Lunes, Agosto 14, 2023

Kwento - Anak, pag-aralan mo rin ang lipunan


ANAK, PAG-ARALAN MO RIN ANG LIPUNAN
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kinagabihang umuwi ang anak mula sa paaralan, naikwento nito sa kanyang ama na tinanggal na pala sa kolehiyo ang pagtuturo ng wikang Filipino at Kasaysayan.

“Itay, bakit nangyari iyon? Wala na bang saysay ang mga paksang iyan sa atin? Ang mga iyan pa naman ang paborito kong subject.”

Humihigop noon ng kape habang nagbabasa ng pahayagan ang kanyang ama nang kanyang kausapin. Napatingin sa kanya ang ama, napakunot ang noo, at marahang ibinaba sa hapag-kainan ang tasa ng ininom na barakong kape. Saka sa kanya bumaling ng tingin.

“Ang inyong edukasyon kasi, anak, sa ngayon ay nakabalangkas na sa kapitalistang globalisasyon, kung saan dapat ang mga gradweyt ay manilbihan sa mga mayayamang bansa. Kaya sa inyong K-12 noon, pulos mga pagsasanay na bokasyunal at teknikal ang tinututukan. Dahil iyon ang kailangan sa ibang bansa. Kaya hindi nakapagtatakang tanggalin ang mga subject na Filipino at Kasaysayan dahil wala naman daw iyang paggagamitan pag nagtrabaho na kayo sa ibang bansa. May tinatawag nga kami noon na brain drain, dahil ang mga magagaling nating gradweyt ay kinukuha at binabayaran ng malaking sahod ng mga banyaga upang magtrabaho sa kanilang bansa, kaya tayo nawawalan ng magagaling na magsisilbi sana sa ating bayan.”

“Paano na ang mga tulad ko, Itay? Nais kong maging guro upang makapagturo pagkagradweyt ko. At nais kong ituro ang wikang Filipino, Kultura, Panitikang Bayan, at lalo na ang Kasaysayan. Kung tinanggal na iyan, di ko na maituturo iyan sa kolehiyo. Magiging batayang paksa na lang sila sa elementarya. Malamang ay mga estudyante sa elementarya ang turuan ko. Para bagang hanggang doon na lang ang mga subject na iyon. Wala na bang halaga sa pamahalaan na matutunan ng mga mag-aaral ang wika at kasaysayan? Lalo na ngayong buwan ng Agosto, na Buwan ng Wikang Pambansa, at Buwan din ng Kasaysayan.”

“Alam mo, anak, may mga pag-aaral ding hindi mo makukuha sa apat na sulok ng paaralan, dahil ayaw itong ituro ng mga kapitalistang edukador. Tulad halimbawa ng kung ano ang totoong ugat ng kahirapan, na hindi naman kamangmangan, kapalaran, populasyon o katamaran. Iyon naman ang tinuturo namin sa aming mga kasama sa pabrika, sa unyon, pati sa mga komunidad. Palagay ko, anak, aralin mo rin iyon.”

Napatitig ang anak sa ama, “Ano naman ang halaga niyan sa aming mga estudyante? Eh, hindi naman iyan subject sa eskwelahan?”

“Ang tanong mo kasi, anak, ay kung bakit tinanggal ang wikang Filipino at Kasaysayan sa kolehiyo. Aba’y iIlang taon nang nangyayari iyan. May kaugnayan din ang pag-aaral mo ng lipunan sa kung bakit nawala na ang mga paborito mong subject. Sa globalisadong mundo kasi, balewala na sa merkado ang kung anu-anong hindi naman nila magagamit upang umunlad ang kanilang mga korporasyon. Kaya nagkaroon kayo ng K-12 upang mas ang pag-aralan na ninyo ay ang mga bukasyunal at teknikal, at hindi na ang hinggil sa usaping pambansa, tulad ng Kasaysayan at Wika.”

“Ah, eh, salamat, Itay, sa mga paliwanag, pag-iisipan ko po iyan.”

“Ang tanging maipapayo ko sa iyo, anak, pag-aralan mo ang lipunan. Aralin mo ang kasaysayan ng mga nagdaang lipunan at itanong sa sarili bakit ba may mayamang iilan habang laksa-laksa ang naghihirap sa ating bayan, kundi man sa buong daigdigan. Bakit may mga korporasyon at bakit kailangang magtayo ng samahan ang mga manggagawa? Bakit tinanggal ng mga kapitalistang edukador ang mahahalagang subject? Bakit ba laging taas ng taas taun-taon ang tuition fee? Na bukod sa pahirap sa mag-aaral ay pahirap din sa mga magulang na iginagapang sa hirap ang mga anak makapag-aral lamang. Yayain mo ang mga kapwa mo estudyante at nang kaming mga manggagawa ay makapagbigay sa kanila ng pag-aaral - talakayan  hinggil sa lipunan.”

“Sige po, Itay. Maraming salamat po sa payo ninyo. At sasabihan ko na rin ang mga kaklase ko para maisama ko sila sa talakayan. Baka sa labas na, Itay, hindi sa loob ng paaralan. Baka masita kami.”

“Salamat, anak, at ako’y iyong naunawaan. Malawak naman ang ating bakuran para pagdausan ng pag-aaral, maaari na roon. Ayusin mo lamang ang iskedyul kung kailan, at nang maisaayos ko rin ang aking iskedyul, at nang mapaghandaan din ang pag-aaral na ibibigay.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Agosto 1-15, 2023, pahina 18-19.

Martes, Agosto 1, 2023

Ang aklat ng mga kwento ni Manuel Arguilla

ANG AKLAT NG MGA KWENTO NI MANUEL ARGUILLA
Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Hindi na ako nagdalawang isip na bilhin ang aklat na "The Essential Manuel Arguilla Reader" nang minsang mapagawi ako sa Malabon City Square sa Letre. Nito lang Hulyo 17, 2023, nang manggaling ako sa tanggapan ng Samahan ng Mamamayan - Zone One Tondo Organization (SM-ZOTO) sa Navotas, at nang pauwi na ay nilakad ko mula roon hanggang sa MC Square.

Sa sangay ng National Book Store sa MC Square ko nakita ang nasabing aklat na nagkakahalaga ng P250.00, at agad ko iyong binili. Klasiko na kasi sa panitikang Pilipino ang awtor, at bihira na ang koleksyon ng kanyang mga akda. Mabuti't natyempuhan ko iyon. Kilala siya dahil ilang beses na siyang nababanggit sa mga sanaysay hinggil sa panitikang Pilipino sa wikang Ingles bago pa ang panahon ng pananakop ng Hapon sa ating bayan. Inilathala iyon ng Anvil Publishing noong 2019. 

Si Manuel Arguilla ang isa sa mga manunulat na Ilokano sa wikang Ingles noong panahon bago mag-Ikalawang Daigdigang Digmaan (WWII). Popular na nababanggit sa ilang mga sanaysay ang kanyang maikling kwentong "How My Brother Leon Brought Home a Wife," kung saan nagwagi iyon ng unang gantimpala sa Commonwealth Literary Contest noong 1940.

Ayon sa likod na pabalat ng aklat, karamihan sa kanyang mga kwento ay naglalarawan ng buhay sa Nayon ng Nagrebcan, sa Bauang, La Union, kung saan siya isinilang noong 1911. Nagtapos siya ng Bachelor of Arts in Education noong 1933 sa Unibersidad ng Pilipinas. Naging kasapi siya at sa kalaunan ay naging pangulo ng UP Writers' Club at naging patnugot ng Literary Apprentice. Napangasawa niya si Lydia Villanueva na isa ring magaling na manunulat, at nanirahan sila sa Ermita, Maynila.

Nagturo si Arguilla ng malikhaing pagsusulat sa Unibersidad ng Maynila at nagtrabaho sa Bureau of Public Welfare bilang managing editor ng Welfare Advocate hanggang 1943. Hanggang siya'y mahalal sa Board of Censors. Sa kalaunan, lihim niyang itinatag ang isang yunit paniniktik ng gerilya noong panahon ng digmaan laban sa Hapon. Noong Agosto 1944, nadakip ng mga kalaban si Manuel Arguilla at pinatay ng mga Hapon.

Ang nasabing aklat ay may Pambungad ni Jose Y. Dalisay Jr., isa ring manunulat at nakapaglathala na ng nasa higit tatlumpung aklat. Ayon kay Dalisay, may labingsiyam na kwento si Arguilla sa koleksyon nito noong 1940, na pinamagatang "How My Brother Leon Brought Home a Wife and Other Short Stories".

Gayunman, may nadagdag na anim na akda sa "The Essential Manuel Arguilla Reader" na binubuo ng  dalawampu't apat na maikling kwento at isang sanaysay. Talagang kasasabikan mong basahin ang mga ito, hindi lang dahil magaganda ang mga kwento, kundi dahil kakaunti lang ang mga manunulat na Pilipino sa wikang Ingles ang nalathala bago magkadigma. Kumbaga, mga klasikong kwento talaga. Pinagsikapan talaga ng tagapaglathala ng aklat na hanapin pa ang ibang akda ni Arguilla.

Narito ang pamagat ng 25 akda ni Arguilla sa nasabing aklat, batay sa talaan ng nilalaman, kung saan dalawampu't apat ay kwento, habang may isang sanaysay - ang Rereading the Noli, Fili.
1. Midsummer
2. Morning in Nagrebcan
3. Ato
4. Heat
5. A Son is Born
6. The Strongest Man
7. How My Brother Leon Brought Home a Wife
8. Mr. Alisangco
9. Though Young He is Marries
10. The Maid, the Man, and the Wife
11. Elias
12. Imperfect Farewell
13. Felisa
14. The Long Vacation
15. Caps and Lower Case
16. The Socialists
17. Epilogue to Revolt
18. Apes and Men
19. Rice
20. Grit
21. Misa de Gallo
22. Epilogue to a Life
23. Seven Bedtime Stories
24. Rereading the Noli, Fili
25. Rendezvous at Banzai Bridge

Sa http://pinoylit.webmanila.com/filipinowriters/arguilla.htm ay nasaliksik natin ang 19 na kwento sa "How My Brother Leon Brought Home a Wife and Other Short Stories", at ang nadagdag na anim sa "The Essential Manuel Arguilla Reader" ay ang huling anim na kwento nito - ang Grit, Misa de Gallo, Epilogue to a Life, Seven Bedtime Stories, Rereading the Noli, Fili, at ang Rendezvous at Banzai Bridge. Mabuti't ang anim na iyon ay natagpuan pa ng mga makabagong mananaliksik upang ating mabasa at manamnam ang iba pa niyang akda. Maraming salamat.

Sa pagninilay, sinubukan kong gawan ng tula si Manuel Arguilla, batay sa ilang mga saliksik:

MANUEL ARGUILLA, MAHUSAY NA MANUNULAT
tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

isang mahalagang moog ng ating panitikan
si Manuel Arguilla, manunulat mula Nagrebcan
sa Bauang, La Union; sa kanyang angking kahusayan
ay nakapagsulat ng kwentong sadyang kainaman

siya ay Ilokanong nagsulat sa wikang Ingles
inilarawan ang Nagrebcan sa akdang makinis
ikinwento ang buhay ng dukhang sa dusa'y labis
pati magsasakang sa pagkadalita nagtiis

B. A. in Education ang kursong tinapos niya
naging kasapi't pangulo ng U.P. Writers's Club pa
sa Literary Apprentice naging patnugot siya
naging managing editor ng Welfare Advocate pa

labingsiyam na kwento ang una niyang koleksyon
na sa atin ay pamana ng kanilang kahapon
dalawampu't apat na kwento't 'sang sanaysay ngayon
anim na bagong saliksik na sa aklat tinipon

sa huling bahagi ng buhay sa bayan naglingkod
sa mga gerilyang Pilipino'y naging gulugod
nilabanan ang mga Hapon, kasamang sumugod
hanggang dakpin siya't pinaslang ngunit di lumuhod

mabuhay ka, Manuel Arguilla, at iyong sulatin
bawat akda'y pamana sa henerasyong parating
maraming salamat sa kwento, bayaning magiting
at di ka na maglalaho sa panitikan natin

08.01.2023

Sabado, Hulyo 29, 2023

Kwento - SONA na naman, sana naman...

SONA NA NAMAN, SANA NAMAN…
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa halos tatlong dekada na ay sumasali pa rin sina Igme at Isay sa mga kilos-protesta. Ani kumpareng Inggo nila: “Ano bang napapala natin sa pagdalo sa mga kilos-protesta? Nagbago ba ang buhay natin?”

Kaya napatanga sa kanya sina Igme at Isay. “Bakit ba ganyan na ang tono mo ngayon? Parang ikaw ang nagbago? Hinahanap mo pa rin ba na yumaman ka, gayong kakarampot lang naman ang sinasahod mo diyan sa pinapasukan mo?” ang sagot naman ni Isay.

“Mabuti nga na sumasama tayo sa kilos-protesta sa SONA upang ipakita ang tunay na kalagayan ng bayan kumpara sa ulat ng pangulo na pag-unlad kuno ng bayan. Na kesyo lumaki raw ang GDP subalit di naman ramdam ng mamamayan. Isang kahig, isang tuka pa rin ang mga maralita. Kontraktwal pa rin ang mga manggagawa.” ang tugon ni Igme.

“Subalit di pa rin naman nagbabago ang buhay natin?” ani Inggo.

“Magbabago ba ang buhay natin kung ang polisiya ng pamahalaan ay para sa negosyo, para sa mayayaman, para sa mga bilyonaryo? Hay, kaya tayo sumasama sa kilos-protesta sa SONA ay upang ipahayag natin na balintuna sa kalagayan ng bayan ang iniuulat ng pangulo, kundi para sa kanilang magkakauri lamang.” ani Igme.

Sumabad muli si Isay sa malumanay na paraan. “Kung ayaw mong sumama sa pagkilos sa SONA, huwag kang sumama. Kami na lang. Nais pa rin naming makiisa sa masa na matagal nang pinagsasamantalahan ng uring mapang-api. Ito ngang si Igme, kaytagal naging kontraktwal na dapat regular na sa kumpanya nila noon, hindi niya naipagtanggol ang sarili niya  laban sa kasong illegal dismissal dahil hindi siya noon sumali sa unyon. Bagamat pilit pa rin siyang ipinagtanggol ng unyon. Ang ganyang kaso ang hindi nireresolba ng pamahalaang ito. Ayos lang sa kanila ang kontraktwalisasyon dahil pabor iyon sa mga kapitalista.”

Napaisip si Inggo. “Kung sabagay, tama kayo. Subalit nangangako naman ang bagong pangulo na reresolbahin ang 6.5 milyong backlog sa pabahay. Baka mabiyayaan tayo roon.”

“Asa ka pa.” sabi ni Isay. “Ang balita namin, vertical ang itatayong pabahay, parang condo, at ang palakad diyan, dapat ay kasapi ka ng Pag-ibig upang may pambayad ka sa pabahay na milyon kada yunit. May pera ka bang pambayad? Hindi pangmaralita ang pabahay na iyon, kundi negosyo. Hindi serbisyo sa tao. Ninenegosyo na naman nila tayo.”

“Subalit gaya nga ng sinabi ko, taon-taon na lang ang SONA, kailan pa tayo titigil sa ganyang pagkilos?” muling sabi ni Inggo.

Agad namang sumagot si Igme, “Kaytagal na nating pinag-usapan iyan.  Kikilos tayo, hindi lang sa SONA, kundi sa Mayo Uno, Araw ng Kababaihan, Karapatang Pantao, at iba pa, basta may isyu ang bayan. Hindi para sa maralita ang mga nagdaang gobyerno kundi para lagi sa negosyo at sa mga kauri nilang mayayaman. Kaya nga ang polisiya nila ay taliwas sa kagustuhan ng mamamayan. Diyan pa lang sa usapin ng kontraktwalisasyon, mataas na bilihin, ang hindi maampat na land grabbing na hanggang ngayon ay hindi maipasa-pasa ang National Land Use Act, dahil asawa ng isang senador ang isa sa kilala nating land grabber, aba’y aasahan mo pa bang magbabago ang buhay natin. Ang dapat sa kanilang uring mapagsamantala sa maliliit ay ibinabagsak. Ayon nga sa awiting Tatsulok, ‘at ang hustisya ay para lang sa mayaman.’ At hindi tayo papayag na magpatuloy ang ganyan, lalo na para sa ating mga anak, apo, at sa mga susunod na henerasyon.”

Napatungo si Inggo. Maya-maya’y napatitig kay Igme, “Pilit ko pa ring inuunawa ang sinasabi ninyo. Habang sa utak ko ay para bang nangangako na naman ng matatamis ang pangulo tulad ng iba pang nakaraang pangulo.”

“Bente pesos na ba ang sangkilong bigas? Aba’y nang minsang  kumain tayo sa mall, trenta pesos na ang isang tasang kanin, asa ka pa rin sa pangako ng pangulo? Hanggang kailan ka kontraktwal?” Ani Isay.

Napatungo na naman si Inggo. “Sabagay, tama kayo. Nauunawaan ko na. Sasama ako sa inyo sa pagkilos sa SONA.”

Si Isay muli, “Makikinig tayo sa tunay na kalagayan ng bayan ayon mismo sa bibig ng mga manggagawa at kapwa natin maralita. Tayo pa rin namang magkakauri ang uugit ng ating kasaysayan at kinabukasan natin at ng ating mga anak. Magpalit-palit man ang pangulong para sa mga kapitalista, hindi pa rin magbabago ang buhay natin.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hulyo 16-31, 2023, pahina 18-19.

Miyerkules, Hulyo 26, 2023

Ilan pang nilay sa Pythagorean theorem

ILAN PANG NILAY SA PYTHAGOREAN THEOREM

Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

 

Nasa hayskul pa lang ay natutunan na natin sa paksang sipnayan o matematika ang Pythagorean theorem. Ito yaong pormula sa sugkisan o geometry na pagkuha ng sukat ng tatlong gilid o side ng isang tatsulok na nasa ninety degrees o right triangle. Sinasabi rito na ang pinagsamang square ng dalawang gilid ay katumbas ng hypotenuse o yaong mahabang gilid na nakahilis. Madalas na sa paksang geometry ito natin napapag-aralan noon. Ang batayang pormula nito ay a2 + b2 = c2. At ipinangalan ang theorem na ito kay Pythagoras, na isang sipnayanon o mathematician noong unang panahon.

 

Bakit mahalaga sa atin ang Pythagorean theorem at paano ba ito magagamit sa pang-araw-araw na pamumuhay? Halimbawa, nais mong sukatin kung ano ang sukat ng tayog ng puno o kaya’y gusali? Ilang metro ito, nang hindi mo ito sinusukat ng ruler na paisa-isa? Gagamitin mo ang Pythagorean theorem. Ginagamit din ito sa konstruksiyon at arkitektura. Pati sa nabigasyon upang mahanap ang pinakamaikling distansya. Ginagamit din upang suriin ang matarik na mga dalisdis ng mga bundok o burol.

 

Madalas na halimbawa o basic example nito ang ang32 + 42 = 52. Ibig sabihin ay (3 x 3) + (4 x 4) = (5 x 5), o 9 + 16 = 25. Ang dagsip o digit ng dalawang side ay 3 at 4. Ang hypotenuse naman ay 5.

 

Sa ilang pagninilay, napuna kong ang 36 + 64 = 100. At lahat sila ay square o pag na-divide ay parehong numero. 6 x 6 = 36; 8 x 8 = 64; at 10 x 10 = 100; o pag sinulat sa ibang paraan ay 62 + 82 = 102. Parang dinoble ang basic na itinuturo sa paaralan: 32 + 42 = 52 na  pag tinayms 2 mo ang digit, ang lalabas ay  62 + 82 = 102.

 

Dito ko na sinuri ang iba pang numero, na pag dinoble o triple, o times 4 o times 5 pa, ang lalabas ay pawang tama ang mga sagot. Kumbaga, may padron o pattern ang mga sukat.

 

Suriin natin isa-isa, at simulan natin sa mga nauna nating halimbawa.

 

32 + 42 = 52. (3 x 3) + (4 x 4) = (5 x 5). 9 + 16 = 25

 

62 + 82 = 102. (6 x 6) + (8 x 8) = (10 x 10). 36 + 64 = 100

 

92 + 122 = 152. (9 x 9) + (12 x 12) = (15 x 15) = 81 + 144 = 225

 

122 + 162 = 202. = (12 x 12) + (16 x 16) = (20 x 20) = 144 + 256 = 400

 

152 + 202 = 252.  = (15 x 15) + (20 x 20) = (25 x 25) = 225 + 400 = 625

 

182 + 242 = 302. = (18 x 18) + (24 x 24) = (30 x 30) = 324 + 576 = 900

 

212 + 282 = 352. = (21 x 21) + (28 x 28) = 35 x 35) = 441 + 784 = 1,225

 

242 + 322 = 402. = (24 x 24) + (32 x 32) = (40 x 40) = 576 + 1,024 = 1,600

 

272 + 362 = 452. = (27 x 27) + (36 x 36) = (45 x 45) = 729 + 1,296 = 2,025

 

302 + 402 = 502. = (30 x 30) + (40 x 40) = (50 x 50). 900 + 1,600 = 2,500

 

Sinubukan kong gawan ng tula ang paksang ito.

 

PYTHAGOREAN THEOREM

tula ni GBJ

 

theorem ang pamana ni Pythagoras ng Samos

sa atin, na kung talagang aaralin ng taos

sipnayan at sugkisan ay mauunawang lubos

upang sa pagsusukat ng tatsulok ay di kapos

sa right triangle, dalawang gilid at haypotenus

ambag sa pag-unlad upang lipuna'y makaraos

 

paano ba magagamit ang Pythagorean theorem

na sa kasaysayan ay malaking ambag sa atin

upang tayo'y umunlad, di manatili sa dilim

sa arkitektura nga't konstruksyon ay gamit natin

sa plano, pagtatayo ng gusali'y susukatin

upang maging matatag gamit ang nasabing theorem

 

O, Pythagoras, maraming salamat sa ambag mo

kaya mga itinayo'y nasusukat ng wasto

matatag, nakipagtagalan sa panahon, husto

gamit ang iyong pormula at batayang prinsipyo

di lang pormula ni Einstein, bantog din ang sa iyo

muli, pagpupugay, idolo ka naming totoo

 

* Talasalitaan:

sipnayan = matematika

sugkisan = geometry

dagsip = digit

dalisdis = slope

 

* litrato mula sa google

Biyernes, Hulyo 14, 2023

Kwento - Isalin ng KWF sa sariling wika ang mga batas upang madaling maunawaan ng masa


ISALIN NG KWF SA SARILING WIKA ANG MGA BATAS UPANG MADALING MAUNAWAAN NG MASA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nasa korte ang ilang lider-maralita at doon ay ipinagtatanggol nila ang kanilang paninirahan sa lupang ilang dekada na nilang tahanan.

Nagkaroon kasi ng maling interpretasyon sa pagkakasalin ng blighted land, na ayon sa Republic Act 7279 o Urban Development and Housing Act of 1992, sa Section 3, Definition of Terms, na ang nakasulat: “(c) “Blighted lands” refers to the areas where the structures are dilapidated, obsolete and unsanitary, tending to depreciate the value of the land and prevent normal development and use of the area.” 

Naisalin naman ang iyon sa ganito: “c) Tinutukoy na “blighted lands” yaong mga lugar na kung saan ang mga nagpapababa sa halaga ng lupa at humahadlang sa normal na paggamit at pagpapaunlad ng nasabing lugar.” Makikita ang nasabing pagkakasalin sa kawing na https://pagbangon.blogspot.com/2009/11/udha-tagalog-version.html. 

“Nang maisabatas ang UDHA, o iyang Lina Law, ay agad naming ipinasalin kay Pareng Inggo, na isang makata, ang batas na iyan,” sabi ni Igme, “upang mas madaling maunawaan ng mga kasapi ng Samahan ng Magkakapitbahay sa Dulong Tulay, na naisalin naman niya. Pinaunlad namin ang lugar na iyan nang itinapon kami sa relokasyong iyan, na wala pang kabahayan. Kami ang naghawan ng damo, nagpatong ng mga bato at matayuan ng bahay, hanggang maging maunlad na ngayon.”

Subalit tugon ng hukom, “Hindi naman opisyal na tagasalin ng batas iyang si Inggo, kundi pagtingin lang niya iyan. Kaya ang ginagamit sa inyo ay itong batas na nakasulat sa Ingles. Diyan ang aming batayan paano talaga ma-interpret ang batas. Dahil tila mali ang pagkasalin niya sa nasabing seksyon ng batas. Sa Merriam Webster, ang bighted ay ": in a badly damaged or deteriorated condition." Ibig sabihin, lupaing malubhang nasira o lumalalang kondisyon. Ang inokupa ninyo ay hindi blighted land."

Umuwing luhaan ang mga maralita. Pakiramdam nila’y tuluyan na silang mapapaalis sa lugar na kaytagal na panahon nilang pinaunlad.

Hanggang sinabi ni Mang Igme, na siyang namumuno sa samahan, “Dapat pala, may opisyal na tagasalin ang mga batas ng bansa. Tayo kasi ang bansang ang mga dokumento ay pawang nakasulat sa Ingles habang nagsasalita tayo sa sariling wika sa araw-araw, kaya hindi nakasanayang magsalita ng Ingles. Naisahan tayo sa kamaliang di natin kasalanan. Nais lang naman nating maunawaan ang batas na tatamaan tayo.”

Nagmungkahi si Isay, “Dapat mag-lobby tayo ng batas na may ahensya ng pamahalaan na italagang tagasalin ng lahat ng batas ng ating bansa, at mungkahi ko ay kumausap tayo ng mga kongresista o senador na lilikha ng batas na itatalaga, halimbawa, ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), na ahensya sa wika ng ating bansa, na siyang italagang opisyal na tagasalin ng lahat ng batas sa bansa, sa Tagalog man, Bisaya, o iba pang wika sa Pilipinas. Kung tatamaan ay katutubo, tulad ng Indigenous People’s Rights Act o IPRA, aba’y dapat isalin iyan sa wikang katutubo, upang hindi naman madehado tayong mamamayan. Di tulad sa nangyari sa atin. Dahil sa maling salin, ayon sa korte, eto, mukhang mawawalan tayo ng tahanan.”

Sumagot si Ingrid, “Paano po natin sisimulan iyan, aling Isay. May karanasan na po ba kayo sa, ano ‘yun, magpasa ng batas para sa mga senador o kongresista.”

“Pagla-lobby. Magla-lobby tayo ng batas sa mga kongresman at senador, na gawing opisyal na tagasalin ng mga batas ng bansa ang KWF o Komisyon sa Wikang Filipino. Ang una nating gawin ay lumiham sa kanila at ipaliwanag ang naging karanasan natin sa korte, at imungkahi nating upang di maulit sa iba ang ating karanasan, ay isabatas nila na gawing opisyal na tagasalin ng lahat ng batas ang Komisyon sa Wikang Filipino dahil sila naman ang ahensyang pangwika ng pamahalaan.”

“Maganda po ang suhestyon n’yo. Sana’y maumpisahan na agad. Tutulong po kami sa pagdadala ng mga liham sa Kongreso at Senado, habang magbabantay ang iba nating kapitbahayan upang ipagtanggol ang ating mga tahanan kung sakaling may banta na ng demolisyon.”

Si Mang Igme, “Salamat sa malasakit, mga kasama. Simulan na nating gumawa ng liham upang maging batas iyan. Kung di tayo kikilos, kailan pa? Simulan natin upang may maitulong tayo sa kapwa maralita.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Hulyo 1-15, 2023, pahina 18-19.

Lunes, Hulyo 3, 2023

Pahayag ng publikasyong Taliba ng Maralita upang italagang opisyal na tagasalin ng batas ng bansa ang KWF


PAHAYAG NG PUBLIKASYONG TALIBA NG MARALITA
Hulyo 3, 2023

ISALIN NG KWF SA SARILING WIKA ANG MGA BATAS UPANG MAUNAWA NG MASA

Tayo lamang yata ang bansang halos lahat ng dokumento ay nasa wikang Ingles. Iyan may ay birth certificate, baptismal certificate, kumpil, marriage certificate,  death certificate, pagsali sa PhilHealth, SSS, GSIS, drivers license, application form upang makapagtrabaho, at marami pang iba. Lalo na ang mga batas na nakakaapekto sa mamamayan. Tulad na lang sa maralita, may Republic Act No. 7279 o Urban Development and Housing Act, Labor Code para sa manggagawa, Magna Carta of the Poor (Republic Act No. 11291), Safety Spaces Act (Bawal Bastos Law), o kahit ang Konstitusyon ng Pilipinas ng 1987.

Bakit pulos nasa wikang Ingles? Gayong maraming Pilipino, na bagamat dinaanan sa eskwelahan ang wikang Ingles, ay mas nais pa ring maisalin sa wikang Filipino ang mga batas na nakakaapekto sa kanila. Bakit? Dahil bihirang gamitin sa karaniwang pag-uusap o sa talastasan ang wikang Ingles ay limot na nila, o namimilipit na ang dila sa pagsasalita ng Ingles. At ang matindi, nais nilang ipasalin sa wikang Filipino ang isang batas dahil hindi nila maunawaan, na matagal pa kung kakailanganin nila ang diksyunaryong Ingles-Pilipino. 

Halimbawa, Republic Act 9741 o Anti-Torture Act. Nang maisabatas ito noong  Nobyembre 2009, may ilang grupo sa karapatang pantao ang inilimbag ito, subalit sa mga dating bilanggong pulitikal na binahaginan nito, hindi naman nila binasa, at nang tanungin ko kung bakit. Dahil nakasulat sa Ingles. Isalin ko raw upang maunawaan nila. Subalit hindi ako ang dapat gumawa niyon, lalo’t batas iyan ng bansa. Kung ako ang gagawa at may nagkamali sa salin, magagamit ba sa korte ang isinalin ko na siyang inunawa ng nakabasa. O mas dapat may isang opisyal na salin?

Mungkahi ko, isabatas ng pamahalaan, at italaga ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF)  bilang  opisyal  na  tagasalin  ng  lahat ng batas sa bansa na nakakaapekto sa mamamayan. Isalin sa wikang Filipino ng KWF at pag nalathala ay tatakan ito ng opisyal na salin ng KWF. Kumbaga ay imprimatur, tulad sa Bibliya. Mas maganda kung isalin sa mga mayor na wika sa bansa, Tagalog, Bisayan (Cebuano), Ilonggo, Waray, Ilokano, Kapampangan, Tausug, at marami pang wika.

Gumawa ng Executive Order ang pangulo ng bansa na itinatalaga ang KWF bilang opisyal na tagasalin ng lahat ng batas sa bansa, sa wikang madaling maunawaan ng madla, lalo na yaong mahihirap, at hindi nakatapos ng pag-aaral subalit nakakapagbasa. O kaya’y lumikha ng House Bill at Senate Bill, at lagdaan ng pangulo bilang Republic Act ang pagtalaga sa KWF bilang opisyal na tagasalin. O kaya’y amyendahan ang Republic Act No. 7104,na lumikha sa KWF, na nilagdaan ni dating Pangulong Cory Aquino noong Agosto 14, 1991.

Magtalaga ng mga tagasalin bilang ekstrang trabaho sa mga gurong boluntaryo sa gawaing ito. Sa pagsasalin ng batas, ilathala ang pangalan ng tagasalin, at nirebyu ng dalawang kawani ng KWF, at dumaan din sa pagrerebyu ng mga sektor na may kinalaman sa nasabing batas. Tulad na lang ng R.A.7279 (UDHA), dapat may mga lider-maralitang kasama sa pagrebyu, o kaya pagsasalin ng Labor Code, dapat may 2 kawani ng KWF at mga lider-manggagawang magrerebyu ng isinalin. Isama sa paglathala ng salin ang pangalan ng nagsalin, at mga nagrebyu.

Nang sa gayon, gamitin man ng madla ang opisyal na salin sa wikang Filipino, o  wikang Bisaya man, Ilonggo man, Ilokano man, ay hindi sila mababahala pag sakaling nasalang sila sa kaso at kailangan ng interpretasyon ng korte sa batas na isinalin. May laban sila dahil ang ginamit na salin ng batas ay may opisyal na tatak o imprimatur ng KWF. Nawa’y maisabatas ang adhikaing ito.

Mas magandang gamitin din ang Balarila sa Wikang Pambansa, na sinulat ni Lope K. Santos, na inilathala ng Surian ng Wikang Pambansa (SWP) noong 1939, upang maging maayos ang pagsasalin. Ang SWP ang dating tawag sa KWF. Sa ganitong panawagan, sino kaya ang mga pulitiko, o mga lingkod bayan ang ating dapat makausap?

* Unang nalathala ang pahayag na ito sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Hulyo 1-15, 2023, pahina 7-8.

Huwebes, Hunyo 29, 2023

Kwento - Ang Larawan

MAIKLING KWENTO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

ANG LARAWAN

“Natuwa ako sa larawang aking nakita. Nakapagmumulat talaga. Magaling ang nagpinta niyon. Para bang tulad din nating aktibistang naghahangad ng pagbabago sa lipunan.” Ito ang sabi ni Igme kay Isay.

“Bakit? Saan ka ba nagpunta? Nakunan mo ba ng litrato sa selpon mo?” Sagot naman ni Isay. “Tingnan ko nga.”

Agad namang ipinakita ni Igme ang larawan sa kanyang asawa.

“Tingnan mo, Isay, hindi ba? Para bang iyan ang itinuro sa atin noon sa Aralin sa Kahirapan (ARAK), at sa Lunas sa Kahirapan, Landas sa Kaunlaran (LSK2) noong mga YS pa tayo. Kung paano ba nagpapasasa ang mga bundat na pulitiko at tusong negosyante sa pagsasamantala sa mga maliliit.” Pagpapatuloy ni Igme.

Maya-maya’y dumating ang kapitbahay nilang si Inggo na kolektibo rin nila noong mga estudyante pa sila.

“Ano na naman iyan, Igme. Para bang tungkol sa kasaysayan ang ibinibida mo ngayon, ah,” ani Inggo.

“Oo, pare. Nagandahan ako sa konsepto ng isang iginuhit na larawan na nakapaskil sa pader ng isang pagupitan. Nadaanan ko lang at nilitratuhan ko. Tingnan mo,” ang sabi naman ni Igme.

“Mapagmulat ang mensahe niyan, “sabi ni Inggo. “Matatapos na ang piging ng mga bundat na mayayaman, bukod sa mabulunan sila, ay kung titindig ang mga manggagawa’t maralitang matagal nang inaapi at pinagsasamantalahan ng naghaharing uri. Subalit kung titindig nga sila. Kung hindi sila tatayo, mangangalay lang sila at mapapagod sa pagsisilbi sa mga mayayamang nambabarat pa sa kanilang mga sahod.”

“Ibig sabihin niyan, pare,” sumabad si Isay, “kahit matatanda na tayo, hindi pa rin tapos ang ating gawain ng pagmumulat. Dapat patuloy tayong magmulat, at ipakita sa sambayanan na dapat silang manindigan at sama-samang kumilos kung nais nilang mabago ang kalagayan nila, at mabago ang sistemang umiiral.”

“Ibig sabihin ba niyan, babalik tayo sa kilusan, gayong mayroon na tayong naipanalong relokasyon at may sariling bahay?” Tanong ni Inggo.

“Ano pa nga ba,” si Isay uli. “Nang makita ko ang larawang iyan,  nabuhay muli ang nais kong tumulong upang magmulat at magpakilos. Hindi pa naman natin nakakamit ang lipunang asam natin.”

“Nakakagalit nga ang larawang iyan. Nakatukod ang likod ng mga manggagawa, magsasaka, at karaniwang tao sa hapag kainan ng mayayaman. Para silang mga paa ng lamesa.” Sabi ni Igme. “Inilalarawan lang niyan ang tunay na kalagayan nating mga maliliit. Kung ang larawang iyan ang muling magpapakilos sa atin sa katotohanan ng buhay at pagnanasang makamit ang isang lipunang makatao, lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao, aba’y magsikilos muli tayo. Kakausapin ko si Ka Kokoy upang makipagpulong  tayo sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), o sa Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Ano, sasama ba kayo?”

“Dati akong nasa Sanlakas,” ani Isay, “sasama ako sa plano ninyo.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hunyo 16-30, 2023, pahina 18-19.