Biyernes, Enero 2, 2026

2026: Ika-120 anibersaryo ng kamatayan ng tatlong propagandista

2026: IKA-120 ANIBERSARYO NG KAMATAYAN NG TATLONG PROPAGANDISTA
Maikling sanaysay at saliksik ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tatlong bayaning Pilipino at magkakasama sa Kilusang Propagandista ang namatay noong 1896. Kaya ngayong 2016, gugunitain natin ang kanilang ika-120 anibersaryo ng kamatayan.

Ang tatlong bayaning propagandista ay sina Gat Graciano Lopez Jaena (Disyembre 18, 1856 - Enero 20, 1896), Gat Marcelo H. Del Pilar (Agosto 30, 1850 - Hulyo 4, 1896), at Gat Jose Rizal (Hunyo 19, 1861 - Disyembre 30, 1896). Ang naunang dalawa ay namatay sa sakit na tuberculosis sa Barcelona sa Espanya. Si Rizal naman ay umuwi ng bansa noong 1892, ipinatapon sa Dapitan, at pinatay sa pamamagitan ng firing squad sa Bagumbayan sa Maynila.

Sila ang mga nanguna sa Kilusang Propaganda sa Europa, partikular sa bansang Espanya. Bagamat may ilan pang propagandista na hindi gaanong sikat kumpara sa kanila, sa kasaysayan ng bansa, tulad ni Mariano Ponce.

Kaiba ang Kilusang Propaganda sa Katipunan, na naghangad ng ganap na kalayaan ng Pilipinas mula sa Espanya. Sa halip, hinangad ng Kilusang Propaganda na ang Pilipinas ay maging pormal na lalawigan ng Espanya. Ang Katipunan ay lumitaw bilang tugon sa pagkabigo ng Kilusang Propaganda na nakabase sa Espanya na makamit ang mga layunin nito.

Ang mga pangunahing layunin ng kilusan ay ang paghingi ng mga reporma sa Pilipinas, tulad ng pagkakapantay-pantay sa pagitan ng mga Pilipino at Kastila, representasyon sa Spanish Cortes (parlyamento), at pagtanggal sa mga prayleng Espanyol. Ipinahayag nila ang kanilang mga ideya sa pamamagitan ng mga magasin, pahayagan, tula, at mga polyeto, lalo na ang La Solidaridad.

Namatay si Graciano López Jaena dahil sa tuberkulosis (TB) noong Enero 20, 1896, sa Barcelona, ​​Espanya, sa edad na 39, pumanaw na nagdaralita at hindi na umano naibalik sa Pilipinas ang kanyang mga labi.

Namatay naman si Marcelo H. del Pilar dahil sa tuberkulosis (TB) sa Barcelona, ​​Espanya, noong Hulyo 4, 1896, habang nagtatrabaho bilang patnugot ng La Solidaridad, binawian ng buhay dahil sa sakit na nagpahina sa kanya sa kabila ng kanyang mga pagsisikap para sa mga reporma sa Pilipinas, at namatay nang walang pera malayo sa kanyang tahanan.

Si José Rizal, ang pambansang bayani ng Pilipinas, ay pinatay ng mga awtoridad ng kolonyal na Espanyol sa pamamagitan ng firing squad noong Disyembre 30, 1896, sa Bagumbayan (ngayon ay Rizal Park) sa Maynila, dahil sa akusasyon ng rebelyon sa kabila ng pagtataguyod ng mapayapang mga reporma, at ang kanyang pagkamartir ang nagbigay-inspirasyon sa Rebolusyong Pilipino at ginawa siyang isang pangmatagalang simbolo ng kalayaan.

Ngayong 2026, sa ika-120 anibersaryo ng kanilang kamatayan, bigyan natin sila ng pagpupugay. Bagamat mas pinatatampok natin ang pakikibaka ng Katipunan na pinangunahan nina Gat Andres Bonifacio at Gat Emilio Jacinto, gunitain din natin ang mga sakripisyo ng mga nanguna sa Kilusang Propaganda.

* Ilang sanggunian:
aklat na A Question of Heroes (2021 Edition) ni Nick Joaquin

Sabado, Disyembre 13, 2025

Pagdalo sa talakayan hinggil sa dystopian fiction

PAGDALO SA TALAKAYAN HINGGIL SA DYSTOPIAN FICTION
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Lumahok ako kanina sa forum na Writing Dystopian Fiction, sa booth ng Adarna House sa Gateway Mall sa Cubao, na ang tagapagsalita ay si Ginoong Chuckberry Pascual. 

Ilan sa aking mga nakuhang punto o natutunan: 
1. Ang Dystopian pala ay tulad sa Armaggedon.
2. Kabaligtaran iyon ng utopian, na ang Utopia ay magandang lugar, ayon sa akda ni Sir Thomas More. Ang dys ay Griyego sa masama o mahirap, at ang topos ay lugar. Dystopia - masamang lugar.
3. Tatlong halimbawa ang tinalakay niyang dystopian fiction, ang pelikulang Hunger Games, ang pelikulang DIvergence, at ang nobelang 1984 ni George Orwell.
4. Ang dystopian fiction ay inimbento ni John Stuart Mill noong 1898.
5.. Paano pag sa Pilipinas nangyari, o Pilipinas ang setting, lalo na;t dumaan tayo sa pandemya, bakuna, anong mga pananaw, bakit di pantay ang lipunan.
6. Ekspresyon ito ng takot at pag-asa pag nawasak ang mundo
7. Sa pagsusulat, mabuting magkaroon ng character profile. Edad, uring pinagmulan, kasarian, pamilya, kaibigan, kapaligiran.
8. Itsura ng mundo - araw-araw na pamumuhay, tubig, pagkain, damit, teknolohiya, kaligtasan mula sa panganib
8. Uri ng gobyerno - totalitarian, batas, kultura, pagbabago sa ugali o pananaw
9. Di nakikita - mga lihim, kasinungalingan, kadiliman at kasamaan, pagkabulok ng lipunan
10. Banghay - normal na dystopia, watda o silip sa hindi nakikita, detalyeng magbibigay ng bagong pananaw sa pangunahing tauhan, anong desisyon ng bida - lalaban o uurong?, new normal - ang mundo pagkatapos ng pagbabago
11. Paano pa rin mananatiling tao, na may dignidad
12. Personal journey ang pagsusulat, may maituturo hinggil sa istruktura ng pagsusulat ngunit hahanapin mismo ng manunulat ang sarili niyang estilo

Nagtaas ako ng kamay ng ilang beses sa open forum:
1. Tinukoy ko bilang halimbawa ang RA 12252 na magandang gawing dystopian fiction, dahil ginawa nang batas na pinauupahan na sa dayuhan ng 99 na taon ang lupa ng bansa
2. Anong kalagayan ng bayan? Binanggit kong naisip ko bilang dystopian fiction ang mga tinokhang, na bumangon at naging zombie upang maghiganti, na ayon sa tagapagsalita, ay magandang ideya
3. (Hindi ko na naitanong dahil ubos na ang oras?) Paano kung ang kasalukuyang gobyerno ay puno ng kurakot? Pag-iisipan ko kung paano ang dystopian fiction na aking isusulat.

Nang matapos ang talakayan ay book signing na ng kanyang libro sa mga dumalo roon at nakinig.

Biyernes, Disyembre 5, 2025

Paunang Salita sa 40-pahinang libretong "Tula't Tuligsa Laban sa Korapsyon"

PAUNANG SALITA

ANG MUNTING AKLAT NA “TULA’T TULIGSA LABAN SA KORAPSYON”

Nang magpatalastas ako nitong Setyembre 2025 sa aking FB na balak kong maglathala ng katipunan ng mga tula hinggil sa mga korap at kurakutan sa ating bayan, dalawang kaibigan kong makata ang nagpasa ng kanilang mga tula.  Kaya isinama ko rito ang mga tula ng gurong si Sir Glen Sales, at isang tulawit ng gurong si Dr. Joel Costa Malabanan, PhD, ng PNU. Naging magkasama kaming tatlo sa grupong Kapatirang Umuugnay sa Sining at Panitikan (KAUSAP) na itinatag ni Dr. Malabanan. Taospuso akong nagpapasalamat sa kanilang ambag sa libretong ito.

Bukod sa kanilang ambag na tula, ang natirang higit 40 pang tula rito, at isang maikling kwento, ay aking katha. Wala na kasing iba pang nagpasa kaya upang mapunan ang planong 40 pahina, ay inilagay ko ang inaakala kong marapat na tulang panawagan, tumatalakay at/o naglalarawan ng kasalukuyang kalagayan ng bayan. Mga tulang kinatha sa rali o matapos ang rali. Tumatayo kaming makatang nalathala rito bilang tinig ng mga walang tinig at ng mga aping sektor ng lipunan na sawa na sa sistemang bulok at korapsyon ng mga ibinotong lingkod bayan.

Mula nang pumutok ang isyu ng ghost flood control project at nakawan sa kaban ng bayan, ang aking panulat ay gigil na makapag-ambag ng mga tulang makapagmumulat sa kapwa maralita, manggagawa, at iba pang aping sektor ng lipunan upang labanan ang korapsyon, mapalitan ang bulok na sistema, at huwag nang iboto sa susunod na halalan ang mga trapo’t dinastiyang nagpapahirap sa ating bayan.

Mula Agosto ngayong taon hanggang Disyembre 4, 2025 ang mga tulang nalathala rito. Disyembre 5 ng umaga ay na-layout na ang loob ng aklat. Sa pabalat o cover page ay nais kong naroon ang dalawang petsang may tarp na hawak ng mga kasama't kaibigan hinggil sa mahahalagang araw. Ang una'y Nobyembre 22, 2025, National Poetry Day, na batay sa kaarawan ng Unang Hari ng Balagtasan na si Jose Corazon de Jesus, na kilala ring Huseng Batute. Ang ikalawa ay Disyembre 9 na International Anti-Corruption Day (batay sa Resolusyon Blg. 58/4 ng United Nations General Assembly, na pinagtibay noong Oktubre 31, 2003).

Nakakuha na ako ng litratong pang-cover page sa aklat na ito noong Nobyembre 22, at ang Disyembre 9 ay nito lang Disyembre 5 ng gabi. Sa kanila'y taospusong pasasalamat. Hindi ko na hinintay ang Disyembre 9 dahil ang petsang iyon ang puntirya kong araw ng paglulunsad ng aklat. Nang mailagay na ang dalawang may petsang litrato sa cover page, ay natapos na ang buong layout ng pabalat at ng buong aklat. Disyembre 6, kinabukasan, ko na dadalhin sa printing. Disyembre 9 ay launching ng 2pm-4pm sa Multimedia Room ng Commission on Human Rights (CHR). Taospusong pagpupugay at pasasalamat sa CHR sa pagpapagamit ng nasabing venue ng libre upang mailunsad ang aklat na ito. Mabuhay at more power to CHR!

Pagkatapos ng paglulunsad, may mga puntiryang araw pang plano kong maglunsad muli ng aklat ng tula. Ito ang Pebrero 20, 2026, World Day of Social Justice, na hindi na lang tungkol sa korapsyon kundi sa panawagang hustisya ng mga aping sektor ng lipunan. Sa Marso 21, 2026 ay World Poetry Day, at sa Abril 2, 2026, kaarawan ng makatang Francisco Balagtas, ay plano kong makapaglunsad ng tulaan sa harap ng taumbayan. Ang Buwan ng Abril pa’y Buwan ng Panitikan sa ating bansa.  Bukod pa iyon sa mga petsang Abril 22, 2026, Earth Day, at Mayo 1, 2026, Dakilang Araw ng Paggawa. Ito'y mga plano pa lang na sana'y maisakatuparan ng inyong lingkod.

Ang munting aklat na ito ng tula ay proyektong inihahandog para sa sambayanan. Itinaon ang paglulunsad aklat na ito ng Disyembre 9, International Anti-Corruption Day. Inihahandog ko ang mga tulang narito sa lahat ng mga galit na sa korapsyon, mga taong binabaha dahil sa mga palpak na flood control projects, at sa lahat ng nakikibaka para baguhin ang sistemang bulok at nagnanais maitayo ang isang lipunang makatao.

Sa lahat ng mga naniwala sa akin, mga indibidwal man o organisasyon, at lahat ng sumuporta sa aklat na ito, taospusong pasasalamat at taaskamaong pagpupugay po sa inyong lahat! Mabuhay kayo!

Gregorio V. Bituin Jr.
Disyembre 5, 2025

Sabado, Nobyembre 29, 2025

Lunsad-aklat sa rali

LUNSAD-AKLAT SA RALI

Nailunsad din ang 40-pahinang aklat kong "Malayang Salin ng mga Tulâ ng Makatang Palestino" ngayong Nobyembre 29, 2025, International Day of Solidarity with the Palestinian People, sa pagkilos ng iba't ibang grupo kaninang umaga sa Liwasang Bonifacio sa Maynilâ.

Isa ako sa mga nagbigay ng pahayag sa pamamagitan ng pagtulâ. May iba ring bumigkas ng tulâ, umawit at sumayaw. Kasabay ng paglulunsad ng aklat ay binigkas ko roon ang tulang "Isulat n'yo po ang pangalan ko sa aking binti, Inay" na salin ko ng tu ng makatang Palestinong si Zayna Azam, at binigkas ko rin ang isa pang tulang katha ko hinggil sa pakikibaka ng mga Palestino.

Maraming salamat sa lahat ng mga sumuporta at bumili ng munti kong aklat ng salin ng tula ng mga makatang Palestino. Mabuhay kayo!

Biyernes, Nobyembre 14, 2025

Kwento - Maraming salamat, Sierra Madre!


MARAMING SALAMAT, SIERRA MADRE!
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dalawang supertyphoon ang nanalasa sa bansa nitong Nobyembre lang. Nitong Nobyembre 2 nang manalasa ang bagyong Tino at petsang Nobyembre 8-10 naman ang bagyong Uwan. At naging paksa iyon ng usapan ng magkaklase, lalo na ang Sierra Madre na kilalang tanggulan ng bansa laban sa mga bagyo.

"Uy, alam n'yo ba?" sabi ni Lina kina Lara, Lani at Lorna.

"Ang alin?" agad na tanong ni Lara.

"May Sierra Madre palang pelikula si FPJ at Sierra Madre rin ang titulo ng bantog na kanta ni Coritha." Ani Lina.

"Ay, ganuon ba? Talaga palang kilala ang Sierra Madre, di lang noon, kundi ngayong nanalasa ang dalawang matitinding bagyo sa atin, ang Tino at ang Uwan." Sagot naman ni Lani.

“Meron pa,” tanong muli ni Lina. “Alam n'yo rin bang may Presidential Proclamation No. 413 na nagdedeklarang ang Setyembre 26 ng bawat taon bilang Save Sierra Madre Day. Nilagdaan ito ng dating Pangulong Noynoy Aquino noong Hunyo 19, 2012, bilang pag-alala sa bagyong Ondoy at pagligtas ng Sierra Madre sa atin.”

“Parang pinangalan sa Save Sierra Madre Network, ah. ‘Yun bang sinamahan natin noong 2009 na Lakad Laban sa Laiban Dam.” Ani Lani.

“Napag-aralan naman natin sa agham na naipagtatanggol tayo ng 540-kilometrong bulubundukin ng Sierra Madre sa matitinding bagyo. Gayunman, may mga sumasalungat dito, tulad ng Amerikanong storm chaser na si Josh Morgerman, na nakadestino sa Baler, Aurora upang subaybayan ang Uwan at sinabi sa kanyang Facebook page na ang Sierra Madre ay hindi nagpapahina sa bagyo mula simula.” Ani Lina.

“Para siyang climate denier na nais lang guluhin ang bansa upang maagaw nila ang mineral sa Sierra Madre,” tugon naman ni Lara. “Ano pa bang aasahan mo sa mga dayuhan, lalo na’t baka pakawala ng mga kapitalista? Ang mabuti pa’y aralin din natin ang agham niyan at alamin mula sa karanasan ng mga matatanda at mga katutubo ng Sierra Madre ang buting idinulot nito, lalo na sa panahon ng bagyo.”

Sumagot si Lorna, “Ang Sierra Madre bilang tagapagtanggol laban sa matitinding bagyo ay isang kuwentong kasingtanda na ng panahon. Ayon sa isang alamat, si Inang Sierra ay lubos na pinoprotektahan ang kanyang dalawang anak na lalaking sina Iloco at Tagalo. Nang patayin ng kanyang manliligaw, si Bugsong Hangin (ang hari ng mga hanging silangan), ang mandirigmang minamahal niya, si Lusong, ihinarap ni Sierra ang kanyang dalawang anak na lalaki at pinrotektahan sila mula sa mga pag-atake ni Bugsong Hangin gamit ang kanyang likuran.”

Ito naman ang tugon ni Lina, “May ilang pananaliksik din talagang nagsasabi hinggil sa agham, tulad ng natuklasan nina Gerry Bagtasa at Bernard Alan Racoma ng Unibersidad ng Pilipinas.”

“Bakit? Ano naman ang nasaliksik nila?” Tanong ni Lara.

Tumugon si Lina, “Sa pagsusuri sa 45 bagyong tumama sa Luzon mula 2000 hanggang 2022 gamit ang mga bagong modelo ng pananaliksik at pagtataya ng panahon, natuklasan nina Gerry Bagtasa at Bernard Alan Racoma ng Unibersidad ng Pilipinas na ang pagdaan ng bagyo sa Sierra Madre ay hindi nagpapahina sa bagyo – na nagmumula sa silangan at kumikilos pakanluran – bago tumama sa lupa at sa unang anim na oras ay tumatawid ito sa lupa.”

“Matinding agham iyan na talagang dapat pa nating aralin at suriin. Anuman ang kanilang saliksik, ang mahalaga ngayon,” ani Lorna, “ay naipagtatanggol tayo ni Inang Sierra Madre. At pasalamatan natin siya sa kanyang mga ginawang pagprotekta sa atin. Panahon naman na tayo ang magprotekta sa kanya laban sa mga sumisira ng kanyang kagubatan at kabundukan.” Agad siyang nagtulos ng kandila sa tabi ng isang puno.

“Bakit ka nagtulos ng kandila riyan?” Tanong ni Lani.

“Tara. Magsindi rin kayo ng kandila.” ani Lorna, “Pasalamatan natin si Inang Sierra Madre sa kanyang tungkuling pangalagaan tayo.”

Nagsindi rin ng kandila ang mga kausap niya. At sabay-sabay silang nagsabi ng “Maraming salamat, Sierra Madre!”

Isang pagkakataon iyon upang muli nilang itaguyod ang marangal na misyong alagaan ang Sierra Madre, at manawagan din sa iba’t ibang sektor ng lipunan upang pangalagaan ang nasabing kabundukan.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Nobyembre 1-15, pahina 18-19.

Miyerkules, Nobyembre 12, 2025

Korapsyon: Kung anong bigkas, siyang baybay

KORAPSYON: KUNG ANONG BIGKAS, SIYANG BAYBAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nabasa ko ang sinulat ni National Artist Virgilio S. Almario sa kanyang kolum na Filipino Ngayon sa pesbuk hinggil sa baybay ng salin sa wikang Filipino ng corruption. Tinalakay nga niya kung korupsiyon ba o korapsiyon ang tamang salin. Basahin ang kanyang sanaysay na may pamagat na KORUPSIYON O KORAPSIYON? sa kawing na: https://web.facebook.com/photo?fbid=1403137705151190&set=a.503294381802198

Pansinin. Sa dalawang nabanggit na salitâ ay kapwa may titik i sa pagitan ng titik s at y. Hindi niya binanggit ang salitang korapsyon. Palagay ko'y dahil mas akademiko ang kanyang talakay.

Sa karaniwang manunulat tulad ko, natutunan ko ang isang batas sa balarila na nagsasabing kung anong bigkas ay siyang baybay. O kung paano sinabi ay iyon ang ispeling.

Kaya sa wari ko ay walang mali sa salitang korapsyon o kaya'y kurapsyon. Di tayo tulad ng mga Inglesero na talagang mahigpit sa ispeling.

Ang salitang korapsyon ang ginamit ng mga taga-Pasig sa kanilang konsiyertong Pasig Laban sa Korapsyon noong Nobyembre 8, 2025, kung saan isa ako sa naimbitahang bumigkas ng tulâ hinggil sa nasabing napapanahong isyu.

Kaya ang salitang korapsyon ang gagamitin ko sa ipapagawa kong tarp para sa paglahok sa isang konsyerto sa Nobyembre 22, kung saan nakasulat: National Poetry Day 2025: TULA'T TULIGSA LABAN SA KORAPSYON. Planong ganapin iyon sa isang komunidad ng maralita sa Malabon. Tutulâ ako sa konsiyerto bilang sekretaryo heneral ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).

Ang salitang iyon din ang madalas kong gamitin sa pagkathâ ng tulâ. At iyon din ang naisip kong gamitin sa isang munting aklat ng tulâ na ilalabas ko sa Disyembre 9, kasabay ng International Anti-Corruption Day. Ang nasabing libreto, na sukat ay kalahating short bond paper at nasa limampung pahina, ay may pamagat na TULA'T TULIGSA LABAN SA KORAPSYON.

Gayunman, iginagalang ko ang pagtingin ni Rio Alma (sagisag sa pagtulâ ni V. S. Almario) hinggil sa korupsiyon o korapsiyon. Si Sir Rio ay naging gurô ko sa pagtulâ sa LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo) nang kumuha ako ng pagsasanay rito mula Setyembre 1, 2001 hanggang grumadweyt dito noong Marso 8, 2002.

Halina't abangan ang paglulunsad ng munting aklat laban sa korapsyon sa Disyembre 9, ang pandaigdigang araw laban sa korapsyon. Inaayos lang ang lugar na paglulunsaran ng aklat.

11.12.2025

P.S. Salamat kay Ninong Dado sa litrato

Lunes, Nobyembre 10, 2025

Si Prof. Xiao Chua at ako

Litrato kuha sa book launching ng "1 Xiao Time, Mga Dakilang Pilipino" sa HistoEx (History to Experience) sa Gateway 2, Cubao, QC, Agosto 3, 2025.

Litrato kuha sa Bantayog ng mga Bayani, Oktubre 22, 2022, sa aktibidad na Balik-Alindog Bantayog.

SI PROF. XIAO CHUA AT AKO

Mabuti't natatandaan pa ako ng historyan na si Prof. Michael Charleston "Xiao" Chua nang makabili ako ng aklat niyang "1 Xiao Time, Mga Dakilang Pilipino" sa HistoEx (History to Experience) sa Gateway 2 sa Cubao. Natandaan niya ako dahil isinulat niya ang dedikasyon sa aking pangalan.

3 Agosto 2025
Para kay Greg Bituin,
Bayani ng kalikasan!

Xiao Chua

Nakatutuwa dahil isinulat niya roon ang "Bayani ng kalikasan!" na ibig sabihin, tanda niya na naging magkatabi kami sa upuan noong 2016 nang dumating dito sa Pilipinas si dating US Vice President Al Gore para sa tatlong araw na Climate Reality training. Dinaluhan din iyon ng aking namayapang asawang si Liberty, na di ko pa asawa noong panahong iyon. Naganap iyon sa Sofitel sa Lungsod Pasay noong Marso 14-16, 2016. Nakabili noon si Prof. Xiao ng dalawa kong aklat, ang "Sa Bawat Hakbang, Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban" na katipunan ng mga tula sa paglalakad mula Luneta hanggang Tacloban noong bago mag-unang anibersaryo ng super typhoon Yolanda, at ang aklat ko ng mga sanaysay na may pamagat na "Ang Mundo sa Kalan". Dalawang aklat hinggil sa kalikasan.

Kaytindi ng memorya o photographic memory ni Prof. Xiao, pagkat siyam na taon makalipas ay tanda pa niya ako kaya may mensaheng 'Bayani ng kalikasan!' Mga kataga itong ngayon ay nagsisilbing isnpirasyon ko kaya nagpapatuloy ako sa pagtataguyod ng pagprotekta sa kalikasan at pagiging aktibo sa mga organisasyong makakalikasan, tulad ng Green Convergence, SALIKA (Saniblakas ng Inang Kalikasan) at PMCJ (Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ). Siya pa lang ang nagtaguri sa akin ng ganyan mula pa nang maging aktibo ako sa kilusang maka-kalikasan o environment movement noong 1995 dahil sa imbitasyon ni Roy Cabonegro, environmentalist na tumakbong pagka-Senador ng Halalang 2022 at 2025. Opo, makalipas ang tatlumpung taon. Maraming salamat, Prof. Xiao.

Ikalawang pagtatagpo namin ni Prof. Xiao Chua ay noong Oktubre 22, 2022 sa Bantayog ng mga Bayani kung saan maraming boluntaryo ang naglinis doon sa panawagang Balik-Alindog, Bantayog, at nabigyan ako roon ng t-shirt. Nakabili rin siya ng aklat ko ng saliksik ng mga tula at akdang Liwanag at Dilim ni Gat Emilio Jacinto, na matalik na kasama ni Gat Andres Bonifacio sa Katipunan, aklat na 101 Tula, at dalawang isyu ng pahayagang Taliba ng Maralita ng samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).

Ikatlong pagtatagpo, ako naman ang bumili ng libro niyang "1 Xiao Time, Mga Dakilang Pilipino". Naganap iyon sa launching ng kanyang aklat sa booth ng Philippine Historical Association (PHA) sa Gateway 2, Araneta Center sa Cubao, Lungsod Quezon noong Agosto 3, 2025. Bumili rin ako roon ng kanilang mug o tasa para sa kape na may tatak na Philippine Historical Association (PHA) na siya kong ginagamit ngayon habang nagsusulat.

Mabuhay ka at maraming salamat, Prof. Xiao Chua!