Sabado, Setyembre 21, 2024

Salin ng First Quarter Storm: Unang Sigwa ng Sangkapat o Sigwa ng Unang Sangkapat?

SALIN NG FIRST QUARTER STORM: UNANG SIGWA NG SANGKAPAT O SIGWA NG UNANG SANGKAPAT?
Munting pagninilay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nitong ikalimampu't dalawang anibersaryo ng batas militar ay dumalo ang inyong lingkod sa paggunita sa araw na ito sa isang aktibidad sa Bantayog ng mga Bayani. May aktibidad sa awditoryum na puno ng maraming tao.

Mataman akong nakinig sa mga nagsalita. Narinig ko sa isang tagapagsalita ang "Unang Sigwa ng Sangkapat" na siyang pagkakasalin o translasyon umano ng First Quarter Storm. Dalawang beses niya itong inulit, at isinulat ko agad ito sa munti kong kwaderno. Bakasakaling magamit ko sa sanaysay, tula at iba pang sulatin.

Subalit napaisip din ako. "Unang Sigwa ng Sangkapat" nga ba ang totoong salin ng First Quarter Storm? O baka naman Sigwa ng Unang Sangkapat, na siya kong palagay. Bakit kamo?

Sa "Unang Sigwa ng Sangkapat", ang noun o pangngalan ay Sangkapat o Quarter. Kung gayon, ang "Unang Sigwa" ang adjective o pang-uri.

Subalit pag ating sinuri ang pariralang First Quarter Storm, ang pangngalan o noun sa First Quarter Storm ay Storm, hindi Quarter. Kumbaga iyon ang pinakapaksa.

Anong klaseng storm iyon? First Quarter. Kaya ang First Quarter ang pang-uri o adjective ng Storm. Kaya dapat munang isalin ang First Quarter o Unang Sangkapat. 

Sa First Quarter naman, ang noun ay Quarter at ang adjective ay First.

Pag isinalin sa Ingles ang "Unang Sigwa ng Sangkapat" ay First Storm of Quarter, dahil ang Unang Sigwa ay First Storm.

Pag isinalin sa Filipino ang First Quarter ay Unang Sangkapat. Samakatuwid, ang salin ng First Quarter Storm ay Sigwa ng Unang Sangkapat, kung pagbabatayan ang balarilang Filipino. Hindi Unang Sangkapat Sigwa, lalong hindi rin Unang Sigwa ng Sangkapat.

ANG SALIN NG FQS

Sigwa ng Unang Sangkapat ang tamang salin
ng First Quarter Storm, salin para sa akin
kaya nga hindi Unang Sigwa ng Sangkapat
dahil First Storm of Quarter ang masisipat

tingnan natin ang pagkakapwesto ng Storm
makikitang siya'y noun o pangngalan doon
habang First Quarter ay adjective o pang-uri
ng Storm, pag iyong sinipat at sinuri

kung may nagkamali man ay maitatama
lalo't salin ng First Storm ay Unang Sigwa
sa pwestuhan, adjective ang First, noun ang Quarter
at Unang Sangkapat ang salin ng First Quarter

tagapagsalita'y buong nirerespeto
subalit sana'y matanggap ang pagwawasto
paumanhin, sana'y di ako nakasakit
ng damdamin, ngunit wastong salin ay giit

09.21.2024

Miyerkules, Setyembre 11, 2024

P30 na aklat sa Manila International Book Fair

P30 NA AKLAT SA MANILA INTERNATIONAL BOOK FAIR
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Trenta pesos na libro? Ows? Hindi nga? Baka naman kung ano lang ang librong iyan kaya mura? Hindi. Sa katunayan, mga aklat pampanitikan ang mga nabili kong iyon. Aklat pampanitikang bagay sa mga makata't manunulat tulad ko.

Unang araw pa lang ng taunang Manila International Book Fair ay agad na akong nagpunta. Aba'y hindi maaaring hindi ko man lang masilip ang taunang okasyong iyon. Inikot ko muna ang venue kung saan may iba't ibang booth ang mga publishing house. Sa unang palapag, pinuntahan ko ang Fully Booked, National Book Store, Ateneo de Manila University Press, UST Publishing House, at marami pa. Hanggang makita ko ang UP Press na pinagkakaguluhan ng mga tao. 

Doon ako sa UP Press nakabili ng tigtetrenta pesos na mga aklat. Nakabili ako roon ng labinlimang libro, na ang pito rito ay nagkakahalaga ng trenta pesos lang, habang limang tig-P59 bawat isa, dalawang tig-P100, at isang P200. Subalit kaygaganda ng pamagat at nilalaman, dahil pampanitikan. Sa pagtalakay lalo na sa bilang ng pahina, pinagsama ko na ang roman numerals at hindu-arabic numerals ng pahina.

Isa-isahin natin ang pitong aklat na tig-P30.

1. Oda sa Kaldero at iba pang tula, ni Roberto "Abet' Umil. Isa siyang propesor sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa Sta. Mesa. Huli kaming nagkita at nagkausap ni Abet ay nang magkasama kami sa Layag: Forum sa Pagsasalin sa University of Asia and the Pacific noong Mayo 18, 2024, 188 pahina, may sukat na 9" x 6" at kapal na 1/4".

2. A Literary Journey with Gilda Cordero-Fernando, ni Sylvia Mendez Ventura. Kilalang manunulat sa panitikan si Ms. Fernando, lalo na sa fiction at sa creative non-fiction, 178 pahina, may sukat na 9" x 6" at kapal na 1/4".

3. Hairtrigger Loves: 50 Poems on Woemen, ni Alfred "Krip" Yuson, 94 pahina, may sukat na 9" x 6" at kapal na 1/4".

4. 1998 Ang Aklat Likhaan ng Tula at Maikling Kwento. Mga Editor ay sina Aurelio S. Agcaoili at Jose "Pete' Lacaba, 274 pahina, may sukat na 9" x 6" at kapal na 1/2".

5. Galing Cine Cafe, na mga koleksyon ng tula ni Nestor De Guzman, 84 pahina, may sukat na 8" x 5" at kapal na 1/4".

6. Growing into Asia and Other Essays, ni Susan P. Evangelista, 114 pahina, may sukat na 9" x 6" at kapal na 1/4".

7. Huwaran/Hulmahan atbp. The Film Writings of Johven Velasco, 270 pahina, may sukat na 9" x 6" at kapal na 3/4".

Narito naman ang tig-P59:

1. In the name of the Mother: 100 Years of Philippine Feminist Poetry, ni Lilia Quindoza Hidalgo, 400 pahina, may sukat na 9" x 6" at kapal na 7/8".

2. Our Scene so Far, Filipino Poetry in English, 1905 to 1955, na editor nito'y si National Artist for Literature Gemino H. Abad, 246 pahina, may sukat na 9" x 6" at kapal na 1/2".

3. Salvador / Javier, at iba pang dula, ni Lito Casaje, 262 pahina, may sukat na 9" x 6" at kapal na 3/4".

4. The Words and Other Poems, ni Francis M. Macasantos, 174 pahina, may sukat na 9" x 6" at kapal na 3/8".

5. The Achieve of, The Mastery, Filipino Poetry and Verse from English, mid-'90s to 2016, The Sequel to a Habit of Shores, Volume II, edited by Gemino H. Abad and Mookie Katigbak-Lacuesta, 474 pahina, may sukat na 9" x 6" at kapal na 1".

Narito naman ang dalawang aklat na nagkakahalagang P100.

1. The Achieve of, The Mastery, Filipino Poetry and Verse from English, mid-'90s to 2016, The Sequel to a Habit of Shores, Volume I, edited by Gemino H. Abad and Mookie Katigbak-Lacuesta, 464 pahina, may sukat na 9" x 6" at kapal na 7/8".

2. Balagen, Edukasyong Pangkapayapaan at Panitikang Pambata, ni Rosario Torres-Yu, 220 pahina, may sukat na 9" x 6" at kapal na 1/2".

At ang panghuli, na tig-P200, ay: Underground Spirit, Philippine Short Stories in English, 1973 to 1989, Volume 1 (1973-1982), Edited by Gemino H. Abad, 684 pages, may sukat na 9" x 6" at kapal na 1.5".

Pawang mga aklat-pampanitikan. Kapansin-pansin na apat sa mga librong ito ay si National Artist for Literature Gemino H. Abad ang editor, na tatlo ay hinggil sa koleksyon ng mga tula sa Ingles at isa'y koleksyon ng maikling kwento sa Ingles. Anim na aklat naman ang pawang tula ng isang makata. Kaya bale sampung aklat ng mga tula ang aking nabili.

Isa naman ang koleksyon ng mga dula o drama. At apat ang pawang mga sanaysay-pampanitikan.

Dala-dala ko ang mga librong iyon kahit sa ikalawang palapag ng SMX kung saan pinuntahan ko ang iba't ibang booth, tulad ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Subalit wala na akong nabili rito.

Nakabili ako ng labinlimang aklat-pampanitikan sa unang araw, at nais ko pa ring bumalik sa huling araw ng Manila International Book Fair upang bakasakaling madagdagan ang mga aklat-pampanitikan ko sakaling hindi pa ubos ang mga murang aklat sa UP Press. Nais ko pa rin kasing makumpleto ang koleksyon ko ng Aklat Likhaan ng Tula at Maikling Kwento, na ang meron lang ako'y ang taon 1998. Baka 'yung 1996, 1997, 1999, at iba pa ay akin ding mabili.

Subalit dapat lang may dala kang salapi para rito. Sa ngayon, pag-iipunan ko naman ang Manila International Book Fair sa susunod na taon.

TRENTA PESOS NA AKLAT SA MIBF

nabili ko'y pitong aklat pampanitikan
na presyo ng bawat isa'y trenta pesos lang
doon sa Manila International Book Fair
sa unang araw nito, sa booth ng UP Press

bagamat mura, piling-pili ko talaga
ang mga aklat na talagang pambihira
may kaugnayan sa tula ay sampung libro
mayroong sanaysay, dula't maikling kwento

mga librong matagal ko ring babasahin
mga estilo ng makata'y aalamin
paggawa ng aklat ng tula'y haharapin
malathala ang mga ito'y titiyakin

sa Manila International Book Fair, tara
manunulat natin ay bigyan ng suporta
baka matsambahan natin si Rio Alma
sa bago niyang libro'y makapagpapirma

09.11.2024

Huwebes, Agosto 29, 2024

Kwento - Nang minsang mapadaan sa marker ni Kian Delos Santos, biktima ng EJK

NANG MINSANG MAPADAAN SA MARKER NI KIAN DELOS SANTOS, BIKTIMA NG EJK
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Napadaan ako sa isang simbahan sa Kalookan dahil sa nakatakdang aktibidad ng aming samahan, at habang naghihintay sa mga kasamang hindi pa nakararating ay nakita ko ang marker na inilagay doon hinggil sa pagpaslang sa 17-anyos na estudyanteng si Kian Delos Santos.

Mula pa nang magsimula ang administrasyong Digong ay naging madugo na ang lansangan ng kalunsuran. Dahil na rin sa pananalita ng pangulo sa unang araw pa lang ng panunungkulan. Dapat mawala na ang mga adik na tingin niya’y walang karapatang mabuhay sa mundo.

At isa nga sa naging biktima ay ang estudyanteng si Kian Delos Santos, na sinasabi’y napagkamalan o kaya’y nanlaban kaya pinaslang. Isa umanong inosenteng biktima ng war on drugs ni Digong.

Ayon sa ulat sa mga balita, napaslang noong Agosto 2017 ang 17 taong gulang na si Kian delos Santos sa kamay ng tatlong pulis-Kalookan na sinasabing dapat ay protektor ng mamamayan. Gabi iyon nang makuha si Kian ng mga pulis sa labas ng kanilang bahay. Ayon sa ulat, nagmamakaawa pa si Kian na mapakawalan dahil iniisip niya ang kanyang exam kinabukasan: “Huwag po, may exam pa po ako bukas”. 

Subalit sawimpalad na napatay ang estudyanteng si Kian. Mabuti na lamang at may CCTV sa lugar na siyang naging ebidensya laban sa mga pulis. Nahatulan ng murder ang tatlong pulis na sanhi ng kamatayan ni Kian. Gayunman, napakarami pa ring walang hustisya at patuloy pa rin ang mga patayan kaugnay sa kampanyang war on drugs.

Sa panahong iyon ng tokhang, o toktok bangbang, maraming basta na lamang pinaslang nang walang due process o wastong proseso ng batas. Nakilala ko ang ilan sa mga nanay ng mga namatayan dahil sa naging aktibo ako sa kilusan para sa karapatang pantao.

Tagos sa puso’t isipan ko ang mga nakasulat sa marker ni Kian: “SA ALAALA NI KIAN DELOS SANTOS

“Sa alaala ni Kian Delos Santos, 17 taong gulang, na naging biktima ng extrajudicial killing noong Agosto 16, 2017 sa Brgy. 160, Caloocan City. Si Kian ay pinaslang sa araw ng kapistahan ni San Roque, Patron ng Diocese of Kalookan. Isa lamang siya sa 81 katao na pinatay sa loob ng apat na araw (Agosto 15-18, 2017) sa Kalakhang Maynila. Ayon sa talaan,  libu-libo  na ang mga mamamayang naging  biktima  ng patuloy na itinataguyod na giyera sa ilegal na droga ng kasalukuyang pamahalaan. Ang marahas at abusadong pamamaraan na ito ay taliwas sa pananampalatayang Kristyano ukol sa dangal ng buhay ng tao bilang nilikhang kalarawan ng Diyos.”

“Nawa ang panandang ito ay magsilbing alaala sa mga buhay na pinaslang, mga asawang nabalo at mga anak na naulila. Nawa'y antigin ng Diyos ang budhi ng mga nasa kapangyarihan upang matigil na ang pagpatay, masimulan na ang paghilom ng mga kababayang biktima ng adiksyon sa droga, at makamtan ang tunay na katarungan para sa lahat.”

Matapos kong basahin iyon ay nakita ko na ang aking mga kasama upang simulan na namin ang aming aktibidad. Subalit sa aking pag-iisa ay aking napagninilayan ang nakasulat sa marker na nagpatibay pa sa aking pagtaya o commitment bilang aktbista para sa karapatang pantao. At bilang makata ay nakapagsulat ako ng maraming tula hinggil sa EJK o sa extrajudicial killings na balang araw ay nais kong malathala bilang ambag sa panawagang hustisya ng mga namatayang pamilya, at sa panawagang due process kung may pagkakasala. Sana’y wala nang mga salvagings at EJK sa hinaharap. At wala na ring nagdudroga dahil naisip nilang hindi iyon ang kasagutan sa anumang problema.

Mabuti’t napadaan ako sa marker na iyon na nagbigay sa akin ng bagong alab at inspirasyon bilang makata at aktibista upang ipagpatuloy na ipaglaban ang pangarap na kamtin ang isang lipunang makatao kung saan walang pagsasamantala ng tao sa tao.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Agosto 16-31, 2024, pahina 18-19.

Martes, Agosto 20, 2024

Dalawa kong aklat ng tula ni National Artist Gemino H. Abad


DALAWA KONG AKLAT NG TULA NI NATIONAL ARTIST GEMINO H. ABAD
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dalawang beses ko lang siyang nakita nang personal - nang maging tagapagsalita siya sa asembliya ng Philippine PEN sa Cultural Center of the Philippines (CCP) noong Setyembre 20, 2022, at noong unang ganapin ang National Poetry Day, Nobyembre 22, 2022, sa Metropolitan Theatre (MET).

Gayunman, hindi ako nagkaroon ng pagkakataon na mag-selfie o magpalitrato nang kasama siya. Naging National Artist for Literature si Ginoong Gemino H. Abad noong Hunyo 10, 2022.

Nang mailunsad ang tatlong araw na 25th Philippine Academic Book Fair sa SM Megamall nitong Hunyo 2024, nabili ko sa ikatlong araw sa booth ng UP Press ang dalawang libro ng mga tula ni Ginoong Abad. Ang isa ay may pamagat na "Where No Words Break - New Poems and Past" na may kabuuang 190 pahina (14 ang Roman numeral, at 176 ang nasa Hindu-Arabic numeral), may sukat na 6" x 9".

Ang isa pang aklat, na mas makapal, ay pinamagatang "The Light in One's Blood - Select Poems, 1973-2020". Ito ay may sukat ding 6" x 9" at may kabuuang 368 pahina (20 ang Roman numeral, at 348 ang Hindu-Arabic numeral).

Dahil ang napuntahan ko'y Book Fair, mura ang karamihan ng mga aklat. P59 ang bawat aklat ni Ginoong Abad, kasama ng siyam pang P59 din ang presyo, tatlong tigtitrenta pesos, at dalawang tigisangdaang piso, kaya P939 lahat. Kasama sa nabili ko ang aklat ng isa pang national artist for literature, si Ginoong Cirilo F. Bautista - ang Tinik sa Dila.

Mga collectors' item nang maituturing ang dalawang aklat na ito ng ating national artist for literature na si Ginoong Abad, kaya ito'y inilagay ko na sa aking munting aklatan, at minsan ay binabasa-basa lalo na pag nagpapahinga sa gabi, bago matulog.

Tulad ng ginagawa ni national artist for literature Virgilio S. Almario, may petsa rin ang ilang tula ni Ginoong Abad, lalo na sa "Where No Words Break" kaya maiisip natin na sa gayong edad niya ay iyon na ang isinusulat na paksa. Dahil sa petsa ay nauunawaan natin paano nga ba umunlad ang panulat ng makata mula noon hanggang ngayon. Habang pawang mga talababa o footnote naman sa aklat na "The Light in One's Blood".

Ang mga tula niya sa aklat na "Where No Words Break" ay hinati sa tatlong tema: 
(1) Mind, Language, Poetry, na may 23 tula;
(2) Self, Love, Family, na may 22 tula; at
(3) People, God, Country, na may 24 tula, o kabuuang 69 na tula.

Hinati naman sa apat na kabanata ang kanyang aklat na "The Light in One's Blood":
(1) Mind, Imagination
a. Mind - may 15 tula;
b. Imagination - may 11 tula.
(2) Language, Poetry
a. Language - may pitong tula;
b. Words - ay pitong tula;
c. Reading - may apat na tula;
d. Writing - may walong tula;
e. Poetry - may limang tula.
(3) Self, Love, Family
a. Moods, Stances - may sampung tula;
b. self and Love - may siyam na tula;
c. Seld, Family - may labing-isang tula.
(4) Country, People, Martial Law
a. Country - may siyam na tula;
b. People - may siyam na tula;
c. Martial Law - may labing-isang tula;
d. God - may labintatlong tula; at
e. Death - may anim na tula.
Sa kabuuan ay may 135 na tula.

Sa huling bahagi ng aklat ay ang kanyang mahabang sanaysay na pinamagatang "Mind, Language, and the Literary Work: A Poetic" na may labing-anim na pahina. Kumbaga ito ang kanyang bersyon bilang makata kumpara sa "Poetics" ni Aristotle at "The Poetic Principle" ni Edgar Allan Poe.

Sinubukan kong kumatha ng tula hinggil kay Ginoong Abad.

DALAWA KONG AKLAT NG TULA NI NATIONAL ARTIST GEMINO H. ABAD

"Where No Words Break", na wala raw salitang mababasag
matalinghagang libro iyong di ka makapitlag
tema'y pinag-iisip ka habang nababagabag
nagpapaliwanag, may liwanag, at maliwanag

"The Light in One's Blood", pag naisip mong doon dumako
iyong matatantong may liwanag sa kanyang dugo
animo kanyang mga paksa'y makadurog-puso
na sa kabila ng liwanag ay may maglalaho

mabuti't mura ko iyong nabili sa UP Press
gayong kaymahal pagkat sa laman ay labis-labis
parang balong malalim, di maarok, tumatangis
habang mga agiw sa aking diwa'y pinapalis

kung si Edgar Allan Poe ay may akdang "The Poetic
Principle", at si Aristotle nama'y may "Poetic"
si Gemino H. Abad ay may akda ring natitik:
ang "Mind, Language, and the Literary Work: A Poetic"

sa kanyang mga libro, ako'y nagpapasalamat
ang kanyang mga katha'y sadyang nakapagmumulat
anong gandang basahin niyon pag iyong nabuklat
masasabi mong ang makata'y talagang alamat

08.20.2024

Miyerkules, Agosto 14, 2024

Kwento - Istorya nina Ondoy at Carina

ISTORYA NINA ONDOY AT CARINA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Magkaklase noong hayskul pa lang sina Carina at Redondo, o Ondoy sa kanyang mga kaibigan. Kapwa matalinong estudyante ang dalawa. Nang magkolehiyo na ay magkaiba sila ng kinuhang kurso. Si Carina ay kumuha ng Development Work sa UP, habang si Ondoy naman ay nakatapos ng BS Mathematics sa FEATI University. Magkalapit lang ang kanilang tahanan. Nasa kabilang kalye lang ang kina Carina.

Minsan, nang magkaroon ng malaking pagbaha sa kanilang lugar, nag-organisa si Carina ng donation drive para sa mga nasalanta sa lugar nila at karatig barangay. Bilang development worker ay mahusay na nagampanan ni Carina ang liderato nito upang makapagbigay ng ayuda sa mga nasalanta, lalo na sa mga iskwater sa kanilang lugar. Pati na mga batang anak ng mga maralita ay nabigyan ng gamot, gamit, damit, at pagkain. Kabilang si Ondoy sa mga nag-boluntaryo sa grupong Bulig-Pilipinas. Noon pa’y may lihim na pagtingin na ang binata sa dalaga.

Napanood niya kung paano magtalakay hinggil sa climate change si Carina, na boluntaryo sa grupong Philippine Movement for Climate Justtice o PMCJ. Ani Carina sa mga taong nakikinig, "Nagbabago na ang ating klima, nananalasa na ang climate change. Dapat hindi na umabot sa 1.5 degrees ang pag-iinit ng mundo. Ang nais natin ay climate justice! Dapat singilin natin ang mga Annex 1 countries, o yaong mayayamang bansa, na sa kasaysayan ay matitindi ang inambag na emisyon o pagsusunog ng mga fossil fuel kaya nag-iinit ang mundo. May sinasabing tayo'y may common and differentiated responsibilities, o bawat bansa'y may inambag subalit magkakaibang ambag at pananagutan, tulad ng ating bansang may maliit na kontribusyon sa pag-iinit ng daigdig, kung ikukumpara sa mga industriyalisadong bansa, tulad ng US at China."

Napaisip ang binata sa malalim na kahulugan kung bakit kailangan ng climate justice o hustisya sa klima. At napagtanto niyang pag lumala ang pag-iinit ng mundo ay baka lumubog lalo sa baha ang mabababang lunsod tulad ng Malabon at Navotas.

Ilang buwan matapos iyon ay napapadalas naman ang punta ng binata sa bahay ng dalaga. Palibhasa’y kababata, kilala na si Ondoy ng mga magulang ni Carina. Hanggang magpasya na si Ondoy na totohanin na ang paniligaw kay Carina dahil nasa edad na sila. Kung kailan pa naman umakyat ng ligaw si Ondoy kay Carina ay saka naman umulan. Mahina noong una, hanggang umulan ng pagkalakas-lakas. Dahil baha na sa kanilang lugar, doon na pinatulog ng dalaga sa kanilang bahay ang binata. Nabatid ito ng tatay ni Carina. At tulad ng inaasahan sa mga matatanda, nais ng ama ng dalaga na pakasalan ng binata ang kanyang anak. Tumutol naman ang dalaga dahil wala naman daw nangyari sa kanila. Subalit makulit ang matanda.

Kaya nag-usap sina Ondoy at Carina ng masinsinan. “Mahal kita, Carina,” ani Ondoy. “Subalit hindi pa ako handa,” ani Carina, “bagamat may pagtingin din ako sa iyo.” “Kung gayon pala, sagutin mo na ako, upang di na rin magalit ang iyong mga magulang.” “Oo, mahal din kita.”

“Mamamanhikan na kami. Isasama ko na sina Inay at Itay. Sa araw ng Linggo na.” “Sige, bahala ka, nandito lang naman kami.”

Sumapit ang takdang araw ay dumating na nga kina Carina sina Ondoy, ilan niyang kapatid, at mga magulang. Napag-usapan ang kasal.

Araw ng kasal sa isang simbahan. Naroroon na sila, pati mga abay, best man, flower girl, ninong, ninang, pari, atbp. Umulan sa labas, walang tigil. Lumakas ng lumakas. Subalit di nito napigilan ang kasal. Bumaha. Pumasok sa loob ng simbahan ang tubig, hanggang tuhod, subalit wala na silang nagawa, kaya kahit baha, ay itinuloy ang kasal.

Natapos ang kasal. Putik. Basang-basa ang kanilang sapatos, paa, at mga damit. Sa resepsyon ay nagsalita sa mikropono si Carina. “Isa itong memorable event sa aming mag-asawa. Na isa sa commitment namin, bukod sa pag-ibig sa isa’t isa, ay ang pagtugon sa krisis sa klima.”

Si Ondoy naman ang nagsalita, “isa itong eye-opener sa marami sa atin upang ipaglaban ang climate justice. At bagamat bagong kasal kami, patuloy kaming mananawagan ng climate emergency sa pamahalaan.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Agosto 1-15, 2024, pahina 18-19.

Linggo, Agosto 11, 2024

Isyung Pre-SONA at Post-SONA ng Taliba ng Maralita

ISYUNG PRE-SONA AT POST-SONA NG TALIBA NG MARALITA
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bihirang gawin ng patnugutan na magkaroon ng dalawang isyu ng Taliba ng Maralita sa loob lang ng dalawang linggo nitong iskedyul, na nagawa lang sa isyung Hulyo 16-31, 2024. Dahil sa dami ng mga balita't pahayag ay napagpasyahan ng patnugutan na dalawang isyu ang ilabas para sa isyung Hulyo 16-31, 2024. Ang una'y Pre-SONA isyu at ang ikalawa'y Post-SONA isyu. Ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).

Hindi naman maaaring ilagay sa isyung Hulyo 1-15, 2024 ang nasa Pre-SONA isyu, dahil naganap ang mga aktibidad sa Pre-SONA isyu ay hindi sakop ng petsang Hulyo 1-15, 2024. Ang Pre-SONA ay mula Hulyo 16 hanggang Hulyo 21, bisperas ng SONA ni BBM. Hindi rin dapat ilagay sa isyung Agosto 1-15, 2024 ang post-SONA dahil tiyak na may ibang naganap sa Agosto 1-15, lalo na matapos ang bagyong Carina. Ang Post-SONA isyu ay mula Hulyo 22 (aktwal na araw ng SONA) hanggang Hulyo 31.

Sa isang buwan ay dapat may malathalang dalawang isyu ng Taliba, o dalawang beses kada buwan. Isa sa unang dalawang linggo at isa pa sa huling dalawang linggo. Kaya nga ang petsa ng isyu ay tulad ng Pebrero 16-28, 2024, Hulyo 1-15, 2024, Hulyo 16-31, 2024, o Agosto 1-15, 2024.

Ang nilalaman ng Pre-SONA isyu ay Press Conference ng mga maralita noong Hulyo 17 bago mag-SONA, na siya ring headline; ang State of Human Rights Adress (SOHRA) na pinangunahan ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) noong Hulyo 16, na dinaluhan ng iba't ibang human rights organizations, kung saan isa sa tagapagsalita ay ang sekretaryo heneral ng KPML; at ang State of the People's Address (SOPA) na pinangunahan ng Freedom from Debt Coalition (FDC) na dinaluhan naman ng dalawang kinatawan ng KPML noong Hulyo 19.

Ang Post-SONA isyu naman ay naglalaman ng naganap sa SONA kung saan nagrali muna sa tapat ng tanggapan ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang mga maralita sa pangunguna ng KPML, Samahan ng Mamamayan-Zone One Tondo Organization (SM-ZOTO), at Partido Lakas ng Masa (PLM). Nilalaman din nito ang pahayag ng KPML sa SONA, pahayag ng PLM matapos ang SONA, pahayag ni Ka Leody, at ang pahayag ng PAHRA.

Sadya ring pinag-isipan ang pagsulat ng Editoryal kada isyu dahil dito makikita ang paninindigan ng patnugutan sa iba't ibang isyung tumatama sa maralita.

Patuloy din ang paglalathala ng kolum ni Ka Kokoy Gan na siyang kasalukuyang pangulo ng KPML.

Nag-aambag din ang Taliba ng Maralita sa panitikang Pilipino, o sa sinasabi nating panitikang maralita, panitikang dukha, o panitikang proletaryo. Pagkat di pa rin nawawala ang maikling kwento sa pahina 18-19 at tula sa pahina 20 sa kada labas ng Taliba. Sa Pre-SONA isyu, ang pamagat ng kwento ay "Budul-Budol sa Maralita" na batay sa inilabas na pahayag ng maralita sa kanilang presscon, habang sa Post-SONA isyu ay "Bigong-Bigo ang Masa". Dalawang kwentong ang pamagat ay mula sa daglat na BBM.

Isa sa mga pinagkukunutan ko talaga ng noo ang pagsusulat ng maikling kwento, pagkatha ng mga tula, at komiks na Mara at Lita, na balang araw ay maaaring isalibro. Ang mga maikling kwento ay maaaring malathala sa mga librong aralin sa elementarya at sekundarya. Ang tugma at sukat sa pagtula ay talaga kong pinaghuhusayan upang kung nais ng ibang taong ito'y ilathala ay malaya nilang mailalathala, basta huwag lang baguhin kahit isang letra at ilagay ang pangalan ko bilang may-akda ng tula.

Sa tulad kong manunulat, mahalaga pa rin ang paglalathala ng 20-pahinang Taliba ng Maralita. Bagamat uso na ngayon ang social media o socmed tulad ng facebook, wordpress, instagram, at iba pa, mahalaga pa ring malathala sa papel ang munting pahayagang ito. Ayaw pa rin nating maganap ang nangyari sa pahayagang Baguio Midland Courier na matapos ang mahigit pitumpung taon ay namaalam na nitong Hunyo, kung saan inilathala nila ang kanilang huling isyu. Katulad ng mga kakilala kong may napaglalathalang pahayagan, pag ako'y tinanong kung saan ba ako nagsusulat, may masasabi akong pahayagang pinagsusulatan. Agad na maipagmamalaki kong sasabihing sa Taliba ng Maralita.

Isa pa, kaya dapat patuloy ang paglalathala ng Taliba ng Maralita ay dahil karamihan pa rin naman ng maralita ay walang akses sa internet, at magandang binababaan talaga. Mabigyan sila, kung di man mabentahan, ng Taliba ng Maralita. Isa rin itong paraan ng mga organisador upang makausap at makatalakayan ang mga maralita sa iba't ibang komunidad.

Kaya patuloy lang tayo sa paghahandog sa mga kauri nating maralita ng mga napapanahong isyu ng dukha, pahayag, balita, at panitikan sa Taliba ng Maralita. Patuloy natin itong ilalathala para sa mga dukha hanggang marating ng maralita ang pangarap nitong lipunang makatao, lipunang pantay, at lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao. Mabuhay ang mga maralita!

ISYUNG PRE-SONA AT POST-SONA NG TALIBA NG MARALITA

dahil sa maraming naganap sa dalawang linggo
ay napagpasyahang maglabas ng dalawang isyu
pambihirang desisyon para sa ating diyaryo
dahil nilalaman ay di sapat sa isang isyu

bihira ang gayong pagpapasya ng patnugutan
na dahil sa dami ng isyu'y ginawan ng paraan
may Pre-SONA na, may Post-SONA pa sa pahayagan
bilang ambag din ng maralita sa kasaysayan

nalathala rin dito'y maikling kwento at tula
na pinagsikapan ng manunulat at makata
ang komiks na Mara at Lita na pangmaralita
editoryal na may malalim na kuro ng dukha

kasaysayan ng laban ng dukha'y ilathala rin
nang mahanguan ng aral ng susunod sa atin
halina't basahin ang munting pahayagan natin
ang pinagsikapang ito'y pag-isipan at damhin

08.11.2024

Sabado, Agosto 10, 2024

Panonood ng Asedillo sa MET

PANONOOD NG ASEDILLO SA MET
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Muli kong pinanood ang pelikulang Asedillo ni FPJ nang ito'y ipalabas ng libre sa Metropolitan Theater (MET) nitong Biyernes, Agosto 9, 2024, mula 1pm-4pm. Alas-dose pa lang ay nasa MET na ako, at 12:30 pm ay nagpapasok na sila. Marami na ring tao.

Sa youtube kasi ay bitin at may pinutol na eksena. Iyon ay napanood ko na rin sa wakas. Iyon ang pagbaril kay Asedillo at sa kanyang mga kasama sa kubong kampo nila sa bundok. Bagamat noong bata pa'y pinalabas din iyon sa telebisyon, subalit hindi ko yata napansin kundi ang dulong bahaging nakabayubay na si Asedillo sa isang punongkahoy.

May anak siyang si Rosa, na sa pelikula bago siya mamatay ay kapapanganak pa lang. Si Aling Rosa, na nasa higit 70 taong gulang na, ay nakaharap na namin ilang taon na ang nakararaan, nang kami'y magtungo sa lugar nina Asedillo sa Laguna, kasama ang mga kasapi ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino - Southern Tagalog (BMP-ST). isa na lamang iyong alaala.

May programa muna bago magsimula ang pelikula sa MET. Ganap na 1:15 ng hapon ay inawit na ang Pambansang Awit ng Pilipinas. Sunod ay pinakilala at nagsalita si Ginoong Marasigan, na siyang direktor ng MET. At binanggit niya ang ginawang pagretoke sa pelikula upang maging bago, na ginawa ng mga artist ng FPJ Production. Naglitratuhan. 

Nabanggit din ni Ginoog Marasigan ang mga balita noon na ayaw ng mga manonood na makitang namatay si FPJ sa pelikula. Kaya marahil tinanggal sa youtube ang tagpo nang paslangin sa FPJ. 

Subalit sa pelikula, hindi pinakitang napaslang si Asedillo kundi ang pagkahawak niya ng mahigpit sa punyal habang nirarapido ng putok ang kanilang kampo, at ang pagkahulog ng punyal sa lupa nang nakatusok patayo.

Isang beses ko lang napanood sa pelikula niya na napatay si FPJ - sa pelikulang Ang Probinsiyano, kung saan napatay si Ador ngunit naitago agad ng kanyang hepe ang bangkay. Tinawagan ng hepe ang kakambal ni Ador na si Cardo mula sa probinsya upang siyang palabasing si Ador.

Magandang naipalabas muli ang pelikulang Asedillo kahit isang araw lang sa MET. Kaya pinaglaanan ko talaga iyon ng panahon at salapi kahit libre. Agad akong nagparehistro isang linggo bago ang palabas. Ginawan ko ng munting tula ang karanasang ito.

SI DODO ASEDILLO

Dodo ang palayaw ni Asedillo sa pelikula
Dodo ang tawag ng ikalawang asawang si Julia
si Pedring ang anak sa una, si Rosa sa pangalwa
dati pala siyang guro noon sa elementarya

sa awiting My Philippines, mga bata'y nangatuto
ipinakita niyang siya'y makamasang maestro
tinanggal sa pagtuturo't di maka-Amerikano
hanggang kuning hepe ng pulis ng isang pulitiko

dahil sa pulitika, siya'y ginawan ng masama
presidente ng bayan pinagbintangan siyang lubha
binugbog ng kapulisan, may kumita't natutuwa
na sa bandang huli'y pinaghigantihan niyang sadya

hanggang siya'y mapasapi sa Kilusang Anakpawis
katiwalian sa kanyang bayan ay di na matiis
naging rebelde hanggang konstabularyo na'y nanugis
ang KARAPATAN NG DUKHA'y bukambibig niyang labis

nabatid ng kalaban ang kanyang kinaroroonan
dahil isang tinanggap na kasama'y naghudas naman
hanggang sapitin ni Asediilo yaong kamatayan
siya'y bandido subalit bayani sa sambayanan

08.10.2024