ISABATAS ANG “BIRTH OF THE NATION WEEK” BILANG PAG-ALALA SA ATING KASAYSAYAN
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.
Nag-uusap ang magkapitbahay na sina Inggo at Indoy hinggil sa gaganaping pagdiriwang ng Buwan ng Kasaysayan tuwing Agosto.
“Alam mo, Pareng Indoy, may mga isasagawang pagdiriwang ang pamahalaan hinggil sa Buwan ng Kasaysayan at Buwan ng Wika. Subalit sa kasaysayan, may mga pagtatalo ang mga historyador hinggil sa kung kailan eksaktong nagsimula ang himagsikan nina Bonifacio.” Ani Inggo.
“Bakit? Ano bang pinagtatalunan nila?” Tanong ni Indoy.
“Ganito kasi, Pareng Indoy,” pagpapatuloy ni Inggo, “Sa aklat natin sa kasaysayan na sinulat ni Gregorio F. Zaide, nagsimula ang himagsikan sa Sigaw sa Balintawak noong Agosto 26, 1896. Kinwestiyon ito ng iba pang historyador natin, tulad ni Gregorio Agoncillo, na unang naganap ang Sigaw sa Pugadlawin noong Agosto 23, 1896. Mahalaga kasing matuldukan na ang ganito sanang pagtatalo dahil napakahalaga nito sa ating kasaysayan. Nang pinunit kasi ng mga Katipunero ang kanilang sedula, tanda iyon na ang Katipunan ay naging isang rebolusyonaryong pamahalaan. At si Gat Andres Bonifacio ang unang pangulo.”
“Ah, kaya pala, may pelikulang Bonifacio: Unang Pangulo,” sabi ni Indoy. “Ngayon ko lang nauunawaan. Subalit ano ba ang programa o plano ng pamahalaan diyan?”
“Ang punto ko,” ani Inggo, “Dapat tapusin na ang debate kung kailan at saan ba talaga nagsimula ang Himagsikang 1896. Ibig sabihin, magdeklara na ang pamahalaan ng isang linggong pagdiriwang hinggil sa Pagsilang ng Bansa, o Birth of the Nation Week. Maaaring magsimula ito sa Agosto 23 hanggang Agosto 29 na tatamaan ang Sigaw sa Pugadlawin at Sigaw sa Balintawak, hanggang sa Tagumpay ng Nagsabado sa Pasig ng Agosto 29. Pitong araw, kaya isang linggong pagdiriwang.”
Napanganga si Indoy, “Ha? May tagumpay ba ang mga Katipunero? Ano iyang Nagsabado sa Pasig?”
Tugon ni Inggo, “Ayon sa historyador ng Pasig na si Carlos Tech sa kanyang panayam kay Heneral Valentin A. Cruz, ang Nagsabado sa Pasig ay hinggil sa pag-aalsang naganap noong Agosto 29, 1896. Pinamunuan ito ni Cruz, at nilahukan ng halos 2,000 Katipunerong armado ng itak, sibat, karit at ilang riple. Matagumpay nilang nilusob ang Tribunal sa Pasig at ang himpilan ng mga Guardia Civil, at nakasamsam ng 17 pistola at tatlong ripleng Remington. Kaya umatras sina Tenyente Manuel Sityar, ang pinuno ng Guardia Civil, kasama ang kanyang mga tauhan at nagtago sa kampanaryo ng simbahan. Iyan ang Battle of Nagsabado na dapat ding taunang ipagdiwang, di lang sa Pasig, kundi sa buong bansa.”
“Naunawaan ko na,” ani Indoy, “Kaya anong dapat nating gawin?”
Tumugon si Inggo, “Dapat maikampanya natin ang pagsasabatas ng Birth of the Nation Week. Magsulat tayo ng petisyon, magpaliwanag sa mga tao upang lagdaan ang petisyon, kumausap ng mga senador at kongresista, mga guro sa kasaysayan, upang maging ganap na batas ang pagdiriwang ng Pagkasilang ng Bansa, o Birth of the Nation Week.”
Napakinggan pala sila ni Ingrid na nakaupo lang sa tabi habang kumakain ng pansit kanton. Sumabat ito. “Tanong ko lang, kung maisasabatas ba iyang Birth of the Nation Week, maaapektuhan ba ang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan tuwing Hunyo 12?”
“Aba’y hindi,” mabilis na tugon ni Inggo. “Magkaiba kasi sila ng panahon sa kasaysayan.”
“Salamat. Alam n’yo, ituloy n’yo lang iyan, lalo ang gagawin n’yong petisyon,” ani Ingrid, “Kung sakali, tutulong ako sa pagpapapirma. Aba’y mahalaga iyang sinasabi mong Birth of the Nation upang mabatid talaga ng mga Pilipino ano ang naganap noong isinilang ang ating bansa. Basta malinaw maipaliwanag sa mamamayan, tiyak na maraming lalagda.”
Buong galak na sinabi ni Indoy, “Aba’y sulatin mo na ang petisyon. At magpatawag ka na rin ng pulong ng magkakapitbahay upang mapag-usapan ang iyong mungkahi at baka makatulong rin sila sa pagtalakay at pagpapalaganap niyan. Sagot ko na ang pagpaparami ng petisyon.”
“Salamat. Sige, susulatin ko ang petisyon at magpulong na rin tayo sa Sabado, alauna ng hapon. Sa harap na ng bahay namin.” Sabi ni Inggo.
“Sige, at iimbitahan ko na rin ang ilan kong kaibigan.” Ani Indoy.
“Ako rin.” Ani Ingrid. “KIta-kits sa Sabado.”
Isang araw iyon na punong-puno ng pag-asa para sa kanila.
* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Agosto 1-15, 2019, pahina 18-19.


Walang komento:
Mag-post ng isang Komento