Linggo, Hunyo 19, 2011

Habang Papalubog ang Araw

HABANG PAPALUBOG ANG ARAW
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

mag-isa kong tinutungga ang beer sa isang kubo
ang nasa gunita'y ang magandang ngiti't mukha mo
habang ang paglubog ng araw kanina'y tanaw ko
at minamasdan ang pangarap sa kanyang pagyao

bakit, sinta ko, sa akin ay parang umiiwas
kahit sa facebook, ako'y unti-unti mong kinaltas
sa puso ko'y lumalatay ang iyong mga hampas
dahil ba iba ka't iba ang aking nilalandas

alam mong nais kitang isama sa pagbabago
upang itayo ang isang lipunang makatao
na ang bawat karapatan ay totoong serbisyo
ngunit kung nais mong ako na'y magbago'y turan mo

pagkat lahat naman ng ito'y mapapag-usapan
upang sa pangarap ko'y makasama kang tuluyan
o sa pangarap mo'y makasama ako't kagampan
habang binubuo'y isang bagong kinabukasan

bakit imbis bukangliwayway, paglubog ng araw
ang aking matatamasa't lagi nang matatanaw?
pwede ka bang makasama pagkat buhay ko'y ikaw?
o iwi kong puso'y nais mong dumugo't malusaw?

nasa alaala kita habang kinakatha ko
ang taludturang hinabi ng hangarin sa iyo
masid sa pangarap ang magandang mukha't ngiti mo
habang mag-isa kong tinutungga ang beer sa kubo

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento