Lunes, Hunyo 14, 2021

Kwento: Bakit may kahirapan?

BAKIT MAY KAHIRAPAN?
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Bakit may kahirapan?” Isa ang tanong na iyan sa ayaw tugunan ng nasa kapangyarihan o kaya’y ayaw nilang pag-usapan. Mas nais lang nilang maglimos kaysa malaman ang ugat ng kahirapan. Natatandaan ko pa ang sinabi ni Bishop Helder Camara ng Brazil, "When I give food to the poor, they call me a saint. When I ask why the poor have no food, they call me a communist. (Kapag nagbibigay ako ng pagkain sa mahihirap, tinatawag nila akong santo. Kapag tinatanong ko kung bakit walang pagkain ang mga mahihirap, tinatawag nila akong komunista.)"

Kaya nang minsang magkaroon ng pag-aaral ng mga maralita hinggil sa ugat ng kahirapan, ibinungad agad ng tagapagpadaloy ang sinabing ito ni Obispo Camara. “Balido ang sinabi ni Obispo Camara, may tumututol ba rito?” Walang nagtaas ng kamay, pawang nag-iisip.

Hanggang sa tumayo si Mang Igme, isang lider-maralita sa Tondo, “Kayganda ng sinabi ng Obispo. Talagang mapapaisip tayo. Pag nagbigay ka ng pagkain sa dukha, banal ka, subalit pag tinanong mo ang dukha bakit sila mahirap, aba’y masama ka na! Komunista agad ang tingin sa iyo! Aba’y magaling kung komunista ka pala pagkat palatanong ka, at hindi tango nang tango na lang sa kung anong dikta sa iyo.”

“Aba’y maganda ang iyong tinuran, Manong Igme,” sabi naman ni Mang Inggo. “Natandaan ko tuloy ang kwento ng binatang si Archimedes Trajano, na biktima ng marsyalo! Alam n’yo ba ang kwento niya. Aba’y nang tinanong lang niya noon sa isang talakayan si Imee Marcos kung bakit siya ang pangulo ng Kabataang Barangay, aba’y nairita si Imee, at ang kanyang mga tao ay biglang dinaluhong si Archimedes. Itinapon pa raw sa bintana kaya namatay. Aba’y masama pala magtanong kung kaharap mo ay may kapangyarihan!”

“Kaya nga dapat baguhin ang bulok na sistema. Ito ang panawagan namin noon pa, upang maitayo natin ang isang lipunang makatao,  walang pagsasamantala ng tao sa tao, walang pang-aapi, kundi lipunang kumikilala sa dignidad ng bawat tao kahit pa siya’y maralita. Subalit bago natin iyon magawa nang sama-sama, dapat ay nauunawaan natin bakit nga ba may kahirapan. Magtanong kayo dahil diyan magiging mabunga ang ating talakayan.” Sabad ni Mang Kulas, ang tagapadaloy.

“Alam n’yo, noong ako’y bata pa, nagisnan ko nang mahirap ang buhay nina Itay at Inay. Hindi nila ako napag-aral noon, subalit kahit paano naman ay nakaabot ako ng Gred Wan.” Sabi ni Isko.

“Ang ganda pa naman po ng pangalan ninyo, Mang Isko, Parang iskolar ng bayan. Subalit iyan ba ang dahilan bakit kayo mahirap, gayong may karunungan kayong di basta nakukuha sa pag-aaral sa eskwelahan. Karunungang mula karanasan. Ang sinabi ninyo’y di ugat na kahirapan. Dii lang po kayo nabigyan ng pagkakataong makapag-aral.” Ani Kulas.

Nagtaas ng kamay si Iking, “Sabi po ng iba, katamaran daw po ang ugat ng kahirapan. Kaya lang po, hindi ko maubos-maisip na tama nga iyon, dahil si Tatang naman ay kaysipag sa bukid. Maagang gumigising upang mag-araro at magtanim, ngunit kami’y mahirap pa rin. Si Kuya Atoy naman ay kay-agang pumasok sa pabrika at hindi lumiliban sa trabaho ngunit mahirap pa rin kami.”

“Tama ka, Iking, ang katamaran ay hindi ugat ng kahirapan.”

“Populasyon po ba?” Tanong ni Aling Telay, “Pag maraming anak ay naghihirap. Pag kaunti ang anak ay kaunti lang ang pakakainin. O kaya kapalaran na talaga naming maging mahirap.”

“Pag naniwala kang ang populasyon at kapalaran ang ugat ng kahirapan, aba’y hindi na pala uunlad ang may maraming anak, kahit anong sipag pa ang kanyang gagawin.” Ani Kulas.

“Ang totoong ugat ng kahirapan ay ang pagkakaroon ng isang tao o grupo ng mga pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon tulad ng pabrika, makina at mga lupain. Tulad sa lugar natin, ang nag-aari ng lupa ay si Don Ogag, na imbes na tayo ang makinabang sa ating pinagpaguran, ibibigay pa natin ang mayorya ng pinagpawisan natin sa kanya, dahil lang sa pribilehiyo niyang siya ang may-ari. Upang mawala ang kahirapan dapat mawala ang ganyang konsepto ng pribadong pag-aari upang makinabang ang lahat sa kanilang pinagpaguran. Tanggalin sa kamay ng iilan ang pag-aaring yamang kinamkam nila upang ang lahat naman ay makinabang.”

Tatango-tango lahat ng naroon. Naunawaan na nilang ang pribadong pag-aari pala ng mga pabrika, makina’t lupain ang ugat ng kahirapan.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hunyo 1-15, 2021, pahina 18-19.

Miyerkules, Mayo 19, 2021

Sino ba si Pablo Ocampo, na may rebulto sa dating Vito Cruz St.




SINO BA SI PABLO OCAMPO, NA MAY REBULTO SA DATING VITO CRUZ ST.

Napadaan ako sa rebulto ni Pablo Ocampo, matapos kong makapanggaling sa Cultural Center of the Philippines (CCP) matapos kunin ang tseke para sa isa kong artikulong ipinasa. Pagkalabas ko roon ay dumaan muli ako sa dating Vito Cruz, na ngayon ay Pablo Ocampo na, upang sumakay muli ng LRT patungo sa aking pupuntahan.

Napahinto ako sa rebulto ni Pablo Ocampo, at nag-selfie doon. Ang rebulto, kung mula sa CCP ay bago mag-Rizal Memorial Coliseum. Ngunit kung galing sa LRT ay pagkalampas lang ng mga apat o limang metro sa kanto ng Rizal Memorial Coliseum, at nasa gitna ng kalsada, na 'yun ang babaan o dinadaanan ng biyaheng Dakota Harrison.

Huminto ako at minasdan ang rebulto. Nais kong malaman kung sino ba si Pablo Ocampo at bakit siya ang ipinalit na pangalan sa dating Vito Cruz. Gayundin naman, sino ba si Vito Cruz at bakit pinalitan ang pangalan ng kalsadang dating nakapangalan sa kanya. At maibahagi ito sa ating mga kababayan.

Hanggang ngayon nga, nakapangalan pa rin sa LRT station ay Vito Cruz, imbes na Pablo Ocampo. Isa pang pananaliksik kung sino ba si Vito Cruz. Ngunit tutukan muna natin kung sino si Pablo Ocampo. Palagay ko'y sapat na ang pagpapakilala sa kanya sa nakaukit na tala sa lapida o marker na nasa ibaba ng kanyang rebulto o bantayog, na ang nakasulat ay ang mga sumusunod:

"PABLO OCAMPO (1853-1925), Abogado, editor, estadista at makabayan. Isinilang, Enero 25, 1853, Sta. Cruz, Maynila. Hinirang na Relator, Audencia ng Maynila, 1888; Promotor Fiskal, Hukumang Unang Dulugan ng Tondo, 1889; Defensor de Oficio at Kalihim, Colegio de Abogado, 1890; Kagawad at isa sa kalihim ng Kongreso ng Malolos at kagawad ng komiteng bumalangkas sa Konstitusyon ng Malolos, Editor ng La Patria, kung saan nalathala ang mahahalagang suliranin at mga isyung pambayan. Kasama ang kanyang mga kuro-kurong makabayan. Ipinatapon sa Guam kasama ng ibang makabayang Filipino, 1901. Bumalik sa Pilipinas pagkaraang makapanumpa ng katapatan sa Estados Unidos, 1902. Nahalal na naninirahang komisyonado sa E.U. 1907 at kasama ng delegasyong Amerikano sa Interparliamentary Union Conference sa Berlin, Alemanya, 1909. Nahalal na kinatawan ng Maynila sa Ikalawang Lehislatura ng Pilipinas, 1919. Namatay, Pebrero 5, 1925.

Ang marker ay inilagay ng National Historical Institute (NHI) noong 1991. Ang NHI ay ipinangalan noong 1972 na pinalitan ang dating National Historical Commission (NHC). Noong 2010 ay pinangalanan na itong National Historical Commission of the Philippines (NHCP). 

May trivia pa. Pareho pala kami ng paaralang pinanggalingan noong hayskul. Kaya marahil naging interesado ako sa kanya at nag-selfie sa kanyang rebulto. Batay ito sa saliksik sa mga kawing na: https://history.house.gov/People/Listing/O/OCAMPO,-Pablo-(O000020)/ at https://en.wikipedia.org/wiki/Pablo_Ocampo.

Mabuhay ka, Ka Pablo Ocampo, at ang iyong mga inambag sa ating bansa!

- gregoriovbituinjr.05.19.2021

Nag-selfie sa CCP


NAG-SELFIE SA CCP

Dumaan ako kanina sa Cultural Center of the Philippines (CCP) sa Roxas Blvd. dahil kailangan kong kunin ang isang tseke para sa isa kong artikulo. Matapos kong makuha, nag-selfie na rin ako sa ilang karatula dito. Malaking tulong na rin ang munting pabuya upang makabili ng anumang pangangailangan ngayong may pandemya, tulad ng pagkain.

Tahimik ang paligid. Bagamat bukas ang mga opisina. Marahil ay konsentrado ang mga kawani sa loob ng kani-kanilang silid. Walang aktibidad, at wala kasing kakilala.

Gayunman, nag-selfie na nga lang ako sa nakita kong karatula o poster na may nakasulat na CCP.

Dalawa o tatlong taon na ang nakararaan noong huli akong magpunta rito, kasama si misis, dahil nanood kami ng isang palabas, na may tulaan. Iyon ang unang date namin ni misis sa loob ng CCP.

Dinaluhan namin ang imbitasyon. Iyon ay hinggil sa paligsahan ng makabagong sarswela kung saan maraming mga nanalo, at ang guro ko sa LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo) na si Prof. Michael Coroza ang siyang emcee. Pawang magagaling ang mga nanalo, at marami rin akong kakilalang naroon. Nakakwentuhan, at hanggang ngayon ay nagkikita-kita pa sa fb.

Padayon, CCP, at nawa'y magpatuloy pa kayo sa gawaing pangkultura, at suportahan pa ang mga manunulat at mga manggagawang pangkultura! Mabuhay kayo!

- gregoriovbituinjr.05.19.2021

Biyernes, Mayo 14, 2021

Kwento - Pagbaka sa Kontraktwalisasyon


PAGBAKA SA KONTRAKTWALISASYON
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Nakakainis talaga. Nagtatrabaho ka sa kumpanya tapos dahil kontraktwal ka, hindi ka ituturing na manggagawa ng kumpanya! Hay, naku, grabe na talaga ang pagkasalot ng salot na kontraktwalisasyon.” Gigil na sabi ni Inggo habang pigil ang kamaong nakakuyom.

“Sinabi mo pa. Problema talaga natin iyan sa kumpanya.” Pagsang-ayon ni Isko. Nag-uusap sila habang nakaupo sa karinderya ni Aling Iska.

Napamulagat naman ang nakikinig na si Aling Iska, “Ano na naman ba iyang pinag-uusapan ninyo? Buti nga, may trabaho kayo. Kahit ba kontraktwal ay may naiuuwi naman kayo sa pamilya ninyo, ah.”

“Hindi mo nauunawaan, Iska. Ang kontraktwalisasyon, kaya salot, ay iskema ng mga kapitalista upang bawasan o matanggalan ng mga benepisyo ang mga manggagawa. Imbes na dapat maregular na sa trabaho ang manggagawa ay hindi ginagawang regular.” Sagot agad ni Inggo. “Ang kontraktwal, kumbaga, ay pansamantalang trabaho, na bago sumapit ang ikaanim na buwan ay tatanggalin na lang sila sa trabaho, kahit gaano ka pa kahusay. Iniiwasan talaga ng kumpanya na maging regular ang mga manggagawa. Meron namang ilang taon na sa kumpanya, tulad ko, limang taon na subalit kontraktwal pa rin. Walang kasiguruhan sa trabaho ang mga kontraktwal.”

“Ang nais namin ay maging regular na manggagawa naman kami sa kumpanyang matagal na naming pinaglilingkuran.” Sabi naman ni Isko.

“Paano mangyayari iyan? Hihilingin ba ninyo sa kapitalista o sa manedsment n’yo na gawin kayong regular? Aba’y paano kung hindi kayo pakinggan? Pag nagprotesta kayo, baka tanggalin naman kayo sa trabaho.” Sabad muli ni Aling Iska. “Baka magandang humingi kayo ng tulong sa unyon, at baka naman makatulong ang mga regular na manggagawa sa inyong mga kontraktwal.”

“Magandang ideya iyan, Iska.” Sabi ni Inggo. “Dapat makatulong nga sa problema natin ang mga regular na kamanggagawa natin, di ba?”

“Diyan natin simulan. Kausapin natin ang pangulo ng unyon na si Ka Igme, at tanungin hinggil sa ating suliranin.” Sabi ni Isko. Kinabukasan, bago ang simula ng trabaho ay kinausap na nina Inggo at Isko si Ka Igme hinggil sa kanilang kalagayan.

“Limang taon na akong kontraktwal, habang si Isko naman ay apat na taon na. Anim na buwan lang ay dapat regular na kami, di ba? Kayong mga regular, paano ba ninyo kami matutulungan. Aba, ayaw naman naming habambuhay kaming kontraktwal at wala kaming kasiguruhan sa trabaho. Bukod sa mababa na ang sahod, wala pa kaming benepisyo, di tulad ninyong mga regular.” Ani Inggo kay Ka Igme.

“Tama ka, Inggo. Panahon na talagang mag-usap tayo. Salamat sa inisyatiba ninyo. Dapat talagang magsama ang mga regular at kontraktwal upang labanan iyang salot na kontraktwalisasyon. Ngunit dapat magsimula muna tayo sa isang pulong-pag-aaral upang suriin natin at pag-aralan kung bakit nga ba may kontraktwalisasyon, at ano ang mga dahilan niyan.” Ang agad tugon ng pangulo ng unyon.

“Aba’y talagang dapat naming malaman, mapag-aralan at maunawaan kung bakit nga ba sa tagal naming nagtatrabaho sa kumpanyang ito ay kontraktwal pa rin kami. Sige, kailan iyan upang sabihan ko ang ibang kontraktwal para sa pag-aaral nang maipaglaban namin, kung kinakailangan, na magkilos-protesta kami, o sa anumang paraan upang maparating namin sa kinauukulan na gawin kaming mga regular na manggagawa.” Sabi ni Inggo, habang tatango-tango si Isko.

Mungkahi ni Ka Igme ay sa susunod na Linggo, kung kaya ng mga kontraktwal, dahil walang pasok iyon. Isakripisyo muna ang araw ng pamilya upang mag-aral hinggil sa usaping kontraktwalisasyon. 

“O, paano, magkita-kita tayo sa Linggo.” Sabi ni Ka Igme. At agad nagtanguan ang dalawa na nangakong kakausapin nila ang kanilang mga kapwa manggagawang kontraktwal upang dumalo sa pag-aaral at talakayan.  Dama nila, iyon na ang simula ng kakaharapin nilang laban.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Mayo 1-15, 2021, pahina 18-19.

Huwebes, Abril 29, 2021

Kwento: Ayuda


AYUDA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr. 

Panahon iyon ng pandemya. Hindi makalabas ang mga tao. Kaya ang magkakapitbahay sa isang looban ay doon lang nagkakakwentuhan. Bawal lumabas ng looban, maliban sa mga tagabili ng makakain. Kung may pambili, o kung kukuha ng ayuda.

"Grabe na ang nangyayaring ito sa atin, ano? Aba’y hindi na tayo makapagtrabaho." Angal ni Mang Inggo. "Kailan ba tayo magkakaayuda? O sasagpangin na naman ng mga pulitiko ang mga ayudang para sa tao? O pipiliin lang ang kakampi nila’t ipamimigay lang ang ayuda sa tao nila?"

Napatingin si Mang Kulas, at agad nagpaliwanag. "Alam mo, pare, ayon sa right to good o karapatan sa pagkain, may dalawang dahilan lang daw upang mamigay ng pagkain ang pamahalaan sa kanyang mga mamamayan - pag may digmaan o pag may kalamidad. At ang pandemya ay nasa kategorya ng kalamidad, kaya dapat lang mamigay ng ayuda ang pamahalaan sa mamamayang di makalabas dahil sa lockdown."

Ipinaliwanag naman ni Mang Kulot, na isang manggagawang talaga namang palabasa, "Alam n'yo, ayon sa World Health Organization o WHO noon pang 2010, na pag sinabing pandemya, ito ang pandaigdigang paglaganap ng isang bagong sakit. Sa nakaraang sandaang taon, tatlong pandemya na ang nagdulot ng pinakamataas na bilang ng mga namatay. Nariyan ang Spanish Flu noong 1918-1920. Nasa tantiya'y 500 milyon katao ang nagkasakit nito at mga 50 milyon naman ang namatay. Ang tinaguriang H1N1 na virus ang dahilan ng pandemyang ito. Nariyan din ang AIDS o Acquired Immunodeficiency Syndrome mula pa 1981 hanggang sa kasalukuyan. Ang HIV o human immunodeficiency virus ang dahilan ng AIDS. Mula noong 1981, tantiyang nasa 35 milyon na ang namatay sa AIDS.”

"Grabe pala, ano?" Sabi ni Mang Igme.

Nagpatuloy si Mang Kulot, "Nariyan din ang Asian Flu mula 1956 hanggang 1958 kung saan dalawang milyon ang tinatantyang namatay. Nagmula naman ito sa H2N2 na virus. At ngayon nga ay itong COVID-19."

"Ang tanong, nakatanggap na ba kayo ng ayuda?" sabat ni Inggo. “Ika nga ni Kulas, karapatan natin ang magkaayuda lalo na’t nasa ganito tayong kalagayan. Lockdown, hindi makalabas, hindi makapagtrabaho, hindi makadiskarte, gutom ang pamilya.”

Balik na tanong ni Mang Pekto, “Nakalista ba kayo sa barangay?”

“Iyon lang. Di lang natin alam kung nakalista tayo sa barangay. Lalo na't hindi ko ibinoto ang mga nakaupo ngayon diyan.” Ani Igme. “Aba’y pulitika pa rin yata kahit sa ayuda, kahit nagugutom na ang pamilya ng masa. Hay, naku!”

Maya-maya’t may kumatok sa looban. Trabahador sa barangay. May ayuda raw. Kung sino daw ang nakalistang kukuha sa barangay ang siyang kukuha ng ayuda dahil bawal daw ang siksikan doon. Ibinilin pang magsuot ng facemask, face shueld, at mag-social distancing.

“Iyan na nga ba ang sinasabi ko.” Agad na himutok ni Igme.

“Papuntahin na natin si Kulas, siya naman ang itinalaga nating kukuha ng anumang ayuda. At pag nakuha na niya, e di, hatiin natin.” Ani Inggo.

“Bakit hindi nila ibahay-bahay, upang makakuha talaga ang bawat pamilya? Kahit na yaong hindi bumoto sa kanila? Baka pag nalamang di tayo bumoto sa kanila ay di nila tayo bigyan nhg ayuda?” Si Igme uli.

“Bakit? Ipapaalam mo ba? Saka ka na maghimutok, puntahan ko muna.” Ani Mang Kulas, “May limang pamilya tayo rito sa looban. Ako lang ang pupunta dahil kada looban ay isang kukuha. Dapat nga bawat pamilya, may kinatawan. Sige, puntahan ko muna.” Ikasiyam pa lang iyon ng umaga, at tumungo na si Kulas sa barangay.

Hindi naman talaga mahaba ang pila sa barangay, subalit dahil sa social distancing na isang metro sa bawat nakapila roon, nagmukhang mahaba ang pila.

Dumating si Mang Kulas nang mag-aalas-dose na ng tanghali. Tamang-tama sa pananghalian, may dala siyang limang kilong bigas, isang dosenang delata, asukal, kape, at noodles.

Bati agad ni Inggo, “Aba’y para pala tayong nasunugan sa klase ng ayudang bigay nila. Akala ko pera ang bigay nila. Pangkalamidad pala talaga. Pero mabuti na rin iyan, kaysa wala.”

“Paano magkakasya iyan kung paghahatian nating lima, e, limang pamilya tayo rito.” Ani Igme.

Sumagot si Mang Kulas, “Pumila rin kayo roon, may pangalan pala kayo roon. Pangpamilya ko lang ang ibinigay sa akin.” Kaya nagkatinginan sina Igme, Kulot, Pekto at Inggo. Tila nagpapatotoo sa kasabihang marami ang namamatay sa akala.

“Nakupo, sana pala, naipaliwanag sa atin nang maaga iyan para nakapila rin tayo ng maaga. Paano, aba’y punta na tayo sa barangay, at baka magkaubusan ay wala tayong mapala.” Ani Igme.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Abril 16-30, 2021, pahina 17-18.

Biyernes, Abril 9, 2021

Kwento: Ang umano'y kantyaw ng unggoy




ANG UMANO’Y KANTYAW NG UNGGOY
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Napagkwentuhan ng mga manggagawa kung ano ang sinasabing kantyaw ng unggoy sa kanilang pagtalakay sa ARAK o Aralin sa Kahirapan. Isa iyong aklat na may ilang kabanata na inakda ni Ka Popoy Lagman, dating pangulo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP).

Ayon kay Ka Igme, ang tagapagpadaloy ng talakayan, "Alam n'yo, mga kasama, pag inaral natin ang kasaysayan ng sandaigdigan, hindi man umunlad ang mga unggoy sa gubat matapos ang daang milyong taon ng pag-iral, wala naman maituturing na "mayaman" at "mahirap" na mga unggoy. Pare-parehas lang sila sa kanilang katayuan sa gubat. Habang sa ating lipunan, hindi masasabing pare-parehas ang katayuan ng tao. May "mayamang" tao at "mahirap" na tao. Kung "humirap" man ang buhay ng mga unggoy sa kagubatan, kung nasa bingit man sila ng ekstinksyon, ito’y hindi nila kasalanan kundi kagagawan pa rin ng tao."

"Oo nga, ano, walang mayaman o mahirap sa daigdig ng mga unggoy sa totoong buhay." Sabi naman ni Inggo, isang manggagawa sa pabrika. "Kaiba iyan sa sineng napanood ko na may pamagat na Planet of the Apes. May naghaharing unggoy sa kanilang daigdig."

"Ito pa," pagpapatuloy ni Ka Igme, "at nais kong basahin: Kung ang unggoy ay marunong tumawa, ito’y maluluha sa kakatawa sa tao. Ang tao ay may kung anu-anong aparato sa produksyon. Siya’y intelihente, imbentor at produktibo. Nagtatayo ng nagtataasang mga gusali at magagarbong mga syudad. Maunlad ang imahinasyon, emosyon at lenggwahe. May konsepto ng moralidad, relihiyon at sibilisasyon. May syensya, sining at teknolohiya. May industriya, agrikultura at komersyo. May mga eroplano’t barko, may mga makina’t kompyuter. Lahat ng ito ay wala ang unggoy. Pero hindi maiingit ang unggoy sa klase ng paghihirap ng mayorya ng tao sa daigdig."

"Grabe naman po iyan, Ka Igme," sabi ni Teresa, na mananahi sa katabing pabrika. "Ikinukumpara ninyo ang ating lipunan sa unggoy. syempre, dahil hindi nakakapag-isip ng syensya ang unggoy, hindi sila nakakapagpatayo ng mga building o nakakagamit ng selpon o kompyuter. Tao lang ang nakakapag-isip."

"Iyon nga ang punto, iha." Sabi ni Ka Igme, “Dahil sa daigdig ng mga hayop ay walang pagsasamantala kaya walang mahirap at mayaman sa kanila. Hindi tulad sa ating mga tao na may mahirap at mayaman sa kabila ng kaunlarang inabot ng lipunan. Nakapunta na nga ang tao sa buwan at nakagawa na tayo ng sinasabi mong selpon at kompyuter, subalit hindi pa rin malutas ng tao ang laksang kahirapan. Kung kaya mang lutasin ay ayaw lutasin dahil may tatamaan sa kanila. Iyan ang punto, kaya kung makikita tayo ng unggoy ay baka tawanan lang tayo dahil may naghihirap na tao sa kabila ng pag-unlad ng buong lipunan.”

“Nauunawaan ko na po, Ka Igme, maraming salamat sa paliwanag. Kung masosolusyonan man ang kahirapan, dapat po hindi parang limos, di po ba? Limos sa mahirap, limos sa pulubi. Parang band aid solution lang po iyon, di po ba? Ang tanong ko na lang, paano natin malulutas ang kahirapang ayaw lutasin ng mayayaman kung sila ang tatamaan?”

“Hindi ang mayayaman ang lulutas, Ineng, dahil kontento na sila sa narating nila. Maliban doon sa mayayamang masisiba na di makuntento sa kung anong meron sila. Para iyang isang puno na punong-puno ng bunga, na ang lahat ng maparaan doon ay nakikinabang. Subalit nang inagkin na ng isang mangangalakal ang lupain ng mga punong iyon, at ibenta ang bunga ng mga puno, hindi na nakikinabang ang lahat sa bunga ng kalikasan, kundi ang dupang na mangangalakal na ang nakikinabang. Pinagtubuan niya ang punong iyon.”

“Kung tutuusin po, hindi naman masama iyon, di po ba?” Si Teresa.

“Hindi masama kung sa punto de bista ng mga mayayaman, dahil kumikita sila. Subalit masama dahil binakuran niya ang lupaing mapunong iyon at inangkin, kaya ang dating masaganang pamayanan, ngayon ang mga tao ay naghihirap, dahil hindi makakuha ng bunga ng puno. Kaya ang dapat tanggalin sa kamay ng masiba ang pribadong pagmamay-ari ng punong iyon upang muling makinabang ang pamayanan, at walang nagugutom,” ang mahabang paliwanag ni Ka Igme.

Natapos ang talakayan na nauunawaan nila kung bakit kantyaw ng unggoy ang paksa ng talakayan. Umuwi silang may dalang pag-asang may pagbabago pa kung sila’y kikilos ng sama-sama tungo sa pangarap nilang lipunang makatao at pantay-pantay na dapat maitayo.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Abril 1-15, 2021, pahina 16-17.

Lunes, Marso 29, 2021

Kwento - Ang Lipunang Alipin


ANG LIPUNANG ALIPIN
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nagkaroon ng munting pag-aaral sa isang samahang maralita. Tinalakay nila ang mga uri ng lipunang pinagdaanan sa mahabang kasaysayan. Naipaliwanag ng tagapagturo mula sa samahang paggawa na may iba't ibang lipunan, at una niyang binanggit ang lipunang primitibo komunal. Sunod ay ang lipunang alipin. Sunod ay lipunang pyudal at ang lipunang kapitalista. Nabanggit din niya ang maaaring pangaraping uri ng lipunan sa hinaharap.

"Alam n'yo, mga kasama," sabi ng tagapagturo, "na dumaan tayo sa pagkakapantay-pantay ng kalagayan ng tao sa lipunan. Noong panahon ng primitibo komunal, sa isang tribu, pag nakahuli ang mga mangangagaso ng isang baboydamo, ito'y paghahati-hatian ng buong tribu, walang lamangan, patas ang palakad, kaya lahat ay nakakakain."

"Aba’y may ganyang lipunan pala noon." Sabi ni Igme, maralitang nangunguha ng mga tirang pagkain sa Jolibe at Makdo, at huhugasan upang iluto muli, na mas kilala sa pagpag.

"Oo, subalit nagbago ito nang lumitaw ang lipunang alipin. Nang ang isang tribu na ay nagugutom habang ang kabilang tribu ay nakakakain ng maayos, nilusob ng tribung gutom ang tribung busog, at nang matalo nila ito ay ginawa nilang alipin. At sinakop ang mga pook na maraming bunga at tanim. Dito nagsimula ang lipunang alipin." Napatango si Mang Igme.

Nagpatuloy ang tagapagturo. "Ang pang-aalipin ay uri ng sapilitang paggawa na kung saan tinuturing o tintratro ang isang tao na pag-aari ng iba. Inaari ang mga alipin nang labag sa kanilang kalooban mula nang sila'y nabihag, nabili o isinilang, at inaalisan ng karapatan na magbakasyon, tanggihang magtrabaho, o tumanggap ng bayad, katulad ng sahod. Alam nyo ba, dumaan din ang pang-aalipin sa kasaysayan na hindi tinuligsa kundi sinang-ayunan pa. Noong panahong wala pang Deklarasyon ng Karapatang Pantao, na nito lang 1948 naisulat matapos ang Ikalawang Daigdigang Digmaan. Sa Bibliya nga, ang pang-aalipin ay pinapayagan. Nakasulat ito  sa  Lumang   Tipan  (Exodus  21:1-11,  Exodo 21:20-21, Deuteronomiya 21:10-14, Exodo 21:1-7, Leviticos 25:44-47) gayundin sa Bagong Tipan (Efeso 6:5, I Timoteo 6:1). Ang mga talatang ito at hindi pagkokondena ng pang-aalipin sa Bibliya ang pangangatwirang ginamit ng mga tagapagtaguyod ng pang-aalipin sa Estados Unidos upang ipagtanggol ang pang-aalipin sa bansang ito. Ayon sa Levitico 25:44-47, ang mga Israelita'y pinapayagang bumili ng alipin. Ang mga anak ng biniling alipin ay maaari ring bilin at gawing alipin. Ang mga ito ay maaaring ipamigay ng bumili sa mga anak nito at gawing alipin. Ayon sa Exodo 21:1-6, ang isang biniling lalakeng aliping Israelita ay pinapayagang lumaya pagkatapos ng anim na taong pagsisilbi sa may-ari nito. Kung ang lalakeng aliping ito ay binigyan ng asawa ng may-ari, ang asawa at mga naging anak nito ay mananatiling pag-aari ng may-ari kahit lumaya na ang lalaking alipin. Kung ang lalakeng alipin ay ayaw nang umalis dahil mahal nito ang asawa at mga anak at ang amo, ito at ang pamilya nito ay habang buhay na magiging alipin. Sa Exodo 21:7, ang babaeng ipinagbili ng ama nito bilang alipin ay hindi maaaring palayain tulad ng isang aliping lalake. Sa Deuteronomiyo 21:10-14, ang babaeng bihag na kaaway ng mga Israelita sa digmaan ay maaaring pakasalan at sipingan kung ito ay magugustuhan. Kung ayaw na ng lalaki sa babaeng bihag, saka lang ito pinapalaya.“

Pailing-iling na lang ang mga mag-aaral. Maya-maya ay napataas ang kamay ni Igme, “Napanood ko ang pelikulang Spartacus na pag-aaklas ng mga alipin noon sa Roma. Palagay ko, tamang mag-aklas sila.”

Nagtaas ng kamay si Inggo at nagtanong. "Hindi ba pang-aalipin din ang pangangamuhan? Binabayaran ka upang gawin ang anumang gusto ng inyong amo? Ilan na bang OFW natin ang nagpaalipin sa ibang bansa ngunit umuwing bangkay?"

“Ay, tama kayo,” sabi ng tagapagturo. “Dahil sa tulad ni Spartacus ay nabatid natin na bilang tao ay dapat tayong lumaya sa pang-aalipin at magkaroon ng dignidad. Nang magkaroon ng Universal Declaration of Human Rights, naisulat sa mga unang talata pa lang ang “All men are created equal”. Ngunit bago iyan ay naisulat na sa Kartilya ng Katipunan ang mga katagang: “Maitim man o maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao'y magkakapantay; mangyayaring ang isa'y hihigitan sa dunong, sa yaman, sa ganda; ngunit di mahihigitan sa pagkatao”. 

“Maraming salamat po sa inyong itinuro at natutunan namin sa paksang ito. Ah, dapat tayong lumaya sa pagkaalipin at pagsasamantala ng tao sa tao.” Sa ganitong punto ay natapos na ang araling nagbigay ng panibagong inspirasyon sa kanila, at nangakong babalik sa susunod.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Marso 16-31, 2021, pahina 18-19.