisyunal na dyip na nasa P800K lang. Tinaningan na tayo na hanggang Disyembre 31 na lang ay dapat nakonsolida na ang ating mga dyip.”

“Anong dapat nating gawin?” Tanong ng tsuper na ni Mang Nestor.

“Aba’y kinonsulta ba nila ang mga tsuper at opereytor sa balak nilang iyan? O baka dahil may pera sila sa mga modern dyip kaya ginigiit nila iyan sa atin. Mungkahi ko, mga kasama, magpakita tayo ng pwersa bago ang deadline.” Sabi ni Mang Nano.

“Aba, Itay, sasama rin ako riyan! Isasama ko mga kaklase ko!” Sabad naman ni Nonoy.

“Bakit mo naman naisipang sumama?” Tanong ni Mang Nolan.

“Naisip ko po kasi, maraming pamilya ang magugutom pag hindi na nakapasada sina Itay, ang tulad po ninyong mga tsuper. Apektado rin ang aming pag-aaral. Pati mga manggagawang pumapasok sa trabaho, walang masasakyan. Ang laban po ng tsuper ay laban din naming mga komyuter.” Ang mahabang paliwanag ni Nonoy.

“Aba’y magaling. Sige, kung payag ang tatay mo.” Ani Mang Nolan.

Agad sumagot si Mang Nano, “Anong paghahanda ang ating gagawin? Dapat sabihan din natin ang iba pang tsuper. Kailangan nating magpakitang puwersa upang pakinggan tayo!”

Si Mang Nolan, “Sige, mga kasama, sa Disyembre 29 natin itakda ang ating pagkilos. Bago magsara ang taon ay maipakita natin ang ating paninindigan. Ang ating panawagan: No to jeepney phaseout!”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 16-31, 2023, pahina 18-19.

Huwebes, Disyembre 28, 2023

Nagdoble ang nabiling aklat

NAGDOBLE ANG NABILING AKLAT
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa katuwaan ko marahil na mabili ang aklat ay hindi ko napagtantong mayroon na akong gayong aklat na matagal ko na palang nabili. Tulad na lang nang mabili ko ang aklat na 20,000 Leagues Under The Sea ni Jules Verne.

Nais kong kumpletuhin ang mga aklat ni Jules Verne na nasa aking aklatan. Akala ko'y may pang-apat na akong aklat ni Jules Verne nang mabili ko ang 20,000 Leagues. Mayroon na kasi akong Journey to the Center of the Earth na nabili ko sa Fully Booked sa Gateway, Cubao noong Enero 9, 2023 sa halagang P179.00, na nilathala ng Collins Classics, at ang Around the World in Eighty Days, na nabili ko sa Book Sale sa SM Fairview noong Marso 9, 2023 sa halagang P125.00, na nilathala naman ng Great Reads.

Pangatlo kong nabili ang 20,000 Leagues Under the Sea sa Fully Booked sa SM Fairview noong Mayo 7, 2023 sa halagang P179.00, na nilathala ng Collins Classic. Pang-apat ay nabili ko nga uli ang 20,000 Leagues Under the Sea, sa Fully Booked, Gateway, Cubao noong Nobyembre 14, 2023, sa mas murang halagang P125.00.

Pati magasing Liwayway na isyu ng Agosto 2023 ay nagdoble rin. Akala ko kasi wala pa akong isyung Agosto kaya nang magtungo ako sa National Book Store ay bumili na ako nito. Wala pa ring palya ang mga isyu ko ng Liwayway, at nakumpleto ko ang 12 isyu nito mula Enero hanggang Disyembre 2023. Kaya naman ako bumibili ng Liwayway ay upang ipakita ang aking taospusong suporta sa panitikang Pilipino. 

Grabe! Nagdodoble-doble ang bili ko ng libro. Kaya nang dumating ang pamangkin ko, ibinigay ko sa kanya ang isang isyu ng 20,000 Leagues at magasing Liwayway na isyu ng Agosto 2023 bilang pamaskong handog.

Bakit nagdodoble-doble ang bili? Marahil sa pag-aakalang wala pa akong gayong aklat. Marahil ay binili ko lang at hindi agad binasa, at basta na lang inilagay sa munti kong aklatan.

Mayroon na akong tatlong aklat ni Sir Arthur Conan Doyle hinggil kay Sherlock Holmes, dalawang aklat ng kwento at tula ni Edgar Allan Poe, at apat na aklat ng nobela ni George Orwell, ang Homage to Catalonia, ang Down and Out in Paris and London, ang 1984, at ang Animal Farm. Ang mga aklat na iyan ay pawang nilathala ng Collins Classics.

Madalas kong tambayan ay ang Book Sale (kung saan narito ang mga rare find na libro), Fully Booked (kung saan maraming klasikong aklat-pampanitikan), at minsan ay National Book Store (kung saan ko nabibili ang mga history books na nasa akin, at iba pang poetry books). Bukod pa sa UP Press Book Store.

Kaya dapat malay ako sa kung anong aklat ang aking bibilhin upang hindi magdoble. Paano? Basahin ko na ang kahit unang kabanata ng aklat kong nabili upang matandaan ko na mayroon na pala ako ng librong iyon sa aking aklatan. Marahil nga, iyon ang dapat kong gawin.

Martes, Disyembre 26, 2023

Ang nasa kaliwa at kanan sa litrato ni Ambeth Ocampo

ANG NASA KALIWA AT KANAN SA LITRATO NI AMBETH OCAMPO
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kaninong punto de bista ang susundin upang mabatid ang kung sino ang nasa kaliwa at nasa kanan ng litrato? Ang sa mambabasa ba, o ang nasa kaliwa at kanan ng awtor na nasa gitna ng litrato?

Nabili ko nitong Disyembre 24, 2023 ang aklat na Two Lunas, Two Mabinis, Looking Back 10 ng historian na si Ambeth Ocampo, sa halagang may 10% discount sa National Book Store, kaya mula P150 ay P135 na lang, may 100 pahina.

Sa pahina 11 ay naintriga ako sa litrato kung sino si Teodoro Agoncillo sa dalawa, ang nakatayo sa kanyang kaliwa, o ang nakaupo sa kanyang kanan. Nakasulat kasi sa ibaba nito ay: "After school, I continued to learn Philippine history from two eminent mentors: E. Aguilar Cruz (left) and Teodoro A. Agoncillo (right)."

Hindi ba't dapat ay sa punto de bista ng mambabasa, at hindi batay sa litrato kung sino ang nasa kanan o kaliwa ni Ocampo?

Hindi ko kilala si Cruz habang kilalang historian si Agoncillo. Nakilala ko lang si Cruz dahil nakita ko sa librong iyon sa listahan ng mga nalathalang libro ni Ocampo ang pamagat na "The Paintings of E. Aguilar Cruz (1986); E. Aguilar Cruz, The Writer as Painter (2018), na marahil ay bibilhin ko rin at babasahin pag nakita ko. Si Cruz pala ay pintor at manunulat. Gayunman, mas hinanap ko sa litrato kung alin sa dalawa si Agoncillo.

Kung hindi mo kilala ang mukha ng dalawang ito, at hindi mo titingnan sa google ang mukha nina Cruz at Agoncillo, paano mo ito malalaman bilang mambabasa kung sino ang sino sa pamamagitan lang ng pagbasa sa nakasulat sa ibaba ng litrato?

Nasa gitna ng litrato si Ambeth Ocampo. Nasa kanan niya ba ay si Agoncillo, o batay sa punto de bista ng mambabasa, nasa kaliwa si Agoncillo. Sino ang sino? Alin ang alin?

Upang matapos na ang usapan, hinanap ko sa google ang litrato ni Agoncillo, upang mabatid kung siya ba ang nasa kanan o nasa kaliwa ni Ocampo. Paano kung walang google? Hindi mo agad mahahanap.

Sa google, agad kong nakita na si Teodoro Agoncillo ang nakatayo. Sa litrato, nasa left siya ni Ocampo kahit sinulat nitong si Agoncillo ang nasa right. Nasa right ni Ocampo si Cruz kahit sinulat nitong si Cruz ang nasa left. Sa madaling salita, isinaalang-alang ni Ambeth ang kanan at kaliwa ng mambabasa, at hindi kung sino ang nasa kanan at kaliwa ng litrato na pinagigitnaan niya ang dalawa.

Kung gayon, as a rule, punto de bista ng mambabasa ang dapat masunod, kung sino ang nasa kanan at kaliwa ng mambabasa.

O kaya, isinulat niya iyon ng ganito: "After school, I continued to learn Philippine history from two eminent mentors: E. Aguilar Cruz (in my right) and Teodoro A. Agoncillo (in my left)."

Maraming salamat, Ginoong historian Ambeth Ocampo. Nais kong kompletuhin ang Looking Back series mo. Bukod sa Looking Back 10, meron na akong Looking Back 8, Virgins of Balintawak; Looking Back 9, Demonyo Tables; at Looking Back 11, Independence X6.

Huwebes, Disyembre 14, 2023

Kwento - Hindi para sa maralita ang 4PH


HINDI PARA SA MARALITA ANG 4PH
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Ano bang tingin ninyo, mga kapwa maralita, sa programa ng pamahalaan na 4PH. Iyun bang Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program?” Tanong ni Mang Igme.

“Naku, isa pa iyan. Ang sabi, pabahay daw iyan para matugunan ang 6.8 backlog sa pabahay. At ang benepisyaryo ay ang mga maralita. Yaon daw ISF o informal settler families na gaya natin. Subalit pag tiningnan mo naman ang Operations Manual nito, para lang sa mga may sweldo ang 4PH, at hindi para talaga sa ISF.” ang mahabang litanya naman ni Aling Isay.

Sumabad na rin si Inggo, “Para pala iyang depinisyon ng trabaho. Dati, itinuturing na walang trabaho ay yaong wala talagang trabaho. Nagbago ang depinisyon. Yung mga walang trabaho ay yaong mga naghahanap ng trabaho, at hindi kasali ang mga tambay. Tulad din ng ISF, pinaganda lang ang salitang iskwater dahil masakit sa tainga ang iskwater. Kaya binobola na naman tayo ng mga nasa itaas. Pinapaikot ang ulo natin sa mga magaganda nilang termino.”

Si Ka Igme, “Kaya ko naman naitanong ang tungkol sa paninindigan natin sa 4PH ay dahil sa parating na Urban Poor Solidarity Week. At tiyak isa ang 4PH sa mayor na isyu na maaari nating pag-usapan hinggil sa buong linggong iyan. Ang tanong ko uli, kung hindi para sa maralita ang 4PH, aba’y dapat nating ilunsad ay isang Urban Poor Protest Week, dahil iniitsapuwera na naman nila ang mga maralita. Para lang sa mga maysahod, may payslip, at may PAGIBIG ang 4PH.”

“Kaya ang ibig mong sabihin, kumilos muli tayo sa kalsada. Kalampagin natin ang DHSUD (Department of Housing and Urban Development) dahil sa hindi pala tayo kasama diyan sa sinasabi nilang flagship project ng pamahalaan.” Sabi ni Aling Isay.

Si Ka Igme uli, “Aba’y kung iyan ang tingin ninyo, ikasa na natin ang pulong, kasama ang iba pang samahang maralita. Kailangan ipakita natin ang pagkakaisang ito sa laban kontra 4PH.”

“Magpatawag ka ng pulong, at ipaliwanag muna ang 4PH at kung bakit hindi talaga ito pangmaralita. Sa presyo pa lang ng pabahay ay hindi na talaga kaya nating maralita.” Ani Inggo.

“Tama ka,” ani Aling Isay, “dahil kung kakalampagin natin ang pamahalaan, dapat mas marami tayong lumahok sa pagkilos, at hindi kakarampot lang tayong parang isang platitong mani.”

“O, sige, kailan tayo? Sa makalawa, ayos ba sa inyo?” Sabi ni Mang Igme, “Gagawin ko na ang liham-paanyaya sa ating mga kapwa maralita, pati na sa mga samahang magkakapitbahay diyan sa may kabilang ibayo, padalhan din natin. Kailangang malakas ang tinig nating maralita lalo na’t pag eleksyon, bumababa ang mga kandidato upang ipanalo sila, dahil nga malaki ang ating bilang. Humingi sila ng boto sa atin, ngayon, tayo naman.”

Dumating ang araw ng pulong. Nasa dalawampung katao lang ang dumating, subalit pawang mga lider. Pinag-usapan nila ang Executive Order 34, at pati na ang Operations Manual nito. Ang nagpadaloy ng pulong ay si Aling Isay, at ang nagtalakay naman ng isyu ay si Mang Igme. Sa malayang talakayan ay nagtanong si Inday, “Bakit parang bulag ang mga nanunungkulan sa gaya nating maralita. Ako na isang vendor, paano ko mababayaran ang isang yunit ng pabahay na nagkakahalaga ng dalawang milyong piso, kahit na hulugan ay hindi kaya. Lalo na ang pedicab driver kong asawa. Dapat po batay sa kakayahan ng maralita ang presyo ng pabahay, at hindi sa market value.”

Sa huli, sumang-ayon ang lahat sa gaganaping pagkilos sa harap ng tanggapan ng DHSUD, at isasama nila ang iba pa nilang mga kakilalang maralita. Sa kanilang paninindigan ay handa na naman sila sa isang malaking laban.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 1-15, 2023, pahina 18-19.

Biyernes, Disyembre 8, 2023

Masaya na rin kahit walang sertipiko

MASAYA NA RIN KAHIT WALANG SERTIPIKO
Munting sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

May stigma pa rin ang lipunan sa mga dating bilanggong pulitikal. May diskriminasyon. Iyon ang naramdaman ko agad matapos ang dalawang araw na pagdaraos ng National Jail Decongestion Summit mula Disyembre 6-7, 2023, sa isang five-star hotel sa Malate, Maynila.

Nasabi kong may stigma dahil ako pang nag-iisang ex-political detainee o XD ang hindi nakakuha ng sertipiko bilang patunay na nakadalo ako at nakatapos sa dalawang araw na pagtitipong iyon. Sa aming table, sa table 24 ng CSO, ako lang ang hindi nakatanggap, habang ang isang absent sa ikalawang araw ay may sertipiko. Bakit ako pa ang natiyempuhan? Dahil ba ako'y ex-detainee? Dahil ba walang karapatan ang tulad ko na makakuha ng sertipiko? Marahil ay nakaligtaan lang, iyan tiyak ang sasabihing dahilan. Kaya nang magtanong ako sa nagbibigay ng mga sertipiko na wala akong natanggap, sinabihan akong i-email na lang, kaya ibinigay ko ang aking pangalan at email. Subalit matanggap ko kaya? Umaasa.

May isa pang senior citizen na katabi namin sa kabilang mesa ang hindi nakatanggap ng sertipiko. Sinabihan rin siyang i-email na lang sa kanya. Hanggang sa kami'y maghiwalay upang umuwi.

May karapatan ba akong magalit o sumama ang loob? Marahil ay wala? Marahil ay meron? Wala dahil XD lang naman ako, habang ang mga nagsidalo roon ay mga abogado, mga guro at kagawad sa mga Law school, mga mula sa  BJMP, BuCor, mula sa Korte, at kakarampot lang ang bilang ng mga galing sa CSO. Wala akong karapatang umangal dahil isa lang akong galunggong sa dagat ng mga pating. Isa lang akong pusa sa gubat ng mga leyon. Isa lang akong pipit sa kawan ng mga lawin. 

Marahil ay meron, dahil isa akong aktibista na ipinaglalaban ang karapatan ng mga naaapi at napagsasamantalahan. At hindi ko maipagtanggol ang karapatan ko? Tanging tamang proseso na nagawa ko ay tanungin ang mga organizer, at yaong namamahagi ng sertipiko na wala akong natanggap, at sinabihan nga akong i-email na lang. Pinasulat ako ng pangalan at email sa dilaw na papel na idinikit niya sa printer na naroron. Palagay ko'y nasa panglima ang papel ko, habang ang kaso ng ibang naroon ay pinababago ang spelling ng kanilang pangalan.

Mahigit dalawang daang (200) katao ang dumalo, o marahil ay higit tatlong daan (300). Sa isang bilog na mesa ay may labingdalawang upuan, tulad sa amin. Marahil sa ibang mesa ay sampu. Gayunpaman, kung 12 bawat lamesa at may 25 bilog na lamesa (12 x 25 = 300). Kung sampu - 10 x 25 = 250. Congested talaga, siksikan sa unang araw. Kaya noong ikalawang araw ay pinaluwag, dama rin nila na dapat i-congest.

Nakilala ako bilang XD nang magsalita ako sa isang workshop sa unang araw. Sinabi kong hindi ako tulad nilang mga abogado kundi XD, bilang kinatawan ng Ex-Political Detainees Initiative (XDI), bilang sekretaryo heneral nito. ikinwento ko rin ang kalagayan namin, na naitayo ito noong 2012, napasama ako rito noong dumating si Pope noong Enero 2015, at naglatag kami ng malaking banner na nakasulat ay "Free All Political Prisoners", nahalal akong secretary general ng XDI noong Hulyo 2017, at ang pagtanggi ng SEC na i-rehistro kami dahil may detainee sa aming pangalan. Nakakatuwang sinagot ako ng presidente ng IBP na si Atty. Pido, na abogado mula Samar, at ibinigay ang pangalan ng taga-IBP Manila chapter upang makatulong sa aming organisasyong XDI.

Umaga ng ikalawang araw ay agad na itinuro ng nagpapa-attendance kung nasaan ang aking pangalan, dahil marahil kilala na nila ako, dahil marahil nang magtanong ako sa workshop nang nakaraang araw, dahil sinabi niyang Gregorio ang aking pangalan.

Nang umaga ring iyon, nang makita ako ng abogadong taga-Cebu, na naging speaker din sa dinaluhan kong workshop ng hapon, sinabi niyang naiinis din siya sa SEC dahil iyon talaga ang pangalan namin na naglalarawan kung ano ba kami.

Ayoko nang palawigin pa ang isyu, baka pulutanin lang. Baka tanungin pa, sino bang nagpadalo riyan? Kayliit lang na problema, palalakihin pa! Buti nga naimbitahan pa roon at nakadalo ng dalawang araw. Ayos na iyon, hindi ba? Bakit maghahanap pa ako ng sertipiko? Aanhin ko ba ang sertipiko, maliban sa i-display sa bahay? Di tulad ng iba na magagamit ang sertipiko upang tumaas ang ranggo o katungkulan nila.

Isinulat ko lang ang artikulong ito bilang testamento na may ganitong nangyari. Pag itinago ko ito, at sinarili ko lang, baka mangyari uli sa susunod, at wala akong patunay na nangyari ito kung hindi ko isusulat. Hindi naman ako naghahabol na sa sertipiko, bagamat may sikolohikal na epekto rin iyon sa akin. Dapat ay hahabol ako (kung makakahabol at walang trapik) sa rali ng IDefend at sa konsyerto sa Xavierville sa araw na iyon para sa 75th anniversary ng Human Rights Day, subalit hindi ko na nagawa. Mula sa venue sa Malate ay nilakad ko ang Quiapo upang makasakay ng LRT puntang Cubao. Dumaan muna sa Luneta at pinanood ang nagsasayaw na fountain na may iba't ibang ilaw, at sandaling sumilip sa pinagdarausan ng Concert at the Park upang manood ng mga indi films. Nasimulan ko ang pelikulang may pamagat na "Pag dumarating ang kaarawan ni Alyana" subalit makalipas ang marahil ay sampung minuto, matapos kumanta ni Alyanna ng "May Bukas Pa", ay umalis na ako.

Gayunpaman, masaya ako na nakadalo sa dalawang araw na National Jail Decongestion Summit, kung saan sinasabi nilang ito ang kauna-unahang idinaos sa bansa.

Hindi masama ang loob ko, lalo na kung iisiping XD ako, at may stigma ang lipunan sa mga tulad ko. Na ang tingin nila sa XD ay mga dating kasapi ng NPA (no permanent address), at kung taga-Maynila tulad ko ay dating kasapi ng ABB (Alex Bon Brig), na nahuli at kinasuhan. Ako naman ay simpleng aktibistang nakikibaka para sa kapakanan ng manggagawa, maralita, kababaihan, kabataan, at karaniwang taong naaapi sa lipunan. Subalit itinuturing na kalaban ng pamahalaan, lagi sa mga rali o parlamento ng lansangan.

Masaya ako na naimbitahan, at taospuso akong nagpapasasalamat sa Ateneo Human Rights Center na nag-imbita sa aking makadalo, at kay Supreme Court Associate Justice Filomena Singh na nagpadala ng pormal na liham upang ako'y makadalo bilang secgen ng XDI. Pasasalamat din sa Task Force Detainees of the Philippines (TFDP) at Balay Rehabilitation Center na matagal na kumupkop at tumutulong sa XD at sa grupo naming XDI.

Paano sasama ang loob ko na hindi ako nabigyan ng sertipiko kung ang simpleng pag-imbita pa lang ay malaking bagay na. Dagdag pa ang mga kaalamang nakuha ko sa dalawang araw na pagtitipon. Ang tangi ko na lang masasabi, sana'y hindi na ito maulit sa mga tulad kong maliliit, sa tulad kong XD.

4:27 am
12.08.2023

Miyerkules, Nobyembre 8, 2023

Kwento - Alagata't dalumat sa ikalawang Climate Walk


ALAGATA’T DALUMAT SA IKALAWANG CLIMATE WALK
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isang reyunyon ang naganap. Nagsisama muli ang mga kasama ko sa unang Climate Walk from Luneta to Tacloban noong 2014 para sa unang anibersaryo ng Yolanda sa Climate Justice Walk ngayong 2023 para sa ikasampung anibersaryo ng Yolanda. Ikapito iyon ng umaga ng Oktubre 8 at nagkita-kita kami sa likod ng malaking estatwa ng Supremo Gat Andres Bonifacio sa tabi ng Manila City Hall. Nagkumustahan. Maya-maya, naghanda na kami sa paglalakad matapos ang maikling programa.

Inihatid ako ni misis at ng isang kaopisina niyang boarder namin doon sa Luneta. Sumabay sila sa paglalakad hanggang sa Kilometer Zero.

Ibang-iba ang nararamdaman ko nang mga panahong iyon kaysa unang Climate Walk. Noong 2014 ay binata pa ako, ngayong 2023 may-asawa na ako at iiwan ko siya ng higit isang buwan. 

Bago ang ikalawang Climate Walk na ito sa bansa, kami rin ang mga magkasama doon sa Climate Pilgrimage from Rome To Paris noong 2015, bagamat ako’y napasama lang sa French leg dahil binigyan lang ako ng Schengen visa sa France ngunit di sa Italy. Naroon kami nang pinagtibay ang Paris Agreement. At ngayon, muli kaming naglakad mula Luneta hanggang Tacloban, subalit iba na ang ruta kaysa unang Climate Walk. Nagsimula kami noon ng Oktubre 2. At ngayong 2023 ay Oktubre 8.

Marami kaming mga dinaanan, at marami kaming mga kinainang inihanda ng mga dating kasama sa unang Climate Walk. Tumuloy pa kami at natulog sa UP Los Baños na wala sa dating ruta. Dati ay dumaan pa kami sa Calamba, Laguna at Sto. Tomas, Batangas na ngayon ay hindi na. Nagbarko pa rin kami mula sa Matnog, Sorsogon hanggang Allen, Samar. Naghalalan ng Barangay, at dalawang araw din kaming hindi naglakad dahil sa Barangay election. Sa panahong iyon gumawa ng video ang mga taga-Greenpeace kung saan binigkas namin isa-isa ang bawat taludtod ng ibinahagi kong tula hinggil sa Climate Justice Walk.

Masaya ang aking kalooban habang ikinukwento ko kay misis sa selpon ang aming kalagayan. Maraming salamat kay misis at sa lahat ng mga sumuporta sa Climate Walk. Ilang araw na lakad pa at mararating muli namin ang Tacloban, na tinaguriang Ground Zero noong 2013.

Sa totoo lang, iyon ang ikatlong punta ko sa Tacloban na una ay di Climate Walk kundi pamimigay ng bigas, damit, gamit, solar, sa mga nasalanta sa Tacloban noong Disyembre 2013, isang buwan matapos ang bagyong Yolanda, kasama ang Partido Lakas ng Masa (PLM).

Nasa Ragay, Samar na kami. Nagpinta pa kami ng mga gagamiting mahahabang telang may mga islogan ng Climate Justice. Ginabi na kami.

Hanggang isa-isa nang natulog ang mga kasama sa Climate Walk. Ngunit ako, bago umidlip, ay napagninilayan ko pa ang aking nabasa mula sa magasing Journal of Filipino Science na dala ng isang kasama.

Ayon sa isang artikulo roon, may mga eksperimentasyon ang mga Pinoy na siyentipiko, tulad ng paano inumin ang tubig-dagat na di tayo maaalatan, paano makatagal sa pagsisid sa laot, pagkain ng mga lamang dagat araw-gabi, atbp. Nais nilang lumikha ng mga Pilipinong tutubuan ng hasang upang makatagal sa tubig at mabuhay nang di nalulunod sa baha. Bunsod na rin iyon ng nangyaring Yolanda na pumatay halos ng animnalibong  mamamayan. Inaaral din nila pati ang karanasan ng mga Badjao, pati ang iba pang boatpeople, na sa dagat na halos nabubuhay.

May quote pa ang mga siyentipikong Pinoy na ito: “The present is theirs; the future is ours.” Naalala ko tuloy ang marahil ay pinagbatayan niyon, isang quotation mula sa siyentipikong Serbian na si Nicola Tesla, “The present is theirs; the future, for which I really worked, is mine.”

Paano nga kaya kung magkahasang ang mga tao? Marahil, di sana nangalunod ang mga tao sa pagragasa ng Yolanda. Subalit sa Maynila, na ang baha ay nagdadala ng sangkaterbang basura, baka di umubra ang kanilang eksperimentasyon. Malulunod lang ang mga tao sa basura.

Maya-maya, ginising na ako ng isa sa aming mga kasama. Halos gising na rin ang iba. Anya, “Alas-kwatro na. Maghanda na tayo’t kumain ng maaga. Alas-singko ay dapat nakaporma na tayo upang maglakad tungo sa San Juanico Bridge.”

Nobyembre 8 na pala ngayon. Ikasampung anibersaryo ng Yolanda at ngayon ay muli naming lalakarin ang kahabaan ng San Juanico Bridge. At doon sa Tacloban ay muli naming gugunitain ang mga nangamatay at anong aral sa klima at anong panawagan namin sa buong mundo na aming dapat sabihin sakaling dumalo kami sa COP28 sa Dubai.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Nobyembre 1-15, 2023, pahina 18-19.