Lunes, Abril 11, 2022

Panayam hinggil sa pagsasalin

PANAYAM HINGGIL SA PAGSASALIN

Pito silang mag-aaral ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) sa kursong Hospitality Management na nag-aaral hinggil sa Tourism ang aking nakasalamuha kaninang umaga, Abril 11, 2022. Layunin nilang kapanayamin ako hinggil sa gawaing pagsasalin o pag-translate ng English tungo sa wikang Filipino. 

Nagkita kami sa harapan ng PLM sa ganap na ikasampu ng umaga, at naghanap ng lugar kung saan kami magkakausap. Nais nilang sa isang kainan upang may mga upuan, hanggang makita namin ang isang plasa na may mga upuan, sa Memorare - Manila 1945, sa loob pa rin ng Intramuros. Sabi ko'y kabisado ko ang Intramuros dahil sa lugar na iyon ako nag-high school.

Isang tula ni Robert Frost ang may tatlong magkakaibang salin ang kanilang ipinabasa sa akin upang magbigay ako ng komento. Ang tula ay The Road Not Taken. Pinakita ko naman sa kanila ang sarili kong salin ng The Road Not Taken, pati ang pagkasalin ko ng ilang tula ng mga makatang sina Shakespeare, Petrarch, Poe, Marx, Nick Joaquin, Pablo Neruda, at iba pa. Subalit mas tumutok ang talakayan hinggil sa tatlong magkakaibang salin ng tula ni Robert Frost.

Maganda ang naging talakayan. Marami silang tanong na sinagot ko naman. Pinuna ko rin ang ilang maling pagkakasalin ng tula, tulad ng "both" na sa isang salin ay "isa", hindi kapwa o pareho. Nagbigay rin ako ng ilang payo sa gawaing pagsasalin, tulad ng kung tula iyon, basahing maigi dahil minsan ay literal tayong nagsasalin, subalit dapat unawain natin na magkakaiba tayo ng lengguwahe, ang wikang Ingles at Filipino. Naitanong din nila kung paano natin matitiyak na tama ang salin ng Ingles mula sa wikang Italyano, tulad ng salin ng tula ng Italyanong makatang si Petrarch sa Ingles na isinalin ko sa wikang Filipino. Kumbaga, ako ang pangatlong salin, subalit hindi mula sa orihinal na wikang Italyano kundi mula na sa salin din sa Ingles.

Itinuro ko rin sa kanila ang tugma't sukat sa wikang Filipino, kaya ang pagkakasalin ko ng The Road Not Taken ay tiniyak kong labing-anim na pantig bawat taludtod. Iyon ang hindi raw nila napansin, ang tugma't sukat, dahil marahil hindi pa naman nila napag-aralan iyon. Natutunan ko nga lang iyon sa isang espesyal na kurso labas sa eskwelahan, sa poetry clinic ni Rio Alma, sa LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo). Kaya ibinahagi ko ang ilang kaalaman sa pagsusulat ng may tugma't sukat at pagsasalin na ginagamit din ang tugma't sukat.

Sa ganang akin naman, personal kong pagninilay, muling nabuhay ang interes ko sa pagsasalin, at ang mga nabinbin kong proyektong salin ay nais kong ipagpatuloy. At mismong ako'y nakita kong dapat kong rebyuhin ang aking mga isinalin, dahil may nakita rin akong tingin ko'y maling salin, tulad ng wood, na di lang kahoy, kundi kakahuyan o kagubatan, depende sa iyong pagkaunawa sa mismong taludtod, o sa tula. 

Nakita rin nila ang sticker ni Ka Leody de Guzman na nakakabit sa aking folder ng mga tula, kaya sinabi nilang kilala nila si Ka Leody, kaya binigyan ko sila ng sticker nina Ka Leody at Atty. Luke Espiritu. Kilala rin daw nila si Atty. Luke, kaya nagpakuha rin kami ng picture sa tarp ni Ka Leody habang tangan naman nila ang sticker na Atty. Luke Espiritu.

Bago kami umalis ay ibinigay ko sa kanila ang kopya ng salin ko ng Invictus ni Hensley, salin ko ng limang haiku ng Japanese poet na si Matsuo Basho, at iba pa. At naghiwa-hiwalay na kami sa tapat ng aking alma mater, habang patungo naman sila sa isa pang taong nais din nilang kapanayamin, na nasa Sampaloc, Maynila.

Taospusong pasasalamat kina Aivee Jen, Elijah Christopher, Rea Jean, Camille, Sarah, Matthew James, at JM. Nawa'y makapasa kayo sa inyong kurso, maka-graduate with honors at maging ganap na manggagawa sa turismo. Dahil dito ay naigawa ko sila ng munting tula.

PASASALAMAT

sa inyo ako'y taospusong nagpapasalamat
kayong mga estudyante'y nakadaupangpalad
dahil napili ninyong imbitahan akong sukat
upang aral sa pagsasalin, aking mailahad

ang talakayan natin ay malusog at maganda
bagamat halos isang oras lang iyon kanina
kaysarap ng pagtatalakay sa inyo talaga
tila ako'y talagang guro, at guro ng masa

kayo'y inspirasyon upang ituloy ang gawain
ng pagsasalin ng pampanitikang babasahin
nawa nakapagbigay ako ng payo't gabay din
upang makapasa kayo sa kurso n'yo't aralin

at muli, ako'y nagpapasalamat ngang totoo
kung may tanong sa pagsalin o tula, handa ako
sinumang estudyante ang makatalakayan ko
ay buong puso kong sasagutin ang mga ito

- gregoriovbituinjr.
04.11.2022

Martes, Marso 29, 2022

Rali para sa P750 minimum wage

RALI PARA SA P750 MINIMUM WAGE
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa ako sa sumali sa rali ng mga manggagawa upang madagdagan ang sahod ng bawat manggagawa bawat araw, hindi lamang dito sa Pambansang Punong Rehiyon o NCR, kundi sa buong bansa. Sa ngayon kasi, iba-iba ang sahod ng manggagawa sa rehiyon. Kausap ko ang isang kasama at ipinaliwanag niya sa mga nagraraling tulad ko bakit nga ba pitumpu't limang daang piso ang dapat maging sahod ng manggagawa. Minimum wage pa lang daw iyon, hindi pa iyon living wage o nakabubuhay na sahod? Ha? Sabi ko. Magkaiba pa pala iyon...

Sabi ng kasama, "Minimum na sweldong P750 sa buong bansa para sa ating kapwa obrero! Di gaya ngayon, umiiral pa ang Regional Wage Board kaya iba ang sahod ng manggagawa sa probinsya. Sa N.C.R. nga, P537 na, habang P300 lang doon sa Cordillera. P420 sa Gitnang Luzon at P400 naman sa CALABARZON. Sa MIMAROPA, P320. Sa Bicol, P310!"

Patuloy niya: "Mas mataas sa BARMM kaysa Bicol ng kinse pesos. Parang Eastern Visayas, three hundred twenty five pesos. Sa Western Visayas ay three hundred ninety five pesos. Sa rehiyon ng Davao, three hundred ninety six pesos. Gayong halos pare-pareho ang presyo ng bigas sa lahat ng rehiyon, kahit presyo ng sardinas. Bakit sweldo'y magkaiba pa, dapat iparehas. Ganito ang nais natin, isang lipunang patas."

Napaisip ako, "Ibig sabihin, dapat buwagin ang Regional Wage Board." At sagot ng kasama, "Kung iyan ang nararapat, dahil matagal nang instrumento iyan ng kapitalista upang pagsamantahan ang mga manggagawa. At mula sa rali, kami'y umuwing dala ang adhikaing ipanalo ang P750 minimum wage across the board. 

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Marso 16-31, 2022, pahina 16.

Linggo, Marso 27, 2022

Libingan at kapak

LIBINGAN AT KAPAK

Talinghaga nina Gat Emilio Jacinto at Huseng Batute animo'y pinagtiyap. Ayon sa bayaning Jacinto sa ikatlong paksa ng kanyang akdang Liwanag at Dilim:

"Tayo'y huwag mainaman sa balat pagkat di kinakain at karaniwang magkalaman ng masaklap. Ang mga libingang marmol ay maputi't makintab sa labas; sa loob, uod at kabulukan."

Ayon naman sa makatang Jose Corazon de Jesus, na kilala ring Huseng Batute, sa ikalawang saknong ng kanyang tulang pinamagatang "Pagtatanghal" sa aklat na Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula, pahina 82:

"Ano ang halaga ng ganda ng malas,
di gaya ng tago sa pagkakatanyag,
huwag mong tularan yaong isdang kapak, 
makisap ang labas, sa loob ay burak."

Anong tindi ng pagkakawangki ng kanilang talinghaga, kaya ako'y napaisip, at sa tuwa'y napagawa ng tula:

dalawa kong iniidolo
talinghaga'y halos pareho
bayaning Emilio Jacinto
at makatang Batute ito

sa labas, bagay na maganda
ay hinahangaan tuwina
ngunit huwag tayong padala
pagkat loob ay bulok pala

anong tindi ng pagmamasid
pagsusuri'y kanilang batid
pamanang sa atin ay hatid
upang sa dilim di mabulid

mga gintong palaisipan
para sa ating kababayan
nagmula sa kaibuturan
ng kanilang puso't isipan

taospusong pasasalamat
sa nabanggit na mga aklat
na kung iyong mabubulatlat
may gintong diwang masasalat

- gregoriovbituinjr.
03.27.2022

Biyernes, Marso 25, 2022

Pagsasalin ng haiku

PAGSASALIN NG HAIKU

Nakabili ako ng libro ng haiku ng makatang Hapones na si Matsuo Basho noong Abril 13, 2019 sa halagang P80.00. Nilathala ito ng Penguin Classics. Naitago ko ang librong ito at nakita muli. Binasa ko ang ilan niyang haiku na pawang salin na sa Ingles. 

Sinubukan kong isalin sa wikang Filipino ang lima niyang haiku sa paraan ding iyon na pantigang 5-7-5. Pinili ko lang ang isinalin dahil ang iba'y hindi kayang ipasok sa 5-7-5 dahil sa mahahabang salita natin. Na marahil sa wikang Hapones,  maraming salitang iisa ang pantig na pasok na pasok sa kanilang haiku.

p. 28
Whiter than stones (Ang Batong Bundok)
of Stone Mountain - (maputi pa sa bato -)
autumn wind. (hanging taglagas.)

p. 31
Where cuckoo (Nang ibong kuku)
vanishes - (ay tuluyang naglaho -)
an island. (ang isang pulo.)

p. 38
Violets - (Ang mga lila -)
how precious on (kayhalaga sa landas)
a mountain path. (ng kabundukan.)

p. 47
Come, see real (Halika, tingni)
flowers (ang bulaklak sa mundong)
of this painful world. (napakasakit.)

p. 49
Crow's (Ang iniwanang)
abandoned nest, (pugad ng isang uwak,)
a plum tree. (puno ng duhat.)

Isa siyang inspirasyon. Pawang mula sa kalikasan ang kanyang mga haiku. Dahil dito, kumatha rin ako ng una kong limang haiku.

1
Langay-langayan
pagkatuka'y lilipad,
parang tulisan!

2
Ang mga langgam
ay sadyang kaysisipag,
mumo na'y tangay!

3
Daga sa bahay,
takbuhan ng takbuhan,
kisame'y luray.

4
Sa tinding usok,
napuksa ba ng katol
ang laksang lamok?

5
Pusa'y humibik,
nang mabigyan ng tinik
agad humilik.

- gregoriovbituinjr.
03.25.2022

Martes, Marso 22, 2022

A Walk for Ka Leody...

A WALK FOR KA LEODY,
WALDEN, AND THEIR LINE UP
IS A WALK FOR CLIMATE JUSTICE

4.22.2022 (Earth Day)
7am-12nn
from Bonifacio Monument in Caloocan
to Bantayog ng mga Bayani in QC
to People Power Monument in Mandaluyong

with Poetry Reading of Tagalog poems

Concept:

This activity is a walk and awareness campaign which will be held on Earth Day, 4.22.2022, for our candidates less than three weeks before the May election.

Presidential candidate Ka Leody de Guzman joined us during our Climate Walk from Luneta to Tacloban in 2014, a year after supertyphoon Haiyan, popularly known as Yolanda, landed in the Philippines that killed more than 5,000 people. Ka Leody also spoke about climate emergency and also calls for climate justice.

Vice Presidential candidate Walden Bello is an internationally known activist who has written many topics on economy and ecology.

Candidates for Senator Atty. Luke Espiritu and the two known environmentalist Roy Cabonegro and David D'Angelo is also knowledgeable and actively campaining in this respect and can clearly explain their call for climate justice to the masses.

Ka Lidy Nacpil, an internationally known activist fighting for several decades now for Climate Justice, is the second nominee of PLM Partylist.

Let's join us in this Walk for Climate Justice on Earth Day, because "A Walk for Ka Leody, Walden, and their line up is a WALK FOR CLIMATE JUSTICE!"

Mechanics ng nasabing Alay-Hakbang para sa Klima:

Ang paglalakad ay sisimulan ng mga volunteer, na maaaring lima hanggang sampung katao. May hawak na malaking banner na nakasulat ang: "A Walk for Ka Leody, Walden, and their line up is a WALK FOR CLIMATE JUSTICE”. 

Upang hindi masyadong hingalin ang mga maglalakad o sasama sa Alay-Hakbang para sa Klima, maaaring may magsimula lamang mula Bonifacio monument hanggang Balintawak market, at papalitan na sila ng isa pang set ng maglalakad.

Istasyon ng paglalakad:

(1) Magsisimula ang paglalakad mula sa Monumento ni Gat Andres Bonifacio sa Lungsod ng Caloocan hanggang Balintawak market. Pahinga ng sampung minuto.

(2) Paglalakad mula Balintawak market hanggang SM North. Pahinga ng sampung minuto.

(3) Paglalakad mula SM North hanggang Bantayog ng mga Bayani. Pahinga ng sampung minuto.

(4) Paglalakad mula Bantayog ng mga Bayani hanggang Farmers, Cubao. Pahinga ng sampung minuto.

(5) Paglalakad mula Farmers, Cubao hanggang People Power Monument.

Magkakaroon ng munting programa sa People Power Monument. Kasabay nito’y ang Tulaan sa Earth Day, kung saan ang mga tula ay batay sa facebook page na 60 Green Poems for April 22 and for our Green Candidates. 

Nawa’y mahilingan nating magsalita sa aktibidad na ito ang ating mga kandidatong sina Ka Leody de Guzman, Ka Walden Bello, Atty. Luke Espiritu, at syempre ang dalawa nating environmental senatoriables na sina Roy Cabonegro at David D’Angelo.

Bukod sa tulaan sa nasabing paglalakad, ang gabi ng April 22 ay inilaan natin para sa TULAAN o poetry reading sa BMP-KPML office sa Lungsod ng Pasig. 

Hiling po namin ang inyong suporta sa gawaing ito. Mabuhay kayo!

Greg Bituin Jr.
participant, Climate Walk from Luneta to Tacloban (October 2, 2014 - November 8, 2014)
participant, French leg of the People's Pilgrimage from Rome to Paris (November 7, 2015 - December 14, 2015)

Huwebes, Marso 17, 2022

Tulaan sa Marso 21

Ilang araw na lang, World Poetry Day na! May tulaan sa darating na Marso 21, 2022.

Nais mo bang magbasa ng tula, o makibahagi sa pagdiriwang ng World Poetry Day? Tara, sa BMP opis sa Pasig, sa 03.21.2022, sa ikaapat ng hapon hanggang ikawalo ng gabi. Ibidyo natin ang iyong pagtula.

Babasahin ang mga tulang nalathala na sa FB page na 101 Red Poetry for Ka Leody and Walden, at sa kanilang line up. O kung may ambag kang tula na nais mong basahin.

Maghahanda po kami ng puto, kutsinta't malamig na tubig lang po para sa ating poetry reading. Kita-kits!

TULAAN SA MARSO 21

tara't magtulaan tayo
ngayong Marso Bente-Uno
Araw ng Pagtula ito
World Poetry Day sa mundo

tara, bumigkas ng tula
hinggil sa obrero't dukha
hinggil sa danas na sigwa
hinggil sa mga makata

mga paksang samutsari
mutyang may magandang ngiti
at may mapupulang labi
paglutas sa isyu't sanhi

araw na ito'y tandaan
sabay nating ipagdiwang
dito, tayo'y magbigkasan
ng kinatha natin naman

- gregoriovbituinjr.
03.17.2022

Lunes, Marso 14, 2022

Kwento: Saan Patungo ang Maralita?


SAAN PATUNGO ANG MARALITA?
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Saan nga ba nanggaling ang mga maralita? Bakit nga ba kayraming mga maralita? Ayon sa PAMALU o Panimulang Aralin ng Maralitang Lungsod, ang mga maralitang lungsod ay nagsulputang kabute matapos ang Ikalawang Daigdigang Digmaan (hindi Ikalawang Digmaang Pandaigdig, na nakasanayang gamitin ngunit maling salin ng World War Two). Mula sila sa mga malalayong lalawigan na sinira ng digmaan. 

Tinawag silang maralitang lungsod dahil sila’y mahihirap na pamilyang napunta sa marangyang lungsod. Sila ang mga mahihirap na walang kakayanang mabili ang pangunahing pangangailangan, kung hindi man sapat, kulang o gipit sa salapi o sinasahod, o kita mula sa diskarte upang maipanggastos at mabili ang mga kailangan, pangunahin na ang pagkain at gamot.  Sila’y mga maralitang walang pag-aaring lupa kaya nakikitirik sa lupa ng pamahalaan o sa pribado.

Mas marami akong nalaman sa laban ng maralita nang ma-deploy ako bilang staff sa pambansang samahan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) noong 2001 na nakikibaka na ang lider nitong si Ka Roger Borromeo o KR, at nakikinig ako sa kanyang mga sinasabi hinggil sa buhay, karanasan at kasaysayan ng mga maralita.

Ayon sa kanya, maraming nagugutom, at maraming maralitang ang mga bahay ay dinedemolis. 1997 nang pormal ko siyang makadaupang palad sa laban ng mga maralitang taga-North Triangle, na kinatatayuan ng TriNoMa ngayon. Bagamat una ko siyang nakita sa basketball ball court ng Estella Maris College sa ikalawang Kongreso ng KPML noong Nobyembre 27, 1994 kung saan lider-kabataan pa ako noon bilang Basic Masses Integration (BMI) officer ng KAMALAYAN (Kalipunan ng Malayang Kabataan). Napunta ako bilang staff ng Sanlakas noong ikalawang Kongreso nito noong Agosto 1996. 

Hulyo 1997 ay muli kong nakadaupang palad si KR sa matinding labanan sa Sitio Mendez sa Lungsod Quezon, kung saan nademolis ang mga bahay at napalayas ang mga maralita sa kanilang mga tahanan. Hanggang sila’y magkampo sa Quezon City Hall. Matapos ang isang buwan ay nakabalik ang mga maralita sa Sitio Mendez at nagmartsa sila sa tinaguriang Martsa ng Tagumpay noong kalagitnaan ng Agosto 1997. Iyon ay sa tulong ng KPML, Sanlakas, at iba pang samahan ng maralita, pati na ni QC Mayor Ismael Mathay na siyang naging daan upang makabalik sa kinatitirikan ng kanilang lupain ang mga maralita.

Subalit saan nga ba patungo ang mga maralita? Mula 2001 hanggang 2008 ay naging staff ako ng KPML. Matapos ay napunta ako sa Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) bilang staff. Nang mahalal akong sekretaryo heneral ng KPML sa ikalimang pambansang kongreso nito noong Setyembre 2018 ay pormal akong nakabalik sa KPML at patuloy na naglilingkod sa maralita.

Ang pagiging maralita o mahirap ay isang matinding suliraning kinakaharap natin sa kasalukuyan. Bagamat nakakasabay ang bansa sa pag-unlad ng teknolohiya, ang mga maralita ay nakakasabay din, lalo na’t may mga selpon din silang gamit. Ito ay naging mahalagang gamit upang makontak at makausap ang mga mahal sa buhay. Gayunpaman, marami pa rin ang nagugutom, hindi sapat na nakakakain, mababa ang sahod, ang iba’y walang trabaho. Samutsari talaga ang dahilan ng kahirapan.

Ano ang dapat nating gawin? Marahil, bukod sa isa-isang maghanap ng pagkakakitaan o trabaho, dapat kolektibong kumilos ang maralita na hingin sa pamahalaan na mabigyan sila ng trabaho. 

Bagamat naniniwala naman tayong huwag iasa sa pamahalaan ang lahat, subalit dapat tayong mag-organisa upang palitan ang sistema ng lipunang wala namang pakialam sa ating abang kalagayan. 

Kumilos tayo tungo sa isang lipunang makatao, na walang pagsasamantala ng tao sa tao dulot ng hayok sa tubong sistemang kapitalismo. Sa bagong sistemang iniisip natin, hindi indibidwalismo ang iiral kundi kolektibismo. Pag-aaralin natin ang lahat ng walang itinatangi kung mahirap man siya o mayaman. Gayundin naman, matuto tayong gamitin ng tama kung ano ang bigay ng kalikasan at huwag sirain ito. Ang mga magsasakang gumagawa ng pagkain ay hindi dapat naghihirap. Ang mga masisipag na manggagawa ay hindi dapat kontraktwal bagkus gawing regular sa trabaho. Tanggalin ang mga linta na manpower agencies na wala namang ambag sa produksyon. 

Kung maitatayo natin ng wasto at ganap ang lipunang makataong pangarap natin, baka wala nang tawaging maralita, kundi tatawagin silang kapwa. At ang lahat ay nagpapakatao at nakikipagkapwa.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Marso 1-15, 2022, pahina 15-16.