Miyerkules, Agosto 14, 2024

Kwento - Istorya nina Ondoy at Carina

ISTORYA NINA ONDOY AT CARINA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Magkaklase noong hayskul pa lang sina Carina at Redondo, o Ondoy sa kanyang mga kaibigan. Kapwa matalinong estudyante ang dalawa. Nang magkolehiyo na ay magkaiba sila ng kinuhang kurso. Si Carina ay kumuha ng Development Work sa UP, habang si Ondoy naman ay nakatapos ng BS Mathematics sa FEATI University. Magkalapit lang ang kanilang tahanan. Nasa kabilang kalye lang ang kina Carina.

Minsan, nang magkaroon ng malaking pagbaha sa kanilang lugar, nag-organisa si Carina ng donation drive para sa mga nasalanta sa lugar nila at karatig barangay. Bilang development worker ay mahusay na nagampanan ni Carina ang liderato nito upang makapagbigay ng ayuda sa mga nasalanta, lalo na sa mga iskwater sa kanilang lugar. Pati na mga batang anak ng mga maralita ay nabigyan ng gamot, gamit, damit, at pagkain. Kabilang si Ondoy sa mga nag-boluntaryo sa grupong Bulig-Pilipinas. Noon pa’y may lihim na pagtingin na ang binata sa dalaga.

Napanood niya kung paano magtalakay hinggil sa climate change si Carina, na boluntaryo sa grupong Philippine Movement for Climate Justtice o PMCJ. Ani Carina sa mga taong nakikinig, "Nagbabago na ang ating klima, nananalasa na ang climate change. Dapat hindi na umabot sa 1.5 degrees ang pag-iinit ng mundo. Ang nais natin ay climate justice! Dapat singilin natin ang mga Annex 1 countries, o yaong mayayamang bansa, na sa kasaysayan ay matitindi ang inambag na emisyon o pagsusunog ng mga fossil fuel kaya nag-iinit ang mundo. May sinasabing tayo'y may common and differentiated responsibilities, o bawat bansa'y may inambag subalit magkakaibang ambag at pananagutan, tulad ng ating bansang may maliit na kontribusyon sa pag-iinit ng daigdig, kung ikukumpara sa mga industriyalisadong bansa, tulad ng US at China."

Napaisip ang binata sa malalim na kahulugan kung bakit kailangan ng climate justice o hustisya sa klima. At napagtanto niyang pag lumala ang pag-iinit ng mundo ay baka lumubog lalo sa baha ang mabababang lunsod tulad ng Malabon at Navotas.

Ilang buwan matapos iyon ay napapadalas naman ang punta ng binata sa bahay ng dalaga. Palibhasa’y kababata, kilala na si Ondoy ng mga magulang ni Carina. Hanggang magpasya na si Ondoy na totohanin na ang paniligaw kay Carina dahil nasa edad na sila. Kung kailan pa naman umakyat ng ligaw si Ondoy kay Carina ay saka naman umulan. Mahina noong una, hanggang umulan ng pagkalakas-lakas. Dahil baha na sa kanilang lugar, doon na pinatulog ng dalaga sa kanilang bahay ang binata. Nabatid ito ng tatay ni Carina. At tulad ng inaasahan sa mga matatanda, nais ng ama ng dalaga na pakasalan ng binata ang kanyang anak. Tumutol naman ang dalaga dahil wala naman daw nangyari sa kanila. Subalit makulit ang matanda.

Kaya nag-usap sina Ondoy at Carina ng masinsinan. “Mahal kita, Carina,” ani Ondoy. “Subalit hindi pa ako handa,” ani Carina, “bagamat may pagtingin din ako sa iyo.” “Kung gayon pala, sagutin mo na ako, upang di na rin magalit ang iyong mga magulang.” “Oo, mahal din kita.”

“Mamamanhikan na kami. Isasama ko na sina Inay at Itay. Sa araw ng Linggo na.” “Sige, bahala ka, nandito lang naman kami.”

Sumapit ang takdang araw ay dumating na nga kina Carina sina Ondoy, ilan niyang kapatid, at mga magulang. Napag-usapan ang kasal.

Araw ng kasal sa isang simbahan. Naroroon na sila, pati mga abay, best man, flower girl, ninong, ninang, pari, atbp. Umulan sa labas, walang tigil. Lumakas ng lumakas. Subalit di nito napigilan ang kasal. Bumaha. Pumasok sa loob ng simbahan ang tubig, hanggang tuhod, subalit wala na silang nagawa, kaya kahit baha, ay itinuloy ang kasal.

Natapos ang kasal. Putik. Basang-basa ang kanilang sapatos, paa, at mga damit. Sa resepsyon ay nagsalita sa mikropono si Carina. “Isa itong memorable event sa aming mag-asawa. Na isa sa commitment namin, bukod sa pag-ibig sa isa’t isa, ay ang pagtugon sa krisis sa klima.”

Si Ondoy naman ang nagsalita, “isa itong eye-opener sa marami sa atin upang ipaglaban ang climate justice. At bagamat bagong kasal kami, patuloy kaming mananawagan ng climate emergency sa pamahalaan.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Agosto 1-15, 2024, pahina 18-19.

Linggo, Agosto 11, 2024

Isyung Pre-SONA at Post-SONA ng Taliba ng Maralita

ISYUNG PRE-SONA AT POST-SONA NG TALIBA NG MARALITA
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bihirang gawin ng patnugutan na magkaroon ng dalawang isyu ng Taliba ng Maralita sa loob lang ng dalawang linggo nitong iskedyul, na nagawa lang sa isyung Hulyo 16-31, 2024. Dahil sa dami ng mga balita't pahayag ay napagpasyahan ng patnugutan na dalawang isyu ang ilabas para sa isyung Hulyo 16-31, 2024. Ang una'y Pre-SONA isyu at ang ikalawa'y Post-SONA isyu. Ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).

Hindi naman maaaring ilagay sa isyung Hulyo 1-15, 2024 ang nasa Pre-SONA isyu, dahil naganap ang mga aktibidad sa Pre-SONA isyu ay hindi sakop ng petsang Hulyo 1-15, 2024. Ang Pre-SONA ay mula Hulyo 16 hanggang Hulyo 21, bisperas ng SONA ni BBM. Hindi rin dapat ilagay sa isyung Agosto 1-15, 2024 ang post-SONA dahil tiyak na may ibang naganap sa Agosto 1-15, lalo na matapos ang bagyong Carina. Ang Post-SONA isyu ay mula Hulyo 22 (aktwal na araw ng SONA) hanggang Hulyo 31.

Sa isang buwan ay dapat may malathalang dalawang isyu ng Taliba, o dalawang beses kada buwan. Isa sa unang dalawang linggo at isa pa sa huling dalawang linggo. Kaya nga ang petsa ng isyu ay tulad ng Pebrero 16-28, 2024, Hulyo 1-15, 2024, Hulyo 16-31, 2024, o Agosto 1-15, 2024.

Ang nilalaman ng Pre-SONA isyu ay Press Conference ng mga maralita noong Hulyo 17 bago mag-SONA, na siya ring headline; ang State of Human Rights Adress (SOHRA) na pinangunahan ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) noong Hulyo 16, na dinaluhan ng iba't ibang human rights organizations, kung saan isa sa tagapagsalita ay ang sekretaryo heneral ng KPML; at ang State of the People's Address (SOPA) na pinangunahan ng Freedom from Debt Coalition (FDC) na dinaluhan naman ng dalawang kinatawan ng KPML noong Hulyo 19.

Ang Post-SONA isyu naman ay naglalaman ng naganap sa SONA kung saan nagrali muna sa tapat ng tanggapan ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang mga maralita sa pangunguna ng KPML, Samahan ng Mamamayan-Zone One Tondo Organization (SM-ZOTO), at Partido Lakas ng Masa (PLM). Nilalaman din nito ang pahayag ng KPML sa SONA, pahayag ng PLM matapos ang SONA, pahayag ni Ka Leody, at ang pahayag ng PAHRA.

Sadya ring pinag-isipan ang pagsulat ng Editoryal kada isyu dahil dito makikita ang paninindigan ng patnugutan sa iba't ibang isyung tumatama sa maralita.

Patuloy din ang paglalathala ng kolum ni Ka Kokoy Gan na siyang kasalukuyang pangulo ng KPML.

Nag-aambag din ang Taliba ng Maralita sa panitikang Pilipino, o sa sinasabi nating panitikang maralita, panitikang dukha, o panitikang proletaryo. Pagkat di pa rin nawawala ang maikling kwento sa pahina 18-19 at tula sa pahina 20 sa kada labas ng Taliba. Sa Pre-SONA isyu, ang pamagat ng kwento ay "Budul-Budol sa Maralita" na batay sa inilabas na pahayag ng maralita sa kanilang presscon, habang sa Post-SONA isyu ay "Bigong-Bigo ang Masa". Dalawang kwentong ang pamagat ay mula sa daglat na BBM.

Isa sa mga pinagkukunutan ko talaga ng noo ang pagsusulat ng maikling kwento, pagkatha ng mga tula, at komiks na Mara at Lita, na balang araw ay maaaring isalibro. Ang mga maikling kwento ay maaaring malathala sa mga librong aralin sa elementarya at sekundarya. Ang tugma at sukat sa pagtula ay talaga kong pinaghuhusayan upang kung nais ng ibang taong ito'y ilathala ay malaya nilang mailalathala, basta huwag lang baguhin kahit isang letra at ilagay ang pangalan ko bilang may-akda ng tula.

Sa tulad kong manunulat, mahalaga pa rin ang paglalathala ng 20-pahinang Taliba ng Maralita. Bagamat uso na ngayon ang social media o socmed tulad ng facebook, wordpress, instagram, at iba pa, mahalaga pa ring malathala sa papel ang munting pahayagang ito. Ayaw pa rin nating maganap ang nangyari sa pahayagang Baguio Midland Courier na matapos ang mahigit pitumpung taon ay namaalam na nitong Hunyo, kung saan inilathala nila ang kanilang huling isyu. Katulad ng mga kakilala kong may napaglalathalang pahayagan, pag ako'y tinanong kung saan ba ako nagsusulat, may masasabi akong pahayagang pinagsusulatan. Agad na maipagmamalaki kong sasabihing sa Taliba ng Maralita.

Isa pa, kaya dapat patuloy ang paglalathala ng Taliba ng Maralita ay dahil karamihan pa rin naman ng maralita ay walang akses sa internet, at magandang binababaan talaga. Mabigyan sila, kung di man mabentahan, ng Taliba ng Maralita. Isa rin itong paraan ng mga organisador upang makausap at makatalakayan ang mga maralita sa iba't ibang komunidad.

Kaya patuloy lang tayo sa paghahandog sa mga kauri nating maralita ng mga napapanahong isyu ng dukha, pahayag, balita, at panitikan sa Taliba ng Maralita. Patuloy natin itong ilalathala para sa mga dukha hanggang marating ng maralita ang pangarap nitong lipunang makatao, lipunang pantay, at lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao. Mabuhay ang mga maralita!

ISYUNG PRE-SONA AT POST-SONA NG TALIBA NG MARALITA

dahil sa maraming naganap sa dalawang linggo
ay napagpasyahang maglabas ng dalawang isyu
pambihirang desisyon para sa ating diyaryo
dahil nilalaman ay di sapat sa isang isyu

bihira ang gayong pagpapasya ng patnugutan
na dahil sa dami ng isyu'y ginawan ng paraan
may Pre-SONA na, may Post-SONA pa sa pahayagan
bilang ambag din ng maralita sa kasaysayan

nalathala rin dito'y maikling kwento at tula
na pinagsikapan ng manunulat at makata
ang komiks na Mara at Lita na pangmaralita
editoryal na may malalim na kuro ng dukha

kasaysayan ng laban ng dukha'y ilathala rin
nang mahanguan ng aral ng susunod sa atin
halina't basahin ang munting pahayagan natin
ang pinagsikapang ito'y pag-isipan at damhin

08.11.2024

Sabado, Agosto 10, 2024

Panonood ng Asedillo sa MET

PANONOOD NG ASEDILLO SA MET
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Muli kong pinanood ang pelikulang Asedillo ni FPJ nang ito'y ipalabas ng libre sa Metropolitan Theater (MET) nitong Biyernes, Agosto 9, 2024, mula 1pm-4pm. Alas-dose pa lang ay nasa MET na ako, at 12:30 pm ay nagpapasok na sila. Marami na ring tao.

Sa youtube kasi ay bitin at may pinutol na eksena. Iyon ay napanood ko na rin sa wakas. Iyon ang pagbaril kay Asedillo at sa kanyang mga kasama sa kubong kampo nila sa bundok. Bagamat noong bata pa'y pinalabas din iyon sa telebisyon, subalit hindi ko yata napansin kundi ang dulong bahaging nakabayubay na si Asedillo sa isang punongkahoy.

May anak siyang si Rosa, na sa pelikula bago siya mamatay ay kapapanganak pa lang. Si Aling Rosa, na nasa higit 70 taong gulang na, ay nakaharap na namin ilang taon na ang nakararaan, nang kami'y magtungo sa lugar nina Asedillo sa Laguna, kasama ang mga kasapi ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino - Southern Tagalog (BMP-ST). isa na lamang iyong alaala.

May programa muna bago magsimula ang pelikula sa MET. Ganap na 1:15 ng hapon ay inawit na ang Pambansang Awit ng Pilipinas. Sunod ay pinakilala at nagsalita si Ginoong Marasigan, na siyang direktor ng MET. At binanggit niya ang ginawang pagretoke sa pelikula upang maging bago, na ginawa ng mga artist ng FPJ Production. Naglitratuhan. 

Nabanggit din ni Ginoog Marasigan ang mga balita noon na ayaw ng mga manonood na makitang namatay si FPJ sa pelikula. Kaya marahil tinanggal sa youtube ang tagpo nang paslangin sa FPJ. 

Subalit sa pelikula, hindi pinakitang napaslang si Asedillo kundi ang pagkahawak niya ng mahigpit sa punyal habang nirarapido ng putok ang kanilang kampo, at ang pagkahulog ng punyal sa lupa nang nakatusok patayo.

Isang beses ko lang napanood sa pelikula niya na napatay si FPJ - sa pelikulang Ang Probinsiyano, kung saan napatay si Ador ngunit naitago agad ng kanyang hepe ang bangkay. Tinawagan ng hepe ang kakambal ni Ador na si Cardo mula sa probinsya upang siyang palabasing si Ador.

Magandang naipalabas muli ang pelikulang Asedillo kahit isang araw lang sa MET. Kaya pinaglaanan ko talaga iyon ng panahon at salapi kahit libre. Agad akong nagparehistro isang linggo bago ang palabas. Ginawan ko ng munting tula ang karanasang ito.

SI DODO ASEDILLO

Dodo ang palayaw ni Asedillo sa pelikula
Dodo ang tawag ng ikalawang asawang si Julia
si Pedring ang anak sa una, si Rosa sa pangalwa
dati pala siyang guro noon sa elementarya

sa awiting My Philippines, mga bata'y nangatuto
ipinakita niyang siya'y makamasang maestro
tinanggal sa pagtuturo't di maka-Amerikano
hanggang kuning hepe ng pulis ng isang pulitiko

dahil sa pulitika, siya'y ginawan ng masama
presidente ng bayan pinagbintangan siyang lubha
binugbog ng kapulisan, may kumita't natutuwa
na sa bandang huli'y pinaghigantihan niyang sadya

hanggang siya'y mapasapi sa Kilusang Anakpawis
katiwalian sa kanyang bayan ay di na matiis
naging rebelde hanggang konstabularyo na'y nanugis
ang KARAPATAN NG DUKHA'y bukambibig niyang labis

nabatid ng kalaban ang kanyang kinaroroonan
dahil isang tinanggap na kasama'y naghudas naman
hanggang sapitin ni Asediilo yaong kamatayan
siya'y bandido subalit bayani sa sambayanan

08.10.2024

Linggo, Agosto 4, 2024

Alaala ng Rizal Memorial Coliseum

ALAALA NG RIZAL MEMORIAL COLISEUM

Masasabi kong halos laki na rin ako sa Rizal Memorial Coliseum sa Malate, Maynila. Dahil noong hayskul ako'y lagi kaming magkakaklaseng nagpupunta roon upang suportahan ang aming mga atleta sa paaralan, ang Letran Squires na manlalaro ng hayskul at Letran Knights na manlalaro ng kolehiyo sa National Collegiate Athletics Association (NCAA) mula 1981 hanggang 1985. Nagkampyon sa basketball ang Letran ng tatlong magkakasunod na taon noong naroon pa si Avelino "Samboy" Lim.

Mula sa Lawton ay sasakay kami ng biyaheng Quiapo tungong Dakota Harrison at bababa malapit sa Rizal Memorial Coliseum, at lalakad na papunta doon. Talagang pinanonood namin noon ang laban ng Letran, at nagti-cheer ng "Arriba Letran!"

Noong 1982, nakasama ako sa 4th National Taekwondo Championship sa Rizal Memorial Coliseum kung saan kabilang ako sa team ng Letran. Noong 1984, naglaro rin ako sa NCAA sa sports na track and field bilang kinatawan ng Letran. Tinakbo ko pa noon ang 400 meter na obal sa track and field.

Nabigyan man ako ng ilang pagkakataon bilang atleta, hindi naman iyon nagtuloy-tuloy dahil naiba ang ihip ng hangin. Nang ako'y magkolehiyo na sa ibang paaralan, iba na ang aking pinagkaabalahan, at mas tinutukan ko ang ibang bagay.

Hanggang sa makapasok sa isang vocational school na nagdala sa akin sa Hanamaki-shi, Iwate Ken, sa Japan, para sa anim-na-buwang scholarship program. Matapos iyon ay kinuha ako't naging regular na manggagawa bilang machine operator sa Precision Engineered Components Corporation (PECCO) sa Alabang, Muntinlupa at nagtrabaho roon ng tatlong taon mula Pebrero 1989 hanggang Pebrero 1992. 

Nang mag-resign ako sa PECCO, nag-aral muli ako sa kolehiyo noong 1992 hanggang maging aktibo sa kilusang masa. At noong 1997 ay nag-pultaym na bilang aktibista hanggang ngayon.

Naaalala ko ang pagiging atleta ko noon. Kaya humahanga ako sa mga atletang Pinoy na nagsimulang maglaro sa Rizal Memorial Coliseum, na lunsaran noon ng mga magiging kinatawan ng bansa. Sana'y maging matagumpay sila sa kanilang larangan at magkampyon sa mga internasyunal na kumpetisyon.

Mabuhay ang mga atletang Pinoy! Mabuhay ang makasaysayang Rizal Memorial Coliseum! Mabuhay ka, Paris Olympics gold medalist Carlos Yulo!

08.04.2024

* litrato mula sa google

Lunes, Hulyo 29, 2024

Kwento - Bigong-Bigo ang Masa

BIGONG-BIGO ANG MASA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Habang nagrarali pa lang sa tapat ng National Housing Authority (NHA) sa Elliptical Road sa Lungsod Quezon, kung saan doon nagtungo ang bulto ng mga maralitang nagrali muna sa tapat ng Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD) sa Kalayaan Ave., ay napansin ko na ang plakard na tangan ni Aling Ising. Ang nakasulat doon ay daglat ng BBM, na sa paniwala ko at ng may dala ng plakard ay tunay na kalagayan ng maralita - Bigong Bigo ang Masa.

Kaya nilapitan ko si Aling Ising, habang naroon din ang mga kasama niyang sina Aling Isay, Aling Ines, Mang Igme, at Mang Inggo, na siya niyang kagrupo. Agad kong bungad: “Aling Ising, natumbok po ng inyong plakard ang tunay na kalagayan ng masa sa ilalim ng administrasyon ni Marcos Jr. Saludo po ako.”

Sumagot si Aling Ising, “Aba’y bigong bigo naman talaga ang masa sa gobyernong ito. Mantakin mo, pinangakuan tayong may bente pesos na kilo ng bigas, subalit ang nangyari, pamahal ng pamahal ang presyo ng bigas. Iyon ngang nabili ko noong isang araw, P20 ang 1/3 na kilo ng bigas. Ibig sabihin, P60 ang kilo.”

Sumabad naman si Aling Isay, “Ano pa bang aasahan natin sa mga pulitiko kundi pulos pangako. At pangakong napapako. Ibinoboto kasi natin ang mga dinastiya at mga pulitikong di naman natin kauri, na ang tingin sa maralita ay boto lang nila dahil marami tayo, subalit kaytagal nang panahong wala tayong napapala sa kanila kundi pulos pangako.”

“Aba’y nakakakuha naman tayo ng ayuda sa mga pulitikong iyan, ah!” Ang sabi naman ni Mang Inggo. “Kung hindi dahil sa ayudang iyan, wala tayong kakainin.”

“Aba, aba!’ Si Mang Igme, “Tayo’y matagal naging manggagawa sa pabrika, at tayo noon ang nagpapakahirap upang makakain ang ating mga anak. Kailan lang naman sila namimigay ng ayuda, noong nanalasa ang COVID-19. Nakita lang ng mga pulitiko na magandang mamigay sila ng ayuda para sa kanilang boto. Gayong tayong mga manggagawa ang tunay na dahilan kaya umuunlad ang bayan. Tayo ang nagpapakahirap kaya umuunlad ang ekonomya. Hindi ang mga pulitiko.”

“Siya, tama na iyan,” ani Aling Ines. “Maganda naman at napansin mo ang plakard na hawak ni Aling Ising. Pinag-usapan talaga namin iyan, iho, upang masabi naman natin ang talagang kalagayan ng masa, ng kapwa natin maralita.” Ang sabi niya sa akin.

“Oo nga po, Aling Ines, nais ko po sana itong isulat sa aming pahayagang Taliba ng Maralita, na ang totoo po palang kalagayan ng masa ay kitang-kita sa kahulugan ng BBM - Bigong Bigo ang Masa. Kaya marami pong salamat at hinayaan ninyong kunan ko ito ng litrato.” Sabi ko.

“Ikaw pa ba naman. Eh, hindi ka na iba sa amin, at matagal ka rin naman naming nakasama sa laban ng kapwa natin maralita, lalo na sa demolisyon sa Mariana na pinanggalingan namin.” Sabi naman ni Mang Igme.

Si Aling Ising naman, “Etsapuwera pa rin naman tayong maralita. Minsan lang  tayo salimpusa, pag may halalan na naman. Sa usapin pa lang ng 4PH o Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program ay hindi na tayo kasama. Dapat may regular kang trabaho at pay slip, at dapat may Pag-ibig ka rin, kung nais mong magkaroon ng maliit na pwesto sa ala-condo na pabahay. Kung talagang kasama tayo roon, dapat batay sa capacity to pay ng maralita at hindi batay sa market value ng mga kapitalista ang pabahay.” 

Napaisip ako sa kanyang mga tinuran. Naputol ang aming pag-uusap nang magsalita na ang lider ng bulto. “Lalakad na tayo, mga kasama, patungo sa SONA.” Kaya kami na’y sama-samang naglakad.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Post-SONA isyu, Hulyo 16-31, 2024, pahina 18-19.

Biyernes, Hulyo 19, 2024

Kwento - Budul-Budol sa Maralita

BUDUL-BUDOL SA MARALITA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa papel na binasa sa press conference ng mga maralita ay ilang ulit na binanggit ang Budul-Budol sa Maralita, na animo’y BBM kung iisipin. Budul-Budol sa Maralita ang administrasyon ni BBM. Pinakinggan naming mabuti ang pahayag na binasa ni Ka Orly, pangulo ng Samahan ng Mamamayan - Zone One Tondo Organization (SM-ZOTO).

Nang tinanong naman ng nag-iisang taga-midya na dumalo si Ka Kokoy, pambansang pangulo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), kung ano ang iskor na ibibigay ng maralita sa administrasyong BBM sa paparating na SONA, walang kagatol-gatol na sinabi ni Ka Kokoy ay “Zero!” Ibig sabihin, walang napala ang maralita.

Kaya nang papalabas na ang mga maralita sa presscon, nakinig ako sa usapan nina Mang Igme, Igor, Aling Isay, Lola Inez, at Inggo, hinggil sa naganap na presscon. Tila isa iyong pagtatasa ng naganap na presscon.

Nagsalita si Mang Igme, lider ng isang samahan, “Mahusay na nasabi ng ating mga tagapagsalita ang ating paninindigan. Para sana sa malawak na masmidya iyan upang pakinggan naman nila ang maralita, subalit iisang midya nga lang ang dumating. Aba’y etsapuwera pa rin ang maralita kahit na nagpa-presscon tayo.”

Sumagot naman si Aling Isay, “Ano na naman bang aasahan natin sa lipunang ito, kung laging tingin sa maralita ay ayuda lang. Tingin ng mga pulitiko, pag nabigyan na tayo ng ayuda, tapos na ang problema natin, may boboto na sa kanila. Ang pakinabang lang naman ng mga pulitiko sa atin ay ang ating bilang, kaya sila nalalagay sa pwesto.”

Sumabad si Igor, “Iyan nga po ang isang problema nating mga maralita. Imbes na kauri natin ang dapat iboto, tulad ni Ka Leody de Guzman na tumakbo noong nakaraang halalan, at Luke Espiritu na lider-manggagawa para sa pagkasenador, ang ibinoto natin ay pulitikong di naman natin kauri, pulitikong mayayaman at bahagi ng political dynasty. Matagal nang napakababa ng tingin ng mga trapo sa ating maralita. Tagatanggap lang tayo ng ayuda. Dapat matigil na ang ganito at ipakita natin ang ating nagkakaisang pwersa upang labanan ang ganitong klase ng sistema at ipakitang tayo’y may dignidad din kahit na tayo’y dukha.”

“Para ka nang lider kung magsalita, Igor, ah!” sabi ni Lola Inez, “Kung sabagay, tama ka, mababa ang tingin sa atin ng lipunang ito. Tama rin si Igme. Di lang tayo salimpusa kundi etsapuwera talaga.”

"Ang tanong ay paano?" Ang sabi ni Aling Isay. "Pag nabigyan na ng ayuda ng kung sinong diyaskeng pulitiko ang mga iyan ay para bagang malaking utang na loob na nila upang iboto ang mga trapong iyan. Kapalit ng limang daang piso at boto ay tatlong taon namang pahirap, dahil sa kampanyahan lang naman tayo kilala ng mga iyan. Pagkatapos nilang manalo, hindi na tayo kilala. Mamatahin pa tayo. Haynaku."

Sumabad si Aling Inez, "Sa tanong mong paano ay napapaisip tuloy ako. Paano nga ba tayong magkakaisang maralita kung tayo mismo ay nagkakanya-kanya?"

Nagsalita uli si Igor, "Bakit ba walang nangyayari sa buhay natin gayong ilang beses na nating paulit-ulit ibinoboto ang mga iisang apelyido, iyang mga dinastiya, na hindi naman natin kauri. Tapos pag nanalo muli ang dinastiya na di natin kauri, saka natin sasabihin na nabudol na naman ang mga maralita.”

“Anong gusto mong mangyari, Igor?” Tanong ni Mang Igme.

“Simple lang naman, Ka Igme. Hindi sapat ang pagkilos natin dito sa ating komunidad. Patuloy pa rin tayong mag-organisa sa labas ng ating komunidad at ipaunawa sa kapwa natin maralita na dapat tayong magkakauri ang magdamayan at huwag ipaubaya sa mga pulitiko ang ating kinabukasan. Akala ng mga trapong iyan, hanggang ayuda lang tayo, na mabigyan lang tayo ng ayuda, iboboto na natin sila. Hindi na tayo pabubudol sa mga mapagsamantala. Dapat tayong kumilos at mamulat. Sabi nga sa kanta, 'Habang may tatsulok at sila ang nasa tuktok, di matatapos itong gulo.’ At ang bilin sa atin, 'Totoy, kumilos ka, baliktarin ang tatsulok. Tulad ng dukha ang ilagay mo sa tuktok.”

Sa gayon natapos ang kanilang pag-uusap. At nag-uwian na sila.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Pre-SONA isyu, Hulyo 16-31, 2024, pahina 18-19.

Linggo, Hulyo 14, 2024

Kwento - Bakit laban din ng maralita ang sahod, eh, wala nga silang regular na trabaho?

BAKIT LABAN DIN NG MARALITA ANG SAHOD, EH, WALA NGA SILANG REGULAR NA TRABAHO?
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Pulos diskarte na lang ang mga maralita, o yaong mga mahihirap, isang kahig, isang tuka. Lalo na’t wala naman silang regular na trabaho. Nariyan ang mga nagtitinda ng bananakyu at kamotekyu, ng mga tuhog-tuhog tulad ng pusit, isaw, atay, at barbekyu. May pedicab driver, barker sa dyip, atbp. Ang matindi ay ang mga nagbabantay ng tinapong pagkain mula sa mga fastfood, pinipili ang pwede pa, pinapagpag, hinuhugasan, saka muling iniluluto upang maging pamatid-gutom ng kanilang pamilya.

Ang karamihan ay pawang dating manggagawang kontraktwal, na matapos ang kontrata, ay hindi na nakabalik sa kanilang trabaho, at nauwi na lang sa pagtitinda, magbabalut, o dumiskarte sa kalsada. Dating may tiyak na sinasahod, subalit ngayon ay kumikita na lang sa diskarte sa araw-araw. Noong nasa pabrika pa sila, bagamat kontraktwal, ay may regular na sahod sa loob ng limang buwan nilang kontrata. Ngayong natapos na ang kontrata at hindi na sila kinuhang muli ng kumpanya, wala na silang sahod.  Ang iba’y natutong mamasada ng traysikel o dyip. Hanggang nagtungo sa kanila ang isang dating katrabaho, si Igme,  upang hingan ng tulong sa kampanya para sa pagtaas ng sahod.

Nagtanong si Inggo, “Kasamang Igme, wala na kaming regular na trabaho ngayon, kaya wala na rin kaming regular na sahod. Kumikita na lang kami sa pabarya-baryang diskarte sa kalsada. Ako nga ay naglalako na lang ng mani sa araw at penoy-balot at tsitsarong bulaklak sa gabi. Bakit sasama ako sa pangangampanya at pagkilos para sa dagdag-sahod gayong wala na akong sweldo? Pasensya na. Di ko lang maintindihan.”

Sumabad naman si Isay, katabi ang katsikahang si Ines, na dati ring katrabaho ni Igme, “Ako rin ay nahihiwagaan. Dapat ilinaw sa amin ang panawagang iyan. O baka dahil wala nang manggagawang sumasama sa pagkilos ninyo ay yaong mga hindi na manggagawa ang napapakiusapan ninyong sumama sa laban na iyan? Ano ba talaga, Igme?”

Sumagot naman si Igor na kasama ni Igme sa pangangampanya para sa dagdag-sahod. “Hindi naman sa ganoon, Isay. Sa totoo lang, ang laban sa sahod ng mga manggagawa ay laban din ng maralita. Alam n’yo kung bakit? Pag tumaas ang sahod ng mga manggagawa, may sapat na siyang pambili ng pangangailangan. Kanino naman karaniwang bumibili ang mga manggagawa, kundi sa mga vendor na katulad ninyo, sa kagaya nating maralitang nabubuhay ng marangal. Kaya iikot ang ekonomiya natin dahil sa ating pag-uugnayan. Isa pa, umuuwi ang mga manggagawa sa komunidad ng maralita. Iisa lang ang ating interes, ang guminhawa ang buhay nang walang pinagsasamantalahan, walang inaapakan, walang kaapihan, at walang pagsasamantala ng tao sa tao.  Sino pa bang magtutulungan kundi tayong walang pribadong pag-aari kundi  ang ating lakas-paggawa.”

“Sabagay, tama ka naman, Igor. Isa rin iyan sa napag-aralan namin noon sa pabrika. May polyeto ba kayong dala?” Sabi ni Aling Isay. 

Sumagot si Igme, “Meron. Mungkahi ko, magpatawag na tayo ng pulong upang masabihan ang mga kapitbahay hinggil sa isyu ng sahod at nang maipaunawa sa kanilang kahit tayo’y maralita ay laban din natin ang laban ng manggagawa, lalo na sa isyu ng sahod! Magandang ipatampok ang usaping magkakauri tayo, hindi burges, hindi kapitalista, kundi KAURI! Mungkahi ko, sa araw ng Linggo, ikalawa ng hapon, ay magdaos dito ng pulong dahil narito ang mga manggagawa.”

Kumasa sina Isay. “Sige, sa pulong sa Linggo, dadalo kami.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Hulyo 1-15, 2024, pahina 18-19.