Sabado, Pebrero 27, 2021

Kwento: Paggunita sa Unang Pag-aalsang EDSA

PAGGUNITA SA UNANG PAG-AALSANG EDSA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nag-aral at grumadweyt ako ng elementarya sa paaralan ng mga madre sa Nazareth School sa Sampaloc, Maynila, 1981. Nag-aral at grumadweyt ako ng high school sa paaralang pinamumunuan ng mga pari sa Letran sa Intramuros, Maynila, Abril 1985. Pumasok ako sa kolehiyo kung saan kayraming aktibista, na pinagtapusan naman nina Tatay at Nanay, sa kursong BS Aeronautical Engineering, Hunyo 1985.

Kaya nasa sapat na gulang na ako upang masaksihan ang unang pag-aalsang EDSA. Labingpitong gulang ako at nasa unang taon na sa kolehiyo. Panahon iyon na wala nang pasok sa aming unibersidad na FEATI University dahil sa rali at pag-aaklas ng mga estudyante mula pa ng kalagitnaan o magtatapos na ang taon ng 1985. Hindi pa ako aktibista noon kaya hindi ko pa nauunawaan talaga ang mga nangyayari. 

Di ako makapasok sa pamantasan dahil hinaharang ng mga estudyanteng nagrarali, kaya nakikinig na lang ako sa iba’t ibang isyung binibigkas ng mga naka-megaphone at may mga dalang plakard.

Naging kasapi ako noon ng Catholic Youth Movement (CYM) sa Our Lady of Loreto Parish sa Bustillos St., sa Sampaloc, Maynila, nang makatapos ako ng tatlong araw na seminar ng CYM noong 1984. Ang aking ama naman ay kasapi ng Holy Name Society sa simbahang iyon.

Noong Pebrero 1986, kasagsagan na ng pagkilos ng mga tao sa EDSA. Sumama ako sa ilang kasapi ng Holy Name Society na magbigay ng mga pagkain sa EDSA. Nangalap naman ang aking ama ng tinapay sa mga bakery na nagbigay naman, pati bakery ng kanyang pinsan sa Project 8. Nagbigay sila nang malamang ibibigay sa mga tao sa Edsa ang tinapay.

Sa Edsa ay naging saksi ako sa mga naroong sundalong armado at mga pari’t madreng nagdarasal, at mga karaniwang tao. Saksi ako nang ibaba ng mga armadong nakasakay sa tangke de gera ang kanilang baril at inabot ang rosaryo at bulaklak na bigay ng mga tao.

Sumama ako nang malaman kong nagkakaisa ang mga tao upang labanan ang diktadura at upang mapaalis si Marcos sa Malakanyang. Sumama ako dahil noong bata pa ako’y tinanggal ng pamahalaang Marcos ang kinagigiliwan namin noong palabas na cartoon sa telebisyon – ang Mazinger Z at ang Voltes V. Kaya sa mga nakapuntang kabataan sa Unang Pag-aalsang Edsa, di ko itinuturing na isa akong bayani, kundi saksi at kaisa ng bayan. Mas itinuturing ko ang sarili kong kabilang sa Voltes V generation na nagpalayas sa halimaw na diktador. Let’s volt in! 

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Pebrero 16-28, 2021, pahina 14.

Linggo, Pebrero 14, 2021

Kwento: Babae ka! Hindi babae lang...


BABAE KA! HINDI BABAE LANG...
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Lumabas ako ng bahay upang pumunta ng botika para bumili ng gamot nang makasalubong ko ang isa kong kaklaseng babae noong elementarya. Namumugto ang kanyang mga mata. Marahil maghapong umiyak. 

Nagkatinginan kami, nagbatian. Kinumusta ko siya. Sabi niya, okay lang, sabay ngiti ng matipid. Hanggang tumungo siya at mukhang iiyak. 

Isa iyong araw na hindi kaiba sa karaniwan. Subalit para kay Magdalena, ang araw na iyon ay parang kanyang kamatayan. Dahil binugbog na naman siya ng kanyang kinakasama. Kaya niyaya ko muna siya sa isang restoran sa kabilang kanto. Umorder ako ng paborito kong tapsilog. Softdrinks na lang daw sa kanya. Hanggang kinumusta ko ang kanyang buhay may-asawa. Matagal bago siya umimik. Para bang naghahanap ng tapang na isiwalat ang nasa dibdib.

Barkada ko siya noong elementarya. Lagi kong kalaro, at minsang nakatabi sa klase. Matalino siya, maganda, at magaling. Subalit hindi gayon ang nangyari sa kanyang buhay-pag-ibig. Naipagtapat niya sa akin na malimit siyang bugbugin ng kanyang kinakasama. Ipinakita niya sa akin ang mga pasa sa kanyang braso at likod.

Sinabi ko, "Mali ang ginagawa niya sa iyo. Bakit hindi mo siya iwan?"

Anya, "May anak kami. Siya lang ang kumakayod para sa amin. May mali din kasi ako, minsan ay hindi agad ako nakakapagluto ng hapunan. Nakatulog kasi ako dahil sa pagod sa maghapong paglalaba at sa pag-aalaga kay Baby."

Sabi ko uli, "Mali naman na bugbugin ka agad dahil hindi ka nakapagluto ng hapunan."

Sabi niya, "Wala akong magawa. Babae lang ako. Sa kanya ang bahay at siya ang nabgtatrabaho. Hindi ko naman siya maiwan dahil paano na kami ng anak ko? Saan kami pupunta? Matagal nang patay sina Papa at Mama."

Sabi ko, "Alam mo, klasmeyt, noong magkaklase tayo sa elemtarya, hanga ako sa iyo dahil laging mataas ang grado mo kumpara sa akin. Naalala ko pa nang tinulungan mo ako sa ilang subject, tulad ng Pilipino at Araling Panlipunan."

Bahagya na siyang umimik. Sabi niya, "Wala iyon, nakaraan na iyon. Nagkita nga kami minsan ng ilan nating klasmeyt noon. Bakt wala ka sa reunion?"

"Hindi ko agad nalaman iyon. Tapos na nang malaman ko sa mga litrato n'yo sa pesbuk. Siyanga pala, 'yung kaninang sinabi mo, hindi ako kumporme roon."

"Saan?"

"Sa sinabi mong babae ka lang. Alam mo, klasmeyt, babae ka! Hindi babae lang. Kayo ang kalahati ng daigdig. Kung hindi dahil sa inyo, wala kaming mga lalaki. Kung hindi dahil sa inyo, wala tayong lahat dito. Kaya huwag mong sabihing babae ka lang. Babae ka!"

Matagal na katahimikan. Napaisip siya. Maya-maya ay nagsalita siya.

"Ano namang gagawin ko?" anya.

"Tanda mo ba ang mga bayaning pinag-aralan natin noon sa Araling Panlipunan. Sina Gabriela Silang, Teresa Magbanua, Trinidad Tecson, Tandang Sora, Gregoria de Jesus? Hindi ba't sila'y mga matatag na kababaihan ng kanilang panahon, lider ng kanilang henerasyon upang ipagtanggol ang bayan mula sa pang-aapi at pagsasamantala ng mga dayuhan at kababayang naghahari-harian sa lipunan? Ikaw pa nga ang nagturo sa akin niyan noon sa Araling Panlipunan kaya nakapasa ako, di ba? Tanda mo?"

Napangiti siya.

"Kung okay lang sa iyo, may pulong ang mga kababaihan tulad mo para sa pagkilos ng mga kababaihan sa Marso Otso. Nais kong makasama ka roon. Okay ba sa iyo? Nais kitang tulungan. Pwede mo ring isama ang anak mo kung walang magbabantay. Ano?"

"O, sige, sasama ako. Kailan ba ang miting na iyon?"

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Pebrero 1-15, 2021, pahina 16-17.

Linggo, Enero 24, 2021

Kwento: Pagpapakatao



PAGPAPAKATAO
Maikling kwento ni Greg Bituin Jr.

“Iisa ang pagkatao ng lahat.” Ito ang aking nabasa sa akdang Liwanag at Dilim ng ating bayaning si Gat Emilio Jacinto. Napakaganda ng isinulat niyang ito, na halos kawangki ng isinulat niya sa Kartilya ng Katipunan. “Maitim man o maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao'y magkakapantay; mangyayaring ang isa'y hihigitan sa dunong, sa yaman, sa ganda; ngunit di mahihigitan sa pagkatao.”

Kaya naiisip ko kung marahil ang lahat ng tao ay nagpapakatao at nakikipagkapwa-tao, baka wala nang pagsasamantala ng tao sa tao, baka wala nang sistemang kapitalismo na ang pangunahing layunin ay lagi nang pagsamantalahan ang manggagawa upang magkamal ng limpak-limpak na tubo. Tinanong ko ang ilang sektor hinggil dito, at anong pakahulugan nila sa pagpapakatao.

“Kung ako ang kapitalista,” sabi ng manggagawang si Kulas, “aba’y gagawin kong regular ang aking mga manggagawa, at babayaran ko ng tama ang kanilang lakas-paggawa. Sa ganito man lang ay makita nilang kahit ako’y kapitalista, ako’y makatao at mahusay makipagkapwa.”

“Aba, kung ako naman ang manedsment sa isang kumpanya,” ang sabi naman ng regular na manggagawang si Igme, “Ipapantay ko ang minimum na sahod sa living wage o nakabubuhay na sahod na nakasaad sa Konstitusyon ng bansa.”

“Ang gaganda ng inyong panukala,” ikako naman, “kung kayo ang kapitalista o manedsment ng kumpanya, kaso hindi eh. Kaya panaginip lang ang lahat ng iyan. Kalikasan kasi ng kapitalismo na durugin at lamunin ang kanyang mga katunggali sa negosyo. Kaya nga pinatatanggap nila sa atin ang salitang kumpetisyon, imbes na kooperasyon. Hindi kasi sila kikita ng malaki o magkakamal ng limpak-limpak na tubo kung pulos kooperasyon sila sa kanilang katunggali. Aba’y pababaan nga sila ng sahod ng manggagawa. Iyan ang kumpetisyon sa kanila. Kung ganyan ang kalikasan ng isinusuka nating sistema, paano ang sinasabi nating dapat silang magpakatao o makipagkapwa?”

“Tama ka,” sabat naman ni Aling Tikya, “hangga’t bulok ang sistema, hangga’t nangingibabaw ang patriyarkal na sistema, mananatili pa ring second class citizen kaming mga babae. Itinuturing na pambahay lang at tagapag-alaga ng mga bata. Disin kasi kami’y nagbubuntis at kayong mga diyaskeng lalaki ay hindi! Aba’y dapat lang baguhin ang sistemang bulok!”

“Kung nagpapakatao ang mga taong gobyerno, dapat mas buwisan nila ang mga mayayaman, kaysa mahihirap. Sa ngayon, dahil sa VAT, pare-pareho lang ang kaltas sa mga binili ng mahirap at mayaman. Tax the rich, not the poor. Sa totoo lang, ang pulubing maghapong kumita sa panlilimos, pag bumili ng pamatid-gutom na noodles para sa kanyang pamilya, aba’y may buwis agad. May 12% VAT agad na kaltas kasi sa bawat produkto,” sabi naman ng gurong si Mang Ramon.

“Pati nga ang karapatan sa edukasyon at kalusugan ay may presyo sa ilalim ng ganitong sistema ng lipunan. Karapatan na iyon, ha?” dagdag pa ni Mang Ramon. “Kaya ano ang sinasabi nating magpakatap at makipagkapwa tao ang mga nasa educational system natin, gayong sila ang hindi kikita o sasahod kung hindi magbabayad ng mahal sa edukasyon ang mga estudyante. Lalo na ang mga ospital na nais isapribado. Ang matindi pa sa ganitong sistema, pag isinugod mo sa ospital ang misis mong maysakit, hindi kayo agad tatanggapin kung wala kayong pandeposit, iyan ba ang pagpapakatao at pakikipagkapwa?

“Kung talagang nagpapakatao at nakikipagkapwa ang kapulisan, o mismong pamahalaan natin, sana’y buhay pa ang aking anak. Sana dinaan nila sa wastong proseso ang ginawa nilang pagsupil sa mga nagdodroga, upang makita nilang hindi nagdodroga ang anak ko. Kung may kasalanan man siya, dapat siyang makulong, at bilang ina ay nais ko siyang madalaw kahit sa kulungan upang ipakita ang pagmamahal ko bilang ina, hindi ang madalaw siya upang tirikan ng kandila sa sementeryo,” may halong galit at luha ang mahabang paliwanag naman ni Aling Nanette.

Natahimik kaming lahat sa kanyang tinuran.

Matitindi ang samutsaring ideyang nagsisilabasan na talaga namang nakapupukaw ng kaisipan. Malayo pa ang ating tatahakin upang talagang matamasa natin ang tunay na pagpapakatao at pakikipagkapwa.

Nakasakay ako sa dyip minsan patungo sa isang pulong nang mapansin ko kung paano ba nagpapakatao at nakikipagkapwa ang bawat isa. Sa loob ng dyip ko iyon nakita: Sa pagbabayad ng pamasahe at pag-aabot ng sukli ng mga taong hindi magkakakilala subalit kapwa naglalakbay. Aabutin ang bayad at ibibigay sa drayber, at ibabalik naman ang sukli sa pasahero nang hindi kinukupit ang pera. May katapatan sa puso’t diwa na ibalik ang sukli. Ah, naisip ko lang, may pag-asa pa.

Kung sa bayad-sukli ay may tapat na pagdadamayan na ang mga tao, hindi malayong ang inaasam nating pagkakatao at pakikipagkapwa tao ay masilayan natin talaga. Baka hindi sa panahon ng pananalasa ng bulok na sistemang kapitalismo, kundi sa susunod na yugto nito. Sa ibang sistema.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Enero 16-31, 2021, pahina 16-17.

Martes, Disyembre 29, 2020

Maikling Kwento: Pangangaroling

PANGANGAROLING
Maikling kwento ni Greg Bituin Jr.

"Tay, marami na namang mangangaroling ngayon kasi malapit na po ang Pasko. Nais kong sumama sa mga kaibigan ko sa pangangaroling." Ito ang sabi ni Utoy sa kanyang ama minsang pauwi na sila galing sa pamamalengke.

"Alam mo, anak, nakikita ko nga na kahit sa mga dyip pag papasok ako sa trabaho ay marami nang nangangaroling. Tutugtog ng dala nilang tambol, kasama ang anak na nakatali ng balabal nila sa balikat, aawit ng pamasko, at hihingi ng limos. Hindi na iyon ang nakagisnan kong Pasko."

"Bakit po, Tay?"

"Kasi, sa amin noon, pupunta kami sa bahay-bahay na parang manghaharana. Barkadahan kami, nakasuot ng disente, at pagtapat sa bahay ng kakilala namin ay aawit kami ng kantang 'Sa may bahay'. Natutuwa naman ang inaawitan namin kaya nagbibigay sila ng malaki-laking halaga bilang pakikiisa sa diwa ng kapaskuhan. Ibang-iba ngayon, anak, na kaya ka lang namamasko ay dahil hirap ka sa buhay. Tulad ng nakikita ko pag papasok ako at uuwi galing sa trabaho. Hindi gayon ang nais kong pasko, bagamat para sa kanila, malimusan lang sila ay malaking bagay na dahil nagugutom ang kanilang pamilya. Kung sasama kang mngaroling, dapat hindi ka mukhang namamalimos. Anak, ang diwa ng kapaskuhan ay pagbibigayan, pagmamahalan, hindi pamamalimos. Bagamat hindi naman masamang manlimos. Masama lang tingnan."

"Ano po ba, 'Tay, ang dapat naming gawin pag mangangaroling. Baka pag maganda ang suot namin, sabihin sa amin, patawad. Baka hindi pa maniwala na namamasko kami."

"Mamasko ka, anak, sa mga ninong mo, sa mga kakilala natin. Palagay ko, anak, huwag kang basta tumapat lang sa bahay ng kung sino. Dapat, anak, ang pangangaroling ay hindi parang nanghihingi tayo ng limos. Kahit mahirap lang tayo, anak, nais kong makita pa rin nila at maramdaman din natin na may dignidad pa rin tayo bilang tao. Taong nirerespeto at hindi minamata ng ibang tao. Iyon lang naman, anak."

"Salamat po, Tay, sa payo ninyo. Sabihan ko ang mga kalaro ko na kung mangangaroling kami ay mag-ayos din po kami ng suot, para po di kami magmukhang kawawa na walang pera. Salamat po, Tay."

“Salamat din, anak, at nauunawaan mo ang nais kong sabihin. Ingat lagi kayo ng mga kalaro mo sa pangangaroling, at huwag sana kayong makikipag-away, ha. Isipin mo lagi ang diwa bakit kayo nangangaroling.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Disyembre 16-31, 2020, pahina 14.

Linggo, Nobyembre 29, 2020

Kwento - Bakit ako ang magsasalin ng RA 7270 o UDHA? Dapat KWF dahil sila ang ahensya sa wika!


BAKIT AKO ANG MAGSASALIN NG RA 7279 O UDHA? DAPAT KWF DAHIL SILA ANG AHENSYA SA WIKA!
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isang hapon iyon nang kinausap ni Igme si Igor dahil nais niyang isalin ni Igor sa wikang Filipino ang Urban Development and Housing Act (UDHA) o Republic Act 7279. “Igor, maaari mo bang isalin ang UDHA upang mas maunawaan ng kapwa natin maralita kung ano ba ang batas na itong nakakaapekto sa kanila.”

Sumagot si Igor, “Aba, oo. Malaking karangalan sa akin ang pagsasalin ng batas na iyan sa wikang Filipino. May kopya ka ba ng UDHA upang masimulan ko nang isalin?”

“Eto, o.” At ibinigay ni Igme kay Igor ang kopya ng UDHA.

Sa bahay, binabasa ni Igor ang dokumento, hanggang sinimulan niyang isalin ang bawat salita, bawat artikulo, at bawat seksyon. Kinailangan pa niya ng diksyunaryong Ingles-Filipino dahil may mga salitang duda siya kung tama ba ang salin. Sa katagalan, napapaisip siya. Tanong niya sa sarili, “Batas ito ng bansa para sa mga maralita. Pag isinalin ko ba ito ay pakikinabangan ng maralita? Sino ang magpopondo nito? Kung ang samahan lang namin ni Igme ang makikinabang, paano ang iba? Baka may iba pang nagsasalin sa ibang organisasyon, o baka naman may salin na ito sa wikang Filipino, ay hindi namin alam.”

Nasa gayon siyang pagninilay nang makita siya ng kanyang asawa, at tinanong siya kung anong ginagawa niya. At sumagot siya, “Hiniling ni Igme sa akin na tagalugin ko itong UDHA para mas maunawaan ng ating mga kapitbahay at kapwa maralita kung ano ang batas na ito. Kaya lang napapaisip ako, mahal ko. Pakikinabangan ba ito ng mas nakararami pag natagalog ko na, o kami lang ang makakaintindi? Hindi ba dapat ang mga batas ng bansa ay hindi isa-isa nating isinasalin. Baka sabihan pa ako ng mga mas nakakaalam na bara-bara lang itong salin ko .”

Sumagot si Ingrid, “Sige lang, tagalugin mo, at malaking tulong iyan sa ating mga maralita dahil UDHA iyan. Diyan nakalagay sa seksyon 28 niyan kung paano ang proseso bago idemolis ang isang lugar?”

“Iyon nga, eh, kaya ba nakasulat sa Ingles ang mga batas natin ay upang hindi natin maintindihan ang mga batas na nakakaapekto sa masa, sa ating maralita, tulad nga niyang Seksyon 28 ng UDHA hinggil sa demolisyon. Napapaisip nga ako, sino ang maglalathala ng tinagalog ko upang maunawaan ito ng mas marami, kahit nasa probinsya.” Ani Igor.

Sumagot si Ingrid, “Tulong mo na iyan sa samahan. Kaya ituloy mo lang ang binigay ni Pangulong Igme sa iyo.”

Muling nagsalita si Igor, “Napapaisip din kasi ako. Dapat ba sa bawat batas na tatama sa maralita, o iyang Labor Code ng manggagawa, o Local Government Code, bakit lahat nakasulat sa ingles, at paghirapan nating intindihin. Ngayon, pipilitin nating tagalugin. Hanggang mamilipit tayo. Dapat ang gobyerno mismo ang magsalin ng mga ito. Mungkahi ko nga, dapat ang Komisyon sa Wikang Filipino o KWF ang dapat magsalin ng lahat ng batas ng bansa, dahil sila ang ating ahensya sa wika. KWF dapat ang bigyan ng mandato sa pagsasalin ng lahat ng batas ng bansa. Isalin nila sa wikang Filipino, o Tagalog para sa mga nasa NCR, Gitnang Luzon, at Timog Katagalugan. Isalin din ang mga batas natin sa Igorot, Ilokano, Kapampangan, Bikolano, Ilonggo, Cebuano, Tausug, Maranao, at iba pang wika sa ating bansa. Halimbawa, iyang IPRA o Indigenous People’s Rights Act, katutubo ba ang magsasalin niyan upang maunawaan nila? O iyang KWF.”

“Paano iyan magagawa, eh, wala yata sa batas na naglikha sa KWF na sila ang magsalin? Kung meron, dapat ginagawa na nila.” Ani Ingrid.

“Tama ka, mahal ko,” ani Igor, “kailangang kumausap tayo ng mga kongresista at senador na gagawa ng batas upang gawing opisyal na tagasalin ng mga batas ng bansa iyang KWF.”

“Kausapin muna natin si Pangulong Igme,” Ani Ingrid. At nagtungo naman sila sa pangulo ng samahan.

Ani Igor, “Sinimulan ko nang isalin ang UDHA. Subalit bakit ako ang magsasalin ng batas ng bansa. Hindi ba dapat ang Komisyon sa Wikang Filipino dahil ito ang ahensyang pangwika ng pamahalaan? Baka hindi ito maipamahagi sa iba, o baka isiping bara-bara lang ang salin ko?”

“Tama ka, Igor,” ani Igme. “Mungkahi ko, gumawa tayo ng petisyon na lalagdaan ng ating mga kasapian, at ipadala sa mga gumagawa ng batas na hinihiling nating amyendahan ang batas na lumikha ng KWF, at italaga ang KWF bilang opisyal na tagasalin ng lahat ng batas ng ating bansa. Bukod sa pagsasalin mo ng UDHA ay isa iyan sa ating kampanya upang mas maunawaan ng masa ang mga batas na apektado sila.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Nobyembre 16-30, 2020, pahina 14-15.

Huwebes, Oktubre 29, 2020

Kwento: Nawalan ng trabaho dulot ng pandemya

NAWALAN NG TRABAHO DULOT NG PANDEMYA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

"Noong mag-lockdown, nahinto kami sa produksyon sa pabrika dahil hindi kami makapasok sa trabaho. Hindi ko malaman ano ang gagawin. Paano na kami ng aking pamilya? Ang kakarampot kong sahod ay di sapat lalo't nangungupahan lang kami ni misis, kasama ng apat naming anak." Ito ang sabi ni Mang Inggo nang unang linggo ng lockdown at hindi sila pinayagang magbiyahe patungo sa trabaho.

Wala na kasing pinayagang makalabas ng bahay noon, kaya pati mga nagtatrabaho, sa pabrika man iyan, sa opisina, sa pamamasada o maging tindera sa palengke, ay napatigil sa pagtatrabaho. Ayon naman sa pamahalaan, kailangan mag-lockdown upang labanan ang COVID-19. 

Ang mga maralita nga ng San Roque sa Lungsod Quezon ay nagrali na dahil sila'y nagugutom. Gutom ang dulot ng lockdown. Gutom dahil di makalabas upang makadiskarte ng pang-ulam. Di makakain si Bunso. Mabuti kung may natitira pa silang salaping pambili sa tindahan. Subalit kahit pagbili sa tindahan ay pahirapan din dahil nga hindi sila makalabas.

Si Mang Tune na drayber ng dyip ay naghihimutok dahil hindi na sila makapamasada. Ang nangyari ay tambay na lang sila sa looban. Naaabutan lang ng may malasakit. Ang ayudang bigay ng pamahalaan ay di naman sapat. Ang iba’y nabibigyan ng salapi, habang ang iba’y nabibigyan ng grocery na pang-ilang araw lang, na tulad ng ibinibigay sa mga nasunugan. Limang kilong bigas, ilang delatang sardinas, ilang noodles, kape, asukal, nadagdagan lang ng alkohol at face mask.

“Anong dapat nating gawin?” Sabi ni Mang Igme sa kanyang mga kapitbahay. “Hindi tayo makalabas. Gutom ang aabutin natin nito?” 

Kaya nagkaisa ang mga magkakapitbahay, sa pamamagitan ng HOA nila, upang pag-usapan ang mga hakbang na dapat gawin. Di makapag-patawag ng pulong ang HOA dahil lockdown. Walang makalabas. Gayunman, nagawan nila ng paraang makapagpulong, nang isa-isa silang magpuntahan sa bahay ni Mang Kanor, ang pangulo ng HOA.

Ayon kay Mang Kanor, “Dalawang dahilan lamang upang bigyan tayo ng pamahalaan ng makakain, pag panahon ng gera at pag panahon ng kalamidad. Ngayong idineklara ng pamahalaan ang lockdown, ito’y nasa linya ng kalamidad, kaya dapat bigyan nila tayo ng ayuda upang hindi magutom ang ating pamilya. “

Sa ganitong punto ay napagkaisahan nilang sumulat sa pamahalaan upang bigyang katugunan ang kanilang kalagayan.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Oktubre 16-31, 2020, pahina 16.

Sabado, Oktubre 3, 2020

Proyektong patula ng ABC of Philippine Native Trees

PROYEKTONG PATULA NG ABC OF PHILIPPINE NATIVE TREES
Munting sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Malaking karangalan sa akin na magawan ng proyekto dahil sa kaalaman ko sa pagtula. Ayon kay misis, nais ni Mam Ime sarmiento, na siyang nagproyekto ng tatlong serye ng aklat na Philippine Native Trees (PNT), na magkaroon ng ABC of Philippine Native Trees na kanilang isasaaklat. 

Nauna kong proyekto sa kanila'y pagsasalin sa wikang Filipino ng mga maiikling kwento hinggil sa mga puno, na sinulat sa Ingles ng ilang manunulat. Tatlong maikling kwento ang aking naisalin. 

Nang hinanap muli ako kay misis para sa proyektong ABC of Philippine Native Trees, aba'y nais ko agad itong simulan. Ang proyektong ito'y patula, kaya dapat kong basahin at aralin ang mga punong ito upang mas mabigyan ko ng buhay ang paglalarawan nito sa anyong patula. Ako na muna ang pipili ng mga puno. Sa ngayon, may kopya kami sa bahay ng dalawang aklat - ang Philippine Native Trees 101 at 202.

Ang PNT 101 ay nalathala noong 2012. Nagkaroon ako ng PNT 101 nang bigyan ako nito nang ako'y magsalita sa Green SONA (State of Nature Assessment) ng Green Convergence sa Miriam College noong 2012. Lumabas naman ang PNT 202 noong 2015, at ang PNT 203 noong 2018. Tinatapos pa sa kasalukuyan ang pagsasaaklat ng Philippine Native Trees 404.

Sa aklat na iyon, kapansin-pansing may dedikasyon sila para kay Leonard L. Co. Sa PNT 202 ay may apat na artikulong sinulat para sa kanya. Apat na awtor ng sanaysay sa siyam na pahina. Si Leonard L. Co ay napagkamalang rebelde ng mga militar at mag-isa lang siya nang siya'y pinaslang sa kagubatan ng Kananga, Leyte noong Nobyembre 15, 2010. Sa PNT 101 ay nakasulat, "the great Leonard Co, the country's foremost botanist ang taxonomist." Sa Wikipedia naman, si Co ang "foremost authority in ethnobotany in the Philippines." Kaya sa pagbabasa ko ng aklat na Philippine Native Trees ay makikita ko ang kanyang anino sa ilan sa mga punong ito.

Narito ang talaan ng mga napili kong punong gagawan ko ng tula, na karamihan ay mula sa aklat na Philippine Native Trees 202. Karamihan pala ng lugar sa Pilipinas ay mula sa pangalan ng puno, tulad ng Anilao sa Mabini, Batangas, ang Antipolo sa lalawigan ng Rizal, ang Betis sa Pampanga, na maraming kamag-anak na apelyidong Bituin din, ang Calumpit sa Bulacan, ang lalawigan ng Iloilo na katabi ng Antique na sinilangan ng aking ina, ang Pandakaki sa Pampanga na relokasyon ngayon ng mga tinulungan naming maralita sa grupo kong KPML, ang Tiaong sa Quezon, ang Talisay sa Batangas at Cebu.

Anilaw
Betis
Calumpit
Dita
E
F
Gatasan
Hagakhak
Iloilo
J
Kahoy Dalaga
Lamog
Marang
Nara
Otog-Otog
Pandakaki
Q
Rarang
Subiang
Tiaong
Upas
V
White Lauan
X
Yellow Lanutan
Zambales pitogo

Maaaring mabago ang talaan ng mga puno habang nagtatagal. Baka kasi mas may kilalang puno na dapat ko munang itula. Halimbawa, imbes na Anilaw ay Atis, imbes na Betis ay Bayabas, imbes na Subiang ay Santol o Sinigwelas. Di naman maaaring ang Upas ay palitan ko ng Ubas dahil hindi naman Philippine Native Tree ang Ubas. Subalit sa ngayon, naisip kong imbes na Duhat ay ang punong Dita muna dahil nagligtas ng maraming buhay ang punong Dita nang rumagasa ang bagyong Ondoy noong 2009 sa Barangay Bagong Silangan sa Lungsod Quezon. Dito nakatira ang isang kasama ko sa grupong Sanlakas, at sa unang anibersaryo ng Ondoy ay nag-alay kami ng kandila para sa mga nasawi sa Ondoy. 

Kung papansinin ang talaan sa aklat, walang nakatalang punong nagsisimula sa E, F, J, Q, V, at X. Kaya ang ABC ay baka maging Abakada ng mga Katutubong Puno sa Pilipinas. Tingnan na lang natin sa kalaunan. Ang Calumpit nga ay Kalumpit sa PNT 101. Puno rin pala ang Antipolo na nasa PNT 101. O baka mas maganda kong gawin, gawan ko pareho ng tula bawat titik. Halimbawa, sa titik A, may tula para sa Atis at sa punong Anilaw. Sa titik B ay Bayabas at Betis. Para may pambata (young) at may pangtigulang (adult) at pangmatanda (oldies). Para masaya, di ba?

Gayunman, yaon lang nakatala muna sa mga aklat na Philippine Native Trees ang aking gagawan ng tula. Kung wala sa talaan nito ay hindi ko gagawan ng tula. Kung magawan ko man ng tula ang wala sa aklat ay hindi ko isasama sa proyektong ito, kundi dagdag-koleksyon sa iba pang tula.

Sa ngayon, sisimulan ko na munang basahin ang PNT 202. Maraming salamat sa pagtitiwala na napunta sa akin ang ganitong mahalagang proyekto.