Miyerkules, Agosto 17, 2011

Panata sa Sinta

PANATA SA SINTA
ni greg bituin jr.
10 pantig bawat taludtod

habambuhay akong magsisisi
o sisisihin ko ang sarili

kung ang babaeng iniibig ko'y
di ko lubusang maipagtanggol

kung di ko siya matutulungan
sa lahat ng problemang dumatal

kung ako'y di magsasakripisyo
para sa kapakanan ng mahal

kung buhay ko'y di maihahandog
para sa kaligtasan ng sinta

kung siya'y di agad kakampihan
pag siya'y pinagkakaisahan

dahil tiyak kung magkakagayon
habambuhay akong magsisisi

mas maigi pang magpatiwakal
kung iyan ay di ko magagawa

marahil ako sa kanya'y hangal
ngunit siya'y pinakamamahal

poprotektahan ng buong puso
ang sinisinta ko't sinusuyo

di ko siya iiwan sa laban
makaharap man si Kamatayan

buhay ko ma'y aking ipapalit
buhay ko man ang maging kapalit

kaya pinagsisikapan ko nang
gawin ang lahat ng nararapat

nang di ko sisihin ang sarili
nang di ako magsisi sa huli

Miyerkules, Hunyo 22, 2011

Sa Puso Ko Kita Ibinaon

SA PUSO KO KITA IBINAON
ni greg bituin jr.
13 pantig bawat taludtod

ikaw ang dati at bago kong inspirasyon
na sa pangarap ko'y laging naglilimayon
pagtingin ko sa iyo'y saan paroroon
di pa kita maarok, sinlalim ng balon

pag naiisip ka, ang wala ko'y mayroon
pagkat ang iisa'y nagdodoble na ngayon
sa panaginip, kasama kitang bumangon
tila ako adik na sa iyo'y nagumon

naging inspirasyon na kita mula noon
kaya pagsinta sa iyo'y malaking hamon
kung ang iyong ganda'y makamandag na lason
titikman ko iyan kahit di na magbangon

ikaw ang dati at bago kong inspirasyon
kaya sa puso ko ikaw na'y ibinaon

Ako'y Iyong Gamugamo, Apoy Kita

AKO'Y IYONG GAMUGAMO, APOY KITA
ni greg bituin jr.
9 pantig bawat taludtod

ikaw yaong apoy sa lampara
na sa akin ay nakahalina
gamugamo akong sumisinta
sa iyong pinangarap ko,sinta

nais ko pang sa iyo'y madarang
kaysa ikaw ay aking layuan
di baleng dalhin sa kamatayan
basta't ikaw ang napupusuan

ang puso ko'y matagal nang patay
ngunit muli mong binigyang buhay
kahit na ang pakpak ko'y maluray
ay pilit kitang hahagkang tunay

ako'y iyong gamugamo, sinta
at apoy kang aking nadarama

Martes, Hunyo 21, 2011

Dapat Magkausap Tayo ng Sarilinan

DAPAT MAGKAUSAP TAYO NG SARILINAN
ni greg bituin jr.
13 pantig bawat taludtod

dapat magkausap tayo ng sarilinan
nang sa gayo'y di ko madama ang kawalan
hinihiling ko sa mundo'y ikaw lang naman
bakit naman hindi mo pa ako pagbigyan

di bale nang ang matamo ko'y kabiguan
kaysa pag-uusap ay di natin subukan
hinihintay ko lang, mahal, ay kung kailan
turan mo at darating ako sa tipanan

kailangan nating mag-usap ng harapan
nilalaman ng ating puso'y magsabihan
sana man lang, di ako umuwing luhaan
na ang puso'y pira-piraso na't duguan

iniluluhog ko'y pusong may katapatan
nangangakong pag tayo na'y di ka iiwan

Ang Larawan Mo

ANG LARAWAN MO
ni greg bituin jr.
13 pantig bawat taludtod

ang larawan mo'y isisilid ko sa bulsa
o kaya'y ikakabit ko sa iyong blusa
dahilan ka kung bakit nais kong mag-alsa
laban sa sistemang mapang-api sa masa

sa larawan mo'y tila aking nababasa
na ayaw mo nang ikaw'y laging nag-iisa
bigyan ako ng pagkakataon, pag-asa
at tiyak kong sasarap ang iyong panlasa

lalo't natanto mong magandang kumbinasyon
kitang dalawa kung maging magkarelasyon
ngunit pansinin mo sana ako paglaon
upang di lang kita pangarap hanggang ngayon

di ka dapat hanggang larawan lang, mahal ko
sana'y magniig na ang ating pagkatao

Lunes, Hunyo 20, 2011

Nakita Uli Kita sa Panaginip

NAKITA ULI KITA SA PANAGINIP
tula ni greg bituin jr.
14 pantig bawat taludtod

nakita uli kita sa aking panaginip
habang aking iwing puso'y iyong halukipkip
ako nga ba'y mahal mo na kaya sinasagip
mula sa mga panganib na nasasaisip

bakit kaya, sinta, ayaw mo akong tigilan
panay ang dalaw mo sa aking puso't isipan
pahiwatig ba itong dapat kitang ligawan
na kahit sa panaginip ako'y sinusundan

marahil lihim mo akong inukit sa puso
inukit sa puso mong ako ang sinusuyo
sinuyo mo akong pag-ibig mo'y nangangako
nangangakong ang pag-ibig mo'y di maglalaho

pag muli mo akong dinalaw sa panaginip
tila di mo ako matiis na di masilip
laman na yata ako ng iyong puso't isip
tatanggapin na kita sa muli kong pag-idlip

Muli, Para Kay F

MULI, PARA KAY F
ni greg bituin jr.
15 pantig bawat taludtod
iniisip kong bawat katha ko'y binabasa mo
ikaw na aking inspirasyon sa buhay na ito
kaya, sinta, sa pagkakatha'y nagsisipag ako
habang akda'y inaalay sa masa at sa iyo
mula sa pagkalugmok, nabuhay ang aking pinsel
pagkat ikaw'y naririyang mistulang isang anghel
ang bawat kinatha'y inukit, kinatam, sininsil
inspirasyon kitang sa diwa ko'y nakaukilkil
pag nalanta ang mga taludtod ay dinidilig
upang lumago ang mga saknong ng pagniniig
nasa isip kong kinulong kita sa aking bisig
ligaya'y dama habang sa akin ka nakahilig
sana'y di ko lang naiisip na binabasa mo
ang bawat kathang pinaglalamayan ko ng todo
kundi inaabangan at kinasasabikan mo
ang mga akdang sadyang nilikha para sa iyo

Linggo, Hunyo 19, 2011

Habang Papalubog ang Araw

HABANG PAPALUBOG ANG ARAW
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

mag-isa kong tinutungga ang beer sa isang kubo
ang nasa gunita'y ang magandang ngiti't mukha mo
habang ang paglubog ng araw kanina'y tanaw ko
at minamasdan ang pangarap sa kanyang pagyao

bakit, sinta ko, sa akin ay parang umiiwas
kahit sa facebook, ako'y unti-unti mong kinaltas
sa puso ko'y lumalatay ang iyong mga hampas
dahil ba iba ka't iba ang aking nilalandas

alam mong nais kitang isama sa pagbabago
upang itayo ang isang lipunang makatao
na ang bawat karapatan ay totoong serbisyo
ngunit kung nais mong ako na'y magbago'y turan mo

pagkat lahat naman ng ito'y mapapag-usapan
upang sa pangarap ko'y makasama kang tuluyan
o sa pangarap mo'y makasama ako't kagampan
habang binubuo'y isang bagong kinabukasan

bakit imbis bukangliwayway, paglubog ng araw
ang aking matatamasa't lagi nang matatanaw?
pwede ka bang makasama pagkat buhay ko'y ikaw?
o iwi kong puso'y nais mong dumugo't malusaw?

nasa alaala kita habang kinakatha ko
ang taludturang hinabi ng hangarin sa iyo
masid sa pangarap ang magandang mukha't ngiti mo
habang mag-isa kong tinutungga ang beer sa kubo

Kabuluhan

KABULUHAN
ni greg bituin jr
15 pantig bawat taludtod

biglang nagkaroon ng kabuluhan ang buhay ko
nang muli kong masilayan ang magandang ngiti mo
ang diwa't pananaw ko sa mundo'y biglang nagbago
pagkat sa tagal ng panahon ay nagkita tayo

noong wala ka pa'y tila wala nang kabuluhan
ang aking kinabukasan dahil sa kabulukan
ng sistemang ang alam lang ay pawang kabuhungan
ng mga nakaraang gobyerno ng kabugukan

ngunit nang makita kita't masilayan kong muli
ang maamo mong mukha at kaaya-ayang ngiti
aba'y inspirasyon kitang nais kong manatili
sa aking tabi't hahagkan ang iyong mga labi

nagkaroong muli ng kabuluhan ang buhay ko
sana nama'y di mo ipagkait ang pag-ibig mo

Sabado, Hunyo 18, 2011

Kay F

KAY F
ni greg
13 pantig bawat taludtod
laging nag-iisa, iniisip ka, sinta
at sa panaginip, ako'y dinalaw mo na
reyunyong magkaklase sa elementarya
nang makitang ikaw pa ri'y napakaganda
ngunit hanggang ngayon ikaw pa ri'y dalaga
sino kaya ang hinihintay mo, ako ba?
guniguni ko lang ba ito't sapantaha?
ako nga ba sa iyo'y dapat bang umasa?
pwede ko bang pasukin ang iyong daigdig
upang iluhog yaring kimkim kong pag-ibig
nang ikaw na mahal ko'y aking makaniig
tulad ng rosas sa lupa'y aking madilig
makasaysayang pagkikita ang nilandas
halos tatlumpung taon na yaong lumipas
ngunit ngayon tila ba ikaw'y umiiwas
kaya dugo sa puso ko'y panay ang tagas
alam mong crush na kita sa elementarya,
dalagita ka noon, ngayon na'y diyosa
sa high school at kolehiyo'y di na nagkita
pagkat eskwelahan na nati'y nagkaiba
iniingatan sa puso'y muling nabuhay
sa unos, ikaw ang aking bukangliwayway
inisip kong tumigil na sa paglalakbay
kung ikaw na'y makakasama habambuhay
ngunit tila ba ako'y nabuhay sa hapis
kahit na hangarin ko sa iyo'y kaylinis
para bang ang lahat ng swerte ko'y umalis
ngunit di ko magawang sa iyo'y mainis
pagkat ang pagmamahal ay di sapilitan
kung sakaling pulutin ako sa kangkungan
sana naman, mahal, iyong pakatandaan
na ikaw nga'y inibig ko na noon pa man

Linggo, Hunyo 5, 2011

Isa Lang Akong Makata

ISA LANG AKONG MAKATA
ni greg bituin jr.
salitan ang 8 at 10 pantig sa taludturan

isa lang akong makata
sa maraming makata sa daigdig
na pagsinta'y tinutula
sa napupusuan at iniibig

isang magandang dalaga
yaong sa puso ko'y nagpakaligkig
ngayon aking nadarama
pagsinta niya'y humahalumigmig

isa lang akong makata
sa maraming makata sa mundo
kahit laging nangangapa
nakakamta'y pagsintang tuliro

kaysarap niyang mahalin
tila puso ko'y di mahahapo
at kung ako'y papalarin
mamahalin siyang buong-puso

habang tangan ko ang tula
na sa kanya'y aking bibigkasin
upang puso niya't diwa
sana'y tuluyan ko nang maangkin

ah, huwag sanang masawi
itong makata sa nililiyag
dahil pag sinta'y humindi
buhay kong ito'y isa nang hungkag

Linggo, Mayo 29, 2011

Panaghoy ng Isang Paruparong Lungsod

PANAGHOY NG ISANG PARUPARONG LUNGSOD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
sonetong may 12 pantig bawat taludtod

isa lamang akong paruparong lungsod
sa dami ng humaharana sa dilag
ngunit paruparo akong nalulugod
lalo't natatanaw na ang nililiyag

bulaklak siyang aking pinapangarap
yumugyog sa puso ko ang ngiti niya
sandali man lang ang aming pag-uusap
ngunit rosas siyang ikinasasaya

paruparong lungsod akong dumadapo
sa rosas na dilag nitong panaginip
ngunit sana ang puso ko'y di magdugo
pagkat oo niya'y di ko pa masilip

nawa'y tugunin ng rosas ang pagsinta
nang paruparong lungsod na'y lumigaya