Sabado, Marso 14, 2026

Parang gerilya akong nagbenta ng aklat sa Philippine Book Festival 2026

PARANG GERILYA AKONG NAGBENTA NG AKLAT SA PHILIPPINE BOOK FESTIVAL 2026
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nakadalawang araw din ako sa apat na araw na Philippine Book Festival 2026, kahapon at ngayon (Marso 13-14). Taon-taon basta may pagkakataon ay sasaglit ako sa anumang book festival, tulad nitong Philippine Book Festival (PBF) at Manila International Book Festival (MIBF) tuwing Setyembre. Sa Buwan ng Sining nitong Pebrero ay nakapagbenta rin ako sa ilang aktibidad.

Salamat at nakabenta rin ng tigatlo kong aklat sa Philippine Book Festival 2026 sa ilang manunulat, kina Albert Banico ng 8Letters Publication at awtor ng librong "Ang Paghahanap kay Tapat", Edzel ng San Anselmo Publications, Jason ng Teachers Dignity Coalition (TDC) at may kasamang mga estudyante niya, at Joebert ng Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA). Ang tatlo kong libreto'y ang "Malayang Salin ng mga Tula ng mga Makatang Palestino", "Tula't Tuligsa Laban sa Korapsyon", at "Tula't Panawagan Para sa Hustisyang Panlipunan". Pawang paksang pulitikal man ang mga nasabing aklat ay kinatha kong may sining ang mga paksa pagkat pawang mga tula.

Ang napagbentahan ko, imbes maipon, ay naibili ko ng mga klasikong aklat na mumurahin subalit kaygandang basahin, tulad ng "Suplungan ng mga Hayop" ng naging "Hari ng Balagtasan" na si Emilio Mar. Antonio, P100, 98 pahina; "Kalmot ng Pusa sa Tagiliran" na kalipunan ng mga tula ni Jim Pascual San Agustin, P100, 126 pahina; "Tatlong Kaisang Puso" ni Lakangiting Garcia, P50, 112 pahina; "Tilamsik ng Panitik" ni Rustica Carpio, P50, 170 pahina; "The Negating Fire and the Affirming Flame: American and Filipino Novels on the Pacific War" ni Elena P. Polo, P50, 164 pahina, at "Imagination's Way" ni National Artist for Literature Gemino H. Abad, P50, 128 pahina. 

Sabi ko nga sa sarili ko, ang ipangkakain ko na lang ay ibinili ko pa ng aklat. Subalit ganyan yata talaga ako, eh.

Pangarap kong magkapwesto rin sa ganoong mga festival ang matagal ko nang itinayong Aklatang Obrero Publishing Collective na humigit-kumulang dalawang dekada nang umiiral at siyang naglathala ng aking mga aklat mula pa noon. Para tuloy akong gerilya sa pagbebenta ng aklat. Walang pwesto subalit umaasang makabenta ng libro. Mabuti't may mga kaibigan tayong mahilig din sa aklat at panitikan at bumili ng tatlo kong librero. Sa kanila, maraming salamat!

SALAMAT, MGA KAIBIGAN SA PANITIKAN
salamat sa mga katoto't kakilala
‎at sa Philippine Book Festival nakabenta 
‎ng tatlong klase ng aking libretong dala
‎hinggil sa Palestine, Korapsyon, at Hustisya
‎ang nangyaring ito'y di ko malilimutan
at bihirang maganap sa buhay ang ganyan
‎nagkita lang ng kakilala't kaibigan
sa book festival at sila na'y nabentahan

tila ba pinagtiyap ng pagkakataon
nang magkita kami sa ganitong panahon
mga mahilig sa aklat ay nagkatipon
awtor, makata at guro'y nagsama ngayon

ang ibinenta ko'y mga isyung pangmadla
pawang kalagayan ng api't mga dukha
lipunang makatao'y itayo't malikha
nang masa'y tamasahin ang nasang ginhawa

03.14.2026

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento