KATUTUBO, KLIMA, AT KALIWA DAM
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.
“Ikalabing-apat na anibersaryo ng bagyong Ondoy sa Setyembre 26. Tiyak na may paggunita na naman upang mahalawan ng mamamayan ng aral ang naganap, lalo sa usaping climate change.” Ito ang sabi ni Ka Baby.
Naalala ko pagkat marami kaming nakaranas niyan. Ngunit paano ang mga kapatid nating katutubo? Pebrero nitong taon lamang ay nakasama ako sa Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam mula bayan ng General Nakar sa lalawigan ng Quezon hanggang Maynila. Hindi lamang ang paglubog ng ilang bayan at barangay ang daranasin ng mga kapatid nating katutubo pag natuloy ang proyektong Kaliwa Dam kundi masisira ang ilang bahagi ng Sierra Madre na siyang pananggalang natin laban sa mga bagyo. Bago iyon ay ganyan din marahil ang sasapitin pag naitayo ang Laiban Dam, dahil nakiisa rin akong naglakad ng mga katutubo bilang kinatawan ng Freedom from Debt Coalition (FDC) sa Lakad Laban sa Laiban Dam noong 2009.
May nagtanong kay Ka Baby. Ani Ingrid, “Bakit natin ipagdiriwang ang pagdatal sa atin ng bagyong Ondoy gayong marami ang apektado sa atin at lumubog ang mga bahay. Hindi ba’t dapat ibaon na natin iyan sa limot at mag-move on na tayo?”
Nagtaas ako ng kamay at sumagot. “Hindi po natin ipagdiriwang ang Ondoy kundi gugunitain natin ang naganap upang hanguan ng aral. Iba ang celebration sa commemmoration. May tanong lang ako, Ka Baby. Ano po bang aktibidad ng pag-alala ang plano sa anibersaryo ng Ondoy?”
Sumagot si Ka Baby bilang tugon sa harap ng mga nasa tatlumpung kataong dumalo sa talakayang iyon. Ani Ka Baby, “Wala pang eksaktong aktibidad. Kaya tayo nagpatawag ng pulong ay upang humingi sa inyo ng mga mungkahi. May plano ang ibang grupo at mananawagan sila sa ating pamahalaan na maglunsad na ng climate emergency.”
Tumugon ako. “Magandang plano po iyan. Subalit dapat nating isama ang kalagayan ng Sierra Madre na maraming may interes na tayuan ito ng dam tulad ng Kaliwa at Kanan Dam. Dapat patuloy na maging mapagmatyag ang mamamayan. Pag nasira ang Sierra Madre, maraming apektado, di lang ang lupaing ninuno, kundi ang kalikasan, kagubatan at buong kabundukan. Nakita ko ang pagtutol ng mga katutubong Dumagat at Remontado nang sumama ako nitong Pebrero sa Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam, at hanggang ngayon ay dama pa, di lang ng aking mga binti at paa, kundi ng aking puso’t diwa, ang lakas ng kanilang pagkakaisa upang protektahan ang buong Sierra Madre. Ang pagtatayo ng dam ay magdudulot ng pagkalbo ng libu-libong ektarya ng gubat, na magpapalala sa mga pagbaha.”
“Sang-ayon kaming dapat depensahan ang Sierra Madre at huwag maitayo ang damuhong Kaliwa Dam na iyan.” Ito ang naging tugon ni Mario. “Kaya kung sasama tayo sa ibang grupong may pagkilos na sa Setyembre 26, tulad ng Philippine Movement for Climate Justice o PMCJ, isulat na rin natin sa mga plakard na dapat protektahan ng pamahalaan ang Sierra Madre, bagamat may naisabatas nang Save Sierra Madre Day, sa bisa ng batas na Proklamasyon 413 ni dating Pangulong Noynoy noong 2012.”
Tumugon si Ka Baby, “Nananawagan nga ng climate emergency ang PMCJ. Sabi pa nga nila, iyang pagbabago ng klima ay magdudulot ng mas matinding pag-ulan. Ang dagdag na ulan kasabay ng pagtatayo ng dam ay nanganganib na magpalubog sa kalahati ng mga kabahayan sa mga katutubong pamayanan sa Sierra Madre. Kaya isulat din natin sa plakard ang panawagang ‘Climate Emergency, Now Na!”, ‘Itigil na ang Paggamit ng Coal at Fossil Fuel’, ‘Bawasan na ang mga Carbon Emissions!’, ‘Panagutin at Pagbayarin ang mga Annex 1 Countries!’.”
Nagtanong si Isay, “Tanong ko lang po sa mga kasama. Ayos ba sa inyo na sumama tayo sa pagkilos sa Mendiola batay sa panawagan ng PMCJ? Kung ayos sa inyo, ilan ang mga sasama? Araw ng Martes ang 26, mga kas.”
Tumugon si Ka Baby, “Dalawang dyip o apatnapung katao ang toka sa atin, batay sa dinaluhan kong pulong. Subalit maganda ang mungkahi ni kasamang Igor. Isama natin ang isyu ng Sierra Madre, Kaliwa Dam at ang ating mga kapatid na katutubo. Dahil pag nawasak ang Sierra Madre, wala na tayong pananggalang sa matitinding bagyo.”
“Salamat, mga kasama.” Sabi ko. “Isulat din nating signatory sa plakard ang pangalan ng samahan - Samahang Magkakapitbahay ng Sapang Palay.”
“Okay,” ani Mario. “Kita-kits tayo sa Martes.”
* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Setyembre 16-30, 2023, pahina 18-19.


Walang komento:
Mag-post ng isang Komento