Miyerkules, Agosto 17, 2022

Kwento: Limitahan ang ekta-ektaryang pag-aari


LIMITAHAN ANG EKTA-EKTARYANG PAG-AARI
Maikling kwento ni Greg Bituin Jr.

May isang mayamang di man niya sabihin ay nagiging gipit ang mga mahihirap. Nakabili at napatituluhan niya ang nasa limang libong ektaryang lupa dahil na rin sa kayamanan niya at sa koneksyon niya sa pamahalaan. Magaling siyang mangangalakal. Tuso at magaling magmaniobra basta pagdating sa salapi.

Tila baga dinidiyos niya ang pera. Kaya pati ang relasyon niya sa kanyang kapwa ay nadungisan dahil sa ugali niyang pangmamata sa hindi niya kauri. Ligal naman daw niyang pinatituluhan ang kanyang lupain sa isang malayong lalawigan, at natamaan doon ang mga lupaing katutubo at mga sakahan. Kaya ang mga magsasakang dating may sinasakang lupa nang libre, ngayon ay nangangamuhan na sa kanya. Ang mga katutubo naman ay itinataboy sa kanilang lupang ninuno.

"Anong nangyari?" Sabi ng isang guro na anak ng isang magsasaka roon.

"May titulo kasi siya ng lupa na patunay na nabili niya ang lupaing iyon na nakapangalan na sa kanya," Sabi naman ng isang taga-pamahalaan, "kaya wala na tayong magagawa sa kanyang paghahari-harian sa kanyang lupain. Kanya iyon, e. Nakapangalan na sa kanya."

Patuloy pa ring bumibili ng ibang lupain ang nasabing mayaman. Tila ba hindi na nakuntento sa kinikita ng kanyang lupain. Nais pang sagpangin ang iba pang lupang kinatitirikan ng tahanan ng mga karaniwang tao. Nais niyang patayuan ng mga industriya, di pa upang magkatrabaho ang mga tao, kundi para ipagyabang ang dami ng kanyang ari-arian. Nang sa gayon ay igalang siya ng iba.

Naalala ko tuloy ang nakasulat sa Liwanag at Dilim ng bayaning si Gat Emilio Jacinto. Ang sabi roon: “Nagdaraan ang isang karwaheng maningning na hinihila ng kabayong matulin. Tayo’y magpupugay at ang isasaloob ay mahal na tao ang nakalulan. Datapwa't marahil naman ay isang magnanakaw; marahil sa ilalim ng kanyang ipinatatanghal na kamahalan at mga hiyas na tinataglay ay natatago ang isang pusong sukaban.”

“Nagdaraan ang isang maralita na nagkakanghihirap sa pinapasan? Tayo’y mapapangiti at isasaloob: Saan kaya ninakaw? Datapwa’t maliwanag nating nakikita sa pawis ng kanyang noo at sa hapo ng kanyang katawan na siya’y nabubuhay sa sipag at kapagalang tunay.”

“Ekta-ektarya na ang kanyang lupain. Hindi naman niya kailangan iyon. Tumatanda na siya. Aanhin naman niya iyon. Ang mga anak naman niya ay may sariling pamilya na at malayo sa kanya,” ayon sa magsasakang si Mang Igme, “Matagal na kaming nakatira sa lupaing ito, sapul pagkabata ay naririto na kami. Nagisnan na rin ng aking mga ninuno. At ngayon, nawala lahat ng karapatang iyon dahil lang nabili ng taong iyon at ipinangalan sa kanya ang lupang mula pa sa aming mga ninuno.”

Ganyan din ang sinasabi ng mga katutubo sa lugar. Kanila ang lupa. Naalala pa nila ang sinabi minsan ng bayaning pangat na si Macli-ing Dulag, “Bakit ninyo aangkinin ang lupang mas matagal pa sa inyo?”

Sa isang pagpupulong ng mga magsasaka, katutubo at maralitang naninirahan sa pook na iyon, napag-usapan nila ang kanilang kalagayan.

Nagmungkahi si Mang Kulas, isang lider-maralita, “Dapat tayong magmungkahi sa pamahalaan. Gawing batas na dapat limitahan ang pag-aari ng isang tao o korporasyon, upang huwag magalaw ang mga lupang ninuno, mga bukirin, at mga tahanan natin. Dapat hanggang isang libong ektarya lang ang pag-aaring lupa ng isang tao. Iyan ang mungkahi ko.”

“Dapat limang daang ektarya lang,” sabad naman ni Aling Tikay.

“Hanggang sandaang ektarya lang, masyado na sila,” ani Mang Hulo.

“Subalit paano natin sisimulan?” tanong ni Mang Ogor, “Dapat nang maisulat iyan at mapadala sa pamahalaan. May kakampi ba tayo sa Sangguniang Bayan, sa Kongreso, sa Senado? Dapat talaga limitahan ang pagmamay-ari ng isang indibidwal o korporasyon upang hindi nila magalaw ang ating mga lupang kinatitirikan ng ating bahay at mga kabuhayan. Sang-ayon ba kayo, mga kababayan.”

Ayon kay Tune, “May kakampi tayo sa Sangguniang Bayan. Tingin ko, pag lumakas ang ating pagkakaisa ay maipapanalo ang ating kahilingan.”

Dahil doon, nagkaisa silang magbuo ng isang drafting committee na magsusulat ng ihahaing petisyon o batas, nagkaisa silang planuhin na ang mga susunod na gagawin, sinong kakausapin, at ilulunsad nilang pagkilos.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Agosto 16-31, 2022, p. 18-19.

Linggo, Agosto 14, 2022

Mga Kwento nina Placido Parcero Jr. at Benjamin Pascual

MGA KWENTO NINA PLACIDO PARCERO JR. AT BENJAMIN PASCUAL
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Magkasabay kong binili ang dalawang aklat ng kwento nang minsang mapagawi ako sa Solidaridad Bookshop sa Ermita sa Maynila. Pebrero 11, 2022, nang makita ko ang kalipunan ng mga tula nina Placido Parcero Jr. at Benjamin Pascual. 

Dumaan kasi ako sa bahay nina Ka Tek, ang bise-presidente ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), kung saan halal akong sekretaryo heneral, sa bandang San Andres. Kaya napagpasyahan kong dumako muna sa Solidaridad Bookshop bago umuwi upang malaman kung ano ba ang mayroong bagong aklat pampanitikan doon. Hanggang makita ko ang "Alyas Juan Dela Cruz at Iba Pang Kwento" ni Placido R. Parcero Jr., na nagkakahalaga ng P230.00, na nasa 184 pahina ang mismong mga kwento, maliban pa sa 36 pahinang nasa Roman numeral. Katabi lang ng aklat na iyon ang "Landas sa Bahaghari at Iba Pang Kwento" ni Benjamin P. Pascual, na nagkakahalaga naman ng P245.00, at umaabot ng 215 pahina ang mismong teksto ng mga kwento, habang nasa 19 pahina ang naka-Roman numeral.

Buti na lang at may salapi ako nang mga panahong iyon. Kaya nabili ko ang dalawang aklat, P475.00, kaya may 25.00 pang sukli para pamasahe sa buong P500.00.

Ang dalawang aklat ay kapwa inilathala ng Ateneo de Manila University Press, at parehong 5" x 7" ang sukat ng aklat. Taon 2003 nalathala ang kay Pascual habang taon 2007 naman ang aklat ni Parcero. May labimpitong kwento si Parcero sa kanyang aklat, habang may dalawampu't isang kwento naman si Pascual. Sino ba ang mga manunulat na ito?

Ito ang nakasulat sa kani-kanilang aklat: 

"Si Placido R. Parcero Jr. ay isinilang sa Imus, Cavite. Nagtapos siya ng B.S. in Civil Engineering sa Mapua Institute of Technology noong 1962, at nagtrabaho bilang inhinyero bago nagbuhos ng panahon sa pagsusulat. Nalathala sa mga magasing popular ang kaniyang mga kwento. Nakasulat na rin siya ng apat na makapal na nobela, at isinerye sa Liwayway. Nagwagi siya ng unang gantimpala sa timpalak Palanca noong 2000, at ikatlong gantimpala sa timpalak sa maikling kwento ng Liwayway noong 1969.

"Unang nakilala bilang matinik na kwentista si Benjamin P. Pascual bago sineryoso ang pagiging nobelista. Nagsimula siyang sumulat noong dekada 1950, sumubok mag-ambag sa komiks, hanggang hiranging maging staffer ng Liwayway. Nagwagi sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature ang kanyang mga kwentong "Landas sa Bahaghari" (1965) at "Di Ko Masilip ang Langit" (1981). Nagtamo naman ng grand prize sa Cultural Center of the Philippines ang nobelang Utos ng Hari noong 1975. Makalipas ang ilang dekadang dibdibang pagsusulat ni Pascual, kinilala nhg Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) noong 1994 ang natatanging ambag niya sa pagsusulat ng maikling kwento, dula, at nobela. Yumao siya noong 11 Disyembre 2002.

Wow! May "apat na makapal na nobela" pala si Parcero, na "isinerye sa Liwayway". Naisaaklat kaya ang mga nobela niyang iyon? Hindi ko pa iyon nakikita. Si Benjamin Pascual ang may mga nobela pang makikita sa mga tindahan ng aklat.

Magugustuhan mo naman ang kwentong "Di Ko Masilip ang Langit" ni Pascual, na nanalo ng Palanca. Isang manggagawa sa konstruksyon ang pangunahing tauhan dito. Ang kanyang kwento, sila ang gumawa ng ospital na iyon. Sila ang mga manggagawang naghukay sa lupa, naglagay ng pundasyon, nagsemento, naglagay ng mga tiles, hanggang ilang palapag na gusali, hanggang mayari talaga ang ospital na iyon. Hanggang isang araw, ipinasok niya ang manganganak niyang misis sa ospital na iyon. Hindi sila pinapasok dahil wala silang pambayad o deposit. Ang nangyari, nakunan ang kanyang misis, nalaglag ang ulo ng bata sa semento, patay.

Nakakakonsensya na kung sino pa ang gumawa ng ospital na iyon, silang mga manggagawa, ang hindi nakinabang sa benepisyong dapat ibigay ng ospital. Halos mabaliw ang pangunahing tauhan sa pagkukwento niya ng buong pangyayari.

Ang kwentong "Ang Manggagawa" naman ni Parcero ay pagkukwentuhan naman ng ilang manggagawa sa konstruksyon hinggil sa kani-kanilang buhay habang nag-iinuman matapos ang maghapong pagtatrabaho. Nahulog pa si Piryo mula sa mataas na andamyo, subalit tuloy pa rin ang trabaho. Kwento ng porman, sa dami ng kanyang nakasama sa trabaho, iilan lang ang umangat sa buhay.

Magaganda rin ang mga pamagat ng kwento. Halimbawa na lang sa mga kwento ni Parcero: "May Nakahimlay na Pangarap sa Pasong Santol," "Isang Boteng Hinyebra at Isang Pangarap," "Mga Pusong Bato," "Namamasko ang mga Gunita," at "Saan Patungo ang Kariton ni Coring." Ito naman ang kay Pascual: "Kwento ng Dalawang Pangit," "Paalam kay Kaibigang Bote," "Ang Pusa Mo at ang Puso Ko," "Chedeng," at "May Buwan sa Pamarawan."

Pawang hinggil sa buhay ng karaniwang tao ang mga ikinukwento ng dalawang magagaling na manunulat na ito, tungkol sa buhay sa konstruksyon, buhay-maralita, at karaniwang mga pangyayari sa araw-araw. Ang kanilang mga kwento ay masasabing bulawan o gintong panitikan ng kanilang panahon. Doon ay mahahango natin ang mga pangyayari sa kanilang panahon na maaari natin maiugnay sa ating panahon. Bakasakaling may maikintal sa ating aral o gabay, o marahil maiwan sa ating diwa ang pilat ng nakaraan. Halina't basahin natin ang mga handog sa ating kwento nina Parcero at Pascual. 

Agosto 14, 2022

Biyernes, Agosto 12, 2022

Kwento: Gawing anim na oras kada araw ang trabaho


GAWING ANIM NA ORAS KADA ARAW ANG TRABAHO
Maikling kwento ni Greg Bituin Jr.

Nagkita-kita sa nakatakdang pagpupulong ng kanilang samahan ang ilang lider-maralita. Tinalakay nila ang mga isyu ng kanilang sektor na dapat iparinig sa pamahalaan. Nariyan ang usapin ng pabahay na lagi nilang isinisigaw sa kalsada. Para raw iyon sa mga maralitang walang sariling tahanan. Nakikitira lang kundi man nananahan sa mga danger zones o mga mapanganib na pook tulad ng tabing riles, tabi ng ilog, malapit sa bangin, tambakan ng basura, sa bangketa, o sa gilid ng kalsada. 

Subalit natanong din nila sa isa’t isa bakit naman doon nakatira ang mga maralita - sa mga mapanganib na pook. Saan naman daw titira ang mga maralita? Sa mga paupahang bahay bang disente nga subalit kulang pa sa pagkain ng pamilya ang kinikita ng padre de pamilya? Wala rin silang regular na trabaho kundi dumidiskarte na lamang. Kung magkatrabaho naman, nabibiktima pa sila ng mga ilegal na rekruter, at ng salot at mapagsamantalang iskemang kontraktwalisasyon. Ang iba naman ay nangangamuhan, nagiging katulong sa mga bahay ng mga maykayang pamilya. Ang iba’y nag-aabang ng mga pagpag sa disoras ng gabi upang may maipakain sa pamilya. Ang iba’y nagtitinda ng mga kakanin, o kaya’y tuhog-tuhog na inilalako nila sa kalsada. Maswerte nang kumita ng kahit dalawang daang piso sa maghapon, pwera pa ang puhunan.

“Anong dapat nating gawin? Wala naman tayong maayos na hanapbuhay. Gasgas na sa pandinig ng pamahalaan ang laging isinisigaw nating abotkayang pabahay. Anong mga isyu ang dapat nating ikampanya upang hindi mabansagang hingi lang ng hingi tayong mga maralita?” ang tanong ng lider na si Ka Tuning.

Walang imikan. Mga ilang sandali pa ay nagsalita na si Pareng Dune. “Ang maganda yata, humingi tayo ng trabaho dahil wala tayong mga trabaho. Saka na natin hingin kung regular na trabaho iyon. Kung kontraktwal, may bago tayong isyung isisigaw – gawing regular ang mga manggagawang kontraktwal.”

“Tama. Subalit paano kung sabihin nilang walang bakante para sa atin. Pag-isipan natin ang mga isasagot, mga kasama. Maganda nang alam natin kung ano ang itutugon natin,” ani Kuya Berting.

“Mas magandang imungkahi natin sa pamahalaan na gawing anim na oras lang ang trabaho ng manggagawa, at ang natitirang dalawang oras ay ibigay sa maralita. Ganito iyon. Sa dalawampu’t apat na oras na trabaho ng manggagawa bawat araw sa pabrika, tatlong manggagawang tigwawalong oras ang salitan sa trabaho. May first shift, second shift at third shift sila. Kung gagawing anim na oras ang trabaho sa isang araw, aba’y apat na manggagawa na ang magtatrabaho. Madadagdag ang fourth shift. Ibig sabihin, may nadagdag na manggagawa." mahabang paliwanag ni Mang Tano. 

“Oo nga, ano?” ang sabi ng iba pang mga kasama.

Dagdag pa ni Mang Tano, “Sa ibang bansa nga, anim na oras na ang pagtatrabaho. Ipinaglaban talaga iyon ng mga manggagawa. Kahit ang walong oras na paggawa ay kinamatayan pa ng ilang manggagawa sa Haymarket Square sa Amerika nang magrali sila roon noong Mayo Uno ng 1886, at nakuha nila ang patakarang walong oras na paggawa mula sa labing-anim na oras na paggawa. Makasaysayan ang pakikibakang iyon!” 

“Sang-ayon ako sa panawagang iyan. Subalit tanggalin din ang age limit, upang kahit may edad na ay magkatrabaho,” ani Ka Tuning.

Nagtanong si Pareng Dune, “Paano natin uumpisahan. Mungkahi ko, dahil trabaho para sa mga maralitang walang trabaho ang kahilingan natin, magsagawa tayo ng pagkilos sa harap ng tanggapan ng Kagawaran ng Paggawa. Iyon bang DOLE. Ang alam ko, Employment ‘yung E. Sila yata ‘yung takbuhan ng mga nag-eempleyo para magkatrabaho.”

“Tama ka, Pareng Dune. Ano mga kasama, planuhin na natin at ikasa natin ang kampanyang ito. Sugurin natin ang DOLE at manawagan tayo ng trabaho para sa maralita. Kuha na ng manila paper at isulat na natin ang plano. Kailan natin ito gagawin?” Ani Ka Tuning.

Nagkaisa ang mga maralita at lumakas ang kanilang pag-asa na sila’y pakikinggan ng pamahalaan sa kanilang kahilingan.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Agosto 1-15, 2022, pahina 18-19.

Biyernes, Agosto 5, 2022

Mga dapat pang saliksiking akda ni Jacinto



MGA DAPAT PANG SALIKSIKING AKDA NI JACINTO
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa marker ng Bantayog ni Gat Emilio Jacinto sa Magdalena, Laguna ay ganito ang nasusulat:

EMILIO JACINTO
1875 - 1899

   REBOLUSYONARYO AT BAYANI. ISINILANG SA TONDO, MAYNILA, 15 DISYEMBRE 1875. NAG-ARAL SA KOLEHIYO NG SAN JUAN DE LETRAN AT UNIBERSIDAD NG STO. TOMAS. UMANIB SA KATIPUNAN NA MAY PANGALANG PANDIGMA NA PINGKIAN AT NAGING KALIHIM NG SAMAHAN, 1894. SUMULAT NG "KARTILYA," "KATIPUNAN NANG MGA A.N.B. - SA MAY NASANG MAKISANIB SA KATIPUNANG ITO." ISA SA MGA NAGTATAG NG "KALAYAAN," ANG PAHAYAGAN NG KATIPUNAN, 1896. KASAMANG SUMALAKAY SA SAN JUAN DEL MONTE UPANG KUBKUBIN ANG EL POLVORIN  BILANG PAGSISIMULA NG MALAWAKANG PAGHIHIMAGSIK LABAN SA MGA ESPANYOL, 30 AGOSTO 1896. HINIRANG NI BONIFACIO BILANG PUNONG HUKBO SA HILAGA. PINAMUNUAN ANG LABANAN SA MAIMPIS, MAGDALENA, LAGUNA KUNG SAAN MALUBHA SIYANG NASUGATAN, 27 PEBRERO 1898. MAY AKDA NG "GISING NA, MGA TAGALOG," (1895); "SA BAYANG TINUBUAN" (1896); "A LA PATRIA" (1897); "LIWANAG AT DILIM" AT IBA PA. YUMAO SA STA. CRUZ, LAGUNA, 16 ABRIL 1899.

Nabanggit sa nasabing marker ang mga akdang "Gising na, mga Tagalog," "Sa Bayang Tinubuan," "A La Patria", "Liwanag at Dilim", at iba pa. Mayroon na akong kopya ng "A La Patria" na tula niya sa Espanyol na isinalin ko sa wikang Filipino noong 2012, at ang "Liwanag at Dilim". Subalit wala pa ako ng kanyang mga akdang "Gising na, mga Tagalog" at "Sa Bayang Tinubuan" na nais kong masaliksik at balang araw ay maisama sa mga saliksik para sa parating na ika-150 kaarawan ni Jacinto sa 2025.

Sa pahina 24 naman ng aklat na "Buhay at Mga Sinulat ni Emilio Jacinto" na tinipon ni Jose P. Santos, anak ni Epifanio delos Santos, ay ito ang nakasulat:

"Sa mga tula niya sa kastila ay walang napahayag kundi ang A La Patria, na gaya ng binanggit ko na sa unang kabanata nito ay itinuturing ng lalong matatalinong manunuri natin na hindi alangan iagapay sa Huling Paalam ni Dr. Rizal. May tatlo o apat na mahuhusay na tula pa siyang sinulat sa wikang kastila, isa na riyan ang handog sa kanyang ina at pinamagatang "A Mi Madre."

Bukod sa A la Patria ay may "tatlo o apat na mahuhusay na tula pa siyang sinulat sa wikang kastila" na dapat pang masaliksik, at maisalin din sa wikang Filipino.

Inilathala ng Aklatang Obrero Publishing Collective ang ilan kong saliksik hinggil sa akda ni Jacinto noong 2008 sa tulong ng KAMALAYSAYAN. At muli itong inilathala noong Oktubre 2015, ilang araw bago ako pumalaot sa ibang bansa tungo sa isa na namang Climate Walk (Nobyembre 7, 2015 nang umalis sa bansa patungong Pransya). Dumating ako rito eksaktong araw ng ika-140 kaarawan ni Jacinto, Disyembre 15, 2015.

Ito ang nilalaman ng unang talata ng Paunang Salita na may petsang Oktubre 17, 2015 na sinulat ko para sa ikalawang paglathala ng nasabing aklat:

"Ngayong 2015, dalawang pangyayari ang isinaalang-alang ng inyong lingkod upang muling ilathala ang aklat na ito. Una, namayapa na ang manunulat at gurong si Ginoong Ed Aurelio C. Reyes (Mayo 10, 1953 – Hunyo 30, 2015), na siyang nagyaya akin sa gawaing kasaysayan. Siya ang pasimuno't isa sa tagapagtatag ng KAMALAYSAYAN (Kampanya para sa Kamalayan sa Kasaysayan bilang paghahanda sa Sentenaryo 1896, na sa kalaunan ay naging Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan). Unang nailimbag ang aklat na ito noong Disyembre 2008 sa tulong ni Ginoong Reyes. Ang muling paglathala nito'y bilang pag-alala sa kanya. Ikalawa, nalalapit na ang ika-140 kaarawan ni Gat Emilio Jacinto (Disyembre 15, 1875 - Abril 16, 1899). Ang aklat na ito'y bilang pagpupugay sa kanyang kadakilaan, ambag sa himagsikan at panitikan, at ang mga naiwan niyang aral ay magandang pundasyon sa pagpapakatao't pagtatatag ng bansa."

Bilang paghahanda naman sa ika-150 kaarawan ng bayaning Jacinto sa Disyembre 15, 2025, marami pang akda ni Jacinto ang dapat kong masaliksik mula sa mga nabanggit ko sa itaas. Ito'y ang "Gising na, mga Tagalog," "Sa Bayang Tinubuan", ang nasa wikang Espanyol na "A Mi Madre" at ang "tatlo o apat pang tula sa wikang kastila" na nais ko ring isalin sa wikang Filipino. Mga akdang marapat masaliksik at maipabasa sa mga susunod na salinlahi. Mga akda niyang hindi ko pa nakikita upang mabasa, maisalin sa sariling wika, at mailathala.

Biyernes, Hulyo 29, 2022

Kwento: Agam-agam sa nakaambang historical distortion


AGAM-AGAM SA NAKAAMBANG HISTORICAL DISTORTION
Maiking kwento ni Greg Bituin Jr.

Nakikinig ako sa usapan at pala-palagay ng marami hinggil sa nakaambang pagbabago sa kasaysayan. Ibig sabihin, pagbibigay ng bagong hugis sa kasaysayan upang pabanguhin ang mabantot na imahe ng namayapang diktador sa mata ng taumbayan, lalo na sa mga GenZ (edad 15-24) at mga talubata (edad 25-35) o yaong tinatawag na millennial (edad 25-39).

Sabi ng isang kakilala, “Hindi na naniniwala ang mga kabataan ngayon sa kung ano ang tunay na nangyari noong martial law. Mas pinaniniwalaan na ng mga kabataan ang history bilang tsismis tulad ng pananaw ng isang Ella Cruz na nag-viral sa socmed.”

Tugon ko naman, “Oo nga, eh.“ At napailing na lang ako.

Sabi pa ng isa, “Iyan na nga ba ang napala natin sa pagtanggap ng mga namuno sa atin sa neoliberalismo. Yaon bang matapos ang Unang Pag-aalsang Edsa, niyakap na ng ating pamahalaan ang globalisasyon. Pumasok tayo sa World Trade Organization (WTO), na siyang pagpalaot natin sa tatlong panganib ng deregulasyon, liberalisasyon at pribatisasyon. Aba’y wala na ngang kontrol ang pamahalaan sa presyo ng pandaigdigang petrolyo, dahil diyan sa Oil Deregulation Law. Dapat nang ibasura ang batas na iyan!”

“Oo nga,” sabi naman ng isang lider ng unyon, “Hindi makontrol ang presyo ng langis subalit kinokontrol ng pamahalaan ang presyo ng lakas-paggawa ng mga manggagawa dahil naman sa pag-iral ng mga Regional Wage Boards, kaya iba-iba ang pasahod sa bawat rehiyon. Kaya rin hindi maregular ang mga manggagawa ay dahil sa mga parasite na manpower agencies na dapat lang buwagin.”

Ika naman ng isa pa, “Wala namang ipinangako ang Edsa sa taumbayan, maliban sa mapatalsik lang ang pamilya ng diktador. Bakit? May nangako bang giginhawa ang buhay natin pag pinatalsik na ang diktador. Hindi ba, wala? Ispontanyong pagkilos iyon ng taumbayan na nagkaisa upang tapusin na ang kanilang pagdurusa sa ilalim ng martial law. Subalit walang nangako ng langit.”

Patuloy lang akong nakikinig sa kanilang usapan. Hanggang mabanggit ko kung ano ba ang dapat nating gawin sa napipintong pagbabago ng ating kasaysayan. Historical revisionism man ito o historical distortion. Natigilan kami ng ilang sandali. Paano nga ba sasagutin ang ganitong tanong, lalo na’t nauukol sa kasaysayan?

Maya-maya ay nagsalita ang isang may katandaan nang lalaki, na noong kabataan niya’y nakasama sa Unang Sigwa. Anya, “Hindi natin dapat payagang basta na lamang baguhin ang mga nakaraang pangyayari, at ituring itong gintong panahon, gayong kayraming mga iwinala, tinortyur, ikinulong at pinaslang noong panahong iyon. Babalewalain lang ba natin ang mga buhay na sinakripisyo ng maraming kababayan alang-alang sa pangarap nilang lipunan?”

“Narito na tayo sa puntong ang anak ng diktador ang nanalong pangulo ng ating bayan. Nanalo siya dahil o marahil sa napaniwala nila o ng mga trolls nila na gintong panahon ang panahon ng diktadura, na may bulto-bultong Tallano gold na pambayad ng utang ng bansa. Subalit alam nating ang mga ito’y  kasinungalingan. Ang maaari nating gawin ay isulat natin ng isulat ang anumang nangyari noong panahon ng karima-rimarim na martial law. Tangan nila ang pambura, subalit patuloy tayong magsulat. Huwag nating hayaang burahin nila ang alaala ng mga martir na nakibaka para sa kalayaan ng bayan mula sa kuko ng mapaniil na diktadura,”

Maganda ang kanyang payo, kaya nagpaalam akong may gabay na tangan sa puso’t diwa upang hindi mabalewala at hindi mabago ang totoong kasaysayan. Hindi tayo papayag na kasinungalingan nila ang mangingibabaw. Maraming salamat.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hulyo 16-31, 2022, pahina 18-19

Huwebes, Hulyo 7, 2022

Mga tula sa Unang Daigdigang Digmaan

MGA TULA SA UNANG DAIGDIGANG DIGMAAN
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Matindi ang digmaan, madugo, nakamamatay. Kaya ang ilarawan ito ng mga nakaranas mismo ng digmaan, lalo na sa anyong patula o pampanitikan, ay kahanga-hanga, lalo't batid mong sinulat nila iyon habang sila'y nakikipaglaban, tangan ang kanilang baril, nakikipagpalitan ng putok.

Kaya ang dalawang aklat ng tula na nasa akin ay pambihira. Dahil bihira tayong makakita ng mga aklat ng tula hinggil sa Unang Daigdigang Digmaan (hindi  Digmaang Pandaigdig, na ilang beses ko nang sinabing mali ang pagkakasalin). Ang tinutukoy kong mga libro'y ito: Poems of the Great War 1914-1918, may sukat na 4" x 5 1/2", at may 160 pahina, kasama ang 12 pahinang Roman numerals, at inilathala ng Penguin Books noong 1998. Nabili ko ito sa BookSale ng Farmers sa Cubao noong Enero 18, 2018 sa halagang P60.00. Ang isa pa'y ang Some Desperate Glory: The First World War the Poets Knew, ni Max Egremont, may sukat na 5 5/8" x 8 5/8", at may 456 pahina, kasama ang 16 na pahinang Roman numerals, at inilathala ng Farrar, Straus and Goroux sa New York noong 2014, at nabili ko naman sa BookSale sa Shopwise branch sa Cubao noong Disyembre 24, 2020, sa halagang P240.00.

Sa Poems of the Great War 1914-1918 ay may dalawampu't isang makata, at 81 tula. Ito'y sina, at ang bilang ng kanilang tula: Richard Aldington - 2; Edmund Blunden - 8; Rupert Brooke - 1; F. S. Flint - 1; Ford Madox Ford - 1; Robert Graves - 1; Ivor Gurney - 10; Thomas Hardy - 1; John McCrae - 1; Frederic Manning - 1; Charlotte Mew - 1; Alice Meynell - 1; Wilfred Owen - 20; Margaret Postgate Cole - 1; Herbert Read - 1; Edgell Rickword - 1; Isaac Rosenberg - 3; Siegfred Sassoon - 17; Charles Hamilton Sorley - 2; Edward Thomas - 6; at May Wedderburn Cannan - 1.

Ang Some Desperate Glory: The First World War the Poets Knew ay may labing-isang makata, at may 73 tula. Ang mga makatang ito at ang bilang ng kanilang tula sa aklat ay sina: Edmund Blunden - 2; Rupert Brooke - 4; Robert Graves - 1; Julian Grenfell - 2; Ivor Gurney - 11; Robert Nichols - 4; Wilfred Owen - 11; Isaac Rosenberg - 11; Siegfred Sassoon - 9; Charles Sorley - 4; at Thomas Hardy - 14. Ang mga tula rito'y hinati sa panahon o taon ng pagkakasulat, at may mga sanaysay o kwento hinggil sa tula at pangyayari: 1914 - may pitong tula; 1915 - 18 tula; 1916 - 15 tula; 1917 - 19 tula; at 1918 - 14 tula.

Kapansin-pansin sa bilang ng mga tula ang marahil ay masisipag magsulat na makata, o marahil ay mga nagustuhang tula ng patnugot ng aklat. Sa Poems of the Great War 1914-1918, si Ivor Gurney ay may sampu, Wilfred Owen ay may 20, at si Siegfred Sassoon ay may 17  tula. Sa Some Desperate Glory, si Ivor Gurney, Wilfred Owen, at Isaac Rosenberg ay may tiglabing-isang tula, habang si Siegfred Sassoon ay may 9 na tula at si Thomas Hardy naman ay may 14 tula.

Nais kong proyektuhin ito ng pagsasalin o isasalin ko sa wikang Filipino ang kanilang mga tula, na susubukan kong may sukat at tugma ang iba, upang mas madama natin ang kanilang mga katha sa panahon ng digmaan. Marahil isa pang dapat gawin ay saliksikin ang kanilang mga talambuhay, at ano ang kaugnayan nila sa Unang Daigdigang Digmaan. Sila ba'y mga sibilyan lamang o mga kawal na nakibaka sa panahong iyon? Isa ito sa mga nais kong tapusing isalin at mailathala upang mabasa ng ating mga kababayan ang kanilang mga tula sa ating sariling wika.

Kung ating titingnan, ang dalawang aklat ay tumutukoy sa mga likhang tula noong Unang Daigdigang Digmaan mula 1914-1918. Nagsimula ang digmaan noong Hunyo 28 1914 nang pinaslang ng isang nasyunalistang Serbyan si Archduke Franz Ferdinand ng Imperyong Austriya-Hunggariya. Mula rito'y nagdigmaan na ang mga makapangyarihang bansa sa mundo, na noon ay nahahati sa Pwersang Alyado (batay sa Kasunduan ng Imperyong Briton, Imperyong Ruso at Pransya), at ang Pwersang Sentral (mula naman sa Alyansa ng Imperyong Aleman, Austriya-Hunggarya at Italya). Natapos ang digmaan noong 11 Nobyembre 1918, kung saan nagkaroon ng limang tratado sa pagitan ng mga bansang kasali sa digmaan. Umabot umano, ayon sa pananaliksik, ang Unang Daigdigang Digmaan, sa dalawampung milyong namatay at dalawampu't isang milyong sugatan. Kaya isa ito sa napakatinding digmaan sa kasaysayan.

Kaya ang pagsasalin ng mga tula ng mga makatang nakasaksi sa digmaang ito ay naging adhikain na o misyon ng inyong lingkod. At bilang panimula ay aking isinalin ang tulang August 2014 ng isang makatang Ingles, na nasa pahina 128 ng aklat na Some Desperate Glory.

AUGUST 1914
Poem by Isaac Rosenberg

What in our lives is burnt
In the fire of this?
The heart's dear granary?
The much we shall miss?

Three lives hath one life -
Iron, honey, gold.
The gold, the honey gone - 
Left is the hard and cold.

Iron are our lives
Molten rights through our youth.
A burnt space through ripe fields,
A fair mouth's broken tooth.

AGOSTO 1914
Tula ni Isaac Rosenberg
Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

Ano sa buhay nati'y nasusunog
Sa naglalagablab na apoy nito?
Na sa puso'y kamalig nating irog?
Kayraming di natin nakakatagpo?

Tatlong buhay yaong may isang buhay -
Ang bakal, pulot-pukyutan, at ginto.
Ang ginto, ang pulot ay nangawala -
Naiwan ang matigas at malamig.

Yaong bakal na yaring ating buhay
Karapata'y lusaw sa pagkabata.
Espasyo'y sunog sa maayang bukid,
Sira ang ngipin ng magandang bibig.

Si Isaac Rosenberg, isang makata't alagad ng sining (artist), ay isinilang sa Bristol, England noong Nobyembre 25, 1890. Kinatha niya ang una niyang tulang On Receiving News of the War noong huling bahagi ng Hunyo 2014. Nalathala rin ang Youth na ikalawang katipunan ng kanyang mga tula. At dahil walang makuhang trabaho bilang artist ay nagpalista siya sa British Army sa katapusan ng Oktubre 1915. Sa edad na 27, siya'y killed in action o namatay sa digmaan noong Abril 1, 2018. (saliksik mula sa Wikipedia)

Sa isang personal niyang liham, inilarawan ni Rosenberg ang pananaw niya sa digmaan: "I never joined the army for patriotic reasons. Nothing can justify war. I suppose we must all fight to get the trouble over." (Hindi ako sumali sa hukbo para lang sa mga kadahilanang patriotiko. Walang makakapagbigay katwiran sa digmaan. Tingin ko'y dapat tayong lumaban lahat upang matapos na ang gulo.)"

Lunes, Hunyo 27, 2022

Banyaga ngunit hindi dayuhan

BANYAGA NGUNIT HINDI DAYUHAN
Munting pagninilay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Paano mo sasabihing dayuhan ang isang indibidwal kung hindi naman siya dumayo o nakadayo dito sa bansa? Di ba't tinatawag nating mga dayuhan ang mga tagaibang bansa o yaong hindi natin kalahi? Ito'y dahil dumayo sila sa ating bayan.

Sikat nga ang panawagang "Palayasin ang mga dayuhan!" lalo na noong panahon ng mananakop na Kastila, Amerikano at Hapones, na naging dahilan ng digmaan, kabayanihan at pagkamatay ng ating mga ninunong nakipaglaban para sa kalayaan. Ibig sabihin pa, mga mananakop ang mga dayuhang iyon.

Paano pag sa ilang pananaliksik ay tinuring na "foreign authors" o "foreign poets" ang ilang manunulat at makata? Maisasalin ba silang dayuhang manunulat o dayuhang makata, gayong hindi sila dumayo sa ating bansa? Na ang iba'y hindi naman nandayuhan o lumabas sa kanilang bansa.

Ang pagninilay na ito'y bunsod ng ginagawa kong pagsasalin ng ilang mga tula ng mga kilalang makatang Ingles, Ruso, Turko, Amerikano, Aleman, Pranses, Hapones, at Intsik. Tulad ng pagsasalin ko ng mga tula nina William Shakespeare, Vladimir Mayakovsky, Nazim Hikmet, Edgar Allan Poe, Karl Marx, Eugene Pottier, Matsuo Basho, at Sappho. Tanging sina Hikmet at Marx lamang ang alam kong umalis sa kanilang bansa o nangibang bayan, di lang basta umalis kundi napilitang umalis dahil sila'y na-exile dahil sa kanilang mga pulitikal na gawain. Habang ang ibang makata'y nanatili sa sariling bansa hanggang sa kamatayan.

Isinasalin ko sina Shakespeare at Poe mula sa wikang Ingles, habang ikalawang pagsasalin ang ginagawa ko sa mga tula nina Mayakovsky, Hikmet, Marx, Pottier, Basho at Sappho, na nauna nang isinalin sa wikang Ingles, na siyang pinagbabatayan ko naman ng aking isinasalin.

Matatawag ko ba silang dayuhan dahil tagaibang bansa sila gayong hindi naman sila dumayo sa ating bansa? Hindi ba't kaya tinawag na dayuhan ang isang tao o kaya'y pulutong ng mga tao ay dahil sila'y dumayo sa ibang lupain? Paano silang tatawaging dayuhan kung hindi naman sila dumayo ng ibang bansa? Ang buong buhay nila'y nasa kanilang bayan lamang sila.

Kaya hindi ko matatawag na makatang dayuhan sina Shakespeare, Mayakovsky, Hikmet, Poe, Marx, Pottier, Basho, at Sappho. Kaya ano ang tamang tawag sa kanila? Tama bang tawagin ko silang makatang banyaga?

Tiningnan ko ang kahulugan ng mga kinakailangan kong salita sa UP Diksiyonaryong Filipino:

dayúhan - dáyo
dáyo - 1. dayúhan, tao na tagaibang pook o bansa o kaya'y hindi kilala sa pook na kaniyang pinuntahan; 2. pagdáyo, pagtungo sa ibang pook nang may tanging layunin; 3. tanod sa libingan ng panginoon
banyága - 1. [Waray] masamâng tao; 2. [Sinaunang Tagalog] tao na nagpupunta sa mga bayan-bayan, lulan ng kanyang bangka, at nagtitinda ng maliliit na bagay; 3. [ST] bahay na maliit at walang kilo
banyagà - [Kapampangan, Tagalog] 1. tao na isinilang o mula sa ibang bansa na iba sa kapuwa niya: alien, foreign, foreigner 2. hindi mamamayan ng bansa: alien, foreign, foreigner

Ang dayuhan o dayo ay tiyak na pumunta talaga sa ibang lugar, kaya hindi ito ang marahil tumpak na dapat itawag sa mga tagaibang bansang hindi naman dumayo sa ibang bansa, o sa ating bansa. Kaya hindi ko matatawag na dayuhan, bagamat mula sa ibang bansa, ang mga makatang Shakespeare, Mayakovsky, Hikmet, Poe, Marx, Pottier, Basho, at Sappho.

Mapapansing dalawa ang banyaga, subalit ang una ay walang impit at may diin sa ikalawang pantig, habang ang ikalawa ay may impit at mabagal ang bigkas. Mas tumpak sa tingin ko ang ikalawang pakahulugan: "tao na isinilang o mula sa ibang bansa na iba sa kapuwa niya" bilang pagtukoy sa mga makatang nabanggit ko sa itaas, na hindi dumayo sa ibang lugar o hindi lumabas sa kanilang bansa, at iyon din ang mas tamang paglalarawan na aking hinahanap.

Mahalaga sa akin ang ganitong paghahanap ng tamang salin sapagkat tiyak na balang araw ay isusulat ko ang kanilang talambuhay, lalo na't isinasalin ko ang kanilang mga akda. Madalas gamiting animo'y sinonimo o pareho sila ng kahulugan. Subalit sa maikling sabi, ganito ang munting kaibahan ng dalawa: Banyaga sila dahil tagaibang bansa sila. Dayuhan sila dahil tagaibang bansa sila na narito sa ating bansa.

Ang pananaliksik na ito'y bunsod na rin sa aking proyektong pagsasalin na sinimulan ko ilang taon na ang nakararaan na ang layunin ko'y ipabasa sa ating mga kababayan sa ating wika ang mga tula ng mga nabanggit na makatang banyaga. Iniipon ko ito't inilalagay sa aking blog. Nawa'y wasto ang aking mga napili sa paghahanap ko ng mga tamang salita.

Ginawan ko ng munting tula ang aking nasaliksik:

BANYAGA NGUNIT HINDI DAYUHAN

ang salin ng foreign poet ba'y dayuhang makata
gayong di naman sila dumayo sa ating bansa
sa pagsalin ay hinanap ko ang wastong salita
hanggang masaliksik ang kahulugan ng banyaga

akala ko, salitang "banyaga'y" wikang Espanyol
ngunit nang sa talahuluganan ay tingnan iyon
sariling salita pala nating nakapatungkol
mula sa Waray, Tagalog, Kapampangan din yaon

salamat sa UP Diksiyonaryong Filipino
sa mga tulong sa anumang isinasalin ko
naging aking kakampi noon at ngayon, totoo
sangguniang tila kakabit na ng pagkatao

banyaga ngunit hindi dayuhan ang gagamitin
kung foreign author o poet ay aking isasalin
mga wastong salita't salin ay nahahanap din
basta't maging mahinahon lagi't titiyagain

06.27.2022