Lunes, Marso 29, 2021

Kwento - Ang Lipunang Alipin


ANG LIPUNANG ALIPIN
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nagkaroon ng munting pag-aaral sa isang samahang maralita. Tinalakay nila ang mga uri ng lipunang pinagdaanan sa mahabang kasaysayan. Naipaliwanag ng tagapagturo mula sa samahang paggawa na may iba't ibang lipunan, at una niyang binanggit ang lipunang primitibo komunal. Sunod ay ang lipunang alipin. Sunod ay lipunang pyudal at ang lipunang kapitalista. Nabanggit din niya ang maaaring pangaraping uri ng lipunan sa hinaharap.

"Alam n'yo, mga kasama," sabi ng tagapagturo, "na dumaan tayo sa pagkakapantay-pantay ng kalagayan ng tao sa lipunan. Noong panahon ng primitibo komunal, sa isang tribu, pag nakahuli ang mga mangangagaso ng isang baboydamo, ito'y paghahati-hatian ng buong tribu, walang lamangan, patas ang palakad, kaya lahat ay nakakakain."

"Aba’y may ganyang lipunan pala noon." Sabi ni Igme, maralitang nangunguha ng mga tirang pagkain sa Jolibe at Makdo, at huhugasan upang iluto muli, na mas kilala sa pagpag.

"Oo, subalit nagbago ito nang lumitaw ang lipunang alipin. Nang ang isang tribu na ay nagugutom habang ang kabilang tribu ay nakakakain ng maayos, nilusob ng tribung gutom ang tribung busog, at nang matalo nila ito ay ginawa nilang alipin. At sinakop ang mga pook na maraming bunga at tanim. Dito nagsimula ang lipunang alipin." Napatango si Mang Igme.

Nagpatuloy ang tagapagturo. "Ang pang-aalipin ay uri ng sapilitang paggawa na kung saan tinuturing o tintratro ang isang tao na pag-aari ng iba. Inaari ang mga alipin nang labag sa kanilang kalooban mula nang sila'y nabihag, nabili o isinilang, at inaalisan ng karapatan na magbakasyon, tanggihang magtrabaho, o tumanggap ng bayad, katulad ng sahod. Alam nyo ba, dumaan din ang pang-aalipin sa kasaysayan na hindi tinuligsa kundi sinang-ayunan pa. Noong panahong wala pang Deklarasyon ng Karapatang Pantao, na nito lang 1948 naisulat matapos ang Ikalawang Daigdigang Digmaan. Sa Bibliya nga, ang pang-aalipin ay pinapayagan. Nakasulat ito  sa  Lumang   Tipan  (Exodus  21:1-11,  Exodo 21:20-21, Deuteronomiya 21:10-14, Exodo 21:1-7, Leviticos 25:44-47) gayundin sa Bagong Tipan (Efeso 6:5, I Timoteo 6:1). Ang mga talatang ito at hindi pagkokondena ng pang-aalipin sa Bibliya ang pangangatwirang ginamit ng mga tagapagtaguyod ng pang-aalipin sa Estados Unidos upang ipagtanggol ang pang-aalipin sa bansang ito. Ayon sa Levitico 25:44-47, ang mga Israelita'y pinapayagang bumili ng alipin. Ang mga anak ng biniling alipin ay maaari ring bilin at gawing alipin. Ang mga ito ay maaaring ipamigay ng bumili sa mga anak nito at gawing alipin. Ayon sa Exodo 21:1-6, ang isang biniling lalakeng aliping Israelita ay pinapayagang lumaya pagkatapos ng anim na taong pagsisilbi sa may-ari nito. Kung ang lalakeng aliping ito ay binigyan ng asawa ng may-ari, ang asawa at mga naging anak nito ay mananatiling pag-aari ng may-ari kahit lumaya na ang lalaking alipin. Kung ang lalakeng alipin ay ayaw nang umalis dahil mahal nito ang asawa at mga anak at ang amo, ito at ang pamilya nito ay habang buhay na magiging alipin. Sa Exodo 21:7, ang babaeng ipinagbili ng ama nito bilang alipin ay hindi maaaring palayain tulad ng isang aliping lalake. Sa Deuteronomiyo 21:10-14, ang babaeng bihag na kaaway ng mga Israelita sa digmaan ay maaaring pakasalan at sipingan kung ito ay magugustuhan. Kung ayaw na ng lalaki sa babaeng bihag, saka lang ito pinapalaya.“

Pailing-iling na lang ang mga mag-aaral. Maya-maya ay napataas ang kamay ni Igme, “Napanood ko ang pelikulang Spartacus na pag-aaklas ng mga alipin noon sa Roma. Palagay ko, tamang mag-aklas sila.”

Nagtaas ng kamay si Inggo at nagtanong. "Hindi ba pang-aalipin din ang pangangamuhan? Binabayaran ka upang gawin ang anumang gusto ng inyong amo? Ilan na bang OFW natin ang nagpaalipin sa ibang bansa ngunit umuwing bangkay?"

“Ay, tama kayo,” sabi ng tagapagturo. “Dahil sa tulad ni Spartacus ay nabatid natin na bilang tao ay dapat tayong lumaya sa pang-aalipin at magkaroon ng dignidad. Nang magkaroon ng Universal Declaration of Human Rights, naisulat sa mga unang talata pa lang ang “All men are created equal”. Ngunit bago iyan ay naisulat na sa Kartilya ng Katipunan ang mga katagang: “Maitim man o maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao'y magkakapantay; mangyayaring ang isa'y hihigitan sa dunong, sa yaman, sa ganda; ngunit di mahihigitan sa pagkatao”. 

“Maraming salamat po sa inyong itinuro at natutunan namin sa paksang ito. Ah, dapat tayong lumaya sa pagkaalipin at pagsasamantala ng tao sa tao.” Sa ganitong punto ay natapos na ang araling nagbigay ng panibagong inspirasyon sa kanila, at nangakong babalik sa susunod.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Marso 16-31, 2021, pahina 18-19.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento