TARANG LUMIKHA NG PALAISIPANG BAYBAYIN
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.
Nitong Marso 14 ay umuwi na kami nina misis, hipag, at biyenan kong babae sa La Trinidad, Benguet, dahil sa balitang iku-quarantine na ang buong bansa, dahil sa matinding epekto ng sakit na COVID-19. Gabi ay nasa Cubao terminal na kami. Madaling araw nang dumating kami sa Baguio at nagtaksi na pa-La Trinidad. Nag=umpisa na ang ECQ o Enhance Community Quarantine at Luzon-wide crackdown, ayon sa balita sa radyo.
Maginaw sa labas, at hindi kami maaaring lumabas, maliban na lang sa nakatalagang tao sa pamilya, na siyang bibili ng pagkain, kakausap sa barangay, habang ang mga gawaing bahay ay pinagtulungan namin gaya ng pagluluto, paglalaba, paghuhugas ng pinggan, pagwawalis. Hanggang mapagtuunan ko ang pagsusulat sa Baybayin. Lumilikha ako ng mga tanaga, o tulang may pitong pantig bawat taludtod sa isang saknong na may apat na taludtod, at isinasalin ko iyon sa Baybayin. Balak kong makapaglabas ng librong Tanaga sa Baybayin, o yaong mga nilikha kong tanaga ay tinabihan ko ng isinulat ko sa Baybayin. Hanggang maisipan kong lumikha ng palaisipang Baybayin. Ang nilikha ko’y isang pantig sa bawat titikahon upang pumasok sa Baybayin na pag sinulat ay pantigan at hindi titik. Iniwasan ko muna ang may nakadikit na ala-krus sa dulo ng Baybayin na kahulugan talaga’y ssshhh na ibig sabihin ay silent letter. Ang nagawa ko’y dalawang munting krosword. Isa’y salitang may nakapaloob na RA, na maaari ring DA. Kaya kung ang sagot sa bayan ng Albay ay DARAGA, pareho ang titik sa Baybayin. Nang gulantangin ako ni misis.
“Ano? Nagawa mo na ba iyang plano mong krosword na Baybayin.”
Agad akong sumagot ng “Oo, mahal. Dalawang krosword na maliliit muna. Kumbaga, testing. Hehe.” At ipinakita ko kay misis ang nagawa ko. Ang tanong sa 3x3 na titikahon ay 1 Pahalang: Tangkay ng saging (saha ang katawan ng saging), 4. Uri ng pagkaing dagat, 5. Dama ang galak; Pababa: 1. Paháging; 2. Sasarap; 3. Walang ingat. “May instruksyon ako riyan. Sagutan ang krosword sa pamamagitan ng titik sa Baybayin.”
Tiningnan ni misis at sinubukang sagutan. Ngunit hindi sa Baybayin, kundi sa letrang alam natin.
“Ito pa ang isang krosword.” Ikako. At ipinakita ko sa kanya ang 4x4 na titikahon. “Eksperimentasyon ko iyan sa paglikha ng krosword na sasagutan sa Baybayin, kaya initiman ko na ang ilang mga titikahon kung saan walang letrang ilalagay.”
Sabi ko kay misis, “Habang quarantine pa at hindi tayo makalabas, nais kong gugulin ang panahon ko, bukod sa iyo, ay sa mga pananaliksik, pagkatha ng tula at maikling kwento, at pagsusulat ng tula sa Baybayin. Dagdag pa ang paggawa ng krosword na Baybayin upang sa malikhaing paraan ay maitaguyod din natin ang panulat ng ating mga ninuno.”
“Ayos naman iyan, mahal ko,” tugon ni misis. “Hindi natin alam kung hanggang kailan pa itong quarantine, subalit sige lang. Kung kaya mong makalikha ng isangdaang tula habang quarantine, babasahin ko lahat.”
Natuwa naman ako sa sinabi ni misis, subalit nakalulungkot din lalo na’t walang kasiguruhan ang quarantine kung kailan ba matatapos itong pandemic. Subalit gaya nga ng nasabi ko, magba-Baybayin muna ako.
Magtatanim-tanim na rin ako sa likod-bahay, na kahit sa kaunting lupa ay makapagpatubo ng kamatis, makapamitas ng talbos ng kamote upang ulamin, at umasa sa ibibigay ng pamahalaan, kung mayroon.
Aba’y karapatan natin iyan. Ang alam ko, dalawang dahilan lang kung bakit tayo bibigyan ng pagkain ng pamahalaan. Una, kung may digmaan. Ikalawa, kung may sakuna, kalamidad, o gaya nitong pandemic.
* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Marso 16-31, 2020, pahina 10-11.
